Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • g96 3/22 p. 16-20
  • Gusto Mo Bang Makatagpo ng Kobra?

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Gusto Mo Bang Makatagpo ng Kobra?
  • Gumising!—1996
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Tuklaw ng Ahas
  • Ang Nagpapaamo ng Ahas
  • Nakapagtuturong mga Parke ng Ahas
  • Kobra
    Kaunawaan sa Kasulatan, Tomo 2
  • Nakaririnig na mga Kobra sa Sri Lanka
    Gumising!—1993
  • Mga Karaniwang Maling Akala Tungkol sa mga Ahas
    Gumising!—1998
  • Mula sa Aming mga Mambabasa
    Gumising!—1997
Iba Pa
Gumising!—1996
g96 3/22 p. 16-20

Gusto Mo Bang Makatagpo ng Kobra?

Ng kabalitaan ng Gumising! sa India

BUWENO, gusto mo ba? Karamihan sa may gulang na ang aayaw. Subalit hindi para sa isang bata. Ang pagkatakot sa mga ahas, kasali na ang kobra, ay hindi isang likas na katangian para sa mga bata o maging sa mga hayop. Ang pag-ayaw sa mga ahas ay maaaring sanhi ng hindi mapanghahawakang impormasyon, labis-labis na kuwento, mga alamat, at maling mga palagay.

Mangyari pa, kapag inanyayahan ka namin na tingnan ang kobra, ang ibig naming sabihin ay sa ligtas na distansiya! Ang mga kobra ay totoong makamandag, at hindi natin gugustuhing lapitan ito at hipuin ito. Ni malamang na hindi rin maghihintay ang kobra upang salubungin tayo; sa pagkadinig sa ating paglapit, tatalilis ito sa isang ligtas na mapagtataguang lugar. Kaya masiyahan na lamang tayo na makakita ng kobra sa pamamagitan ng pagkatuto ng ilang kahanga-hangang totoong mga bagay tungkol sa kawili-wiling nilalang na ito.

Ang mga kobra ay mga reptilya ng uring Serpentes at pamilya ng Elapidae, isang pangalang ibinigay sa makamandag na mga ahas na may mga nakabaong pangil. May halos 12 uri ng kobra na nakapangalat sa Australia hanggang sa mga tropikong lugar ng Asia at Aprika tungo sa Arabia at sa mga Temperate Zone. Di-palak ang lubos na kinatatakutang mga kobra ay ang king cobra, o hamadryad. May habang 3 hanggang 5 metro, ito ang pinakamalaking makamandag na ahas sa daigdig. Dahil sa mas gusto nito ang masukal na palumpungan sa kagubatan o latian, kung saan sagana ang ulan, ito’y matatagpuan sa katimugan ng Tsina, Pilipinas, Indonesia, Malaysia, Myanmar, at mga bahagi ng India. Ang itim na itim na buntot nito, mga guhit ng kulay luntian-dilaw na katawan, na nagiging maitim na parang lumot, at ang tumpuk-tumpok na maliliit na batik sa pinaka-kaputsa (hood) nito ang siyang nagpapaganda rito.

Ang ibang uri ng kobra ay may katamtamang haba na isa hanggang dalawang metro. Likas na matatagpuan sa India at laganap saanman doon, ay ang kobrang tila may salamin sa mata (spectacled cobra) na may namumukud-tanging mga marka sa pinaka-kaputsa nito, na nahahawig sa mga salamin sa mata. Ito’y maaaring itim, kulay-kayumanggi, o manilaw-nilaw-puti na may malapad, maitim na guhit sa leeg at batik-batik na puti at guhitang dilaw sa kahabaan ng katawan nito. Ang kobrang tila may isang salamin sa mata (monocled cobra), na matatagpuan sa Sri Lanka gayundin sa gawing silangan at hilagang-silangan ng India, ay mas mapusyaw ang kulay na may mas maliit, mas bilugang kaputsa na may nag-iisang puting bilog, na siyang nagbigay ng pangalan nito. Sa hilagang-kanluran ng India at sa Pakistan, nakita namin ang itim na itim na kobra. Nasa Aprika, kasama ng iba pang mga kobra, ang ringhals, o spitting cobra, at ang Egyptian cobra. Ang huling nabanggit, ang maitim at may makitid na kaputsa na ahas, ay malamang ang maliit na makamandag na ahas na siyang dahilan ng ikinamatay ni Reyna Cleopatra.

