‘Maging ang Dila ng mga Utal ay Magsasalita’
NOON ay panghapong sesyon ng pantanging araw na asamblea ng mga Saksi ni Jehova sa Czechoslovakia (ngayo’y Czech Republic), at daan-daan ang nagkatipon upang tumanggap ng turo buhat sa Bibliya. Ako’y nakatayo sa likod ng plataporma habang nirerepaso ang aking bahagi. Hindi naman ito malaking bahagi. Dalawang kabataang Saksi ang maglalahad ng mga karanasan, at ako lamang ang magsisilbing tsirman para sa bahaging iyon. Nang umagang iyon ako’y nakadama ng tensiyon, at ngayon ito ay sumisidhi. Literal na nadama kong ako’y naparalisa, lubhang nag-aalala, at hindi makapagsalita.
Maiisip mo na halos lahat ay kakabahan sa gayong kalagayan. Subalit higit pa ito sa nerbiyos lamang. Hayaan mong ipaliwanag ko kung bakit.
Ang Problema Ko sa Pagsasalita
Sa gulang na 12, ako’y nahulog at napinsala ang aking ulo, leeg, at gulugod. Pagkatapos niyan, ako’y nauutal paminsan-minsan o nahihirapang bumigkas ng mga salita, lalo na ang mga salitang nagsisimula sa mga letrang p, k, t, d, at m. Kung minsan hindi pa nga ako makapagsalita.
Ang problema ay hindi gaanong nakabahala sa akin nang panahong iyon; waring hindi naman ito naging napakahirap. Subalit sa paglipas ng mga taon, nagkaroon ako ng tunay na pagkatakot sa anumang uri ng pagsasalita sa madla. Minsan akong hinimatay samantalang nag-uulat sa paaralan. At kung minsan samantalang ako’y namimili, kapag tinanong ako ng mga tindera kung ano ang gusto ko, hindi ko sila masagot. Habang ako’y nakikipagpunyaging magsalita, tumitindi ang kanilang pagkayamot: “Bilisan mo. Hindi ako maaaring maghintay maghapon. Naghihintay ang ibang namimili.” Bunga nito, hindi ko mabili ang mga bagay na kailangan ko.
Napakahirap ng aking mga taon sa paaralan. Kapag ako’y may mga iuulat, pinagtatawanan ng mga kaklase ko ang aking pagkautal. Gayunman, ako’y nagtapos ng haiskul at noong 1979 ako’y nag-aral sa isang pamantasan sa Prague, Czechoslovakia. Yamang mahilig ako sa palakasan, kumuha ako ng mga kurso upang maging isang guro sa edukasyong pangkatawan. Subalit paano ko matatamo ang aking tunguhin? Sa kabila ng mga pag-aagam-agam, ako’y determinadong sumulong.
Paghingi ng Tulong
Tiyak na may paraan upang maalis ko ang aking depekto sa pagsasalita. Kaya nang ako’y magtapos sa pamantasan, ako’y determinadong humingi ng tulong sa isang propesyonal. Hinanap ko ang isang klinika sa Prague na dalubhasa sa paggamot ng mga suliranin sa pagsasalita. Noong panimulang konsultasyon, isang nars ang bumulalas: “Kakaiba ang iyong neurosis!” Nasaktan ako nang ipinalagay niyang ako ay neurotiko, bagaman sumasang-ayon ang mga dalubhasa na ang pagkautal ay hindi isang pagiging neurotiko. Di-nagtagal at natanto ko na nakakaharap ko ang isang pambihirang hamon: Ako’y binata na 24 anyos, at lahat ng iba pang pasyente ay mga bata.
Di-nagtagal at ang lahat ng kawani, pati na ang sikologo, ay nasangkot sa pagtulong sa akin. Sinubok nila ang lahat ng paraan. Minsan, pinagbawalan nila akong magsalita sa sinuman sa loob ng limang linggo. Noong minsan naman, pinayagan nila akong magsalita lamang sa iisang tono at napakabagal. Bagaman ang paraang ito ay nakatulong, nabansagan naman akong “Tagagayuma ng Ahas” dahil marami ang nakakatulog kapag ako’y nag-uulat.
Nakakilala ng mga Saksi ni Jehova
Isang araw noong tag-araw ng 1984, samantalang ako’y naglalakad sa bayan, dalawang kabataang lalaki ang lumapit sa akin. Hindi ako namangha sa kanilang panlabas na hitsura kundi sa kanilang sinabi. Sinabi nilang ang Diyos ay may pamahalaan, isang Kaharian, na magwawakas sa lahat ng suliranin ng sangkatauhan. Ibinigay nila sa akin ang numero ng kanilang telepono, at hindi nagtagal ay tumawag ako sa kanila.
