Anong Kinabukasan ang Naghihintay sa Kanila?
SA ISANG pakikipanayam sa Gumising!, sinabi ni Lawrence Hart, isang pangkapayapaang pinunong Cheyenne, na ang isa sa mga problemang nakaaapekto sa mga Indian “ay na kami’y napapaharap sa mga puwersa ng panghihiram ng kultura at asimilasyon. Halimbawa, nawawala na ang aming wika. Ito’y naging isang sinadyang patakaran ng pamahalaan. Napakalaking pagsisikap ang ginawa upang kami’y maging ‘sibilisado’ sa pamamagitan ng edukasyon. Ipinadala kami sa mga boarding school at pinagbawalang magsalita sa aming katutubong wika.” Ganito ang pagkagunita ni Sandra Kinlacheeny: “Kapag ako’y nagsasalita ng wikang Navajo sa aming boarding school, hinuhugasan ng guro ng sabon ang aking bibig!”
Patuloy pa ni Chief Hart: “Ang isang nakapagpapatibay na salik nitong huli ay ang pagkagising ng iba’t ibang tribo sa katotohanan. Napagtanto nila na maglalaho ang kanilang mga wika kung hindi nila pag-iingatan ang mga ito.”
Sasampung tao na lamang ang nagsasalita ng Karuk, ang wika ng isa sa mga tribo sa California. Noong Enero 1996, si Red Thunder Cloud (Carlos Westez), ang huling Indian na nagsasalita ng wikang Catawba, ay namatay sa edad na 76. Wala siyang nakausap sa wikang iyan sa loob ng maraming taon.
Sa mga Kingdom Hall ng mga Saksi ni Jehova sa mga reserbasyon ng mga Navajo at Hopi sa Arizona, halos lahat ay nakapagsasalita sa wikang Navajo o Hopi at Ingles. Maging ang mga di-Indian na mga Saksi ay nag-aaral ng wikang Navajo. Kailangang matutuhan ng mga Saksi ang wikang Navajo upang maisagawa nila ang kanilang pang-edukasyong gawain sa Bibliya, yamang maraming Navajo ang mahusay lamang sa kanilang sariling wika. Ang mga wikang Hopi at Navajo ay buháy na buháy pa, at hinihimok ang mga kabataan na gamitin ang mga ito sa paaralan.
Edukasyon ng mga Katutubong Amerikano
May 29 na kolehiyong Indian sa Estados Unidos, na may 16,000 estudyante. Ang una ay binuksan sa Arizona noong 1968. “Ito ang pinakakahanga-hangang rebolusyon sa Populasyon ng Indian, ang karapatang matuto ayon sa aming sariling kagustuhan,” sabi ni Dr. David Gipp, ng American Indian Higher Education Committee. Sa Sinte Gleska University, ang wikang Lakota ay isang kinakailangang asignatura.
Ayon kay Ron McNeil (Hunkpapa Lakota), presidente ng American Indian College Fund, ang bilang ng mga Katutubong Amerikano na walang trabaho ay umaabot sa 50 hanggang 85 porsiyento, at ang mga Indian ang pinakamadaling mamatay at ang pinakamaraming may diabetes, tuberkulosis, at alkoholismo kaysa alinmang grupo sa Estados Unidos. Ang mas mabuting edukasyon ay isa lamang sa mga paraan na makatutulong.
Mga Sagradong Lupain
Para sa maraming Katutubong Amerikano, ang mga lupain ng kanilang ninuno ay sagrado. Gaya ng sinabi ni White Thunder sa isang senador: “Ang aming lupain dito ang pinakamahalagang bagay para sa amin sa balat ng lupa.” Sa paggawa ng mga pinagkayarian at mga kasunduan, karaniwan nang isinasaisip ng mga Indian na ang mga ito’y para lamang magamit ng mga puti ang kanilang lupain ngunit hindi upang lubusang angkinin at ariin ito. Naiwala ng mga tribong Indian na Sioux ang mahalagang lupain sa Black Hills ng Dakota noong mga taóng 1870, nang dumagsa ang mga minero, na naghahanap ng ginto. Noong 1980 iniutos ng Korte Suprema ng E.U. sa pamahalaan ng E.U. na magbayad ng mga $105 milyon bilang bayad-pinsala sa walong tribo ng Sioux. Hanggang sa ngayon ay ayaw pa ring tanggapin ng mga tribo ang kabayaran—ang gusto nila ay mapabalik ang kanilang sagradong lupain, ang Black Hills ng South Dakota.
Maraming Indiang Sioux ang hindi natutuwang makita ang mga mukha ng mga presidenteng puti na nakaukit sa Mount Rushmore, sa Black Hills. Sa isang kalapit na bundok, ang mga eskultor ay gumagawa pa nga ng mas malaking ukit. Iyon ay si Crazy Horse, ang mandirigmang pinuno na Oglala Sioux. Ang mukha ay matatapos sa Hunyo 1998.
