Kalayaan sa Pananalita sa Loob ng Tahanan—Ito ba’y Tumitiktak na “Time Bomb”?
KAPAG ang isa ay mapanlinlang na sumigaw ng “Sunog!” sa loob ng siksikang sinehan at ang ilan ay nayurakan hanggang sa kamatayan sa magulong pagtatakbuhan upang makalabas, hindi ba dapat papanagutin ang sumigaw sa mga nangyaring kamatayan at mga aksidente? Kapag may nagsabi, “hindi ako sang-ayon sa sinasabi mo, ngunit ipagtatanggol ko ang karapatan mong sabihin ito,” ikaw ba’y binibigyan ng lubusan, walang-takdang kalayaan, na sabihin nang hayagan ang balang maibigan mo, anuman ang kahihinatnan nito? May mga nag-aakalang gayon nga.
Sa Pransiya, halimbawa, nang himukin ng mga rapper (grupo ng mga mang-aawit ng musikang rap) ang pagpatay sa mga pulis at ang mga pulis ay napatay ng ilang tao na nakarinig sa musika, dapat bang papanagutin ang mga rapper sa kanilang pagsulsol sa karahasan? O dapat ba silang protektahan sa ilalim ng isang katipunan ng mga karapatan? Kapag ang mga brodkaster sa radyo at telebisyon at mga network ng computer ay gumawa ng detalyadong mga eksena ng karahasan at pornograpya na makukuha o mapapanood ng mga bata, na ang ilan ay ginagaya ang mga eksenang ito sa ikapipinsala nila mismo at ng iba, dapat bang managot ang nagpapalaganap ng gayong mga bagay?
Isang pagsusuri ng American Psychological Association “ang tumatantiya na ang karaniwang bata, na 27 oras na nanonood ng TV sa isang linggo, ay makapanonood ng 8,000 pagpatay at 100,000 gawa ng karahasan mula sa gulang na 3 hanggang 12,” ulat ng magasing U.S.News & World Report. Makatuwiran bang masasabi ng mga magulang na wala itong gaanong impluwensiya sa kanilang mga anak? O ito kaya ay maaaring magsangkot ng isang “maliwanag at umiiral na panganib”? Dito ba dapat ipatupad ang isang paghihigpit o dapat bang takdaan ang malayang pananalita?
Isinisiwalat ng isang pagsusuri na isinagawa ng mga sikologo sa pamantasan na nang ang mga cartoon ng “mga bidang laging handang makipagbaka” ay regular na ipinapanood sa isang grupo ng mga apat na taóng gulang at “mahinahong uri” ng mga cartoon naman sa isang grupo, yaong mga nanood ng mga bida sa mga cartoon na maaksiyon ay mas malamang na manuntok at maghagis ng bagay-bagay pagkatapos manood. Ni naglalaho man ang mga epekto ng karahasan sa TV pagkatapos ng pagkabata. Natuklasan ng isa pang pagsusuri sa pamantasan, pagkatapos obserbahan ang 650 bata mula noong 1960 hanggang 1995 at inoobserbahan ang kanilang mga kaugalian at paggawi sa panonood ng telebisyon, na yaong nakapanood ng pinakamaraming karahasan bilang mga kabataan ay nagsilaking gumagawi nang may labis na kapusukan bilang mga adulto, pati na pag-abuso sa asawa at pagmamaneho nang lasing.
Bagaman maaaring hindi aminin ng ilang bata ang mga epekto ng telebisyon at pelikula sa kanila, aaminin ito ng iba. Noong 1995, tinanong ng Children Now, isang grupong naglilingkod sa iba sa California, ang 750 bata na ang edad ay 10 hanggang 16. Ipinakikita ng pagsusuri, na anim sa sampu ang nagsabi na ang pagtatalik na napapanood sa TV ay nakaiimpluwensiya sa mga kabataan na makipagtalik sa napakamurang gulang.
Ang ilan ay maaaring tumutol na ang karahasan sa telebisyon at sa pelikula ay maaaring hindi literal na tularan ng mga bata at na ang lahat ng mga nakatatakot na mga pelikula ay walang epekto sa kanila. “Kung gayon,” komento ng Britanong pahayagan, “bakit kailangang sabihin ng isang awtoridad sa paaralan sa gitnang-kanluran ng Amerika sa libu-libong bata na walang Teenage Mutant Ninja Turtles sa lokal na mga alkantarilya? Kasi, ang paslit na mga tagahanga ng Turtle ay gumagapang sa mga alkantarilya upang hanapin ang mga ito.”