Ang mga ahas ay nagpaparami sa kanila lamang kauri, na naaakit ng pantanging amoy. Ipinakikita ng kobra ang interes sa pamilya kaysa ibang mga ahas, kalimitang ang lalaki’t babae ay nananatiling magkasama. Ang babaing king cobra ay isa sa iilang ahas na kilalang gumagawa ng pugad nito. Tinitipon nito ang mga dahon upang maging bunton na kasintaas ng 30 centimetro at nangingitlog ng 20 hanggang 50 rito. Pagkatapos ay ipinupulupot nito ang kaniyang katawan sa bunton at nananatili roon, nang walang pagkain, sa loob halos ng dalawang buwan na paglilimlim, ang lalaki ay kalimitang nasa tabi rin. Ang ibang kobra, na hindi naghahanda ng pugad, ay nananatiling nasa tabi ng kanilang mga itlog upang ingatan ang mga ito.

Ginagamit ng bagong silang na mga ahas ang nakausling pansamantalang ngipin nito, na di-nagtatagal ay nalalaglag, upang butasin ang balat ng itlog at makalabas ang mga ito. Sa paglabas mismo ang mga ito’y lubusang nakapagsasarili na may kumpleto nang glandula ng kamandag at mga pangil. Kalimitang inilalabas-pasok ng mga ito ang kanilang mga dila, tila ba tinitikman ang kapaligiran, at itinatawid ang kemikal na impormasyon sa tinatawag na Jacobson’s organ sa ngalangala ng bibig. Ito’y nauugnay sa pang-amoy; ang pinagsamang panlasa at pang-amoy ay tumutulong sa ahas na matunton ang sisilain nito, makasumpong ng mapapangasawa, o makatakas sa maninila.

Mabilis lumaki ang batang ahas at sa loob ng maikling panahon ay naghuhunos na ito ng panlabas na balat, na sumikip na nang husto. Ang di-pangkaraniwang pangyayaring ito ay palaging nauulit, yamang ang kobra ay patuloy na lumalaki sa buong buhay nito, na maaaring maging mahigit sa 20 taon. Sa loob ng isa o dalawang linggo bago ang paghuhunos, ang ahas ay nagiging matamlay, walang kinang ang balat nito, at ang mga mata nito’y nagiging malabong kulay bughaw. Pagkatapos walang anu-ano, lilinaw ang mga mata nito, at sa pamamagitan ng pagkuskos ng ulo nito sa batuhan, napaghihiwalay ng ahas ang dating balat sa bibig nito. Ngayon ay literal na gumagapang ito palabas mula sa balat nito habang nagbabalat ito nang pabaligtad, mula sa walang kulay na balot sa mga mata hanggang sa buntot nito. Ngayon ang masigla, nangingintab, bagong hitsurang ahas ay handa na sa normal na gawain nito.