Ang mga Hamon sa Ngayon
Upang manatiling buháy sa modernong daigdig, kinailangang makibagay ang mga Katutubong Amerikano sa iba’t ibang paraan. Marami ngayon ang may mainam na edukasyon at sinanay sa kolehiyo, anupat may mga abilidad na magagamit nila sa pantribong kapaligiran. Ang isang halimbawa ay ang banayad-magsalitang si Burton McKerchie, isang Chippewa mula sa Michigan. Nakagawa na siya ng mga dokumentadong pelikula para sa Public Broadcasting Service at ngayo’y nagtatrabaho sa haiskul sa Reserbasyon ng mga Hopi sa Arizona, na nagsasaayos ng mga sesyon ng video sa silid-aralan sa kolehiyo sa buong estado. Ang isa pang halimbawa ay si Ray Halbritter, lider ng tribo ng bansang Oneida na nag-aral sa Harvard.
Si Arlene Young Hatfield, sa pagsulat sa Navajo Times, ay nagkomento na ang mga kabataang Navajo ay hindi nakaranas o nagsakripisyo na gaya ng kanilang mga magulang at mga lolo’t lola habang sila’y lumalaki. Isinulat niya: “Dahil sa [modernong] mga kagamitan sila’y hindi kailanman nangahoy o nagsibak ng mga ito, umigib ng tubig, o nag-alaga ng mga tupa na gaya ng kanilang mga ninuno. Hindi sila tumutulong sa ikabubuhay ng aming pamilya na gaya ng ginawa ng mga bata noon.” Sinabi niya bilang pagtatapos: “Imposibleng matakasan ang maraming panlipunang problema na tiyak na makaiimpluwensiya sa aming mga anak. Hindi namin maibubukod ang aming mga pamilya, o ang reserbasyon mula sa iba pa sa daigdig, ni makababalik kami sa buhay na dinanas ng aming mga ninuno.”
Naroroon ang hamon para sa mga Katutubong Amerikano—kung paano makapanghahawakan sa kanilang naiibang pantribong mga tradisyon at pamantayan habang nakikibagay sa mabilis na nagbabagong daigdig sa labas.
Pakikipaglaban sa Droga at Alkohol
Sa ngayon, ang alkoholismo ay pumipinsala sa lipunan ng mga Katutubong Amerikano. Si Dr. Lorraine Lorch, na naglingkod sa populasyon ng mga Hopi at Navajo bilang isang pediatrician at general practitioner sa loob ng 12 taon, ay nagsabi sa isang panayam sa Gumising!: “Ang alkoholismo ay isang malubhang problema kapuwa sa mga kalalakihan at mga kababaihan. Ang malalakas na katawan ay nagiging biktima ng sakit sa atay, pagkamatay sa aksidente, pagpapakamatay, at pagpatay. Nakalulungkot makita na mas inuuna pa ang alkoholismo kaysa sa mga anak, kabiyak, at maging sa Diyos. Ang halakhak ay napapalitan ng luha, ang hinahon ay napapalitan ng karahasan.” Idinagdag pa niya: “Maging ang ilang seremonya na dati’y sagrado sa mga Navajo at mga Hopi, ay nilalapastangan kung minsan dahil sa kalasingan at kahalayan. Inaalisan ng alkohol ang kaayaayang mga taong ito ng kanilang kalusugan, talino, pagkamalikhain, at ng kanilang tunay na pagkatao.”
Inilarawan ni Philmer Bluehouse, isang tagapamayapa sa Kagawaran ng Hustisya ng bansang Navajo sa Window Rock, Arizona, sa magandang pananalita ang pag-abuso sa droga at alkohol bilang “sariling-panggagamot.” Ang pag-abusong ito ay upang malimot ang kalungkutan at upang tulungan ang isa na matakasan ang malupit na katotohanan ng isang buhay na walang magawa at madalas na walang layunin.
Gayunman, matagumpay na napaglabanan ng maraming Katutubong Amerikano ang inuming “demonyo” na ipinakilala ng mga puti at nakipagpunyagi upang mapagtagumpayan ang pagkasugapa sa droga. Ang dalawang halimbawa ay sina Clyde at Henrietta Abrahamson, ng Spokane Indian Reservation sa Washington State. Matipuno ang pangangatawan ni Clyde, maiitim ang buhok at mga mata. Nagpaliwanag siya sa Gumising!:
“Halos doon na kami lumaki sa reserbasyon, at pagkatapos ay lumipat kami sa lunsod ng Spokane upang mag-aral sa kolehiyo. Hindi namin alintana ang aming istilo ng buhay, na nagsasangkot ng alkohol at droga. Ito lamang ang uri ng buhay na alam namin. Lumaki kaming kinamumuhian ang dalawang impluwensiyang ito dahil sa nakita naming mga problemang idinudulot nito sa pamilya.
