Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • g96 3/8 p. 20-21
  • Bakit Nagtatag ng Internasyonal na Hukuman sa Europa?

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Bakit Nagtatag ng Internasyonal na Hukuman sa Europa?
  • Gumising!—1996
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Ang Hukuman ng Karapatang Pantao sa Europa
  • Mga Tagumpay na Pabor sa Kalayaan sa Pagsamba sa Europa
  • Naipagtanggol ang mga Saksi ni Jehova sa Usapin ng Pangangalaga sa Bata
    Gumising!—1993
  • Tagumpay sa Hukuman ng Karapatang Pantao sa Europa
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—2007
  • Napawalang-sala ang mga Saksi ni Jehova sa Gresya
    Gumising!—1997
  • Ipinagsasanggalang ang Mabuting Balita sa Legal na Paraan
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1998
Iba Pa
Gumising!—1996
g96 3/8 p. 20-21

Bakit Nagtatag ng Internasyonal na Hukuman sa Europa?

NG KABALITAAN NG GUMISING! SA NETHERLANDS

NANG pagkaitan ng permiso ang isang may-ari ng isang talyer sa hilagang bahagi ng Netherlands na magtinda ng likidong gas, na nagpapahiwatig rin na hindi siya pinahihintulutang baguhin ang mga makina ng kotse upang gumamit ng likidong gas, siya’y nagtaguyod ng mahabang legal na labanan sa iba’t ibang hukuman upang ipawalang-bisa ang pagbabawal na ipinatupad ng estado. Samantala, siya’y nabangkarote.

Palibhasa’y inaakala niyang siya’y pinagkaitan ng katarungan sa mga hukuman sa Netherlands, siya’y umapela sa Hukuman ng Karapatang Pantao sa Europa sa Strasbourg. Noong 1985 ang Hukuman sa Europa ay nagpasiya nang pabor sa kaniya. Itinuring ng may-ari ng talyer ang desisyon ng hukuman bilang isang napakalaking moral na tagumpay sapagkat, gaya ng sabi niya, ‘pinatunayan nitong siya’y tama.’

Isa siya sa maraming mamamayan ng mga bansa sa Europa na sa nakalipas na mga dekada ay idinulog ang kanilang mga apela sa Hukuman ng Karapatang Pantao sa Europa. Ang hukumang ito ay bukás upang pakinggan hindi lamang ang mga reklamo ng mga indibiduwal na nakatira sa Europa kundi rin naman ang mga reklamo ng mga bansa laban sa ibang bansa kung inaakala nitong ang mahalagang mga karapatang pantao ay hindi iginagalang. Ang pagdami ng mga kaso sa hukuman na nasa internasyonal na mga hukuman ay nagpapakita ng pananabik ng mga mamamayan at ng ilang gobyerno para sa katarungan.

Ang Hukuman ng Karapatang Pantao sa Europa

Noong 1950 ang ilang estado sa Europa, na pinagkaisa sa Konseho ng Europa at nagtipon sa Roma, ay nagpasiyang bumuo ng isang kasunduan kung saan maaari nilang bigyan ng garantiya ang kanilang mga mamamayan at mga dayuhan na naninirahan sa ilalim ng kani-kanilang hudisyal na awtoridad ng ilang karapatan at kalayaan. Nang maglaon idinagdag ang iba pang mga karapatan, samantalang kasabay nito parami nang paraming estado sa Europa ang sumali sa Europeong Kasunduan taglay ang layon na pangalagaan ang mga karapatang pantao at ang mahalagang mga kalayaan. Ang ilan sa mga karapatang ito ay may kinalaman sa proteksiyon sa buhay at paghadlang sa pagpapahirap, at ang iba pa ay may kaugnayan sa buhay pampamilya gayundin ang kalayaan sa relihiyon, sa pagpapahayag, sa palagay, at sa pagtitipon at samahan. Ang mga biktima ng mga paglabag na ito sa mga karapatang pantao ay maaaring magsampa ng demanda laban sa estado sa panlahat-na-kalihim ng Konseho ng Europa.

