Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • g96 10/8 p. 15-18
  • Isang Maselan Ngunit Matibay na Manlalakbay

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Isang Maselan Ngunit Matibay na Manlalakbay
  • Gumising!—1996
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Magandang Hiyas ng Paglalang
  • Kahanga-hangang mga Paglipad
  • Langkay-Langkay na Pandarayuhan
  • Mga Patutunguhan
  • Ang Paglalakbay ng Monarch Butterfly
    May Nagdisenyo Ba Nito?
  • Paglitrato sa Isang Paruparo
    Gumising!—1992
  • Sistema ng Nabigasyon ng Paruparo
    Gumising!—2008
  • Reserbadong Dako ng Kalikasan na Naging Libingan ng Paruparong Monarch
    Gumising!—1996
Iba Pa
Gumising!—1996
g96 10/8 p. 15-18

Isang Maselan Ngunit Matibay na Manlalakbay

NG KABALITAAN NG GUMISING! SA CANADA

Iginuguhit ito ng mga pintor at ang mga makata ay sumusulat tungkol dito. Maraming uri nito ang nabubuhay sa masinsing kagubatan sa tropiko. Marami ang nabubuhay sa mga kakahuyan, sa mga bukid, at sa mga parang. Tinitiis ng ilan ang lamig sa mga tuktok ng bundok; tinitiis naman ng iba ang init ng mga disyerto. Ang mga ito ay inilarawan bilang isa sa pinakamaganda sa lahat ng mga insekto.

WALANG alinlangang ikaw ay pamilyar sa maganda at eleganteng nilalang na ito​—ang paruparo. Gayunman, isang uri ng paruparo ang napabantog sa buong daigdig dahil sa kahanga-hangang gawa nito ng paglalakbay. Ang maselan ngunit matibay na manlalakbay na ito ay ang paruparong monarch. Suriin nating mabuti ang napakagandang nilalang na ito at ang hindi kapani-paniwalang pandarayuhan nito.

Magandang Hiyas ng Paglalang

Gunigunihin ang iyong sarili na nasa parang sa isang mainit at maaraw na araw. Titigan mo ang kahanga-hangang mga paruparong humahagibis nang paroo’t parito sa mga ligaw na bulaklak, sa kanilang walang katapusang paghahanap ng pagkain at inumin. Tumayo kang walang kakilus-kilos na ang iyong bisig ay nakaunat. Ang isa ay lumalapit. O, dadapo ito sa iyong bisig! Pansinin mo kung gaano karahan itong lumapag.

Ngayon masdan mong mabuti. Pansinin mo ang dalawang pares ng malapulbos, maselang mga pakpak nito na kulay kahel, na inukit sa itim, na may masalimuot na disenyo na mga gilid. Sinasabing ang monarch ay pinanganlan ng mga dayuhang Ingles sa Amerika na iniuugnay ito sa kanilang hari, si William of Orange. Tunay, ang paruparong ito ay isang “hari.” Subalit ang maselan na kagandahan na ito, na tumitimbang lamang ng kalahating gramo at ang lapad ng pakpak ay walo hanggang sampung centimetro, ay kayang gumawa ng matagal, nakapapagod na mga paglalakbay.

Kahanga-hangang mga Paglipad

Bagaman ang ilang paruparo ay sinasabing nandarayuhan sa malalayong distansiya pagdating ng taglamig, ang monarch lamang ang nakagagawa ng gayong kalalayong paglalakbay nang may eksaktong mga paroroonan at sa gayong dami. Ang pandarayuhan ng monarch ay tunay na isang kababalaghan ng paruparo. Isaalang-alang ang ilan sa kahanga-hangang mga gawa ng matibay na manlalakbay na ito.

Ang kanilang mga paglipad mula sa Canada sa taglagas tungo sa California o Mexico kung saan sila magpapalipas ng taglamig ay mahigit na 3,200 kilometro. Tinatawid nila ang malalaking lawa, ilog, kapatagan, at mga bundok. Matagumpay na natapos ng milyun-milyon sa kanila ang mga pandarayuhan sa isang patutunguhan sa itaas ng kabundukan ng Sierra Madre sa gitnang Mexico.

Ang mga paglipad na iyon ay lalo pang kagila-gilalas kung isasaalang-alang mo na ang mga batang paruparo ay hindi kailanman lumipad dito noon, ni nakita man nila ang mga dakong pagpapahingahan. Subalit walang pagkakamaling nalalaman nila ang direksiyon ng paglipad at nalalaman nila kung kailan sila darating sa kanilang mga tirahan kung taglamig. Paano nila ginagawa ito?