Ang temperatura ng hangin ang labis na nakaaapekto sa mga kobra. Habang lumalamig ang panahon, ang mga ito’y bumabagal at nagiging di-aktibo pa nga, sumisigla lamang ito kapag ang temperatura ay umiinit. Ang labis na init ay maaaring pumatay rito. Maliban sa king cobra, na kumakain ng mga ahas, ang pagkain nito ay mga daga, bubuwit, palaka, butiki, ibon, at iba pang mga hayop. Pagkatapos na mahuli ang nasila nito, ang turok ng kamandag nito ang magiging sanhi ng di-paggalaw ng nasila. Ito’y nilululon nang buo, yamang ang kobra ay hindi nagtataglay ng pangnguya ng pagkain. Ang nababanat na balat nito at ang lumuluwang na panga nito ang nagpapangyari sa kobra na malulon ang hayop na dalawa o tatlong ulit na mas malaki kaysa ulo nito. Bagaman ang bibig nito ay lubusang nabarahan ng nasila nito, ang ahas ay humihinga sa pamamagitan ng paglalabas ng lalagukan nang lampas sa nakaharang sa bibig, kung paanong ginagamit ng isang lumalangoy ang isang snorkel. Ngayon ang hilera ng mga ngiping baluktot na patalikod ang nagtutulak sa sinila sa kahabaan ng katawan ng ahas. Ito’y namamalagi sa isang tahimik na lugar upang tunawin nang unti-unti ang pagkain, marahil ay hindi kakain ng ilang araw. Ang kobra ay maaaring mabuhay sa loob ng mga buwan nang hindi kumakain, kumukuha ng pagkain mula sa nakaimbak na taba sa katawan nito.

Ang mga ahas ay maingat. (Tingnan ang Mateo 10:16.) Ang depensa ng kobra ay alin sa pagtakas, marahil sa paggapang sa ilalim ng bato o pagpasok sa lungga ng daga, o pagkadi-natitinag, sa gayon ay nakaiiwas na matunton. Kapag nakatagpo, ito’y tatayo at ibubuka ang kaputsa nito, sasagitsit upang takutin ang kaaway nito. Ang pagtuklaw ang pinakahuling gagawin nito.

Tuklaw ng Ahas

Ang natutuklaw ng ahas sa mga lalawigan sa Aprika at Asia ay kalimitang hindi naiuulat, subalit sa buong daigdig lumilitaw na halos isang milyon katao ang natutuklaw ng makamandag na mga ahas sa bawat taon. Ang India ang may pinakamaraming ulat ng namamatay​—halos 10,000 sa isang taon—​marahil ang karamihan ay mula sa kobrang tila may salamin sa mata. Halos 10 porsiyento ng mga tuklaw ng kobra ay napatunayang nakamamatay.

Ang kobra ay mas mabagal kaysa maraming ahas; ang maliksing mongoose, isa sa pangunahing kaaway nito, ay maaaring makatalo rito. Lulundagan ang ahas, pagkatapos ay paulit-ulit na iilagan ang pagtuklaw nito, mapangyayari ng mongoose na matakot at mag-atubili ang kobra. Dadaluhong mula sa likuran ng kaputsa, babaliin nito ang leeg ng kobra. Maraming ahas ang tumutuklaw na nakapulupot ang katawan, anupat mahirap na malaman ang maaabot ng tuklaw nito, subalit itinatayo ng kobra ang katawan nito at tumutuklaw nang paibaba. Ang layo ay matatantiya, at ang isang tao ay makaiilag dahil sa may kabagalang kilos nito.

Ipinagtatanggol ng ilang kobra, gaya ng mga ringhal, ang kobrang may itim na leeg ng Timog Aprika, at ang mga kobra sa hilagang-silangang India, ang mga sarili nito sa pamamagitan ng paglura. Tatayo ito at itututok ang mga pangil nito sa biktima, ang ahas, na nagpapalabas ng hangin, ay maaaring makapagwisik ng dalawang pinong isprey ng kamandag ng mahigit na dalawang metro ang layo. Kapag dumampi sa balat ito’y hindi nakapipinsala, subalit kapag napunta sa mga mata, maaari itong maging sanhi ng pansamantalang pagkabulag at, kung hindi mahugasan agad, maaaring permanenteng pagkabulag. Kataka-taka, natutudla ng ahas ang mga mata.

