Nananatili Bang Gising ang mga Klero ng Ortodokso?
NG KABALITAAN NG GUMISING! SA GRESYA
“NANG pumasok si Jesus sa templo . . . at makita ang ‘tiangge,’ nagsiklab ang kaniyang galit at siya’y sumigaw: ‘Tigilan ninyo ang paggawa sa bahay ng aking Ama na isang bahay ng kalakal!’ Kung siya’y maglalayag ngayon tungo sa isla ng Patmos, . . . mas masasakit na salita ang kaniyang sasabihin. Ngunit ewan ko kung may makikinig sa kaniya.” Iyan ang hinagpis ng isang peryodistang nag-uulat tungkol sa tinatawag na “Pinakamahalagang pagtitipon tungo sa pagkakaisa ng mga Kristiyano” at “isa sa pinakakritikal na sandali sa modernong Kristiyanismo.”
Ang ekumenikal na patriyarka ng Constantinople, si Bartholomew I, na itinuring na makasagisag na ulo ng Simbahang Ortodokso sa buong daigdig, ay nagpahayag na ang taóng 1995 ang “Taon ng Apocalipsis.”a Mula Setyembre 23 hanggang 27, 1995, umabot sa sukdulan ang mga kapistahan nang magtipon sa isla ng Patmos ang matataas-ang-ranggong klerigo ng karamihan sa Ortodoksong kapatriyarkahan. Naroroon din ang mga kinatawan ng Romano Katolikong Simbahan, ng Anglikanong Simbahan, at ng iba’t ibang Protestanteng denominasyon. Ang pinakamatataas na pulitikal at militar na awtoridad ng Gresya ay dumalo sa okasyon, kasama ang mga dayuhang opisyal, pulitiko, prominenteng negosyante, at iba pang inanyayahang mga panauhin mula sa palibot ng globo.
Magugunita ng mga estudyante ng aklat ng Apocalipsis ang mahalagang paalaala na iniharap doon ni Jesu-Kristo: “Narito! Dumarating akong gaya ng isang magnanakaw. Maligaya ang nananatiling gising.” (Apocalipsis 16:15) Dahil sa bantog na relihiyosong selebrasyong ito na umiikot sa Apocalipsis, hindi natin mapigilan na magtanong: Nananatili bang gising ang Sangkakristiyanuhan? Sila ba’y patuloy na nagbabantay, sabik na naghihintay sa pagdating ni Jesu-Kristo bilang iniluklok na Hari? Ang mga kapistahan bang ito’y nakasentro sa tema ng Bibliya, na sumasapit sa pinakasukdulan nito sa Apocalipsis—sa pagpapabanal sa pangalan ni Jehova at pagbabangong-puri sa kaniyang soberanya sa pamamagitan ng Kaharian sa ilalim ni Kristo? Ating isaalang-alang ang ilang pangyayari.
Bahagi ba ng Sanlibutang Ito?
Para sa maraming nagmamasid ang mabuway na pag-aanib ng mga relihiyosong lider, mga pulitiko, at mga negosyante sa panahon ng kapistahan ay lubusang tinututulan. Ipinalalagay ng ilan na sinasamantala lamang ng lahat ng nasasangkot ang kalagayan para sa kanilang sariling partikular na kapakanan. Pinatingkad ng mga klerigo ang kanilang impluwensiya sa pamamagitan ng pagiging kaagapay ng mabubunying pulitiko, samantalang ang mga pulitiko naman ay nagsisikap na pagandahin ang kanilang larawan sa pamamagitan ng pakikipaglaro sa relihiyosong damdamin ng publiko. Sinabi pa nga ng tagapagsalita ng Banal na Sinodo ng Simbahan ng Gresya: “Ang Apocalipsis ay mayroon ding pulitikal na implikasyon . . . Ito’y isang dulang nagaganap sa makalupang tagpo.”—Amin ang italiko.
Tamang-tama ito sa paglalarawang makikita sa Apocalipsis 17:1, 2, na doon ang makasagisag na “dakilang patutot,” ang pandaigdig na imperyo ng huwad na relihiyon na ang pinakaprominenteng bahagi ay ang Sangkakristiyanuhan, ay inilalarawan na nagkakasala ng espirituwal na “pakikiapid” sa “mga hari sa lupa”! Sa halip na manatiling malinis sa espirituwal at mapagbantay, ang Simbahang Ortodokso, gaya ng iba pa sa Sangkakristiyanuhan, ay umakit sa pulitikal na mga tagapamahala sa isang ipinagbabawal na pakikipagkaibigan sa kaniya, na nagsusulsol ng pag-uusig sa relihiyon, lalo na sa mga Saksi ni Jehova.
