Mapagkakatiwalaan Mo ang Diyos
MAPAGKAKATIWALAAN mo ang Diyos at ang kaniyang Salita, ang Bibliya, nang lubusan. Pagkatapos ng buong-buhay na pagtitiwala sa Diyos, ganito ang ibinigay na dahilan ng isang tao, na mahigit nang 100 taóng gulang, para sa kaniyang pagtitiwala: “Narito!” sabi niya, “ako ay yayaon ngayon sa daan ng buong lupa, at alam ninyong mainam ng inyong buong puso at ng inyong buong kaluluwa na walang isa mang salita mula sa lahat ng mabubuting salita na sinalita sa inyo ni Jehova na inyong Diyos ang nabigo. Ang mga iyon ay nagkatotoong lahat para sa inyo. Walang isa mang salita ang nabigo.”—Josue 23:14.
Naranasan ng taong ito, si Josue, na isang lider ng sinaunang Israel, ang lubusang pagkamaaasahan ng Diyos at ng kaniyang Salita. Lahat ng ipinangako ng Diyos sa Israel ay nagkatotoo. Kung makikilala mo nang higit ang Maylikha at ang kaniyang Salita, maaari ka ring magkaroon ng gayunding pagtitiwala. Ganito ang pagkakasabi rito ng isang mananamba ng Diyos nang dakong huli, si Haring David: “Silang nakaaalam sa iyong pangalan ay magtitiwala sa iyo, sapagkat tiyak na hindi mo pababayaan sila na nagsisihanap sa iyo, O Jehova.”—Awit 9:10.
Hindi Ka Kailanman Bibiguin ng Diyos
Mientras higit mong ‘nakikilala ang pangalan ng Diyos’ at kung ano ang ibig sabihin ng pangalang iyon—ang kaniyang mga layunin, mga gawain, at mga katangian—lalo kang magtitiwala sa kaniya. Siya ay isang maaasahang Kaibigan na hindi kailanman bibigo sa iyo o sisirain man ang kaniyang pangako. At huwag hayaang hadlangan ka ng pagpapaimbabaw niyaong mga nag-aangking mga kinatawan niya at na may pandarayang nakikitungo sa iba. Ang mga taong gaya niyan ay ipinakikilala sa Bibliya bilang mga hindi mapagkakatiwalaan. Ang relihiyosong mga mapagpaimbabaw ay nagsasabi ng isang bagay subalit iba naman ang ginagawa. Gaya ng babala ni apostol Pedro, pinagsasamantalahan nila ang kanilang kawan. Si Pedro ay sumulat: “Dahil sa mga ito ang daan ng katotohanan ay pagsasalitaan nang may pang-aabuso. Gayundin, may kaimbutan na pagsasamantalahan nila kayo sa pamamagitan ng mga salitang palsipikado.”—2 Pedro 2:2, 3.
Ang mga taong iyon ay hindi kumakatawan sa Diyos. Sinisiraang-puri nila ang kaniyang Salita. Bakit hindi ninyo mismo suriin ang sariling ulat at patotoo ng Diyos na gaya ng isinisiwalat sa Bibliya? ‘Ngunit,’ maitatanong mo, ‘bakit dapat akong magtiwala sa Bibliya na gaya sa ibang aklat?’ Totoo na nagkaroon na ng di-mabilang na relihiyosong mga pandaraya sa buong kasaysayan, subalit naiiba ang Bibliya. Isaalang-alang ang sumusunod na dahilan para magtiwala sa Bibliya.
Mga Dahilan Para Magtiwala sa Bibliya
Mapagkakatiwalaan mo ang Bibliya sapagkat ang mga pangako at mga hula nito ay laging nagkakatotoo. Narito ang isa lamang halimbawa. Bagaman tila hindi kapani-paniwala sa bihag na Israel, ang Diyos na Jehova, ang awtor ng Bibliya, ay nangako na palalayain niya sila mula sa pagkabihag sa makapangyarihang Babilonya at isasauli sila sa Jerusalem. Ito sa wari’y walang kapag-a-pag-asa sapagkat ang Babilonya ang nangingibabaw na pandaigdig na kapangyarihan nang panahong iyon at lubusan niyang giniba ang Jerusalem. Subalit mga dalawang daang taóng patiuna, pinanganlan pa nga ni Jehova ang pinunong Persiano na si Ciro bilang ang isa na magpapabagsak sa Babilonya at magpapalaya sa Kaniyang bayan at inihula niya kung paano mabibigo ang mga pananggol na ilog ng Babilonya. Maaari mong basahin ang ulat sa Isaias 44:24–45:4.