“Pagkatapos ay nakilala namin ang mga Saksi ni Jehova. Ngayon lamang kami nakarinig ng tungkol sa kanila nang kami’y lumuwas sa lunsod. Mabagal ang aming pagsulong. Marahil ay dahil sa talagang wala kaming tiwala sa mga taong hindi namin kilala, lalo na nga sa mga puti. Lumipas sa amin ang tatlong taon ng pasumalang pakikipag-aral sa Bibliya. Ang pinakamahirap na ugali para sa akin na dapat alisin ay ang paghitit ng marihuwana. Humihitit na ako mula pa noong ako’y 14 na taóng gulang, at 25 na ako nang subukan kong tumigil. Lagi akong lango noong kabataan ko. Noong 1986, nabasa ko ang artikulo sa isyu ng Enero 22 ng Gumising! na pinamagatang “Ang Lahat ay Humihitit ng Marihuwana—Bakit Ako’y Hindi Puwede?” Napag-isip-isip ko kung gaano kahangal ang paghitit ng marihuwana—lalo na pagkabasa ko ng Kawikaan 1:22, na nagsasabi: ‘Hanggang kailan kayong mga walang-karanasan patuloy na iibig sa kawalang-karanasan, at gaano katagal kayong mga manunuya na magnanasa para sa inyong sarili ng lantarang panunuya, at hanggang kailan kayong mga mangmang patuloy na mapopoot sa kaalaman?’
“Inalis ko ang kinaugaliang iyon, at noong tagsibol ng 1986, ako at si Henrietta ay nagpakasal. Nabautismuhan kami noong Nobyembre 1986. Noong 1993, ako’y naging matanda sa kongregasyon. Ang aming dalawang anak na babae ay nabautismuhan bilang mga Saksi noong 1994.”
Kalutasan ba ang mga Kasino at Sugal?
Noong 1984 wala pang sugalan sa Estados Unidos na pinatatakbo ng mga Indian. Ayon sa The Washington Post, sa taóng ito 200 tribo ang may 220 sugalan sa 24 na estado. Ang litaw na mga eksepsiyon ay ang mga Navajo at Hopi, na hanggang sa ngayon ay napaglalabanan pa rin ang tukso. Subalit ang mga kasino ba at mga bingguhan ay daan tungo sa kariwasaan at higit na trabaho para sa mga nasa reserbasyon? Ganito ang sabi ni Philmer Bluehouse sa Gumising!: “Ang pagsusugal ay isang tabak na may dalawang talim. Ang tanong ay, Mas marami ba ang makikinabang dito kaysa sa mapipinsala nito?” Sinasabi ng isang pag-uulat na ang mga kasino ng mga Indian ay lumikha ng 140,000 trabaho sa buong bansa ngunit tinukoy nito na 15 porsiyento lamang dito ang hawak ng mga Indian.
Ang pinunong Cheyenne na si Hart ay nagbigay sa Gumising! ng kaniyang opinyon kung paano naaapektuhan ng mga kasino at sugal ang mga reserbasyon. Sabi niya: “Hindi ko matiyak ang aking sarili. Ang tanging mabuting bagay ay na ito’y nagbibigay sa mga tribo ng trabaho at pagkakakitaan. Sa kabilang dako naman, napansin ko na ang karamihan sa mga kostumer ay mga kababayan namin. Ang ilan ay alam kong nagumon na sa binggo, at maaga silang umaalis ng bahay para magtungo roon bago pa man umuwi ang mga anak mula sa paaralan. Kung magkagayon ang mga bata’y may sarili nang susi sa bahay at nagsosolo roon hanggang sa dumating ang kanilang mga magulang mula sa pagbibinggo.
“Ang malaking problema ay na inaakala ng pami-pamilya na sila’y mananalo at lálakí ang kita. Karaniwan nang hindi nagkakagayon; sila’y natatalo. Nakikita ko silang isinusugal ang perang nakalaan sa mga groseri o sa mga damit ng mga anak.”
Anong Kinabukasan ang Naghihintay?
Ipinaliliwanag ni Tom Bahti na may dalawang popular na palagay kapag pinag-uusapan ang kinabukasan ng mga tribo sa Timog-kanluran. “Ang una ay inaasahan nila ang nalalapit na pagkawala ng katutubong kultura tungo sa daloy ng karaniwang buhay ng mga Amerikano. Ang ikalawa ay mas malabo . . . Ito’y buong-ingat na nagsasabi ng tungkol sa panghihiram ng kultura, anupat nagpapahiwatig ng seryosong pagsasama ng ‘pinakamabuti sa luma at ng pinakamabuti sa bago,’ na para bang isang ginintuang paglubog ng kultura na doon ang mga Indian ay maaari pa ring maging naiiba sa kanilang kasanayan sa paggawa, makulay sa kanilang relihiyon at matalino sa kanilang pilosopiya—ngunit nananatiling makatuwiran sa kanilang pakikisama sa amin (ang nakatataas na kultura [ng mga puti]) na malasin ang mga bagay-bagay ayon sa aming pangmalas.”