Hindi Nagkakaisa
Kapansin-pansing wala sa pagdiriwang ang dalawang patriyarkang Ortodokso. Bakit? Bilang protesta, ang patriyarkang si Alexios II ng Moscow ay tumangging dumalo sapagkat ang kapatriyarkahan ng Constantinople ay sumang-ayon sa isang petisyong ginawa ng arkidiosesis kapuwa ng Estonia at Ukraine na ilagay sila sa ilalim ng hurisdiksiyon ng Constantinople sa halip na sa Moscow. Ayon sa ulat, “ito ang pinakamatinding krisis na bumangon kailanman sa ugnayan ng [kapatriyarkahan ng Constantinople] at ng napakalakas na Simbahang Ortodokso ng Russia,” na nagbabanta ng “di-mahuhulaang kahihinatnan ng pagkakaisa at ng awtoridad ng pagiging Ortodokso.”
Karagdagan pa, binoykot ng patriyarka ng Jerusalem ang sinodo. Bakit? Ayon sa ulat ay dahil sa galit na galit siya sa penitensiyang ipinagawa sa kaniya ng kapatriyarkahan ng Constantinople sa nakalipas na tatlong taon dahil sa kaniyang pagtatangkang makontrol ang Simbahang Ortodokso ng Australia.
Noong una, aanyayahan sana si Papa John Paul II, ngunit nabago ito sa huling sandali dahil sa matinding oposisyong ibinangon ng mga konserbatibong elemento sa loob ng Simbahang Ortodokso. Noong Mayo 1995 pinanganlan ng isang nangungunang klerigo ng Ortodokso sa Atenas ang papa na “isang kriminal sa digmaan.” Nang magkagayon ay ipinatalastas na dahil sa ilang mga kalagayan “hindi makakasama ang papa . . . sa pagdiriwang sa Patmos.”
Dagdag pa sa nakalulungkot na situwasyong ito ay ang balintunang bagay na sa panahon ng mga pagdiriwang na ito, 1,500 kilometro lamang pahilagang-kanluran ng Patmos, ang Ortodokso at Romano Katolikong “mga Kristiyano” ay nagpapatayan sa Bosnia at Herzegovina!
Maliwanag, hinahayaan ng mga nag-aantok sa espirituwal na mga diumano’y Kristiyano na sila ay paghiwa-hiwalayin ng sektaryanismo! Bilang pamimintas sa di-pagkakaisang ito, sinabi ni Iakovos, arsobispong Ortodokso ng Hilaga at Timog Amerika, sa isang panayam: “Kami’y nabigo sa aming pagsisikap na makitang nagkakaisa ang mga simbahan upang makapaglingkod sa mga tao at hindi sa mga makapangyarihan ng sanlibutang ito. . . . Ang mga tao’y sawang-sawa na sa . . . mga pagbasbas ng patriyarka.”
“Isang ‘Apocalipsis’ ng Karangyaan”
Ang terminong “pagpaparangalan ng kayamanan” ay sumailalim sa masusing pagsisiyasat. Ganito ang sabi ng isang ulat sa pahayagan: “Ang apat na araw na kapistahan sa Patmos sa wakas ay napatunayang isang ‘apocalipsis’ ng karangyaan. . . . Ang panghalina ng Byzantine ay lumampas sa hangganan ng seremonyang eklesyastikal, na nagbabantang gawing isang marangyang pista ang ekumenikal na okasyon.” Marami ang nababahala sa halaga ng salaping nagagastos sa mga kapistahang ito, lalo na sa panahong ang kaligtasan ng mga tao sa karatig na Balkans at Silangang Europa ay nanganganib. Kinakalkula na ang halaga ng “walang-kapantay na pagkakasayahan” na ito ay halos $17 milyon (U.S.). Mararangyang panlayag na mga barko ang dumating sa daungan ng Patmos upang gawing tuluyan ng ilang mayayamang panauhin na inanyayahang dumalo sa kombokasyon. Sa pagkabalisa ng maraming tagaroon, hanggang sa huling sandali ay pinaganda pa ang isla upang pahangain ang matataas-ranggong mga panauhin—pero wala naman itong ospital at angkop na gusali para sa paaralan.