Halimbawang natuklaw ka ng kobra, ano ang dapat mong gawin? Ang kamandag ay lumalabas mula sa mga lalagyan ng lason sa mga pisngi ng ahas sa pamamagitan ng dalawang maiikli, mababaw, nakapirming mga pangil sa harapan ng panga ng ahas. Ang mga pangil na ito ay bumabaon sa balat at naituturok ang kamandag na gaya ng pagturok ng heringgilya. Ang tanging tiyak na lunas sa tuklaw ng ahas ay ang panlaban sa kamandag na ginawa mula sa kamandag ng apat na makamandag na ahas. Noong pasimula ng ika-20 siglo, ang India ang kauna-unahang bansa na gumamit ng panlaban sa kamandag nang malawakan. Ang pulbos na panlaban sa kamandag ay mabisa sa loob ng limang taon nang hindi inilalagay sa repridyereytor; kapag binantuan ito’y itinuturok.

Ang mga sintoma ng tuklaw ng kobra ay kirot at pamamaga ng natuklaw na bahagi, panlalabo ng paningin, pagkawala ng panimbang, pagkaparalisa ng lalagukan, at mabagal na paghinga. Humahantong sa kamatayan sa loob ng dalawang oras kung maraming kamandag ang nakapasok at hindi nalunasan ito.

Ang Nagpapaamo ng Ahas

Ang pagpapaamo ng ahas ay napakatanda nang anyo ng aliwan. Kalimitang ginagawa sa Silangan, inilalakip ito ng ilang sirko sa Kanluraning mga bansa sa kanilang palabas. Dahil sa di-pangkaraniwang kaputsa at ugaling pagiging nerbiyoso, ang kobrang tila may salamin sa mata ang pinakakilalang ahas na ginagamit, subalit ang ibang kahanga-hangang tingnang ahas, gaya ng royal snake at ang red sand boa, ay ginagamit din. Habang pinatutugtog ng isang nagpapaamo ng ahas, isang bihasang tagapagtanghal, ang plauta, ang kobra ay tatayo mula sa basket nito at ibinubuka ang kaputsa nito sa normal na nagdedepensang posisyon. Ang mga galaw ng nagpapaamo ng ahas ang lumilikha ng reaksiyon sa ahas habang ito’y nakatitig sa kaniya, laging handang sumalakay. Ang karamihan ng kobrang ginagamit ng nagpapaamo ng ahas ay binubunutan ng mga pangil, subalit ang ilang nagpapaamo ay nakikipagsapalarang gumamit ng makamandag na mga ahas.

Sa sinaunang India ang palipat-lipat ng lugar na nagpapaamo ng ahas ay tagapagsalaysay rin ng mga relihiyosong kaisipan at mga alamat, na nagpapangyaring siya’y maging popular. Sa ngayon mas malaki ang kita kung magtatanghal sa labas ng mga otel na dinudumog ng mga turistang mahilig kumuha ng larawan. Ang ilang nagpapaamo ng ahas ay dumadalaw sa mga tahanan at ipinagbibigay-alam sa may-ari na ang kaniyang malawak na halamanan ay malamang na pugad ng mga ahas. Sa isang pinagkasunduang halaga, mag-aalok siya na hulihin ang mga ito. Maglalaho siya sa mga palumpong, at pagkalipas ng ilang oras, kung saan maririnig ang tunog ng kaniyang plauta, babalik siya na may bag na punô ng ahas. Mangyari pa, dapat ding maging matalino ang maybahay na siya’y bantayan o sa paano ma’y subaybayan siya baka naman nagdala na siya ng isang bag ng mga ahas!

Nakapagtuturong mga Parke ng Ahas

Nagpapasidhi ng interes tungkol sa mga reptilya ang mga parke ng ahas. Itinataguyod nila ang pananaliksik, nagbibigay kaalaman tungkol sa pag-iingat at lunas sa tuklaw ng ahas, at nagsisikap na maingatan ang mga ahas mula sa kasakiman at kawalang alam ng tao. Ang mga kobra ay pinapatay dahil sa magagandang balat nito, na ginagawang sinturon, pitaka, sapatos, at iba pang maluluhong bagay. Sa loob ng isang taon mahigit na sampung milyong ahas ang napatay sa India dahil sa mga industriyang gumagawa ng produktong mula sa balat ng ahas. Ang mga ahas ay pinapatay at agad-agad na binabalatan. Ginagamit sa India ang mga pangkulay na mula sa gulay upang magkakulay ang balat, at pinakikinang ito at kung minsan ay binabarnisan upang gawin itong makintab at hindi tinatablan ng tubig.

