Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • g96 2/22 p. 4-9
  • Paghihiganti ng mga Mikrobyo

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Paghihiganti ng mga Mikrobyo
  • Gumising!—1996
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Waring Tiyak Na ang Tagumpay
  • Nagbalik ang Dating mga Sakit
  • Mapangwasak na Bagong mga Sakit
  • Bakit Naglilitawan ang Bagong mga Sakit?
  • Ang mga Limitasyon ng Siyensiya ng Medisina
  • Ang mga Kalagayan sa Ngayon
  • Ang Salot sa Ika-20 Siglo
    Gumising!—1997
  • Ang mga Mikrobyong Di-tinatablan ng Gamot—Kung Paano Nagbalik ang mga Ito
    Gumising!—2003
  • Mga Tagumpay at Kabiguan sa Paglaban sa Sakit
    Gumising!—2004
  • Isang Daigdig na Ligtas sa Sakit
    Gumising!—2004
Iba Pa
Gumising!—1996
g96 2/22 p. 4-9

Paghihiganti ng mga Mikrobyo

NAKITA ng ika-20 siglo ang kagila-gilalas na mga pagsulong sa siyensiya ng medisina. Sa loob ng libu-libong taon, ang mga tao ay talagang walang magawa laban sa salot ng nakamamatay na mga mikrobyo. Subalit ang bagay-bagay ay nagbago sa kalagitnaan ng mga taóng 1930 nang matuklasan ng mga siyentipiko ang sulfanilamide, ang unang sangkap na makadaraig sa baktirya nang hindi malubhang pinipinsala ang taong nahawahan.a

Nang sumunod na mga taon, ang mga siyentipiko ay nakagawa ng matatapang na bagong mga gamot upang labanan ang nakahahawang mga sakit​—ang chloroquine upang supilin ang malarya at mga antibiotic upang sugpuin ang pulmunya, scarlet fever, at tuberkulosis. Noong 1965 mahigit na 25,000 iba’t ibang produktong antibiotic ang nagawa. Maraming siyentipiko ang naghinuha na ang mga sakit na dala ng baktirya ay hindi na masyadong ikinababahala o sinasaliksik pa. Tutal, bakit pa nga naman pag-aaralan ang mga sakit na malapit nang mawala?

Sa maunlad na mga bansa ng daigdig, lubhang nabawasan ng bagong mga bakuna ang dami ng namamatay dahil sa tigdas, beke, at German measles. Isang malawakang kampanya ng bakuna para sa polio, na inilunsad noong 1955, ay napakamatagumpay anupat ang mga kaso ng sakit sa Kanlurang Europa at Hilagang Amerika ay bumaba mula sa 76,000 nang taóng iyon tungo sa wala pang 1,000 noong 1967. Ang bulutong, isang pangunahing sakit na pumapatay, ay nalipol na sa buong daigdig.

Nakita rin ng siglong ito ang imbensiyon ng mikroskopyong electron, isang aparato na napakalakas anupat pinangyayari nitong makita ng mga siyentipiko ang mga virus na milyong ulit na mas maliit kaysa kuko sa daliri ng tao. Ang gayong mga mikroskopyo, pati na ang iba pang pagsulong sa teknolohiya, ay nagpangyari na maunawaan at masawata higit kailanman ang mga nakahahawang sakit.

Waring Tiyak Na ang Tagumpay

Bunga ng mga tuklas na ito, ang mga nasa larangan ng medisina ay punúng-punô ng pagtitiwala. Ang mga mikrobyo ng nakahahawang sakit ay nadaraig ng makabagong medisina. Tiyak na ang tagumpay ng siyensiya sa mikrobyo ay magiging mabilis, lubus-lubusan, ganap! Kung ang lunas para sa isang espesipikong sakit ay hindi pa makukuha, malapit na itong makuha.