Ngayon isang mainit na debate ang nagngangalit sa kung ano ang itinuturing ng ilan na mahusay na pagkakakilanlan sa pagitan ng malayang pananalita at karahasan na pinangyari ng mga pahayag na laban sa aborsiyon sa maraming dako sa Estados Unidos. Ang mga laban sa aborsiyon ay hayagang nagrereklamo na ang mga doktor at mga tauhan sa klinika na nagsasagawa ng aborsiyon ay mga mamamatay-tao at sila mismo ay walang karapatang mabuhay. Hinihiling ng ilang masisigasig ang pagpatay sa mga doktor na ito at sa kanilang mga katulong. Naglagay ng mga espiya upang kunin ang mga numero ng plaka ng lisensiya ng mga ito, at ang kanilang mga pangalan at direksiyon ay ibinigay. Bunga nito, ang mga doktor at mga kawani sa klinika ay binaril at pinatay.
“Hindi ito isang usapin tungkol sa malayang pananalita,” sabi ng pangulo ng Planned Parenthood Federation of America. “Ito’y katumbas ng pagsigaw ng, ‘Sunog!’ sa isang siksikang sinehan. Ang ating kalagayan ay katulad ng siksikang sinehan; tingnan mo lamang ang maraming pagpaslang sa mga klinika sa nakalipas na ilang taon.” Yaong nagtataguyod ng karahasang ito ay nangangatuwiran na isinasagawa lamang nila ang kanilang karapatan na iginagarantiya sa Unang Susog ng Amerika—kalayaan sa pananalita. Kaya ito’y nagpapatuloy. Ang mga labanan tungkol sa karapatang ito ay patuloy na ipakikipaglaban sa mga talakayan ng bayan, at kailangang lutasin ng mga hukuman ang usapin, nakalulungkot nga lang, hindi sa kasiyahan ng lahat.
Kung Ano ang Magagawa ng mga Magulang
Ang mga tahanan ay dapat na maging mga kanlungan para sa mga bata, hindi isang lugar na doon sila ay nagiging madaling biktima niyaong magsasamantala at aabuso sa kanila o kung saan ang payapang mga personalidad ay maaaring hikayating magpakita ng pabagu-bagong marahas na mga kalooban. “Makatitiyak kayo na ang inyong anak ay hindi kailanman magiging marahas sa kabila ng patuloy na panonood ng karahasan sa TV,” sabi ng isang propesor sa pamantasan na nagpapahayag sa mga magulang. “Subalit hindi ko matitiyak sa inyo na ang inyong anak ay hindi mapapaslang o mapipinsala ng anak ng iba, na pinalaki sa panonood ng mararahas na programa sa TV.” Pagkatapos ay ganito ang payo niya: “Ang pagtatakda ng panonood ng mga bata ng karahasan sa TV ay dapat na maging bahagi ng talaan ng mga bagay na isasaalang-alang sa kalusugan ng bayan, katulad ng upuang pangkaligtasan, mga helmet kapag sumasakay ng bisikleta, pagpapabakuna at masustansiyang pagkain.”
Kung hindi mo papayagan ang isang estranghero na pumasok sa inyong bahay at gumamit ng abusadong pananalita at makipag-usap nang may kalaswaan sa iyong anak tungkol sa sekso at karahasan, kung gayon ay huwag mong payagan ang radyo at telebisyon na maging ang estrangherong iyon. Alamin kung kailan mo ito papatayin o ililipat ng channel. Alamin kung ano ang pinanonood ng iyong anak, kapuwa sa telebisyon at sa computer, maging sa loob mismo ng kaniyang silid. Kung alam niyang gamitin ang computer at ang mga network na makukuha niya, baka magulat kang malaman kung ano ang ipinapasok niya sa kaniyang isip gabi-gabi. Kung hindi ka sang-ayon sa pinanonood ng iyong anak, basta sabihin mong huwag itong panoorin at ipaliwanag kung bakit. Hindi siya mamamatay kung siya ay pagbabawalan.
Sa katapusan, turuan ang iyong mga anak na mamuhay ayon sa maka-Diyos na mga simulain at hindi sa mga kaugalian ng balakyot na sistemang ito ng mga bagay—pati na ang mahalay at marahas na pananalita at kilos nito. (Kawikaan 22:6; Efeso 6:4) Si apostol Pablo ay nagbigay sa mga Kristiyano ng ilang napapanahong payo na dapat nating pamuhayang lahat. “Ang pakikiapid at bawat uri ng kawalang-kalinisan o kasakiman ay huwag man lamang mabanggit sa gitna ninyo, gaya ng naaangkop sa mga taong banal; ni kahiya-hiyang paggawi ni mangmang na usapan ni malaswang pagbibiro, mga bagay na hindi angkop, kundi sa halip ay ang pagbibigay ng pasasalamat.”—Efeso 5:3,4.
[Mga larawan sa pahina 10]
Ang ilang programa sa TV ay maaaring humantong sa krimen at imoralidad