Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • g96 9/8 p. 26-27
  • Kung Bakit ang Pagtitiwalag ay Isang Maibiging Kaayusan

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Kung Bakit ang Pagtitiwalag ay Isang Maibiging Kaayusan
  • Gumising!—1996
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Ipinagtatanggol Nito ang Pangalan ng Diyos
  • Iniingatan Nitong Ligtas ang Kongregasyon
  • Proteksiyon sa mga Indibiduwal
  • Manumbalik sa Diyos
  • Kung Bakit Maibiging Kaayusan ang Pagtitiwalag
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—2015
  • Ang Disiplina na Makapagbubunga ng Bungang Mapayapa
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1988
  • Palaging Tanggapin ang Disiplina ni Jehova
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—2006
  • Pagtitiwalag—Isa Bang Maibiging Paglalaan?
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1995
Iba Pa
Gumising!—1996
g96 9/8 p. 26-27

Ang Pangmalas ng Bibliya

Kung Bakit ang Pagtitiwalag ay Isang Maibiging Kaayusan

EKSKOMUNIKASYON​—ang mismong ideya ay pumupukaw ng magkahalong damdamin sa gitna ng maraming relihiyosong mga tao.a Sang-ayon ang marami na kailangan ng mga relihiyon ang isang uri ng disiplina. Ngunit para sa marami ang ekskomunikasyon ay isa nang bakas ng lumipas​—isang malupit na paraan ng disiplina na nagpapagunita sa kanila ng pagtugis sa mga mangkukulam at mga inkisisyon.

Nakadaragdag pa sa problema ang laganap na impluwensiya ng sekular na sanlibutan. Kaya naman, ang karamihan sa mga relihiyon ng Sangkakristiyanuhan ay nakisunod na rin sa isang mas mapagparayang pangmalas sa kasalanan. Kung gayon, hindi kataka-taka na ganito ang sinabi ng isang ministrong Episkopalyano: “Ang ekskomunikasyon ay bahagi na ng aming tradisyon, ngunit sa palagay ko’y hindi na ito isinasagawa sa siglong ito.”

Gayunman, maraming tao ang magugulat na malamang itinuturing pa rin na maselan ng mga Saksi ni Jehova ang pagtitiwalag (katumbas ng ekskomunikasyon). Totoo naman, hindi ito isang bagay na madaling gawin, ngunit ito’y isang maibiging kaayusan. Paano?

Ipinagtatanggol Nito ang Pangalan ng Diyos

Si Jehova ay isang banal na Diyos. Hindi niya kinukunsinti ang kusang pagkakasala sa bahagi niyaong nagsasabing sumasamba sa kaniya. Sumulat si apostol Pedro sa mga Kristiyano: “Kayo rin mismo ay magpakabanal sa lahat ng inyong paggawi, sapagkat nasusulat: ‘Magpakabanal kayo, sapagkat ako ay banal.’” (1 Pedro 1:15, 16) Kaya ang pagtitiwalag sa mga di-nagsisising nagkasala ay isang pagtatanggol sa banal na pangalan ng Diyos; nagpapakita ito ng pag-ibig sa pangalang iyan.​—Ihambing ang Hebreo 6:10.

Nangangahulugan ba ito na kapag binigyang-daan ng isang Kristiyano ang kahinaan o nakagawa ng isang malubhang pagkakasala, siya ay awtomatikong tatanggalin na sa kongregasyon? Hinding hindi! Si Jehova ay hindi isang diktador na may pusong bakal. Siya’y maawain at maunawain. Nagugunita niyang tayo’y di-sakdal. (Awit 103:14) Alam ni Jehova na “lahat ay nagkasala at nagkukulang sa kaluwalhatian ng Diyos.” (Roma 3:23) Gumawa ang Diyos ng kaayusan sa loob ng kongregasyon para sa espirituwal na tulong upang kung ang isang Kristiyano ay makagawa ng “maling hakbang” o magkasala pa nga nang malubha, siya’y maaaring maibiging ‘ibalik sa ayos’ sa espiritu ng kahinahunan. (Galacia 6:1) Sa pagtanggap ng payo mula sa Salita ng Diyos at pagpapakita ng taimtim na kalungkutan at tunay na pagsisisi, ang isa na napalihis sa landas ng katuwiran ay maaaring “mapagaling” sa espirituwal.​—Santiago 5:13-16.

Pero, paano kaya kung ang isang bautisadong Kristiyano ay malubhang nagkasala at nabigo ang lahat ng pagsisikap na siya’y mapanumbalik? Sa ibang pananalita, paano kung buong-pagmamatigas siyang tumangging iwasto ang kaniyang maling landas?

Iniingatan Nitong Ligtas ang Kongregasyon

Pinag-utusan ng Bibliya ang mga Kristiyano: “Tumigil sa pakikihalubilo sa sinumang tinatawag na kapatid na isang mapakiapid o isang taong sakim o isang mananamba sa idolo o isang manlalait o isang lasenggo o isang mangingikil, na huwag man lamang kumaing kasama ng gayong tao.”​—1 Corinto 5:11.

Ang batas bang ito ng Bibliya ay malupit at nakapagpapababa? Isaalang-alang natin ito: Kapag nabilanggo ang isang pusakal na kriminal dahil sa paglabag sa batas, iyan ba’y itinuturing na malupit o pagkakaroon ng pusong bakal? Hindi, sapagkat ang publiko ay may karapatang mangalaga sa kapayapaan at seguridad ng pamayanan. Sa diwa, ang kriminal ay itiniwalag sa masunurin-sa-batas na lipunan sa panahon ng kaniyang pagkabilanggo.