Kasing-aga ng 1948, ipinagmalaki ng kalihim ng estado ng E.U. na si George C. Marshall na ang pagdaig sa lahat ng nakahahawang sakit ay malapit nang mangyari. Pagkalipas ng tatlong taon, iginiit ng World Health Organization (WHO) na ang malarya sa Asia ay malapit nang maging isang sakit na “hindi na gaanong mahalaga.” Noong kalagitnaan ng mga taóng 1960, ang paniwala na ang panahon ng salot at peste ay lumipas na ay napakalaganap anupat sinabi ng seruhanong panlahat ng E.U. na si William H. Stewart sa mga opisyal ng kalusugan na panahon na upang isara ang aklat tungkol sa mga nakahahawang sakit.

Nagbalik ang Dating mga Sakit

Subalit, ang aklat tungkol sa nakahahawang mga sakit ay hindi pa handang isara. Ang mga mikrobyo ay hindi naglaho sa planeta dahil lamang sa ang siyensiya ay nakaimbento ng mga gamot at mga bakuna. Malayo sa pagkatalo, ang kilalang mga mikrobyo na pumapatay ay nagbalik na may paghihiganti! Bukod pa rito, lumitaw ang iba pang nakamamatay na mga mikrobyo​—mga mikrobyo na dating di-kilala ng mga doktor. Kaya nga, kapuwa ang dati at bagong mga mikrobyo ay lumalaganap, nagbabanta, nagpapahirap, o pumapatay ng di-mabilang na milyun-milyong tao sa buong daigdig.

Ang mga sakit na pumapatay na dating inakalang nasawata na ay muling lumitaw, mas nakamamatay higit kailanman at mas mahirap lunasan sa pamamagitan ng mga gamot. Ang isang halimbawa ay ang tuberkulosis (TB). Ganito ang binanggit ng WHO kamakailan: “Mula noong 1944, ang mga gamot para sa TB ay malawakang ginamit sa Hapón, Hilagang Amerika at Europa upang lubhang mabawasan ang mga kaso at mga kamatayan dahil sa TB. Subalit, ang mga pagsisikap upang sawatain ang TB sa hindi gaanong maunlad na mga bansa ay napabayaan, . . . na nagpapangyari sa sakit na bumalik sa mayayamang bansa sa mas mapanganib, lumalaban sa gamot na mga anyo.” Sa ngayon ang TB, karaniwan nang galing sa baktiryang dinadala ng hangin na nalalagak sa mga bagà, ay pumapatay ng halos tatlong milyon katao sa isang taon​—mahigit na 7,000 isang araw. Sa taóng 2005, ang kabuuang bilang ng mga patay ay maaaring tumaas tungo sa apat na milyon sa bawat taon.

Lumitaw rin ang iba pang dating sakit na pumapatay. Ang kolera ay laganap ngayon sa maraming bahagi ng Aprika, Asia, at Latin Amerika; pinahihirapan at pinapatay nito ang dumaraming tao. Isang ganap na bagong uri ang lumitaw sa Asia.

Ang dengue, pinalalaganap ng lamok na Aëdes aegypti, ay mabilis ding lumalaganap; pinagbabantaan nito ngayon ang 2.5 bilyong tao sa mahigit na 100 bansa sa buong daigdig. Mula noong mga taon ng 1950, isang nakamamatay na bagong uri ng sakit na pagdurugo ang lumitaw at lumaganap sa buong Tropiko. Tinatayang ito’y pumapatay ng halos 20,000 katao taun-taon. Gaya ng karamihang sakit na dala ng virus, walang bakuna na magsasanggalang laban sa sakit at walang gamot upang lunasan ito.

Ang malarya, na minsa’y inasahan ng siyensiya na palisin, ay pumapatay ngayon ng halos dalawang milyon katao taun-taon. Kapuwa ang mga parasito at mga lamok na nagdadala ng malarya ay higit at higit na mahirap patayin.

Mapangwasak na Bagong mga Sakit

Marahil ang pinakakilala sa mga bagong sakit na kamakailan ay sumalot sa sangkatauhan ay ang nakamamatay na AIDS. Ang walang-lunas na sakit na ito ay dala ng isang virus na di-kilala mga labindalawang taon lamang ang nakalipas. Subalit, noong dakong huli ng 1994 ang bilang ng mga tao sa buong daigdig na nahawahan ng virus ay nasa pagitan ng 13 at 15 milyon.

