Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • g96 2/8 p. 26-27
  • Ang Dapat Mong Gawin Kapag Nakasugat sa Damdamin ng Iba

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Ang Dapat Mong Gawin Kapag Nakasugat sa Damdamin ng Iba
  • Gumising!—1996
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • “Kapag Dinadala mo ang Iyong Kaloob sa Altar”
  • “Iwan mo ang Iyong Kaloob . . . , at Umalis Ka”
  • Ang Dapat Gawin Kapag Nakasugat sa Damdamin ng Iba
  • Makipagpayapaan Ka Muna sa Iyong Kapatid—Paano?
    Ating Buhay at Ministeryong Kristiyano—Workbook Para sa Pulong—2018
  • Papaano Ninyo Nilulutas ang mga Di-Pagkakaunawaan?
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1994
  • Hayaang Hubugin ng mga Turo ni Jesus ang Iyong Saloobin
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—2009
  • Makipag-ayos Salig sa Pag-ibig
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova (Pag-aaral)—2016
Iba Pa
Gumising!—1996
g96 2/8 p. 26-27

Ang Pangmalas ng Bibliya

Ang Dapat Mong Gawin Kapag Nakasugat sa Damdamin ng Iba

MAY nangyaring di-magandang bagay. Alam mo ito. Ang iyong Kristiyanong kapatid ay sadyang umiiwas sa iyo. Hindi naman siya nagsabi kung ano ang nakababahala sa kaniya, subalit bumabati naman siya​—at iyon ay kung mauuna kang bumati sa kaniya! Lalapitan mo ba siya upang malaman kung ano ang nangyari?

‘Problema niya iyon,’ maaaring maisaisip mo. ‘Kung mayroon man siyang anumang laban sa akin, siya ang dapat na lumapit sa akin at ipakipag-usap sa akin ang tungkol doon.’ Totoo, hinihimok ng Bibliya ang isang tao na nasaktan na manguna na makipagpayapaan sa kaniyang kapatid. (Ihambing ang Mateo 18:15-17.) Subalit kumusta naman ang nakasakit? Anong pananagutan, kung mayroon man, ang dapat niyang balikatin?

Sa kaniyang Sermon sa Bundok, ganito ang sabi ni Jesus: “Kung gayon, kapag dinadala mo ang iyong kaloob sa altar at doon ay naalala mo na ang iyong kapatid ay may isang bagay na laban sa iyo, iwan mo ang iyong kaloob doon sa harap ng altar, at umalis ka; makipagpayapaan ka muna sa iyong kapatid, at pagkatapos, sa pagbalik mo, ihandog mo ang iyong kaloob.” (Mateo 5:23, 24) Pansinin na ang mga salita rito ni Jesus ay nakatuon sa nakasakit. Anong pananagutan ang mayroon siya para lutasin ang mga bagay? Upang sagutin iyan, isaalang-alang natin ang ibig sabihin ng mga salita ni Jesus sa kaniyang unang-siglong mga Judiong tagapakinig.

“Kapag Dinadala mo ang Iyong Kaloob sa Altar”

Malinaw ang paglalarawan ni Jesus dito: Isang mananambang Judio ang nagpunta sa Jerusalem para sa isa sa taunang kapistahan. May dala siyang handog​—malamang na isang hayop​—upang ihain kay Jehova.a Ang paghahandog ng isang hain ay tiyak na may kabuluhang ritwal. Ganito ang paliwanag ng aklat na Judaism​—Practice and Belief: “Ang pagpili ng mataba, walang kapintasang handog, tinitiyak na ipinasusuri ang mga ito sa mga dalubhasa, naglalakad na kasama ng mga ito sa ilang yarda ng nag-aapoy na altar, ibinibigay ang mga ito, ipinapatong ang kamay sa ulo, ipinagtatapat ang karumihan o pagkakasala, o di kaya’y iniaalay ang hayop, ginigilitan ang leeg, o basta hawak ito​—ang mga ito ang tumitiyak sa pagiging makabuluhan at pagiging kasindak-sindak ng pagdiriwang. . . . Walang sinuman na naniniwala na ang Diyos ang nag-utos sa kabuuan ng paglilingkuran . . . ang gagawa nito nang hindi mababagbag ang damdamin.”

Kaya naman ang mga salita ni Jesus sa Mateo 5:23, 24 ang nagpangyari sa kaniyang mga tagapakinig na malipos ng kahulugan at paghanga sa mananambang Judio. Ganito ang paglalarawan ng isang iskolar sa Bibliya sa tagpong iyon: “Ang mananamba ay pumasok sa Templo; daraan siya sa sunud-sunod na mga korte, ang Korte ng mga Gentil, ang Korte ng mga Babae, ang Korte ng mga Lalaki. Sa dako pa roon ay ang Korte ng mga Saserdote na hindi mapupuntahan ng mga karaniwang tao. Ang mananamba ay nakatayo sa beranda, handang iabot ang kaniyang handog sa saserdote; ang kaniyang mga kamay ay nakapatong [sa ulo ng hayop] upang ipagtapat ang kaniyang mga kasalanan.”

Sa mahalagang panahong iyon, naaalaala ng mananamba na ang kaniyang kapatid ay may laban sa kaniya. Baka sinasabi mismo ng kaniyang budhi ito, o baka nadarama niya mula sa ikinikilos ng kaniyang kapatid sa kaniya na may nagawa siyang nakasakit. Ano ang gagawin niya?