Ganito ang sabi ng Canadian Geographic: “Maliwanag, may makabagong henetikong programa sa kanilang hamak na munting mga utak, marahil may isang proseso ng pagbasa sa anggulo ng mga sinag ng araw, gaya ng ginagawa ng mga pukyutan, o sa magnetic field ng lupa, na wari bang pumapatnubay sa mga ibon. Ang kakayahan na mahiwatigan ang espesipikong mga kalagayan ng temperatura at halumigmig ay maaaring makatulong hanggang sa wakas ng kanilang paglalakbay. Subalit sa paano man ay hindi ito mabigyan ng kasagutan ng siyensiya.” Tulad ng mga nilalang na binabanggit sa aklat ng Bibliya na Kawikaan, “sila ay likas na pantas.”​—Kawikaan 30:24.

Bihasa rin sa paglipad ang mga monarch. Ang mga ito’y sumasalimbay ng halos 12 kilometro bawat oras, pumapailanlang ng halos 18 kilometro sa bawat oras, at​—gaya ng nalalaman ng sinumang sumubok na hulihin ito​—humahagibis pa nga ito, ng halos 35 kilometro bawat oras. Ang mga ito’y bihasa sa paggamit sa hangin​—lumilipad pa nga nang palihis sa hangin buhat sa kanluran patungo sa timog-kanluran sa kanilang paroroonan. Ginagamit ang masalimuot na mga estratehiya sa paglipad, pinakikibagayan nila ang iba’t ibang bilis at direksiyon ng hangin. Katulad ng mga piloto ng glider at mga lawin, sumasakay sila sa thermal o pumapailanlang na mainit na hangin. Ayon sa isang akda, ang mga monarch ay karaniwang naglalakbay ng hanggang 200 kilometro isang araw. Lumilipad lamang sila kung araw. Ang mga ito’y nagpapahinga sa gabi, kadalasang sa iisang lugar taun-taon.

Napag-alaman ng siyentipikong si David Gibo ng University of Toronto na ang monarch ay hindi lamang pumapailanlang o sumasalimbay paminsan-minsan. Ganito ang ulat niya: “Kailangang gamitin ng mga paruparo ang hangin sa inaakala kong mas matalinong paraan kaysa ginagawa ng mga gansa.” Ang rutin ng pagpagaspas, pagpailanlang, at pagkain ay nagpapangyari sa mga monarch na makarating sa Mexico na may sapat na taba upang matagalan nila ang taglamig at ang pasimula ng kanilang paglipad pabalik sa hilaga sa tagsibol. Ganito pa ang sabi ni Propesor Gibo: “Dahil sa pagsalimbay kung kaya sila’y nakatatagal sa paglalakbay at nananatiling malakas at malusog.”

Langkay-Langkay na Pandarayuhan

Malaon nang alam na ang mga monarch sa kanluran ng Rocky Mountains ay nandarayuhan sa timog at nagpapalipas ng taglamig sa California. Ang mga ito’y makikitang kumpul-kumpol na nakabitin sa mga puno ng pino at eucalyptus sa kahabaan ng gawing timog na baybayin ng California. Subalit ang paroroonan ng nandarayuhang makapal na bilang ng mga monarch sa gawing silangan ng Canada ay nananatiling isang hiwaga sa loob ng ilang panahon.

Noong 1976 nalutas ang hiwagang ito. Ang lugar na doon nagpapalipas sila ng taglamig ay natuklasan sa wakas​—isang makahoy na taluktok sa kabundukan ng Sierra Madre sa Mexico. Milyun-milyong paruparo ang nasumpungan sa mga sanga at katawan ng mataas, abuhing-luntian na mga punong fir. Ang kahanga-hangang tanawing ito ay patuloy na nagiging isang kahali-halinang pang-akit para sa mga bisita.

Isa sa pinakamainam na lugar sa Canada upang makita ang mga monarch nang maramihan ay sa Point Pelee National Park, Ontario, kung saan ang mga ito’y nagkakalipumpunan bilang paghahanda sa kanilang pandarayuhan sa timog. Sila’y nagtitipon sa gawing timog na ito ng Canada sa dakong huli ng tag-araw, na naghihintay sa hilagang baybayin ng Lake Erie hanggang sa ang hangin at temperatura ay maging kaayaaya bago lumipad patungo sa kanilang paglalakbay patimog sa Mexico kung saan sila nagpapalipas ng taglamig.