Sapol nang simulan ang hukuman, mahigit na 20,000 demanda ang isinampa. Paano tinitiyak ng hukuman kung aling kaso ang diringgin? Una, isang pagsisikap ang ginagawa upang papagkasunduin. Kung mabigo ito at ang demanda ay kinikilala na tunay, ito’y dinadala sa Hukuman ng Karapatang Pantao sa Europa sa Strasbourg. Mga 5 porsiyento lamang ng mga demanda ang kailanma’y nakararating sa hukuman. Hanggang noong katapusan ng 1995, ang hukuman ay nagpasa na ng 554 na hatol. Bagaman ang hatol ng hukuman sa kaso ng demanda ng isang indibiduwal ay nag-oobliga sa estadong nasasangkot, ang kalagayan kung saan isang demanda ang isinampa ng isang estado o mga estado ay hindi isang madaling bagay. Sa gayong kaso, malamang na ang estado na hinatulan ay pipili ng isang pamamaraan na pulitikal na kapaki-pakinabang sa halip na sumunod sa mga kahilingan ng kasunduan. Bagaman ang Internasyonal na Hukuman ng Katarungan sa The Hague ang humahawak lamang sa mga alitan sa pagitan ng mga estado, ang Hukuman sa Europa ang nagpapahayag din ng mga hatol sa mga kaso ng mga di-pagkakaunawaan sa pagitan ng mga mamamayan at ng mga estado.

Mga Tagumpay na Pabor sa Kalayaan sa Pagsamba sa Europa

Noong 1993 ang Hukuman ng Karapatang Pantao sa Europa ay gumawa ng dalawang mahahalagang pasiya pabor sa kalayaan sa pagsamba. Ang unang kaso ay kinasasangkutan ng isang residente ng Gresya, si Minos Kokkinakis. Bilang isa sa mga Saksi ni Jehova, siya’y dinakip nang mahigit na 60 beses mula noong 1938, pinilit na humarap ng 18 beses sa mga hukuman sa Gresya, at nakagugol ng mahigit na anim na taon sa bilangguan.

Noong Mayo 25, 1993, ang Hukuman sa Europa ay nagpasiya na nilabag ng pamahalaan ng Gresya ang kalayaan sa relihiyon ng noo’y 84-anyos na si Minos Kokkinakis at pinagkalooban siya ng bayad-pinsalang nagkakahalagang $14,400. Tinanggihan ng hukuman ang pangangatuwiran ng pamahalaan ng Gresya na si Kokkinakis at ang mga Saksi ni Jehova sa pangkalahatan ay gumagamit ng panggigipit na mga taktika kapag ipinakikipag-usap ang kanilang relihiyon sa iba.​—Para sa karagdagang impormasyon, tingnan Ang Bantayan ng Setyembre 1, 1993, mga pahina 27-31.

Sa ikalawang kaso, ang Hukuman sa Europa ay nagpasiya pabor kay Ingrid Hoffmann ng Austria. Dahil sa siya’y naging isa sa mga Saksi ni Jehova pagkatapos ng kaniyang pag-aasawa, pinagkaitan siya ng pangangalaga sa kaniyang dalawang anak, pagkatapos ng kaniyang diborsiyo. Ang nakabababang hukuman ay dating nagkaloob sa kaniya ng pangangalaga, subalit ipinagkaloob ito ng Korte Suprema sa kaniyang asawang Katoliko. Ibinatay ng hukuman ang pasiyang ito sa isang batas sa Austria na nagsasabing ang mga anak ay dapat na palakihin sa relihiyong Katoliko kung ang mga magulang ay Katoliko sa panahon na sila’y nagpakasal malibang sila kapuwa ay sumang-ayon na baguhin ang kanilang relihiyon. Iginiit ng kaniyang dating asawa na ngayong si Ingrid ay naging isa sa mga Saksi ni Jehova, hindi na niya maaaring palakihin ang mga anak sa isang normal, mahusay na paraan. Noong Hunyo 23, 1993, ang Hukuman sa Europa ay nagpasiya na ang Austria ay nagtatangi laban kay Gng. Hoffmann dahil sa kaniyang relihiyon at nilabag ang kaniyang karapatan na pangalagaan ang kaniyang pamilya. Siya’y pinagkalooban ng bayad-pinsala.​—Para sa karagdagang impormasyon tingnan ang Gumising! ng Oktubre 8, 1993, pahina 15.

Apektado ng mga desisyong ito ang lahat ng tao na umiibig sa kalayaan sa relihiyon at pagpapahayag. Ang mga pag-apela sa internasyonal na mga hukuman ay maaaring makatulong upang pangalagaan ang mahalagang mga karapatan ng mga mamamayan. Makabubuti ring kilalanin ang mga limitasyon ng hudisyal na mga organisasyon. Sa kabila ng pinakamabuting mga intensiyon sa paggawa ng mabuti, hindi nila magagarantiyahan ang nagtatagal na kapayapaan at ganap na paggalang sa mga karapatang pantao.

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share