Nang panahong iyon ang mga Saksi ni Jehova ay hindi kinikilala bilang isang legal na relihiyosong organisasyon sa Czechoslovakia. Gayunman, nang maglaon ang aking interes ay napukaw nang gayon na lamang anupat ako’y nagsimulang dumalo sa kanilang mga pulong. Talagang nadarama ko ang pag-ibig at malasakit ng mga Saksi sa isa’t isa.
Ang Daan Tungo sa Pagtitiwala
Ang tulong para sa aking problema sa pagsasalita ay dumating sa anyo ng tinatawag na Paaralang Teokratiko sa Pagmiministro, isang paaralang idinaraos linggu-linggo sa bawat kongregasyon ng mga Saksi ni Jehova. Ako’y hinimok na magpatala, at ako’y nagpatala. Batay sa mga mungkahi na inilahad sa isa sa mga aklat-aralin ng paaralan, ang Giya sa Paaralang Teokratiko sa Pagmiministro, pinagsikapan kong pagbutihin ang mga katangian sa pagsasalita na gaya ng katatasan, pagbigkas, pagdiriin, at pagbabagu-bago ng tinig.a
Ang aking unang pahayag ng estudyante, na isang pagbabasa sa Bibliya, ay isang malaking kabiguan. Sobra ang nerbiyos ko at halos hindi ako makauwi ng bahay. Gayon na lamang ang pasasalamat ko sa nakagiginhawang epekto ng isang mainit na paligo!
Pagkatapos ng unang pahayag na iyon, maibiging binigyan ako ng tagapangasiwa sa paaralan ng personal na pansin. Hindi lamang niya ako binigyan ng nakapagpapatibay na payo kundi binigyan din niya ako ng komendasyon. Iyan ang nagbigay sa akin ng tibay ng loob na patuloy na magsikap. Di-nagtagal pagkatapos niyan, noong 1987, ako’y naging isang bautisadong Saksi. Pagkaraan ng ilang buwan, ako’y lumipat mula sa Prague tungo sa lubhang maliit na bayan ng Žďár nad Sázavou. Masigla akong tinanggap ng maliit na grupo ng mga Saksi roon. Tinanggap din nila ang aking pautal-utal na pagsasalita, at iyan ang nagpataas ng aking paggalang-sa-sarili.
Nang maglaon, ako’y nakapagdaos ng isang maliit na grupo sa pag-aaral sa Bibliya, at pagkatapos ay nagbigay ako ng aking kauna-unahang pahayag pangmadla sa Bibliya. Sa wakas, pagkatapos ng pagbabago ng pamahalaan sa Czechoslovakia, ako’y nagbibigay na ng gayong mga pahayag sa kalapit na mga kongregasyon. Sa di-pamilyar na mga kapaligiran ay nagbalik ang aking mga problema sa pagsasalita. Subalit hindi ako sumuko.
Pagharap sa Pantanging mga Hamon
Isang araw ako’y inanyayahan ng isang Kristiyanong matanda sa kaniyang pinagtatrabahuhan. Aniya: “Petr, may mabuting balita ako sa iyo! Nais naming makibahagi ka sa dumarating na pansirkitong asamblea.” Nahilo ako at kailangan kong maupo. Sa pagkasiphayo ng aking kaibigan, tinanggihan ko ang alok.
Laging sumasagi sa isipan ko ang pagtangging iyon. Hindi ko ito maalis sa aking isip. Sa mga pulong Kristiyano tuwing babanggitin ang tungkol sa pagtitiwala sa Diyos, may pagkabagabag na nagbabalik sa aking alaala ang pagtangging iyon. Si Gideon, na sa pamamatnubay ng Diyos ay humarap sa buong hukbo ng mga Midianita kasama ng 300 lalaki lamang, ay kung minsan binabanggit sa mga pulong. (Hukom 7:1-25) Narito ang isang lalaking talagang nagtiwala sa kaniyang Diyos, si Jehova! Sinunod ko ba ang halimbawa ni Gideon sa pagtanggi sa atas na iyon? Ang totoo, hindi ko masasabing sinunod ko ang kaniyang halimbawa. Nahiya ako.
