Nanganganib Malipol na “Species”—Ang Lawak ng Problema
ANG mga ibong dodo ay naging sagisag ng pagkalipol. Ang kahuli-hulihan sa mga ibong ito na hindi lumilipad ay namatay noong mga 1680 sa isla ng Mauritius. Marami sa species (mga uri ng buhay-halaman at -hayop) na kasalukuyang nanganganib ay namumuhay rin sa mga isla. Sa nakalipas na 400 taon, 85 sa 94 na uri ng ibon na naglaho ay mga ibon sa isla.
Ang mga hayop sa malawak na mga kontinente ay nanganganib ding malipol. Isaalang-alang ang mga tigre na dating gumagala-gala sa buong Russia. Ngayon tanging ang subspecies ng tigreng Amur ang nananatili sa Siberia, at ang mga bilang nito ay umunti tungo sa 180 hanggang 200 na lamang. Ang mga tigre sa gawing timog ng Tsina ay iniulat na mayroon na lamang 30 hanggang 80. Sa Indochina ang mga hayop na ito ay maaaring malipol “sa loob ng sampung taon,” ulat ng The Times ng London. Gayundin, sa India, ang tirahan ng humigit-kumulang dalawang-katlo ng mga tigre sa daigdig, tinataya ng mga awtoridad na ang maringal na mga nilalang na ito ay maaaring malipol sa loob ng isang dekada.
Umuunti ang mga rhinoceros at mga cheetah. Sa Tsina ang dambuhalang mga panda ay gumagala nang grupu-grupo na wala pang sampu. Ang pine marten ay halos lipól na sa Wales at ang pulang mga squirrel ay “maaaring maglaho mula sa Inglatera at Wales sa susunod na sampu hanggang 20 taon,” sabi ng The Times. Sa ibayo ng Atlantiko sa Estados Unidos, ang mga paniki ang pinakananganganib na mamal sa lupa.
Ang tanawin sa mga karagatan ng daigdig ay nakapanlulumo rin. Inilalarawan ng The Atlas of Endangered Species ang mga pagong sa dagat bilang “marahil ang pinakananganganib malipol na grupo” ng mga nilalang sa dagat. Waring mas mabuti ang kalagayan ng mga ampibyan (nakatitira sa tubig o sa lupa); gayunman, ayon sa magasing New Scientist, 89 na uri ng ampibyan ang “nanganganib malipol” sa nakalipas na 25 taon. Mga 11 porsiyento ng mga uri ng ibon ang nanganganib ding malipol.a
Subalit kumusta naman ang tungkol sa mas maliliit na nilalang, gaya ng mga paruparo? Gayundin ang kalagayan. Mahigit na sangkapat ng 400 uri ng paruparo sa Europa ay nanganganib—19 ang pinagbabantaan ng nalalapit na pagkalipol. Ang malaking paruparong tortoiseshell sa Britanya ay naging lipól na uri na gaya ng ibong dodo noong 1993.
Lumalaking Pagkabahala
Ilang uri ng mga nilalang ang nalilipol sa bawat taon? Ang sagot ay depende sa dalubhasang tinatanong mo. Bagaman tumututol ang mga siyentipiko, kinikilala ng lahat ang katotohanang maraming species ang nanganganib na malipol. Ganito ang sabi ng ekologong si Stuart Pimm: “Ang kontrobersiya tungkol sa kung gaano kabilis nating nawawala [ang species] ay pangunahin nang isang pagtatalo tungkol sa ating kinabukasan.” Sabi pa niya: “Sa nakalipas na mga dantaon, pinabilis natin ang pagkalipol ng species na higit sa likas na bilis ng pagkalipol. Dahil dito ang ating kinabukasan ay mas hamak.”
Ang ating planeta, ang Lupa, ay parang isang bahay. Ang ilang tao na nagmamalasakit sa species na nanganganib malipol ay nag-aaral ng ekolohiya, isang terminong nabuo noong dakong huli ng ika-19 na siglo mula sa salitang Griego na oiʹkos, “isang bahay.” Ang larangang ito ng ekolohiya ay nagtututok ng pansin sa mga kaugnayan sa pagitan ng mga bagay na nabubuhay at ng kanilang kapaligiran. Noong ika-19 na siglo nagkaroon ng lumalagong interes sa konserbasyon, malamang na pinasisidhi ng mga ulat tungkol sa mga pagkalipol. Sa Estados Unidos, ito ay humantong sa pagtatatag ng pambansang mga parke at protektadong mga lugar na nagbibigay ng kanlungan sa mga nilalang. Sa kasalukuyan, may tinatayang 8,000 internasyonal na kinikilalang lugar na nangangalaga sa mga buhay-iláng sa buong daigdig. Lahat-lahat na may mahigit na 40,000 lugar na tumutulong upang mapanatili ang tirahan, ang mga ito ay bumubuo ng halos 10 porsiyento ng sukat ng lupa ng daigdig.
Maraming nababahalang tao ngayon ay nagtataguyod sa tinatawag na “green causes,” sa pamamagitan ng mga kilusan na nagpapahayag sa publiko tungkol sa mga banta ng pagkalipol o yaong basta nagtuturo sa mga tao tungkol sa pagka-umaasa ng isa’t isa sa buhay. At mula noong Rio Earth Summit ng 1992, higit na kabatiran tungkol sa mga isyung pangkapaligiran ang karaniwang lumalarawan sa pag-iisip ng pamahalaan.
Ang problema tungkol sa species na nanganganib malipol ay pangglobo at lumalago. Ngunit bakit? Naging matagumpay ba ang anumang mga pagsisikap na hadlangan ang pagkalipol ng species kamakailan? At kumusta naman ang tungkol sa hinaharap? Paano ka nasasangkot? Ang susunod naming mga artikulo ay nagbibigay ng mga kasagutan.
[Talababa]
a Ang isang uri na lipól na (extinct species) ay binibigyang kahulugan bilang isa na hindi na nakita sa iláng sa loob ng 50 taon, samantalang ang mga uri na nanganganib malipol (endangered species) ay tumutukoy sa mga uri na nanganganib malipol kung walang pagbabago sa kanilang kasalukuyang kalagayan.