Dumarami ang Nagsisilikas
ANG kalakhang bahagi ng kasaysayan ng tao ay pinapangit ng mga digmaan, gutom, at pagpapahirap. Bunga nito, laging may mga taong nangangailangan ng asilo o ampunan. Noong nakalipas, kinalinga ng mga bansa at mga tao ang mga nangangailangan.
Ang mga batas na naglalaan ng asilo ay iginalang ng sinaunang mga Aztec, Asiriano, Griego, Hebreo, Muslim, at iba pa. Si Plato, ang pilosopong Griego, ay sumulat mahigit na 23 siglo na ang nakalipas: “Ang dayuhan, na napahiwalay sa kaniyang mga kababayan at sa kaniyang pamilya, ay dapat na pagpakitaan ng higit na pag-ibig sa bahagi ng mga tao at ng mga diyos. Kaya dapat gawin ang lahat ng mga pag-iingat upang huwag makagawa ng masama laban sa mga dayuhan.”
Noong ika-20 siglo, ang bilang ng mga nagsilikas ay lubhang dumami. Sa pagsisikap na pangalagaan ang natitirang 1.5 milyong nagsilikas mula sa Digmaang Pandaigdig II, ang United Nations High Commissioner for Refugees (UNHCR) ay itinatag noong 1951. Ito ay inaasahang tatagal ng tatlong taon, batay sa idea na di-magtatagal at ang naiwang mga nagsilikas ay mapapasama sa mga lipunan na nag-ampon sa kanila. Pagkatapos niyaon, ipinalagay na ang organisasyon ay maaari nang buwagin.
Subalit, sa nakalipas na mga dekada ang bilang ng mga nagsisilikas ay walang-lubay na tumaas. Noong 1975 ang bilang nila ay umabot ng 2.4 milyon. Noong 1985 ang bilang ay 10.5 milyon. Noong 1995 ang bilang ng mga taong tumatanggap ng proteksiyon at tulong mula sa UNHCR ay lubhang tumaas tungo sa 27.4 milyon!
Marami ang umasa na ang panahon pagkatapos ng Cold War ay magbubukas ng daan upang lutasin ang pangglobong problema sa nagsisilikas; hindi gayon ang nangyari. Sa halip, ang mga bansa ay nabahagi sa makasaysayan o etnikong mga grupo, na nagbunga ng mga alitan. Habang nagngangalit ang mga digmaan, ang mga tao’y nagsitakas, yamang nababatid nila na ang kani-kanilang mga pamahalaan ay hindi makapagbibigay o ayaw magbigay ng proteksiyon sa kanila. Noong 1991, halimbawa, halos dalawang milyong taga-Iraq ang tumakas tungo sa kalapit na mga bansa. Mula noon, tinatayang 735,000 nagsilikas ang umalis sa kani-kanilang tahanan mula sa dating Yugoslavia. Pagkatapos, noong 1994, dahil sa gera sibil sa Rwanda ay napilitang tumakas ang mahigit na kalahati ng 7.3 milyon katao ng bansa. Halos 2.1 milyong taga-Rwanda ang nanganlong sa kalapit na mga bansa sa Aprika.
Bakit Lumalala ang Problema?
May ilang salik kung bakit dumarami ang mga nagsisilikas. Sa ilang dako, gaya sa Afghanistan at Somalia, bumagsak ang mga pamahalaan ng bansa. Iniwan nito ang bagay-bagay sa kamay ng armadong mga lalaki na walang habas na nandambong sa mga lalawigan, anupat siyang sanhi ng pagkataranta at pagtakas.
Sa ibang lugar naman, ang alitan ay batay sa masalimuot na etniko o relihiyosong di-pagkakaunawaan, kung saan ang pangunahing layunin ng naglalabang pangkat ay upang alisin ang populasyon ng mga sibilyan. Tungkol sa digmaan sa dating Yugoslavia, isang kinatawan ng UN ang nanangis noong kalagitnaan ng 1995: “Para sa maraming tao napakahirap unawain ang mga dahilan ng digmaang ito: sino ang naglalaban, ang mga dahilan ng labanan. Nagkaroon ng lansakang pag-aalisan mula sa isang panig at pagkaraan ng tatlong linggo nagkaroon naman ng lansakang pag-aalisan mula sa kabilang panig. Napakahirap unawain kahit na ng mga taong kailangang umunawa rito.”
