Ang Natatagong mga “Fault” ng Lupa
NOONG Agosto 18, 1994, di-kukulangin sa 171 katao ang namatay sa Algeria dahil sa napakalakas na lindol. Daan-daan ang nasugatan, at libu-libo ang nawalan ng mga tahanan. Ilang linggo bago nito ang Bolivia, Colombia, at Indonesia ay tinamaan din ng malalakas na lindol, kasabay ang pagkamatay ng daan-daang tao.
Batid mo bang nangyari ang malalaking sakunang ito? Malamang na hindi, malibang ikaw mismo ang naapektuhan ng mga ito o nakatira sa kalapit na bansa. Sa kabilang panig, nang pinsalain ng malalakas na lindol ang lugar ng California, E.U.A., ang balita ay para bang sunog na kumalat, at ang makasiyentipikong impormasyon tungkol sa lindol ay halos kagyat na naging madaling nakuha.
Ang dahilan ay na walang ibang lugar ang pinag-aralan ng gayon na lamang ng mga siyentipiko na gaya sa bandang timog ng California, kung saan may mahigit na 700 panukat ng lakas ng lindol ang nag-uulat ng mga lindol na may lakas na kasinghina ng 1.5. Ipinaliliwanag ng higit na pagtutuon ng pansin ng mga dalubhasang nagsusuri ng lindol sa lugar na iyon ang saganang daloy ng impormasyon tungkol sa lindol mula sa lugar na iyon.
Ang Natuklasan Kamakailan
Tiyak na nakatulong ang masinsinang pananaliksik na ito sa mga siyentipiko sa maraming bansa upang maunawaan ang mga lindol at sikapin pa ngang hulaan ang mga ito sa tamang panahon upang maiwasang may masawi. Ang gayong teknolohiya ay mahalaga, yamang taun-taon halos 40 lindol na may malalakas na magnitud ang nagwawasak sa iba’t ibang bahagi ng daigdig. Mayroon ding mas mahihinang lindol na halos hindi naman nakapipinsala subalit malakas-lakas din para maramdaman. Ang mga ito ay nangyayari sa pagitan ng 40,000 at 50,000 ulit taun-taon!
Ang karamihan sa mga lindol ay waring bunga ng pagkabiyak at pagkabitak ng malalaking tipak ng bato na nasa ilalim ng lupa tungo sa bagong mga posisyon kapag sumailalim sa matinding puwersa. Karaniwan na ang mga pagkatinag na ito ay nangyayari sa kahabaan ng mga bitak sa pinakalabas ng balat ng lupa. Ang mga bitak na ito ay tinatawag na mga fault.
Kadalasan, natutunton ng mga siyentipiko ang mga lugar ng mga fault na ito, sa gayon naituturo ang mga lugar na lindulin. Bakit natin sinasabing “kadalasan”? Sapagkat napag-alaman ng mga siyentipiko kamakailan na ang kanilang mga mapa ay hindi gayong kalawak ang saklaw gaya ng inaakala nila noon. Halimbawa, nabahala ang mga siyentipiko sa huling pagsisiwalat na ang karamihan ng nasusukat na mga lindol sa California ay naganap sa kahabaan ng natatagong mga fault—sa maraming kalagayan ay sa mga lugar na dating inaakala ng mga heologo na lugar na halos ligtas sa lindol.
Ayon sa mga siyentipiko sa lupa na sina Ross Stein ng U.S. Geological Survey at Robert Yeats ng Oregon State University, “ang maburol o mabundok na lugar ay marahil ang hindi nakatatakot sa lahat ng tanawin, nagpapaisip sa atin ng katahimikan sa halip na panganib.” Gayunman, ipinakita ng kanilang pagsusuri na may kumikilos na mga fault ng lindol sa ilalim ng alun-alon na arko ng mga bato, marami sa mga ito ay pinagsamantalahan dahil sa mga deposito ng langis. Bakit ang mga fault na ito sa ilalim ng lupa ay mahirap tuklasin, at gaano ito kapanganib?
Isang Panganib na Hindi Dapat Ipagwalang-bahala
Matagal nang alam ng mga heologo na ang mga bato ay maaaring mapitpit at matiklop na gaya ng isang lukot na alpombra. Subalit pangkaraniwan nang ipinalalagay na ito’y unti-unti subalit patuloy na proseso. Gayunman, ipinakita ng kamakailang mga pagsusuri ng kumikilos na alun-alon na bato na ang mga ito’y bigla na lamang bumubugso nang paitaas—sa halos 5 metro sa loob lamang ng ilang segundo! Ang tila lumulukot na kilos na ito ang nagsisiksik sa mga bato sa ilalim. Ang resultang puwersa ang nagpapabitak sa bato sa kaila-ilaliman ng alun-along lupa, at ang isang piraso ng bato ay nagsisimulang pumatong sa ibang bato. Ang waring hindi nakapipinsalang mga alun-along lupang ito kasama ang nakabaong kumikilos na fault ay nagiging lindol bago pa man magkaroon ng pagkakataon ang mga dalubhasa na matutop ang mga ito. Ang gayong pagkilos ng fault sa ilalim ng lupa ay maaaring magdulot ng malalakas na lindol gaya ng mas kapansin-pansing mga fault, na nakikita sa ibabaw ng lupa.
Ang lindol noong Enero 17, 1994, sa Northridge sa libis sa lugar ng Los Angeles ang pinakahuling halimbawa ng maaaring gawin ng nakatagong fault. Ang lindol ay pinangyari ng napakalalim na pagkilos ng fault na naganap sa pagitan ng 8 at 19 na kilometro sa ilalim ng lupa. Bago ang lindol, walang kaalam-alam ang mga siyentipiko sa pag-iral ng fault. Ang nakatagong fault na ito, ay nagdulot ng napakalaking pagkasira sa ari-arian, pinsala sa mahigit na 9,000 katao, at kamatayan ng 61.
Pinaghihinalaan ng mga siyentipiko na ang nakatagong fault ang sanhi ng maraming malalakas na lindol, hindi lamang sa California kundi rin naman sa Algeria, Argentina, Armenia, Canada, India, Iran, Hapón, New Zealand, at Pakistan. Sa nakalipas na ilang dekada, libu-libo ang namatay sa mga bansang ito dahil sa mga lindol na maaaring pinangyari ng nakatagong mga fault.
Nakakaharap ngayon ng mga siyentipiko ang hamon ng pagtuklas kung saan nangyayari ang pagkilos ng mga alun-along lupa na ito at paghula sa posibleng banta ng lindol ng mga ito. Samantala, hindi na nila minamaliit ang mapaminsalang lakas ng waring hindi nakapipinsalang paalun-along burol.
[Kahon sa pahina 22]
Lumiliit ba ang Los Angeles?
Ang malawak na pagkakawing-kawing ng mga fault at mga alun-along lupa na matatagpuan sa ilalim ng lupa ng Los Angeles, California, ang nagpapangyari sa rehiyong ito na maging labis na mabuway. Ang lunas ng Los Angeles ang waring kumukuha ng karamihan ng pagpikpik ng lupa na sanhi ng kalapit na pagliko sa San Andreas Fault. (Tingnan ang Hulyo 22, 1994, labas ng Gumising! mga pahina 15-18.) Tinataya ng mga heologo sa lugar na iyon na ang pag-alun-alon ng lupa dahil sa pagpikpik na ito ay maaaring makabawas sa laki ng lupain ng lunas ng Los Angeles ng sangkapat ng ektarya sa bawat taon.
[Picture Credit Line sa pahina 21]
Globo: Mountain High Maps ™ copyright © 1993 Digital Wisdom, Inc.