Subalit, ang aking Kristiyanong mga kapatid ay hindi nawalan ng pag-asa sa pagtulong sa akin. Binigyan nila ako ng isa pang pagkakataon. Ako’y inanyayahan na makibahagi sa isang programa sa pantanging araw na asamblea. Sa pagkakataong ito ay sumang-ayon ako. Ang totoo, bagaman ako’y nagpapasalamat sa pribilehiyong ito, ang isipin lamang na magpahayag sa isang bulwagang punô ng tao ay totoong nakatakot na sa akin. Talagang kailangan kong pagsikapang dagdagan ang aking pagtitiwala kay Jehova. Subalit paano?
Sa pamamagitan ng masusing pagsasaalang-alang sa pananampalataya at pagtitiwalang taglay ng iba pang mga Saksi sa kaniya. Ang paggawa nito ay nagpalakas sa akin. Maging ang isang liham ng anim-na-taóng-gulang na si Verunka, ang anak na babae ng isang kaibigan, ay nagsilbing isang mainam na halimbawa sa akin. Ganito ang sulat niya: “Sa Setyembre, ako ay papasok na sa paaralan. Hindi ko alam kung ano ang mangyayari kung tungkol sa pambansang awit. Naniniwala akong si Jehova ay makikipaglaban para sa akin, gaya ng ginawa niya para sa Israel.”
Buweno, ito ay ilan lamang sa mga pangyayaring humantong sa sesyon noong hapon ng pantanging araw na asamblea na binanggit ko sa pasimula. Nanalangin ako nang taimtim. Ngayon ay hindi na ako gaanong nababahala sa aking katatasan sa pananalita kundi sa aking pagpuri sa dakilang pangalan ng Diyos sa harap ng maraming tagapakinig na ito.
Kaya ako’y tumayo sa harap ng mikropono, na nakaharap sa daan-daang tao. Pagkatapos, habang natatanto na ang mensahe ay mas mahalaga kaysa sa mensahero, ako’y huminga nang malalim at nagsimula. Pagkatapos, nagkaroon ako ng panahon na tasahin ang mga bagay-bagay. Ninerbiyos ba ako? Tiyak iyon, at nautal pa nga ako nang ilang beses. Subalit, kung walang tulong ng Diyos alam kong hindi ako talagang makapagsasalita.
Nang maglaon pinag-isip-isip ko ang isang bagay na minsa’y sinabi sa akin ng isang Kristiyanong kapatid: “Magalak ka’t ikaw ay may problema sa pagkautal.” Nang banggitin niya ang pananalitang iyon, talagang nagulat ako. Paano niya masasabi ang gayong bagay? Habang ginugunita ito, ngayo’y nauunawaan ko na kung ano ang ibig niyang sabihin. Ang problema ko sa pagsasalita ay nakatulong sa akin na magtiwala sa Diyos sa halip na sa aking sarili.
Lumipas ang ilang taon mula noong hapong iyon ng pantanging araw na asamblea. Sa loob ng mga taóng iyon ay nagkaroon ako ng iba pang mga pribilehiyo na nagsasangkot ng pagsasalita sa harap ng maraming tao. Ako’y nahirang bilang isang Kristiyanong matanda sa Žďár nad Sázavou at gayundin bilang isang payunir, gaya ng tawag sa buong-panahong mga ministro ng mga Saksi ni Jehova. Isip-isipin mo! Mula noon ako’y gumugugol ng mahigit na sandaang oras buwan-buwan sa pakikipag-usap sa iba tungkol sa Kaharian ng Diyos, huwag nang banggitin pa ang panahong ginugugol ko linggu-linggo sa pagtuturo sa aming mga pulong Kristiyano. At ngayon ay naglilingkod ako bilang isang tagapangasiwa ng sirkito, na nagbibigay ng mga pahayag sa iba’t ibang kongregasyon linggu-linggo.
Ang aking puso’y nag-uumapaw sa pagpapahalaga kailanma’t binabasa ko ang partikular na hula sa Bibliya sa aklat ng Isaias: “Maging ang dila ng mga utal ay magiging mabilis sa pagsasalita ng malilinaw na bagay.” (Isaias 32:4; Exodo 4:12) Si Jehova ay tunay na sumasaakin, anupat tinutulungan akong ‘magsalita ng malilinaw na bagay’ sa kaniyang karangalan, kapurihan, at kaluwalhatian. Kontentung-kontento ako at maligaya na makapuri sa ating pinakamaawaing Diyos.—Gaya ng inilahad ni Petr Kunc.
[Talababa]
a Inilathala ng Watchtower Bible and Tract Society of New York, Inc.