Ang lubhang mapangwasak na makabagong mga sandata—mga multiple-launch rocket, missile, kanyon, at mga katulad nito—ay nakadaragdag sa mga napapatay at nagpapalawak sa saklaw ng labanan. Ang resulta: higit pang mga nagsisilikas. Kamakailan lamang halos 80 porsiyento ng mga nagsilikas sa daigdig ang tumakas mula sa nagpapaunlad na mga bansa tungo sa kalapit na mga bansa na nagpapaunlad din at walang kakayahan upang pangalagaan yaong mga naghahanap ng asilo.
Sa maraming labanan ang kakulangan ng pagkain ay nakadaragdag pa sa problema. Kapag ang mga tao’y nagugutom, marahil dahil sa ang mga komboy ng sasakyan na nagdadala ng suplay na tulong ay nahaharang, sila’y napipilitang umalis. Ganito ang sabi ng The New York Times: “Sa mga lugar na gaya ng Horn of Africa, ang pinagsamang tagtuyot at digmaan ay lubhang puminsala sa lupa anupat ito’y hindi na makapaglaan ng ikabubuhay. Hindi na mahalaga kung alinman sa gutom o digmaan ang tinatakasan ng daan-daang libong umaalis.”
Ang Inaayawang Milyun-Milyon
Bagaman ang idea ng asilo ay iginagalang sa simulain, ang malaking bilang ng mga nagsisilikas ay nakababagabag sa mga bansa. Ang kalagayang ito’y nahahawig sa sinaunang Ehipto. Nang si Jacob at ang kaniyang pamilya ay manganlong sa Ehipto upang takasan ang mga pinsala ng pitong-taóng taggutom, sila’y tinanggap. Ibinigay sa kanila ni Faraon “ang pinakamabuti sa lupain” na paninirahan.—Genesis 47:1-6.
Gayunman, sa paglipas ng panahon, ang mga Israelita ay lubhang dumami, “anupat ang lupain ay napunô nila.” Ang mga Ehipsiyo ngayon ay tumugon nang may kabagsikan, subalit “habang sinisiil [ng mga Ehipsiyo], lalo namang dumarami [ang mga Israelita] at lalo silang nagsisipangalat, anupat sila’y nakadama ng nakapangingilabot na takot dahil sa mga anak ni Israel.”—Exodo 1:7, 12.
Sa katulad na paraan, ang mga bansa sa ngayon ay nakadarama ng “nakapangingilabot na takot” habang ang bilang ng mga nagsisilikas ay patuloy na dumarami. Isang pangunahing dahilan ng kanilang pagkabahala ay ang ekonomiya. Nagkakahalaga ng malaking salapi upang pakanin, damtan, bigyan ng pabahay, at pangalagaan ang milyun-milyong nagsisilikas. Sa pagitan ng 1984 at 1993, ang taunang gastusin ng UNHCR ay tumaas mula sa $444 milyon tungo sa $1.3 bilyon. Karamihan ng salapi ay kaloob ng mas mayayamang bansa, na ang ilan dito ay nakikipagpunyagi sa kanilang sariling mga problema sa ekonomiya. Kung minsan ang mga bansang nagkakaloob ay nagrereklamo: ‘Gipit na gipit kami upang tumulong pa sa mga walang tirahan sa amin mismong bansa. Paano pa namin sasagutin ang mga walang tirahan sa buong lupa, lalo na kung ang problema ay malamang na dumami kaysa umunti?’
Ano ang Nagpapalubha sa mga Bagay-bagay?