Ipinaliliwanag ng aklat na Nangangatuwiran Mula sa Kasulatan kung paano natupad ang pangako: “Hindi pa naisilang si Ciro nang isulat ang hula. . . . Sa kaliit-liitang detalye ang hula ay natupad mula noong 539 B.C.E. Ibinaling ni Ciro ang tubig ng Ilog Eufrates tungo sa isang artipisyal na lawa, ang mga tarangkahan ng ilog sa Babilonya ay walang-ingat na iniwang bukás samantalang nagkakainan ang lungsod, kaya ang Babilonya ay nahulog sa kamay ng mga Medo at Persiano sa ilalim ni Ciro. Pagkaraan nito, pinalaya ni Ciro ang mga Judiong bihag at pinabalik sila sa Jerusalem taglay ang utos na muling itayo ang templo ni Jehova roon.”a Lahat ng pangakong gaya nito na ginawa ng Diyos, lahat ng hula na nasa Bibliya, ay walang pagsalang nagkatotoo.
Ang isa pang halimbawa ng natupad na hula ay ang mismong bagay na ang pagtitiwala ay nawawala sa ating siglo. Inihula ito ng Bibliya bilang isang katangian ng panahong kinabubuhayan natin, sapagkat tinatawag nito ang panahon na nagsimula sa Digmaang Pandaigdig I noong 1914 na “ang mga huling araw” at sinasabi na ito ay magdudulot ng “mga panahong mapanganib na mahirap pakitunguhan.” Ipinaalam nito na sa ating panahon ang mga tao ay magiging “mga maibigin sa kanilang sarili, . . . mga mapagmapuri-sa-sarili, mga palalo, . . . mga walang utang-na-loob, mga di-matapat, mga walang likas na pagmamahal, mga hindi bukás sa anumang kasunduan, mga maninirang-puri, . . . mga mapagkanulo, mga matigas ang ulo, mga mapagmalaki sa pagmamapuri.” At inihula rin nito: “Ang mga taong balakyot at mga impostor ay susulong mula sa masama tungo sa lalong masama.” (2 Timoteo 3:1-4, 13) Iyan mismo ang nakikita natin sa ating panahon.
Mapagkakatiwalaan mo ang Bibliya sapagkat ito ay lubusang totoo. Walang sinuman ang kailanma’y matagumpay na humamon sa pagiging totoo ng Bibliya. Ang kilalang siyentipikong si Sir Isaac Newton ay nagsabi: “Ako’y nakasumpong ng higit na palatandaan ng pagiging totoo sa Bibliya kaysa anumang sekular na kasaysayan.” Walang panghuhuwad dito na gaya ng “mga talaarawan” ni Hitler! At paano maihahambing ang Bibliya sa iba pang sinaunang mga akda? Ang The Bible From the Beginning ay nagsasabi: “Sa bilang ng sinaunang MSS. [mga manuskrito] na nagpapatunay sa isang akda, at sa mga taon na lumipas sa pagitan ng orihinal at ng nagpapatunay na MSS., ang Bibliya ay nagtatamasa ng malaking bentaha sa klasikal na mga akda [niyaong kina Homer, Plato, at iba pa]. . . . Lahat-lahat ng klasikal na MSS. ay kakaunti lamang kung ihahambing sa mga manuskrito ng Bibliya. Walang sinaunang aklat ang lubhang pinatutunayan na gaya ng Bibliya.” Ang lahat ng bagay tungkol sa Bibliya ay tumuturo sa pagiging lubusang totoo nito.
Mapagkakatiwalaan mo ang Bibliya sapagkat ito ay lubusang tama sa lahat ng mga sinasabi nito. Sinasabi ng Bibliya na “inuunat [ng Diyos] ang hilagaan sa dakong walang laman, ibinibitin ang lupa sa wala.” (Job 26:7) Sa halip na ulitin ang guniguning mga teoryang laganap noong panahong iyon, gaya ng teoryang ang lupa ay inaalalayan ng mga elepante, binabanggit ng Bibliya kung ano ang napatunayan noong dakong huli bilang siyentipikong katotohanan—na ang lupa ay “nakabitin” sa kalawakan. Bukod pa riyan, mahigit na dalawang libong taon bago ang panahon ni Columbus, maliwanag na sinasabi ng Bibliya na ang lupa ay bilog.—Isaias 40:22.
Mapagkakatiwalaan mo ang Bibliya dahil sa katapatan at pagkaprangko nito. Walang hinuwad ang mga manunulat ng Bibliya. Kahit na kung ang sinabi nila ay nagsasabi ng masama tungkol sa kanila, sa kanilang mga kababayan, at sa kanilang mga pinuno, may katapatang iniulat nila ang mga katotohanan. Sa kaniyang ebanghelyo, halimbawa, hayagang inamin ni apostol Mateo na kung minsan ang mga apostol ni Jesu-Kristo ay nagpakita ng kakulangan ng pananampalataya, nag-away-away dahil sa katanyagan, at iniwan pa nga si Jesus nang siya ay dakpin.—Mateo 17:18-20; 20:20-28; 26:56.
