Ang Pagdalaw ng Papa sa UN—Ano ang Nagawa Nito?
SA KANIYANG paglalakbay sa Atlantic sakay ng eruplano upang magtalumpati sa UN sa Lunsod ng New York, si Papa John Paul II ay nakapaglakbay na ng mahigit na 1,000,000 kilometro sa kaniyang mga paglalakbay sa daigdig. Oktubre 4, 1995 noon, at ito ang kaniyang ika-68 paglalakbay sa ibang bansa bilang papa. Walang alinlangan, siya ang papa na may pinakamaraming nalakbay sa kasaysayan ng Iglesya Katolika Romana.
Dumating siya sa Newark International Airport, New Jersey, noong maulan na Miyerkules, napaliligiran ng isa sa pinakamagaling na pangharang na seguridad na kailanma’y nailagay para sa sinumang dignitaryo. Tinatayang mga 8,000 opisyal ng pederal at ng lunsod ang naatasang mangalaga sa papa. Tinawag ito ng isang ulat na “isang napakahusay na proteksiyong panseguridad,” na may kasangkot na mga helikopter at mga maninisid.
Bakit ang Pagdalaw?
Sa kaniyang talumpati sa paliparan, ginunita ng papa na ang sinundan niya, si Papa Paulo VI, ay nagtalumpati sa UN General Assembly na may panawagan para sa kapayapaan: “Wala nang digmaan, hindi na kailanman muling magdirigma!” Sinabi ni John Paul II na siya’y nagbalik “upang ipahayag ang [kaniyang] taimtim na paniniwala na ang mga mithiin at mga hangarin na humantong sa pagkakatatag ng UN kalahating dantaon na ang nakalipas ay mas kailangang-kailangan higit kailanman sa isang daigdig na naghahanap ng layunin.”
Sa panggabing mga panalangin sa Katedral ng Sacred Heart, Newark, muling ipinakita ng papa ang kaniyang suporta sa UN, na sinasabi: “Ang organisasyong iyan ay umiiral upang maglingkod sa ikabubuti ng sambahayan ng tao, at samakatuwid angkop na ang papa ay magsalita roon bilang isang saksi sa pag-asa ng Ebanghelyo.” Idinagdag pa niya: “Ang ating panalangin para sa kapayapaan samakatuwid ay isa ring panalangin para sa United Nations Organization. Si Saint Francis ng Assisi . . . ay kilalang-kilala bilang isang lubhang maibigin at bihasa sa kapayapaan. Hilingin natin ang kaniyang pamamagitan sa gawain ng United Nations para sa katarungan at kapayapaan sa buong daigdig.”
Sa kaniyang talumpati sa UN, pinuri niya ang di-marahas na pulitikal na mga pagbabago noong 1989 sa Silangang Europa, kung saan naisauli ang kalayaan ng ilang bansa. Hinimok niya ang “tunay na pagkamakabayan” bilang naiiba sa “may pagtatangi at mapagmalaking nasyonalismo.” Binanggit niya ang tungkol sa mga kawalang-katarungan ng kasalukuyang sistema, na ang sabi: “Kapag milyun-milyong katao ang dumaranas ng karalitaan na nangangahulugan ng gutom, malnutrisyon, sakit, kawalang-alam sa pagbasa at pagsulat, at pagsamâ, dapat nating . . . ipagunita sa ating mga sarili na walang sinuman ang may karapatang pagsamantalahan ang iba para sa kaniyang sariling pakinabang.”
Pagkatapos ay sinabi niya: “Habang nakakaharap natin ang pagkalaki-laking mga hamong ito, paano natin hindi kikilalanin ang papel ng United Nations Organization?” Sinabi niyang ang UN ay kailangang “maging sentro ng moralidad na doon ang lahat ng mga bansa ay palagay.” Idiniin niya ang pangangailangan na itaguyod “ang pagkakaisa ng buong sambahayan ng tao.”
Tunay na Kapayapaan—Mula Saan?