“Iwan mo ang Iyong Kaloob . . . , at Umalis Ka”

“Iwan mo ang iyong kaloob doon sa harap ng altar,” paliwanag ni Jesus, “at umalis ka.” Bakit? May mas mahalaga pa ba sa panahong iyon kaysa paghahandog ng hain kay Jehova? “Makipagpayapaan ka muna sa iyong kapatid,” ang paliwanag pa ni Jesus, “at pagkatapos, sa pagbalik mo, ihandog mo ang iyong kaloob.” Kaya iiwan ng mananamba ang kaniyang handog na buháy sa altar na susunugan at aalis upang hanapin ang kaniyang nasaktang kapatid.

Yamang ito’y panahon ng kapistahan, walang alinlangan na ang nasaktang kapatid ay kasama sa mga peregrino na nagkulumpunan sa Jerusalem. Dahil sa makikitid na lansangan at labis na siksikang mga bahay, malaki-laki ang populasyon ng Jerusalem. Subalit ito’y isang kapistahan, at ang lungsod ay punô ng mga bisita.b

Kahit na kung ang mga tagaroon sa bayan ding iyon ay maglakbay at magkampo nang sama-sama, ang paggalugad sa mataong lungsod upang hanapin ang isang tao ay mahirap. Halimbawa, sa panahon ng Kapistahan ng mga Kubol, ang mga panauhin ay nagtatayo ng mga kubol sa buong lungsod at sa mga daan at sa mga halamanan sa palibot ng Jerusalem. (Levitico 23:34, 42, 43) Gayunman, hahanapin ng mananambang Judio ang kaniyang nasaktang kapatid hanggang sa matagpuan niya ito. Pagkatapos ay ano na?

“Makipagpayapaan ka sa iyong kapatid,” sabi ni Jesus. Ang Griegong mga salita na isinaling “makipagpayapaan” ay nagmula sa pandiwang (di·al·lasʹso) na nangangahulugang “ ‘upang gumawa ng pagbabago, upang magpalit,’ sa gayon, ‘upang makipagkasundo.’ ” Sa paggawa ng malaking pagsisikap na hanapin ang kaniyang nasaktang kapatid, ang Judiong mananamba ay nakikipagpayapaan sa kaniya. Pagkatapos, sabi ni Jesus, maaari na siyang bumalik sa templo at ihandog ang kaniyang kaloob, sapagkat ngayo’y tatanggapin na ito ng Diyos.

Kaya ang mga salita ni Jesus sa Mateo 5:23, 24 ay nagtuturo ng isang mahalagang aral: Ang pakikipagkasundo, o pakikipagpayapaan, ay nangyayari bago ang hain. Ang ating pagtrato sa ating kapuwa mananamba ay may tuwirang epekto sa ating kaugnayan sa Diyos.​—1 Juan 4:20.

Ang Dapat Gawin Kapag Nakasugat sa Damdamin ng Iba

Paano, sa gayon, kung masumpungan mo ang iyong sarili na nasa kalagayang inilarawan sa pasimula ng artikulong ito​—nadarama mo na nakasakit ka sa iyong kapuwa mananamba? Ano ang dapat mong gawin?

Kung ikakapit ang payo ni Jesus, mauna kang lumapit sa iyong kapatid. Taglay ang anong layunin? Upang kumbinsihin siya na wala siyang dahilan para masaktan? Hindi naman! Ang problema ay baka hindi pagkakaunawaan lamang. “Makipagpayapaan,” sabi ni Jesus. Alisin, hangga’t maaari, ang hinanakit mula sa kaniyang puso. (Roma 14:19) Hinggil diyan, baka kailanganin mong kilalanin, hindi itanggi, ang kaniyang nasaktang damdamin. Maaaring kailanganin mo ring itanong, ‘Ano ang magagawa ko upang makipag-ayos?’ Kalimitan, ang taimtim na paghingi ng paumanhin ang pawang kailangan. Gayunman, sa ilang kalagayan, ang nasaktang tao ay maaaring mangailangan ng panahon upang mabago ang kaniyang damdamin.

Paano, kung gayon, kung sa kabila ng paulit-ulit na pagsisikap mo ay hindi ka makagawa ng pakikipagkasundo? Ganito ang sabi ng Roma 12:18: “Kung posible, hangga’t nakasalalay sa inyo, makipagpayapaan kayo sa lahat ng tao.” Makapagtitiwala ka na minsang sinikap mo nang husto sa iyong sarili na makipagpayapaan, si Jehova ay malulugod na tanggapin ang iyong pagsamba.

[Mga talababa]

a Ang karaniwang panahon ng pagdadala ng mga handog na hain ay sa panahon ng tatlong panahunang pagdiriwang​—Paskuwa, Pentecostes, at mga Kubol.​—Deuteronomio 16:16, 17.

b Ang mga pagtataya ay nag-iiba hinggil sa dami ng mga peregrino na nagkulumpunan sa sinaunang Jerusalem para sa mga kapistahan. Tinaya ng unang-siglong Judiong mananalaysay na si Josephus na halos tatlong milyong Judio ang naroroon para sa Paskuwa.​—The Jewish War, II, 280 (xiv, 3); VI, 425 (ix, 3).

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share