Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • g96 8/22 p. 26-27
  • Pananagumpay sa Trahedya sa Tulong ng Lakas ni Jehova

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Pananagumpay sa Trahedya sa Tulong ng Lakas ni Jehova
  • Gumising!—1996
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • “Patuloy na Aliwin ang Isa’t Isa”
  • Pag-asa Mula sa Trahedya
  • Kaginhawahan Mula sa “Diyos ng Buong Kaaliwan”
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1995
  • “Aliwin ang Lahat ng Nagdadalamhati”
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—2011
  • ‘Makitangis sa mga Tumatangis’
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova (Pag-aaral)—2017
  • Magbigay ng Kaaliwan sa mga Namimighati
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—2003
Iba Pa
Gumising!—1996
g96 8/22 p. 26-27

Pananagumpay sa Trahedya sa Tulong ng Lakas ni Jehova

NG KABALITAAN NG GUMISING! SA ESPANYA

NOONG Pebrero nang taóng ito, marami mula sa Kongregasyon ng Bailén ng mga Saksi ni Jehova sa Espanya ang masayang magkakasama isang maaliwalas na araw sa isang kalapit na Kabundukan ng Sierra Nevada. Subalit mga limang kilometro pa lamang mula sa bahay, isang parating na kotse ang sumalubong sa linyang tinatahak ng kanilang bus, na naging dahilan ng banggaan. Nagkaroon ng pagsabog, at ang bus ay nilamon ng apoy. Ang ilang pasahero ay nakalabas, subalit marami sa likuran ng bus ang nasukol ng usok at namatay.

Lahat-lahat, 26 na Saksi ang nasawi, pati na ang apat na buong-panahong mga ministro at ilang bata​—halos sangkapat ng Kongregasyon ng Bailén. Inulit ng hari ng Espanya, si Juan Carlos, ang mga damdamin ng karamihan sa mga Kastila nang siya’y tumelegrama sa alkalde ng Bailén: “Lubha akong nasindak sa kalunus-lunos na aksidente. Tanggapin ninyo ang aming taimtim na pakikiramay. Pakisuyong iparating sa mga pamilya ng mga biktima ang aming taimtim na pakikiramay at suporta sa napakalungkot na mga sandaling ito.”

Ang isang katanungan sa isipan ng ilan sa libu-libo na dumalo sa serbisyo sa libing ay, Bakit kaya nangyayari ang mga trahedyang ito? Maliwanag, ang mga aksidenteng dulot ng “panahon at di-inaasahang pangyayari” ay maaaring puminsala sa bayan ni Jehova na gaya sa lahat ng iba pa. (Eclesiastes 9:11, 12) Gayunman, si Jehova ay nangangako na sa malapit na panahon ang gayong mga trahedya ay mawawala na.​—Apocalipsis 21:4, 5.

Maraming miyembro ng pamilyang Bethel ng mga Saksi ni Jehova sa Espanya at libu-libong Saksi mula sa ibang bahagi ng bansa ang naglakbay tungo sa Bailén upang magbigay ng kaaliwan at suporta sa lokal na mga kapatid. Ang mga tao sa Bailén, pati na ang lokal at panrehiyong mga awtoridad, ay nakiramay rin sa dalamhati ng mga pamilya ng Saksi. Maraming tagamasid ang humanga sa katatagan ng loob ng naulilang mga Saksi.

“Kilala ko na ang mga Saksi sa loob ng maraming taon,” sabi ni Antonio Gómez, ang alkalde ng Bailén, “at bagaman ako mismo’y isang agnostiko, hinahangaan ko ang inyong pananampalataya. Nang mangyari ang aksidente, agad kong naisip na ang inyong relihiyoso at makataong pagkakaisa ay magpapangyari sa inyo na higit na mapanagumpayan ang trahedya kaysa sa ibang grupo. Nakita ko kung paanong ang buong bayan ay nagbigay ng suporta nito sa nagdadalamhating mga pamilya. Marahil noon, ang mga tao’y may maling kaisipan tungkol sa pinaninindigan ninyo, subalit ako’y natutuwang sabihin na ito’y naglaho na. Mayroon kayong panloob na lakas na mahirap maunawaan ng isa na hindi Saksi.”

Si José Borrell, ang minister ng pagawaing bayan na dumalo sa libing bilang kinatawan ng pamahalaang Kastila, ay nagsabi: “Ano pa ang masasabi mo sa mga taong halos naubos ang lahat nilang pamilya sa isang dagok lamang? Wala ka nang mas mabuting kaaliwang maibibigay kaysa nasumpungan nila sa kanilang pananampalataya. . . . Taglay ninyo ang kahanga-hangang pananampalataya.”