Ang kahalagahan ng kobra ay hindi isang pagmamalabis. Naiingatan nito ang tone-toneladang butil sa pamamagitan ng pagpatay sa mga daga at iba pang hayop na kumakain ng butil. Ang kamandag nito ay naglalaan ng mga panlaban sa kamandag, pang-alis ng kirot, at iba pang mga gamot. Pinag-aaralan ng Tata Memorial Cancer Institute sa Bombay ang epekto ng kamandag ng kobra sa mga selula ng kanser.

Nasiyahan ka ba sa pagtatagpo ninyo ng kobra? Ito’y maganda, kapaki-pakinabang, nasasangkapan nang husto para ipagtanggol ang sarili nito. Ang makilala ito nang mas mabuti ay makatutulong sa atin na mapahalagahan ang labis na hinahamak na miyembro ng kaharian ng mga hayop.

[Kahon sa pahina 19]

Ang Pagsamba at Pamahiin sa Kobra

MATAGAL nang umiiral ang pagsamba sa kobra mula pa noong sinaunang panahon. Ang disenyo ng kobra ay matatagpuan sa mga panselyo sa Mohenjo-Daro, isa sa pinakamatandang sibilisasyon na nahukay ng mga arkeologo. Mula sa ikatlong milenyo B.C.E. magpahanggang sa ngayon, itinuturing na may mapamahiing paggalang ng milyun-milyon sa India ang mga kobra. Kapuna-puna, maraming kuwento tungkol sa kobra ang mauunawaan bilang pilipit na mga alamat na umiikot sa totoong makasaysayang mga pangyayari.

Isang “kuwento” tungkol sa paglalang ang nagsasalaysay hinggil sa panahon nang wala pang liwanag sa sansinukob. Mula sa madilim na kalawakan ng tubig ang nagniningning na diyos na si Vishnu ang unang nilikha, pagkatapos ang langit, lupa, at ang kalaliman. Mula sa nalabing materyal, isang gahiganteng kobra na tinatawag na Shesha (nangangahulugang nalabing bahagi) ay nilikha. Ayon sa alamat, si Shesha ay may 5 hanggang 1,000 ulo, at inilalarawan ng mga imahen si Vishnu na nakahiga sa nakapulupot na si Shesha, nanganganlong sa nakabukang mga kaputsa ng maraming ulo ni Shesha. Ang mga lindol ay ipinalalagay na dahil sa paghikab ni Shesha, at ang apoy mula sa bibig nito o ang kaniyang kamandag ang nagwawasak sa mundo sa dulo ng isang panahon.

Inilalarawan ng mitolohiyang Hindu ang isang uri ng kobra na tinatawag na Nagas, na nakatira sa kalaliman, si Nagalok o Patala. Ayon sa alamat, sinasabi ng diyos na bakulaw na si Hanuman na noong “Sakdal na Panahon,” ang lahat ng tao ay walang kasalanan, may isa lamang relihiyon, at walang mga demonyo o Nagas. Ang mga serpyente ang naging mga tagapagbantay sa kayamanan ng lupa at nagtataglay ng dakilang kaalaman at mahikong mga kapangyarihan. Si Shesha, kung minsa’y tinatawag din na Vasuki, ay ginamit ng mga diyos upang gumawa ng isang dagat ng gatas na lilikha ng amrit, isang nektar na magbibigay ng imortalidad. Ang kalaliman, na pinamumunuan ng Nagas, ay inilarawan bilang pinakakaayaayang lugar; ang mga mandirigmang namatay sa labanan ay pinangakuan ng di-malirip na kaligayahan doon.