Madalas nasusumpungan niyaong mga nagsilikas sa isang mayamang bansa na ang kanilang kalagayan ay napalulubha pa ng libu-libong tao na nandayuhan sa bansa ring iyon dahil sa ekonomiya. Ang mga nandarayuhang ito dahil sa ekonomiya ay hindi yaong mga nagsisilikas dahil sa digmaan o pagpapahirap o taggutom. Bagkus, sila’y dumating upang maghanap ng mas mabuting buhay—isang buhay na malaya sa karukhaan. Sapagkat madalas silang magkunwang mga nagsilikas, na ginugulo ng kanilang kasinungalingan ang mga organisasyong nagbibigay ng asilo, ginagawa nilang mas mahirap para sa tunay na mga nagsisilikas na ang mga ito’y makatarungang dinggin.a
Ang pagdagsa ng mga nagsisilikas at mga nandarayuhan ay itinulad sa dalawang agos na magkatabing dumadaloy tungo sa mayayamang bansa sa loob ng mga taon. Subalit, ang pahigpit nang pahigpit na mga batas sa pandarayuhan ay nakahadlang sa agos ng mga nandarayuhan dahil sa ekonomiya. Kaya nga, sila’y naging bahagi ng agos ng nagsisilikas, at ang agos na ito ay umapaw at naging isang baha.
Palibhasa’y natatalos na maaaring gumugol ng ilang taon upang suriin ang kanilang kahilingan para sa asilo, ang mga nandarayuhan dahil sa ekonomiya ay nangangatuwiran na sila’y nasa isang katayuang laging panalo. Kung tanggapin ang kanilang kahilingan para sa asilo, panalo sila, yamang maaari silang manatili sa mas masaganang kapaligiran sa ekonomiya. Kung tanggihan ang kanilang kahilingan, panalo pa rin sila, yamang kumita na sila ng ilang salapi at natuto na sila ng ilang kasanayan na iuuwi nila sa kanilang bansa.
Habang parami nang paraming bilang ng mga nagsisilikas, kasama ng mga impostor, ang humuhugos, maraming bansa ang hindi na tumatanggap sa kanila. Ang ilan ay nagsara na ng kanilang mga hangganan para sa mga tumatakas. Ang ibang mga bansa ay nagpasok ng mga batas at mga pamamaraan na nagkakait ng pahintulot sa lumikas na makapasok sa bansa. Sapilitang ibinalik pa nga ng ibang bansa ang mga nagsisilikas sa mga lupaing kanilang tinakasan. Ganito ang sabi ng isang publikasyon ng UNHCR: “Ang walang-lubay na pagdami—kapuwa ng tunay na mga nagsisilikas at ng mga nandarayuhan dahil sa ekonomiya—ay nagbigay ng isang mabigat na pasan sa 3,500-taóng-gulang na tradisyon ng asilo, anupat halos bumagsak na ito.”
Poot at Takot
Nakadaragdag pa sa mga problema ng nagsisilikas ay ang multo ng xenophobia—takot at pagkapoot sa mga dayuhan. Sa maraming bansa ang mga tao ay naniniwala na pinagbabantaan ng mga tagalabas ang kanilang pambansang pagkakakilanlan, kultura, at mga trabaho. Ang gayong takot kung minsan ay makikita sa karahasan. Ganito ang sabi ng magasing Refugees: “Ang kontinente ng Europa ay makikitaan ng isang pagsalakay dahil sa lahi tuwing tatlong minuto—at ang mga dakong kanlungan para sa mga naghahanap ng asilo ay kadalasang siyang tudlaan ng karahasan.”
Isang poster sa gitnang Europa ang nagpapahayag ng matinding pagkapoot, isang pagkapoot na higit at higit na umaalingawngaw sa maraming bansa sa lupa. Ang mensahe ng poot nito ay umaasinta sa dayuhan: “Sila’y isang nakasusuklam at makirot na naknak sa katawan ng ating bansa. Isang etnikong grupo na walang anumang kultura, moral o relihiyosong mga simulain, isang pangkat ng mga palaboy na nandarambong at nagnanakaw lamang. Marurumi, kutuhin, okupado nila ang mga lansangan at mga istasyon ng tren. Hayaan silang mag-impake ng kanilang marurumi’t gula-gulanit na damit at huwag nang pabalikin kailanman!”