“Patuloy na Aliwin ang Isa’t Isa”

Ano ang “nasumpungan nila sa kanilang pananampalataya”? Higit sa lahat, nasumpungan nila ang kaaliwan mula kay Jehova, “ang Diyos ng buong kaaliwan, na umaaliw sa atin sa lahat ng ating kapighatian.” (2 Corinto 1:3, 4) Sa kabila ng kanilang pagdadalamhati, sila’y nakasumpong ng lakas at kaaliwan sa isa’t isa, na isinasapuso ang mga salita ni Pablo sa mga taga-Tesalonica: “Patuloy ninyong aliwin ang isa’t isa at patibayin ang isa’t isa.”​—1 Tesalonica 5:11.

Isang makabagbag-damdaming karanasang makita ang Kristiyanong mga kapatid na lalaki at babae, ang ilan ay namatayan ng hanggang walong kamag-anak, na dumadalaw sa ibang naulilang mga miyembro ng kongregasyon. “Kapag kami’y nagkikita-kita, kami’y nag-iiyakan. Subalit sa pamamagitan ng mga luha’y ipinaaalaala namin sa aming mga sarili ang pag-asa ng pagkabuhay-muli, at kami’y naaaliw,” sabi ni Francisco Saez, ang punong tagapangasiwa, na namatayan mismo ng kaniyang tanging dalawang anak.

“Hindi namin kinaligtaan ang aming gawaing pangangaral, at gumawa kami ng pantanging pagsisikap na dalawin ang mga kamag-anak ng mga namatay na hindi mga Saksi, na ginagamit ang brosyur na Kapag Namatay ang Iyong Minamahal.” Nagpatuloy pa si Francisco: “Ako mismo, nais kong mangaral, sapagkat alam ko na sa pangangaral sa iba ay bubuti ang pakiramdam ko. At totoo naman, bagaman ako’y lumabas na tumatangis, ako’y umuwi ng bahay na naaliw.”

Ang mga tao sa Bailén ay tumugon nang may pagsang-ayon sa gawaing pagpapatotoo na ito. Isang linggo pagkaraan ng aksidente, si Encarna, na nagdadalamhati sa pagkamatay ng dalawang anak na babae at apat na apo, ay dumalaw sa isang babae na sinimulan niya ng isang pag-aaral sa Bibliya kamakailan. Si Encarna ay nagbibigay noon ng maka-Kasulatang kaaliwan sa babaing ito, na ang asawa ay namatay mga apat na buwan pa lamang ang nakalipas. “Ngayon ay kailangang aliwin natin ang isa’t isa,” sabi niya, habang patuloy nilang tinatalakay ang brosyur na Kapag Namatay ang Iyong Minamahal.

Ang suporta buhat sa pambuong daigdig na kapatiran ay agad ding dumating. “Ang buong kongregasyon ay lubhang napatibay ng libu-libong sulat at mga telegrama na tinanggap namin,” sabi ni Francisco Capilla, ang kalihim ng kongregasyon. “Ang tanggapan ng koreo ay kailangang magpadala ng isang malaking sasakyan nang deretso sa aming bahay araw-araw upang ihatid ang lahat ng mga ito. Kami’y nagpapasalamat sa maibiging pagkabahala ng mga kapatid.”

Pag-asa Mula sa Trahedya

May anumang mabuting bagay ba mula sa gayong trahedya? “Ang puso ng mga pantas ay nasa bahay ng tangisan,” sulat ng sinaunang si Haring Solomon. (Eclesiastes 7:4) Kasuwato ng simulaing ito, ang trahedya sa Bailén ay nagpangyari sa ilang tao na mas seryosong pag-isipan ang tungkol sa kanilang kaugnayan sa Diyos. Si Faustino, isang di-sumasampalatayang asawang lalaki na namatayan ng dalawa sa kaniyang anim na anak sa aksidente, ay nagsabi sa kaniyang asawang si Dolores: “May mabuting balita akong sasabihin sa iyo. Ako’y magsisimula nang mag-aral ng Bibliya, yamang nais kong makita ang aking mga anak sa bagong sanlibutan.”

Bagaman hindi agad mapananagumpayan ng ating mga kapatid sa Bailén ang kanilang dalamhati, sila’y umaaliw sa iba at inaaliw rin naman. Pinalalakas sila ni Jehova sa pamamagitan ng kaniyang espiritu at sa pamamagitan ng suporta ng maraming mapagmahal na mga kapatid. Ang ating mga panalangin ay patuloy na papailanlang sa ating makalangit na Ama alang-alang sa kanila.

[Mga larawan sa pahina 26]

Apat sa mga nasawi

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share