Walang alinlangan, siya’y nagpahayag ng maraming marangal na mga damdamin. Subalit, sa kaniyang mahabang talumpati, inakay ba niya kailanman ang mga lider ng daigdig sa solusyon ng Diyos sa mga suliranin ng sangkatauhan—ang pamamahala ng kaniyang Kaharian sa pamamagitan ni Kristo Jesus? (Mateo 6:10) Hindi. Sa katunayan, hindi siya kailanman sumipi sa Bibliya sa kaniyang talumpati sa UN. Sa kabaligtaran, sinabi niya na “sa tulong ng biyaya ng Diyos, maaari tayong magtayo sa susunod na siglo at sa susunod na milenyo ng isang sibilisasyon na karapat-dapat sa tao, isang tunay na kultura ng kalayaan.” Sa mga estudyante ng Bibliya, para bang inuulit ng damdaming iyan ang kahawig na damdaming binigkas niyaong nasa sinaunang Babel mahigit na 4,000 taon na ang nakalipas, na nag-akalang mapananatili nilang nagkakaisa ang sangkatauhan sa pamamagitan ng mga paraan ng tao: “Halikayo! Tayo’y magtayo sa ganang atin ng isang lunsod at ng isa ring tore na ang taluktok nito ay abot sa mga langit, at gumawa tayo ng isang bantog na pangalan para sa ating mga sarili.” (Genesis 11:4) Kaya, mula sa pangmalas na ito, ang pulitikal na mga lider ng sangkatauhan, na kinakatawan sa UN, ang magtatayo ng isang bagong sibilisasyong salig sa kalayaan.
Subalit ano ba ang inihuhula ng Bibliya tungkol sa kinabukasan ng pulitikal na mga pamahalaan ng tao at ng UN mismo? Ang mga aklat ng Daniel at Apocalipsis ay nagbibigay ng isang malinaw na pangitain tungkol sa hinaharap na naghihintay sa kanila. Inihula ni Daniel na sa mga huling araw, itatalaga ng Diyos ang pamamahala ng kaniyang Kaharian, na gaya ng isang pagkalaki-laking bato na ‘hindi inukit ng mga kamay ng tao.’ Ano ang gagawin nito? “Sa mga kaarawan ng mga haring yaon ang Diyos ng langit ay magtatayo ng isang kaharian na hindi magigiba kailanman. . . . Dudurugin at wawasakin niyaon ang lahat ng mga kahariang ito, at iyon sa ganang sarili ay lalagi magpakailanman.” Ang mga pamahalaan ng tao ay papalitan ng isang matuwid na pamamahala para sa lahat ng sangkatauhan.—Daniel 2:44, 45.
Ano ang mangyayari sa UN? Inilalarawan ng Apocalipsis kabanata 17 ang UN (at ang sinundan nito, ang Liga ng mga Bansa, na di-nagtagal) bilang isang kulay matingkad-pulang mabangis na hayop na “patungo na sa pagkapuksa.” (Apocalipsis 17:8)a Ang pinagmumulan ng tunay na kapayapaan ni Jehova ay hindi ang anumang di-sakdal na ahensiya ng tao, gaano man kataimtim ang mga tagasunod nito. Ang tunay na kapayapaan ay manggagaling sa ipinangakong Kaharian ng Diyos, sa mga kamay ng binuhay-muling si Kristo Jesus sa mga langit. Iyan ang saligan para sa katuparan ng pangako ng Diyos sa Apocalipsis 21:3, 4: “Narito! Ang tolda ng Diyos ay nasa sangkatauhan, at tatahan siyang kasama nila, at sila ay magiging kaniyang mga bayan. At ang Diyos mismo ay sasakanila. At papahirin niya ang bawat luha sa kanilang mga mata, at hindi na magkakaroon ng kamatayan, ni ng pagdadalamhati o ng paghiyaw o ng kirot pa man. Ang mga dating bagay ay lumipas na.”
Ang Pagdalaw—Gaano Kabisa?
Kapag bumabanggit ang papa ng Bibliya sa kaniyang mga talumpati, nahihimok ba ang mga nananampalatayang Katoliko na ilabas ang kanilang mga Bibliya at tingnan ang mga reperensiya? Ang totoo ay na, ang karamihan ay wala man lamang dalang Bibliya. Bihirang bumanggit ang papa ng anumang espesipikong reperensiyang teksto upang tulungan ang mga nakikinig na magbasa ng Bibliya.