Kabilang sa iba pang dating di-nakikilalang nakahahawang mga sakit ang hantavirus pulmonary syndrome. Inihahatid ng mga dagang bukid, ito’y lumitaw sa timog-kanluran ng Estados Unidos at napatunayang nakamamatay sa mahigit na kalahati ng naiulat na mga kaso. Dalawang uri ng pagdurugo na may lagnat​—kapuwa bago, kapuwa nakamamatay—​ang lumitaw sa Timog Amerika. Lumitaw rin ang iba pang nakatatakot na mga sakit​—mga virus na nagtataglay ng kakaiba, pambihirang mga pangalan​—Lassa, Rift Valley, Oropouche, Rocio, Q. Guanarito, VEE, monkeypox, Chikungunya, Mokola, Duvenhage, LeDantec, ang Kyasanur Forest na virus sa utak, ang Semliki Forest agent, Crimean-Congo, O’nyongnyong, Sindbis, Marburg, Ebola.

Bakit Naglilitawan ang Bagong mga Sakit?

Taglay ang lahat ng kaalaman at yaman na mayroon ang makabagong siyensiya ng medisina, bakit napakahirap daigin ng mga mikrobyong pumapatay? Ang isang dahilan ay ang lubhang madaliang kilos sa lipunan sa ngayon. Mabilis na maaaring gawin ng makabagong transportasyon ang lokal na epidemya na pangglobo. Ginagawang madali ng paglalakbay sa pamamagitan ng jet upang ang isang nakamamatay na sakit, na nasa loob ng isang nahawahang tao, ay lumipat mula sa isang panig ng daigdig tungo sa ibang bahagi ng daigdig sa loob lamang ng ilang oras.

Ang ikalawang dahilan, na nagpapadali sa paglaganap ng mikrobyo, ay ang mabilis na pagdami ng populasyon ng daigdig​—lalo na sa mga lungsod. Mangyari pa, ang basura ay nagmumula sa mga lungsod. Ang basura ay naglalaman ng mga sisidlang plastik at mga gulong na punô ng bagong tubig-ulan. Sa Tropiko, iyan ay nagbubunga ng pagdami ng mga lamok na mga tagapagdala ng mga sakit na pumapatay na gaya ng malarya, yellow fever, at dengue. Bukod pa rito, kung paanong ang masukal na gubat ay maaaring pagmulan ng isang sunog, gayundin na ang lubhang mataong populasyon ay naglalaan ng tamang-tamang mga kalagayan para sa mabilis na paglaganap ng tuberkulosis, trangkaso, at iba pang sakit na dinadala ng hangin.

Ang ikatlong dahilan para sa pagbabalik ng mikrobyo ay may kinalaman sa mga pagbabago sa paggawi ng tao. Ang mga mikrobyo na naililipat sa pamamagitan ng pagtatalik ay dumami at lumaganap bunga ng walang-katulad na dami ng katalik, na siyang katangian sa dakong huli ng ika-20 siglo. Ang paglaganap ng AIDS ay isa lamang halimbawa.b

Ang ikaapat na dahilan kung bakit napakahirap daigin ang mga mikrobyong pumapatay ay sapagkat sinalakay ng tao ang mga gubat at masukal na mga kagubatan. Ganito ang banggit ng awtor na si Richard Preston sa kaniyang aklat na The Hot Zone: “Ang paglitaw ng AIDS, Ebola, at marami pang ibang bagay na nagdadala ng sakit na mula sa masukal na mga kagubatan ay lumilitaw na isang likas na resulta ng pagsira sa mga tropiko ng daigdig. Ang lumilitaw na mga virus ay nagmumula sa mga bahagi ng daigdig na napinsala ang ekolohiya. Marami sa mga ito ay galing sa nasirang mga hangganan ng tropikal na masukal na mga kagubatan . . . Ang tropikal na masukal na mga kagubatan ang malalim na mga imbakan ng buhay sa planeta, na naglalaman ng pinakamaraming uri ng halaman at hayop sa daigdig. Ang masukal na mga kagubatan ay siyang pinakamalaking imbakan ng mga virus nito, yamang lahat ng nabubuhay na bagay ay nagdadala ng mga virus.”