Gayunman, hindi lahat ng mga kobra sa alamat ay ipinalalagay na kanais-nais. Isang “kuwento” ang nagsasalaysay ng pagtatagpo nina Krishna, ang nagkatawang-tao na si Vishnu, at Kaliya, isang pagkalaki-laki, masamang demonyong kobra. Ipinakikita ng mga larawan ang matagumpay na si Krishna na nakatapak sa ulo ng napakalaking serpyente.

Si Manasa, o Durgamma, ang reyna ng Nagas, ay sinasamba ng kababaihan upang ingatan ang kanilang mga anak mula sa tuklaw ng ahas. Sa panahon ng kapistahan ng Nagapanchami, ang mga deboto ng ahas ay nagbubuhos ng gatas at dugo pa nga sa mga imahen ng mga kobra at sa mga lungga ng ahas. Ang bato o pilak na mga imahen ng mga kobra ay sinasamba at inaalayan sa mga templo ng mga babae na umaasam na magkaanak ng lalaki.

Ang Kobra sa mga Pelikula

Ang mitolohiya ng kobra ang napakapopular na paksa sa mga pelikula na ginagawa sa India​—mahigit na 40 nito ang nagawa sapol noong 1928. Karaniwan nang inilalarawan ang kobra bilang tagapagtanggol ng kabutihan, isang tagatulong sa mga deboto nito, at tagapuksa ng masasama. Kilalang-kilala ang alamat ng mga kobrang Icchadari, diumano’y may kapangyarihan na magkatawang-tao. Sinasabi na ang mga ito ay may isang tapat na kabiyak. Kung ang kabiyak ay napatay, nakikita ng kobra ang hitsura ng pumatay sa mga mata ng patay nang ahas, at hahanapin ito upang maghiganti. Ito ang nagiging kasiya-siyang saligan para sa maraming pelikula. Litaw na litaw sa kuwento ang mga sayaw ng ahas; na may musikang tulad niyaong sa isang nagpapaamo ng ahas, mga mananayaw na tinutularan ang kilos ng ahas, maging ang paggapang nito sa lupa.

Isang dokumentadong pelikula, ang Shakti, ay kinunan sa isang kapistahan sa Rajasthan, India, kung saan tuwing Agosto daan-daang libong mananamba ng ahas ang nagtatagpo sa disyerto. Sa ilalim ng nakapapasong araw, at sa temperatura na umaabot ng mahigit na 50 digri Celsius, hinahampas nila ang kanilang mga sarili ng pamalong bakal at gumagapang sa kanilang mga tiyan ng mahigit na dalawang kilometro sa nakapapasong buhangin patungo sa templo ng diyos-ahas, si Gogha. Isang makasaysayang hari noong ikasampung siglo C.E., diumano si Gogha ang nagligtas sa kaniyang bayan mula sa mananakop na mga Muslim sa pamamagitan ng pag-akay sa kaaway sa lugar na punô ng ahas, kung saan ang hukbo ay nalipol dahil sa mga tuklaw ng ahas.

[Kahon sa pahina 20]

Nailigtas ng Kobra

Dalawang pamilya sa nayon ng Sastur sa India ang may dahilang magpasalamat sa isang kobra. Sila’y nagising bandang alas–3:50 n.u. noong Setyembre 30, 1993, dahil sa malakas na huni ng isang kobra habang ito ay dumudulas palabas ng kanilang bahay. Hinabol nila ito sa bukid upang patayin ito. Noong ika–4:00 n.u. pinatay ng napakalakas na lindol sa gitnang India ang kanilang nayon at nasawi ang halos lahat. Nakaligtas ang dalawang pamilya​—dahil sa sistema ng maagang- babala ng kobra!

[Mga larawan sa pahina 16, 17]

Ang likod at harap ng isang kobra sa Asia

Nakapaloob: Isang itim na kobra na ibinubuka ang kaputsa nito habang nagpapaaraw sa isang mainit na bato

[Credit Line]

Mga Larawan sa pahina 16 hanggang 20: A. N. Jagannatha Rao, Trustee, Madras Snake Park Trust

[Mga larawan sa pahina 18]

Ang harap at likod ng isang itim na kobra

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share