Isang halimbawa ay nang magsalita siya sa 83,000 sa Giants Stadium, New Jersey, at nagsabi: “Hinihintay natin ang pagbabalik ng Panginoon bilang ang hukom ng mga buháy at ng mga patay. Hinihintay natin ang kaniyang pagbabalik sa kaluwalhatian, ang pagdating ng kaharian ng Diyos sa kaganapan nito. Iyan ang walang-lubay na paanyaya ng mga awit: ‘Hintayin mo ang Panginoon taglay ang tibay ng loob; magpakatapang ka, at hintayin mo ang Panginoon.’” Subalit aling teksto ang sinisipi niya mula sa mga awit? At aling Panginoon ang tinutukoy niya—si Jesus o ang Diyos? (Ihambing ang Awit 110:1.) Ayon sa pahayagan ng Batikano na L’Osservatore Romano, siya ay sumisipi sa Awit 27:14, na mas malinaw na kababasahan ng ganito: “Ilagak mo ang iyong pag-asa kay Yahweh, magpakalakas ka, at hayaang maging matatag ang iyong puso, ilagak mo ang iyong pag-asa kay Yahweh.” (The Jerusalem Bible) Oo, dapat nating ilagak ang ating pag-asa kay Yahweh, o kay Jehova, ang Diyos ng Panginoong Jesus.—Juan 20:17.
Sa buong kasaysayan, itinaguyod ba ng klero at mga lider na Katoliko ang kapayapaan sa gitna ng mga bansa? Ang turong Katoliko ba ay nakatulong upang lutasin ang mga pagkakaiba ng etnikong grupo, lahi, at tribo? Ang mga walang-awang pagpatay noong 1994 sa Rwanda, silangan-gitnang Aprika, at ang mapamuksang mga digmaan ng nakalipas na mga ilang taon sa dating Yugoslavia ay pawang naglalarawan na ang relihiyosong mga paniwala ay karaniwang nabigong pawiin ang pinakamatinding poot at mga pagtatangi na nagkukubli sa puso ng tao. Hindi mababago ng paimbabaw na lingguhang mga kumpisal ni ng regular na pagdalo sa Misa ang paraan ng pag-iisip at pagkilos ng mga tao. Kailangang mayroong mas malalim na impluwensiya, isa na nangyayari lamang kapag pinahintulutan ang Salita ng Diyos na tumagos sa puso at isip ng sumasampalataya.
Ang nagbagong paggawi ng isang tunay na Kristiyano ay batay, hindi sa isang emosyonal na reaksiyon na udyok ng relihiyosong mga ritwal kundi bagkus ito’y batay sa makatuwirang pagkaunawa sa kalooban ng Diyos para sa bawat indibiduwal. Si apostol Pablo ay nagsabi: “Huwag ninyong tularan ang paggawi ng sanlibutan sa paligid ninyo, kundi baguhin ninyo ang inyong paggawi, na hinubog ng inyong bagong kaisipan. Ito ang tanging paraan upang matuklasan ang kalooban ng Diyos at malaman kung ano ang mabuti, kung ano ang nais ng Diyos, kung ano ang sakdal na bagay na dapat gawin.” (Roma 12:1, 2, JB) Ang bagong paggawi na ito ay natatamo sa pamamagitan ng pag-aaral ng Salita ng Diyos na umaakay sa tumpak na kaalaman ng kaniyang kalooban. Lumilikha ito ng isang espirituwal na puwersa na nagpapakilos sa isip at nakikita sa Kristiyanong paggawi.—Efeso 4:23; Colosas 1:9, 10.
Nasa “Kritikal na Sangandaan” ba ang Simbahan?