Ang mga tao sa gayon ay lalong napalapít sa mga insekto at mga hayop na maiinit ang dugo kung saan naninirahan, nagpaparami, at namamatay ang mga virus. Subalit kapag ang isang virus ay “lumukso” mula sa hayop tungo sa tao, ang virus ay maaaring maging nakamamatay.

Ang mga Limitasyon ng Siyensiya ng Medisina

Ang iba pang mga dahilan kung bakit nagbabalik ang mga sakit na nakahahawa ay nauugnay sa siyensiya ng medisina mismo. Maraming baktirya ngayon ang lumalaban sa mga antibiotic na dating pumapatay sa mga ito. Balintuna nga, ang mga antibiotic mismo ay nakatulong sa paglikha sa kalagayang ito. Halimbawa, kung ang isang antibiotic ay pumapatay lamang ng 99 na porsiyento ng nakapipinsalang baktirya sa isang nahawahang tao, ang natitirang isang porsiyento na lumaban sa antibiotic ay maaaring lumaki at dumami gaya ng isang malakas na uri ng panirang-damo sa isang bagong ararong bukid.

Pinalulubha ng mga pasyente ang problema kapag hindi nila inuubos ang mga antibiotic na inireseta ng kanilang doktor. Ang mga pasyente ay maaaring huminto sa pag-inom ng mga tableta kapag nadama nilang sila’y bumubuti na. Bagaman maaaring napatay na ang mahihinang mikrobyo, ang pinakamalakas ay nakaliligtas at tahimik na nagpaparami. Sa loob lamang ng ilang linggo, ang sakit ay muling lumilitaw, subalit sa pagkakataong ito, ito ay mas mahirap, o imposible, na lunasan ng mga gamot. Kapag sinalakay ng mga uring ito ng mikrobyo na lumalaban sa gamot ang ibang tao, isang malubhang problemang pangkalusugan ng publiko ang kalalabasan.

Ganito ang sabi kamakailan ng mga dalubhasa sa WHO: “Ang paglaban [sa mga antibiotic at sa iba pang bagay na laban sa mikrobyo] ay isang epidemya sa maraming bansa at ang lumalaban sa mga gamot na mga mikrobyo ay nag-iiwan sa mga doktor na talagang nahihirapang matagumpay na gamutin ang dumaraming bilang ng mga sakit. Sa mga ospital nga lamang, tinatayang isang milyong pagkahawa dahil sa baktirya ang nangyayari sa buong daigdig araw-araw, at ang karamihan dito ay lumalaban sa gamot.”

Ang mga pagsasalin ng dugo, na higit at higit na ginagamit mula noong ikalawang digmaang pandaigdig, ay nakatulong din upang lumaganap ang mga sakit na nakahahawa. Sa kabila ng mga pagsisikap ng siyensiya na ingatan ang mga dugo na walang nakamamatay na mga mikrobyo, ang mga pagsasalin ng dugo ay nakatulong nang malaki sa paglaganap ng hepatitis, cytomegalovirus, baktiryang lumalaban sa antibiotic, malarya, yellow fever, Chagas’ disease, AIDS, at marami pang ibang nakatatakot na mga sakit.

Ang mga Kalagayan sa Ngayon

Bagaman nasaksihan ng siyensiya ng medisina ang biglang pagdami ng kaalaman sa siglong ito, marami pa ring nananatiling mga hiwaga. Pinag-aaralan ni C. J. Peters ang mapanganib na mga mikrobyo sa Centers for Disease Control, ang nangungunang laboratoryo sa kalusugang-bayan ng Amerika. Sa isang panayam noong Mayo 1995, ganito ang sabi niya tungkol sa Ebola: “Hindi namin alam kung bakit ito lubhang mapaminsala sa tao, at hindi namin nalalaman kung ano ang ginagawa nito [o] nasaan ito, kapag ito’y hindi kumakalat na epidemya. Hindi namin masumpungan ito. Wala itong kauring virus . . . anupat wala kaming kaalam-alam tungkol dito.”