Angkop na angkop ang mga salita sa Apocalipsis 18:2, 3, 7 sa kalagayang ito: “Ang mga naglalakbay na mangangalakal sa lupa ay yumaman dahil sa kapangyarihan ng walang-kahihiyang luho [ng Babilonyang Dakila]. Kung paanong niluwalhati niya ang kaniyang sarili at namuhay sa walang-kahihiyang luho, sa gayunding paraan ay bigyan ninyo siya ng pahirap at pagdadalamhati”! Sa panahong nagdurusa ang pangkaraniwang mga tao, ang Simbahang Ortodokso naman, sa halip na manatiling gising upang makapaglaan ng kaginhawahan at espirituwal na tulong, ay abalang-abala sa karangyaan ng mga kapistahang salat sa espirituwal.
Pagpapaunlad sa mga Maling Pag-asa
Kaugnay sa pagdiriwang na ito, ilang simposyum at mga komperensiya ang ginanap. Nagmungkahi ng mga solusyon para sa malulubhang problemang kinakaharap ng mga tao. Nagpalabas ng isang resolusyon na nananawagan sa mga siyentipiko na kumilos agad upang lutasin ang mga suliranin ng sangkatauhan. Ni hindi nabanggit minsan man ang Kaharian ng Diyos. Sa kabaligtaran, ang aklat ng Apocalipsis, bilang kasuwato ng iba pang bahagi ng Bibliya, ay nagdiriin na ang Kaharian ng Diyos sa mga kamay ni Jesu-Kristo ang tanging lunas sa lahat ng suliranin ng sangkatauhan.—Apocalipsis 11:15-18; 12:10; 21:1-5.
Hindi nga kataka-taka na ipagwalang-bahala ng Sangkakristiyanuhan ang salig-Bibliyang pag-asa ng Kaharian. Sa pag-uulit sa palasak na saloobin, isa sa mga monghe sa monasteryo ng Patmos ang tahasang umamin: “Hindi namin itinuturing ang Apocalipsis na isang awtorisadong teksto. Ito ang uri ng kasulatang hindi binabasa sa mga simbahan.” Sa katulad na paraan, ganito ang sabi ng isang teologo: “Mapanganib na iugnay ang Apocalipsis sa kasaysayan ng sanlibutang ito na para bang ito ang teksto na detalyadong naglalarawan sa mangyayari. . . . Ito’y kaignorantehan at medyo mapanganib na interpretasyon.” Tunay ngang isang napakahimbing na pagkakatulog sa espirituwal!
Hindi Sila Nananatiling Gising
Kung gayon, maliwanag na hindi nananatiling gising ang Sangkakristiyanuhan. Ang pagdiriwang na ito, sa halip na ituon ang pansin sa Salita ng Diyos at sa kaniyang mga pangako, ay walang-katuturan at walang-kabuluhang relihiyosong “perya.” Ang kalagayan ng diumano’y mga simbahang Kristiyano ay katulad na katulad ng kongregasyon noon sa Laodicea, na dito’y sinabi ni Jesus: “Sinasabi mo: ‘Ako ay mayaman at nakapagtamo ng mga kayamanan at hindi nangangailangan ng anumang bagay,’ subalit hindi mo alam na ikaw ay miserable at kahabag-habag at dukha at bulag at hubad.”—Apocalipsis 3:17.
Kapansin-pansin, isang masugid na tagapagtaguyod ng Simbahang Ortodokso ang sumulat sa isang pahayagan upang magreklamo na “ang tanging nakikinabang sa [pagdiriwang] na ito” ay ang mga Saksi ni Jehova. Bakit ganiyan ang palagay niya? Ipinaliwanag niya na ang pahayag kay Juan “ay may katulad na eskatolohikal na batayan sa doktrinal na paniniwala ng mga Saksi ni Jehova.” Oo, talagang masigasig ang mga Saksi ni Jehova sa pagsisikap na “manatiling mapagbantay,” sa pagiging alisto sa katuparan ng layunin ng Diyos. Nasasabik din silang matulungan ang lahat ng mga tapat-pusong mga tao na ‘manatiling gising upang magtagumpay sa pagtayo sa harap ng Anak ng tao,’ si Jesu-Kristo.—Mateo 24:42; Lucas 21:36.
[Talababa]
a Ayon sa kronolohiya ng Sangkakristiyanuhan, ang taóng iyon ay naging tanda ng ika-1,900 anibersaryo ng pagkakasulat ng aklat ng Apocalipsis (Griego, a·po·kaʹly·psis) sa Patmos. Ang maaasahang patotoo ay nagpapakita na ang Apocalipsis ay isinulat noong 96 C.E.
[Blurb sa pahina 20]
“Pagpaparangalan ng kayamanan” at “walang-kapantay na pagkakasayahan”
[Blurb sa pahina 21]
“Ang mga tao’y sawang-sawa na sa . . . mga pagbasbas ng patriyarka”
[Picture Credit Line sa pahina 19]
Larawan: Garo Nalbandian