Ang isa pang mahalagang dahilan para magtiwala sa Bibliya ay na ang payo ng Bibliya ay laging napatunayang praktikal at kapaki-pakinabang kailanma’t nagtitiwala rito ang mga tao upang ikapit ito. (Kawikaan 2:1-9) Malayung-malayo ang payo ng Bibliya sa madalas na pabagu-bagong payo ng “mga eksperto” tungkol sa pagtatagumpay sa mga problema sa buhay. Tungkol sa mga kolumnistang nagpapayo ng gayon sa maraming pambansang mga pahayagan, ang The Sunday Times ng London ay nagtatanong: “Sinasabi ba ng libu-libong tao taun-taon ang kanilang niloloob sa likas na matatalinong mga kolumnistang ito na basta na lamang nagbibigay ng payo?” Ang mga manunulat ng Bibliya ay hindi basta na lamang nagbibigay ng payo. Iniulat nila ang kapani-paniwala, kinasihan-ng-Diyos na payo na napatunayang maaasahan sa lahat ng panahon.—2 Timoteo 3:16, 17.
“Ang payo ng Bibliya ay nag-ingat sa akin mula sa isang direksiyon na maaari sanang nagpahamak sa aking buhay,” sabi ni Ellen, ngayon ay nasa mga edad 30 at maligayang may-asawa. “Ang aking mga magulang, na hiwalay, ay nagpakita ng kaunting pananampalataya sa kaayusan ng pag-aasawa, at aktuwal na hinimok nila ako na makipag-live in na lamang sa halip na magpakasal. Kapag iniisip ko ang katatagáng natamo ko sa buhay dahil sa pagsunod sa mga simulain ng Bibliya, natutuwa ako na ako’y nagtiwala sa Bibliya nang higit pa sa payo ng akin mismong mga magulang.”—Tingnan ang Efeso 5:22-31; Hebreo 13:4.
“Ako’y 14 lamang nang magsimula akong matuto tungkol sa mga bagay na sinasabi ng Bibliya,” sabi ni Florence. “Ngayon kapag ginugunita ko ang mga taon ng 1960 at ang problema na idinulot ng aking mga kasamahan sa kanilang mga sarili sa pagsunod sa mga pamantayan at mga asal noong panahong iyon, ako’y labis na nagpapasalamat sa proteksiyong ibinigay ng payo ng Bibliya sa akin bilang isang kabataan pa, walang karanasang dalaga.”—Tingnan ang 1 Corinto 6:9-11.
“Sa kaso ko,” sabi ni James, “ako’y nasangkot sa sugal, paninigarilyo, at pag-iinuman.” Sabi pa niya: “Alam ko ang pinsala na nagawa nito sa napakaraming tao at sa kanilang mga pamilya. Noong una’y hindi ko maunawaan ang kaugnayan ng Bibliya sa aking mga problema. Subalit ngayon ay nauunawaan ko nang malinaw kung paano ito nakaimpluwensiya sa aking pag-iisip sa ikabubuti at nakatulong sa akin upang mapanatili ang mas mabuting istilo ng buhay.”—Tingnan ang 2 Corinto 7:1.
Si Mary Anne ay nagbalak na magpatiwakal dahil sa mga panggigipit sa buhay at sa emosyonal na mga problema na mula sa isang magulong pinagmulan. “Ang pagpapatiwakal ay wari bang siyang tanging lunas noong panahong iyon,” aniya. “Subalit binago ng Bibliya ang aking pag-iisip. Dahil lamang sa nabasa ko sa Bibliya kaya hindi ako nagpakamatay.”—Tingnan ang Filipos 4:4-8.
Ano ang tumulong sa lahat ng taong ito? Sila’y nagkaroon ng lubusang pagtitiwala sa Diyos at sa kaniyang Salita, ang Bibliya. Ang Diyos ay naging parang isang pinagkakatiwalaan, mahal na kaibigan na bumulong ng payo sa kanilang mga tainga noong panahon ng kaligaligan. (Ihambing ang Isaias 30:21.) Natutuhan nila ang mga simulain ng Bibliya na tumulong sa kanila na makayanan ang mga panggigipit at mga problema sa buhay. At natutuhan nilang magtiwala sa kahanga-hangang mga pangako mula sa Diyos na hindi makapagsisinungaling—gaya ng pangako tungkol sa isang magandang “bagong lupa” na malaya sa lahat ng panlilinlang, kasinungalingan, at pagsasamantala, malaya sa dalamhati, sakit, at maging sa kamatayan!—2 Pedro 3:13; Awit 37:11, 29; Apocalipsis 21:4, 5.
Maaaring malinang mo rin ang pagtitiwalang iyon. Maaaring ipagkanulo ng daigdig ngayon ang iyong pagtitiwala, subalit makatitiyak ka na ang iyong pagtitiwala sa Diyos at sa kaniyang Salita ay hindi kailanman masisira. Ang mga tagapaglathala ng magasing ito ay malugod na magsasaayos para sa isa na tutulong sa iyo upang higit mong makilala ang Diyos at ang kaniyang Salita, ang Bibliya.
[Talababa]
a Inilathala ng Watchtower Bible and Tract Society of New York, Inc.
[Larawan sa pahina 8]
Mga 200 taon patiuna, inihula ng propeta ng Diyos kung paano babagsak sa kapangyarihan ang Babilonya
[Larawan sa pahina 9]
Natuklasan ni Sir Isaac Newton ang Bibliya na mapagkakatiwalaan