Kahit na may mabisang kaalaman sa medisina, mga gamot, at bakuna upang labanan ang sakit, ang pagbibigay ng mga ito sa mga mahihirap ay nangangailangan ng salapi. Ang milyun-milyon ay namumuhay sa karukhaan. Ganito ang sabi ng World Health Report 1995 ng WHO: “Ang karukhaan ang pangunahing dahilan kung bakit ang mga sanggol ay hindi nababakunahan, kung bakit ang malinis na tubig at sanitasyon ay hindi inilalaan, kung bakit ang nakalulunas na mga gamot at iba pang paggamot ay hindi makuha . . . Taun-taon sa nagpapaunlad na mga bansa 12.2 milyong bata na wala pang 5 taon ang namamatay, karamihan sa kanila mula sa mga sanhi na maaari sanang nahadlangan sa napakaliit na halaga lamang sa bawat bata. Karamihan sa kanila ay namatay dahil sa kawalang-bahala ng mga tao sa daigdig tungkol sa kanilang problema, ngunit higit sa lahat sila’y namamatay dahil sa sila’y dukha.”

Noong 1995, ang nakahahawang sakit at mga parasito ang pumapatay ng pinakamaraming tao sa daigdig, kinikitil ang buhay ng 16.4 na milyong tao sa bawat taon. Nakalulungkot nga, ang di-mabilang na milyun-milyon, ay nabubuhay sa mga kalagayan na tamang-tama para sa paglitaw at paglaganap ng nakamamatay na mga mikrobyo. Isaalang-alang ang nakalulungkot na kalagayan sa ngayon. Mahigit na isang bilyong tao ang nabubuhay sa matinding karukhaan. Kalahati sa populasyon ng daigdig ay walang makuhang regular na medikal na paggamot at mahahalagang gamot. Sa mga lansangan ng marurumi at pagkalaki-laking mga lungsod ang milyun-milyong pinabayaang mga bata ay palabuy-laboy, marami sa kanila ay nagtuturok ng mga droga at nagsasagawa ng prostitusyon. Milyun-milyong takas ang nanghihina sa maruruming kampo sa gitna ng kolera, disintiryá, at iba pang mga sakit.

Sa labanan sa pagitan ng tao at mikrobyo, ang mga kalagayan ay higit at higit na pabor sa mikrobyo.

[Mga talababa]

a Ang sulfanilamide ay isang kristalinang halo na siyang pinanggagalingan ng mga gamot na sulfa na ginagawa sa laboratoryo. Maaaring hadlangan ng mga gamot na sulfa ang pagdami ng baktirya, na nagpapahintulot sa sariling depensang mekanismo ng katawan na patayin ang baktirya.

b Ang iba pang halimbawa ng mga sakit na naililipat ng pagtatalik: Sa buong daigdig ay may humigit-kumulang 236 na milyon katao ang nahawahan ng trichomoniasis at halos 162 milyon katao ang may impeksiyon ng chlamydia. Taun-taon may humigit-kumulang 32 milyong bagong mga kaso ng genital warts, 78 milyon ng gonorya, 21 milyon ng genital herpes, 19 na milyon ng sipilis, at 9 na milyon ng chancroid.

[Blurb sa pahina 6]

“Sa mga ospital lamang, tinatayang isang milyong pagkahawa dahil sa baktirya ang nangyayari sa buong daigdig araw-araw, at karamihan sa mga ito ay lumalaban sa gamot.” World Health Organization

[Kahon sa pahina 7]

Kapag Gumanti ang mga Mikrobyo

Isang maliit na mikrobyo na kilala bilang isang baktirya “ay tumitimbang ng 0.00000000001 gramo. Ang isang blue whale ay tumitimbang ng halos 100,000,000 gramo. Gayunman maaaring patayin ng isang baktirya ang isang balyena.”​—Bernard Dixon, 1994.