Nagtanong si Bahti pagkatapos. “Ang pagbabago ay di-maiiwasan, ngunit sino ang babago at sa anong layunin? . . . Kami [mga puti] ay may nakaiinis na ugali sa pagturing sa lahat ng ibang tao bilang mga walang-gulang na Amerikano. Ipinalalagay namin na sila’y tiyak na di-nasisiyahan sa kanilang paraan ng buhay at nasasabik na mamuhay at mag-isip na gaya namin.”
Patuloy pa niya: “Isang bagay ang tiyak—ang kasaysayan ng mga Amerikanong Indian ay hindi pa tapos, ngunit kung paano ito magwawakas o kung ito nga’y magwawakas pa ay walang nakaaalam. May panahon pa, marahil, na isiping ang natitira pang mga komunidad ng mga Indian ay mahalagang kayamanang pangkultura at hindi isa lamang nakalilitong problemang panlipunan.”
Buhay sa Bagong Sanlibutan ng Pagkakasundo at Katarungan
Mula sa pananaw ng Bibliya, alam ng mga Saksi ni Jehova ang maaaring maging kinabukasan ng Katutubong mga Amerikano at ng mga tao ng lahat ng bansa, tribo, at wika. Nangako ang Diyos na Jehova na lilikha ng “bagong mga langit at isang bagong lupa.”—Isaias 65:17; 2 Pedro 3:13; Apocalipsis 21:1, 3, 4.
Ang pangakong ito ay hindi nangangahulugan ng isang bagong planeta. Gaya ng alam na alam ng mga Katutubong Amerikano, ang lupang ito ay isang hiyas kapag iginalang at pinakitunguhan na mabuti. Sa halip, nagpapahiwatig ang hula ng Bibliya ng isang bagong makalangit na pamamahala na papalit sa mapagsamantalang pamahalaan ng mga tao. Ang lupa ay gagawing isang paraiso taglay ang isinauling kagubatan, kapatagan, ilog, at buhay-ilang. Walang pag-iimbot na pagtutulungan ng mga tao ang pangangasiwa sa lupa. Hindi na iiral ang pagsasamantala at kasakiman. Magkakaroon ng saganang masasarap na pagkain at nakapagpapatibay na mga gawain.
At sa pagkabuhay-muli ng mga patay, mawawalan na ng bisa ang lahat ng bagay na wala sa katuwiran. Oo, maging ang mga Anasazi (wikang Navajo para sa “mga taong sinauna”), ang mga ninuno ng marami sa mga Indiang Pueblo, na naninirahan sa Arizona at New Mexico, ay babalik upang magkaroon ng pagkakataong mabuhay nang walang-hanggan dito sa isinauling lupa. Gayundin, yaong mga lider na naging bantog sa kasaysayan ng mga Indian—sina Geronimo, Sitting Bull, Crazy Horse, Tecumseh, Manuelito, Chief Joseph at Chief Seattle—at marami pang iba ay maaaring bumalik sa pamamagitan ng ipinangakong pagkabuhay-muli. (Juan 5:28, 29; Gawa 24:15) Anong kahanga-hangang pag-asa ang iniaalok ng mga pangako ng Diyos sa kanila at para sa lahat ng naglilingkod sa kaniya ngayon!
[Larawan sa pahina 15]
Ang karaniwang tirahan (hogan) ng mga Navajo, na yari sa trosong binalutan ng putik
[Larawan sa pahina 15]
Modelo ni Crazy Horse, saligan ng eskultura sa bundok na nasa likuran
[Credit Line]
Larawan ni Robb DeWall sa kagandahang-loob ng Crazy Horse Memorial Foundation (nonprofit)
[Larawan sa pahina 15]
Ang mga Saksing Hopi at Navajo sa Keams Canyon, Arizona, ay nagpupulong sa kanilang Kingdom Hall, na dating istasyon ng mga kalakal
[Larawan sa pahina 16]
Tirahan ng mga Anasazi mula pa noong mahigit na 1,000 taon (Mesa Verde, Colorado)
[Larawan sa pahina 16]
Si Geronimo (1829-1909), ang bantog na pinuno ng mga Apache
[Credit Line]
Sa kagandahang-loob ng Mercaldo Archives/Dictionary of American Portraits/Dover