Inilarawan ng pahayagang Kastila na El País si Papa John Paul II na nagtataglay ng “pambihirang karisma” para sa isang tao na 75 anyos, at tinawag siya ng isang pahayagan sa E.U. na “isang dalubhasa sa media.” Bihasa siya sa pakikitungo sa pamahayagan at sa mga masa at sa kanilang mga anak. Sa kaniyang mga paglalakbay may kakayahan niyang kinakatawan ang Santa Sede na matatagpuan sa Lunsod ng Batikano. Bagaman ang Batikano ay opisyal na kinikilala sa UN, ang pagbasbas ng papa sa organisasyong iyon ay hindi tumitiyak dito ng pagpapala ng Diyos na Jehova.
Iba-iba ang reaksiyon sa pagdalaw ng papa. Marami sa mga Katolikong iyon na nakakuha ng mga tiket para sa Misa sa labas ay nakadama na sila’y emosyonal na napasigla ng karanasan. Subalit, ang ilang Katolikong lider ay nagkaroon ng mas negatibong pangmalas sa pagdalaw at sa posibleng mga epekto nito. Sinipi ng The New York Times si Timothy B. Ragan, pangulo ng Catholic National Center for Pastoral Leadership, na nagsasabi na “ang pagdalaw ng Papa ay isang nasayang na pagkakataon. Bagaman ang paglalakbay ‘ay nakapagpapasigla at sa sakramentong paraan ay di-malilimot na pangyayari sa maraming tao,’” para sa maraming Katolikong lider ito ay “hindi nagbigay ng pagkakataon para makinig ang papa at walang balangkas para sa diyalogo.” Kung tungkol sa mga isyu na gaya ng hindi pag-aasawa ng pari, pagpigil sa pag-aanak, at diborsiyo inaakala ng maraming Katoliko na sila’y hindi nabigyan ng pagkakataon na sabihin ang kanilang opinyon kundi makinig lamang sa papa.
Kinikilala ng ilang awtoridad na Katoliko na “nasa kritikal na sangandaan ang simbahan,” at ikinatatakot nila na maraming Katoliko, “lalo na ang mga kabataan, ay nawawalan ng maliwanag na pagkaunawa sa kung ano ang ibig sabihin ng pagiging Katoliko.” Si James Hitchcock, isang Katolikong tradisyunalista, “ay nakauunawa sa problema bilang isang mapangwasak na cold war sa pagitan ng dumaraming konserbatibong herarkiya at ng natitirang liberal na ‘middle management’ (mga pari, madre at sinanay na mga pinuno na naglalaan ng liderato).”
Kung paano maaapektuhan ng pagdalaw ng papa ang krisis sa mga tauhan ng simbahan, ganito ang sabi ni Hitchcock: “Siya’y nagpunta rito, siya’y labis na pinuri, siya’y umuwi—at walang nangyayari. Ang mga resulta ay nakasisiphayo sa aking palagay.” Tiyak na naiwala ng papa ang pagkakataon na sabihin sa pulitikal na mga lider na nasa UN kung saan masusumpungan ang pinagmumulan ng tunay na kapayapaan.
Bagaman idiniriin ng Karta ng UN at ng propaganda ng tao ang isang tunguhin ng “kapayapaan at katiwasayan,” huwag kang palilinlang. Ang Bibliya ay nagbababala: “Kailanma’t kanilang sinasabi: ‘Kapayapaan at katiwasayan!’ kung magkagayon ay biglang pagkapuksa ang kagyat na mapapasa-kanila gaya ng hapdi ng kabagabagan sa isang babaing nagdadalang-tao; at hindi sila sa anumang paraan makatatakas.” (1 Tesalonica 5:3) Ang tunay na kapayapaan at katiwasayan ay darating lamang sa pamamagitan ng kalooban ng Diyos at sa kaniyang paraan—sa pamamagitan ng pamamahala ng kaniyang Kaharian, hindi sa pamamagitan ng UN.
[Talababa]
a Para sa higit pang detalyadong impormasyon tungkol sa hulang ito sa Apocalipsis, tingnan ang aklat na Apocalipsis—Malapit Na ang Dakilang Kasukdulan Nito!, mga pahina 240-51, inilathala noong 1988 ng Watchtower Bible and Tract Society of New York, Inc.
[Picture Credit Line sa pahina 22]
Mga larawan ng UN