Kabilang sa lubhang kinatatakutang baktiryang nasumpungan sa mga ospital ay ang lumalaban-sa-gamot na mga uri ng staphylococcus aureas. Ang mga uring ito ay nagpapahirap sa mga maysakit at mahihina, na nagiging sanhi ng nakamamatay na mga impeksiyon sa dugo, pulmunya, at toxic shock. Ayon sa isang kabuuang bilang, ang staph ay pumapatay ng halos 60,000 tao sa Estados Unidos taun-taon​—mahigit kaysa mga namatay sa mga aksidente sa kotse. Sa nakalipas na mga taon, ang mga uring ito ng baktirya ay lumalaban nang husto sa mga antibiotic anupat noong 1988 may isa lamang antibiotic na mabisa laban dito, ang gamot na vancomycin. Subalit, di-nagtagal ang mga ulat tungkol sa mga uring lumalaban sa vancomycin ay lumitaw sa buong daigdig.

Subalit, kahit na kung ginagawa ng mga antibiotic ang gawaing dapat nilang gawin, maaaring bumangon ang iba pang mga problema. Noong kalagitnaan ng 1993, si Joan Ray ay nagtungo sa isang ospital sa Estados Unidos para sa isang karaniwang operasyon. Inaasahan niyang siya’y makauuwi ng bahay sa loob lamang ng ilang araw. Sa halip, kailangan niyang manatili sa ospital sa loob ng 322 araw, pangunahin nang dahil sa mga impeksiyong naranasan niya pagkatapos ng operasyon. Nilabanan ng mga doktor ang mga impeksiyon sa pamamagitan ng malalakas na dosis ng mga antibiotic, kalakip na ang vancomycin, subalit ang mga mikrobyo ay lumalaban. Ganito ang sabi ni Joan: “Hindi ko magamit ang aking mga kamay. Hindi ko magamit ang aking mga paa. . . . Hindi ko pa nga madampot ang isang aklat upang basahin ito.”

Ang mga doktor ay nakipagpunyagi upang alamin kung bakit may sakit pa rin si Joan pagkatapos ng mga buwan ng paggamot sa pamamagitan ng antibiotic. Ipinakita ng mga pagsusuri sa laboratoryo na bukod pa sa impeksiyon ng staph, si Joan ay may isa pang uri ng baktirya sa kaniyang sistema​—ang enterococcus na lumalaban sa vancomycin. Gaya ng ipinahihiwatig ng pangalan nito, ang baktiryang ito ay hindi napipinsala ng vancomycin; wari bang ito’y hindi tinatablan ng lahat ng iba pang antibiotic.

Pagkatapos ay napag-alaman ng mga doktor ang isang bagay na lubhang nakagulat sa kanila. Hindi lamang nilabanan ng baktirya ang mga gamot na dapat sanang pumatay rito kundi, salungat sa inaasahan nila, ginamit nito ang vancomycin upang mabuhay! Ang doktor ni Joan, isang espesyalista sa nakahahawang sakit, ay nagsabi: “Kailangan [ng baktirya] ang vancomycin na iyon upang magparami, at kung wala ang mga ito niyan ay hindi dadami ang mga ito. Kaya, sa diwa, ginagamit ng mga ito ang vancomycin bilang pagkain.”

Nang ihinto ng mga doktor ang pagbibigay kay Joan ng vancomycin, ang baktirya ay namatay, at bumuti ang kalagayan ni Joan.

[Larawan sa pahina 8]

Ang mga mikrobyo ay dumarami kapag hindi wastong ginagamit ng mga pasyente ang mga antibiotic

[Larawan sa pahina 9]

Pinalalaganap ng mga pagsasalin ng dugo ang nakamamatay na mga mikrobyo

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share