Mga Patutunguhan

Nagsisimula sa Point Pelee, sila’y palipat-lipat ng pulo sa ibayo ng Lake Erie upang simulan ang mahabang paglalakbay sa kontinente ng Estados Unidos. Sa kanilang ruta, ang iba pang grupo ng mga monarch ay sumasama sa kanila sa pandarayuhan. Sa itaas ng mga kabundukan sa hilagang-kanluran ng Lunsod ng Mexico, tinatayang may sandaang milyon ang nagkakatipon-tipon upang magpalipas ng taglamig doon.

Ang iba pang pandarayuhan ay nangyayari sa Florida at sa ibayo ng Caribbean, at ang mga ito ay maaaring makarating sa mga patutunguhan na tutuklasin pa sa Yucatán Peninsula o sa Guatemala. Ito man ay sa Mexico o sa kanilang iba pang kanlungan kung taglamig, ang mga monarch ay sama-samang nagsisiksikan sa ilang maliliit na dako ng kagubatan sa bundok.

Maaaring isipin ng isa na ang kanilang malayong paglipad tungo sa kanilang tirahan kung taglamig ay magdadala sa kanila sa isang mainit, maaraw na kaparangan na mapagbabakasyunan. Subalit hindi gayon. Ang Transvolcanic Range ng Mexico, kung saan sila nagpupunta, ay malamig. Ang klima sa mga taluktok ng bundok, gayunman, ay tamang-tama lamang para sa kanilang pagpapalipas ng taglamig. Sapat lamang ang lamig nito upang hayaan silang gugulin ang kanilang panahon sa isang kalagayan na halos hindi na sila kumikilos​—sa gayo’y pinalalawig ang kanilang haba ng buhay nang walo o sampung buwan, na nagpapahintulot sa kanilang paglipad tungo sa Mexico, upang gugulin ang taglamig doon, at pabalik. Masasabi mo ngang ito’y parang isang bakasyon.

Dumarating na ang tagsibol, at ang mga monarch ay nagiging aktibong muli. Habang humahaba ang mga araw, ang mga paruparo ay papaga-pagaspas sa liwanag ng araw, humahanap ng kapareha, at nagsisimula sa kanilang paglipad pabalik sa hilaga. Ipinalalagay na ang ilan ay makatatapos sa paglalakbay pabalik, subalit karaniwan nang ang mga anak lamang ang nakararating sa mga kabundukan ng Canada at sa hilaga ng Estados Unidos sa tag-araw. Tatlo o apat na salinlahi ng mga itlog, uod, pupa, at paruparo ang dahan-dahang nagbabalik sa kontinente. Ang babae​—na may dalang sandaan o higit pang pertilisadong mga itlog​—ay pumapagaspas sa palumpon ng mga ligaw na bulaklak at nangingitlog nang isa-isa sa ilalim ng mura at malambot na mga dahon ng milkweed. At nagpapatuloy ang siklo, at ang paglalakbay ng monarch sa tirahan nito kung tag-araw ay nagpapatuloy.

Tunay, ang monarch ay isang kaakit-akit na nilalang. Anong laking pribilehiyo na maobserbahan at mapag-aralan ng mga tao ang mga gawain nito. Gayunman, hindi kataka-taka na ang malaon nang lihim na dako kung saan ito nagpapalipas ng taglamig sa Mexico, gayundin ang mga pinaroroonan nito sa California, ay nanganganib dahil sa ginagawa ng tao. Ang ipalagay na ang maselan na mga kagandahang ito ng nilalang ay may mapupuntahang ibang dako ay maaaring magbunga ng pagkalipol nila. Kapuri-puri naman, may ginagawa namang mga pagsisikap upang pangalagaan ang mga ito mula sa gayong pagkalipol. Anong pagkasaya-sayang panahon nga iyon kapag sa ipinangakong lupang Paraiso ng Maylalang na malapit na, ang maselan ngunit matibay na mga manlalakbay na ito ay bibigyan ng katiyakan ng isang ligtas na kanlungan!

[Picture Credit Line sa pahina 15]

Paruparo: Parks Canada/J. N. Flynn

[Picture Credit Lines sa pahina 17]

Pahina 16 itaas at ibaba: Parks Canada/J. N. Flynn; gitna: Parks Canada/D. A. Wilkes; pahina 17 itaas: Parks Canada/J. N. Flynn; gitna at ibaba: Parks Canada/J. R. Graham

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share