Mangyari pa, walang ibang gusto ang karamihan ng mga nagsisilikas kundi ang “huwag nang pabalikin kailanman.” Nananabik silang makauwi. Ang kanilang mga puso’y nananabik na mamuhay ng isang mapayapa, normal na buhay na kasama ng pamilya at mga kaibigan. Subalit wala silang tahanang mauuwian.
[Talababa]
a Noong 1993, ang mga pamahalaan sa Kanlurang Europa lamang ay gumugol ng $11.6 bilyon upang iproseso at tanggapin ang mga naghahanap ng asilo.
[Kahon/Larawan sa pahina 6]
Ang Malungkot na Kalagayan ng mga Nagsisilikas
“Alam mo bang daan-daang libong anak ng mga nagsilikas ang natutulog nang gutom gabi-gabi? O na isa lamang sa walong anak ng mga nagsilikas ang nakapag-aaral? Karamihan ng mga batang ito ay hindi pa kailanman nakapasok sa mga sinehan, o sa parke, lalo pa sa isang museo. Marami ang lumaki sa likod ng mga alambreng tinik o sa nakabukod na mga kampo. Hindi pa sila kailanman nakakita ng baka o aso. Napakarami sa mga anak ng mga nagsilikas ang nag-aakalang ang luntiang damo ay isang bagay na makakain, hindi isang bagay na doon maglalaro at magtatatakbo. Ang mga anak ng mga nagsilikas ang pinakamalungkot na bahagi ng aking trabaho.”—Sadako Ogata, United Nations High Commissioner for Refugees.
[Credit Line]
Larawan ng U.S. Navy
[Kahon/Larawan sa pahina 8]
Si Jesus ay Lumikas Noon
Sina Jose at Maria ay nakatira sa Betlehem kasama ng kanilang anak, si Jesus. Dumating ang mga astrologo mula sa Silangan na may dalang regalong ginto, olibano, at mira. Pagkaalis nila isang anghel ang nagpakita kay Jose, na ang sabi: “Bumangon ka, dalhin mo ang bata at ang kaniyang ina at tumakas ka patungong Ehipto, at manatili kayo roon hanggang sa sabihin ko sa iyo; sapagkat hahanapin na ni Herodes ang bata upang puksain ito.”—Mateo 2:13.
Karaka-raka silang tatlo ay nanganlong sa isang banyagang bansa—sila’y nagsilikas. Galit na galit si Herodes dahil ang mga astrologo ay hindi nag-ulat sa kaniya tungkol sa kinaroroonan ng Isa na inihulang magiging hari ng mga Judio. Dahil sa nabigong pagtatangka na patayin si Jesus, ipinag-utos niya sa kaniyang mga tauhan na patayin ang lahat ng mga batang lalaki sa loob at palibot ng Betlehem.
Si Jose at ang kaniyang pamilya ay nanatili sa Ehipto hanggang sa magpakitang muli ang anghel kay Jose sa isang panaginip. Sabi ng anghel: “Bumangon ka, dalhin mo ang bata at ang kaniyang ina at pumaroon ka sa lupain ng Israel, sapagkat yaong mga naghahanap sa kaluluwa ng bata ay patay na.”—Mateo 2:20.
Maliwanag, balak ni Jose na manirahan sa Judea, kung saan sila nakatira noon bago sila tumakas patungong Ehipto. Subalit siya’y binabalaan sa isang panaginip na magiging mapanganib iyon. Kaya ang banta ng karahasan ay minsan pang nakaapekto sa kanilang buhay. Sina Jose, Maria, at Jesus ay naglakbay pahilaga tungo sa Galilea at nanirahan sa bayan ng Nazaret.
[Mga larawan sa pahina 7]
Nitong nakalipas na mga taon milyun-milyong nagsilikas ang tumakas tungo sa ibang bansa upang iligtas ang kanilang buhay
[Credit Lines]
Itaas sa kaliwa: Albert Facelly/Sipa Press
Itaas sa kanan: Charlie Brown/Sipa Press
Ibaba: Farnood/Sipa Press
[Picture Credit Line sa pahina 4]
Batang lalaki sa kaliwa: LARAWAN NG UN 159243/J. Isaac