Sa gayunding paraan, ang Kristiyanong kongregasyon ay binibigyang-katuwiran sa pag-aalis ng di-nagsisising nagkasala sa gitna nila. Bakit? Sapagkat ang kongregasyon ay dapat na maging isang kublihang-dako mula sa imoral na mga maninila at iba pang kusang gumagawa ng pagkakasala.

Palibhasa’y napagtatanto na ang “isang makasalanan ay sumisira ng maraming kabutihan,” nag-utos si apostol Pablo sa mga kapuwa mananampalataya: “Alisin ninyo ang taong balakyot mula sa gitna ninyo.” (Eclesiastes 9:18; 1 Corinto 5:13) Sa paggawa nito ay nahahadlangan ang makasalanan sa pagpapalaganap ng katiwalian sa kongregasyon, at napangangalagaan nito ang malinis na pangalan ng kongregasyon.​—Ihambing ang 1 Timoteo 3:15.

Proteksiyon sa mga Indibiduwal

Napangangalagaan ng pagtitiwalag ang bawat miyembro ng kongregasyon. Ilarawan natin: Ipagpalagay nang bigla kang nagising dahil sa napakalakas na tunog ng busina o alarma ng kotse. Ang nakatutulig na tunog ay napakahirap na ipagwalang-bahala na lamang; walang-pagsalang ginulantang ka nito! Gayundin, kapag ang isa’y inalis sa kongregasyon, ang aksiyon ay inaasahang aagaw ng atensiyon ng bawat miyembro ng kawan. Ginagambala nito ang kanilang diwa. Hindi ito maipagwawalang-bahala na lamang. Paano ito magiging isang proteksiyon?

“Nang una kong marinig sa Kingdom Hall na may isang itiniwalag, ang una kong reaksiyon ay pagkabigla,” sabi ng isang Saksi. “Pagkatapos ay naging mapagpakumbaba ako dahil dito. Napagtanto kong ako man ay maaari ring madupilas.” Gaya ng ipinahihiwatig ng kaniyang pananalita, ang pagtitiwalag ay nakapag-uudyok sa isa upang suriin ang kanilang paggawi.​—1 Corinto 10:12.

Sa pagtatanong natin sa ating mga sarili gaya ng ‘May mga bahagi ba sa aking buhay na doon ay mahina ako sa espirituwal?’ matutulungan tayong masuri ang ating sariling katayuan sa Diyos. Sa paraang ito ay makapagpapatuloy tayo na ‘isagawa ang ating sariling kaligtasan nang may takot at panginginig.’​—Filipos 2:12.

Manumbalik sa Diyos

“Bagaman napakahirap,” sabi ng isang Kristiyanong inalis nang ilang panahon, “nararapat lamang at kailangang-kailangan ang disiplina, at ito’y napatunayang nagliligtas-buhay.” Itinatampok nito ang isa pang mahalagang aspekto ng pagtitiwalag. Napakikilos nito ang dating mga di-nagsisising makasalanan na gumawa ng kanilang unang hakbang pabalik sa Diyos.

Sinabi ni apostol Pablo: “Ang iniibig ni Jehova ay kaniyang dinidisiplina.” (Hebreo 12:6) At bagaman totoo na “walang disiplina ang waring sa kasalukuyan ay nakagagalak, kundi nakapipighati; gayunman pagkatapos doon sa mga nasanay nito ay nagluluwal ito ng mapayapang bunga, alalaong baga, katuwiran.” ​—Hebreo 12:11.

Ganiyan ang nangyari kay Richard. Pagkatapos matiwalag sa loob ng halos dalawang taon, siya’y nagsisi, itinuwid ang kaniyang paggawing di-nakapagpaparangal sa Diyos, at siya’y tinanggap-muli sa Kristiyanong kongregasyon. Sa paglingon sa nakaraan, ganito ang sabi niya hinggil sa karanasan: “Napagtanto kong dapat akong itiwalag at talagang nararapat lamang na ito ang aking mapala. Talagang kailangan iyon at tumulong ito sa akin na makita kung gaano kalubha ang aking naging landasin at ang pangangailangang makamit ang kapatawaran ni Jehova.”

Maaaring hindi madaling batahin ang disiplina. Ang pagtanggap nito ay nangangailangan ng pagpapakumbaba, ngunit yaong mga natuto mula roon ay umaani ng saganang bunga.

Samakatuwid, ang pagtitiwalag ay isang maibiging kaayusan sapagkat naipagtatanggol nito ang banal na pangalan ng Diyos at naiingatan nito ang kongregasyon mula sa masamang impluwensiya ng kasalanan. Gayundin, nagpapakita ito ng pag-ibig sa mga manggagawa ng kasalanan sa pamamagitan ng paghimok sa kaniya na magsisi at “manumbalik upang mapawi ang [kaniyang] mga kasalanan, upang ang mga kapanahunan ng pagpapanariwa ay dumating mula sa persona ni Jehova.”​—Gawa 3:19.

[Talababa]

a Ang ekskomunikasyon ay isang uri ng disiplina na nag-aalis sa pagiging miyembro sa isang relihiyon.

[Picture Credit Line sa pahina 26]

The New Testament: A Pictorial Archive from Nineteenth-Century Sources, ni Don Rice/Dover Publications, Inc.

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share