Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • g96 10/22 p. 25-27
  • Sinasaka Pa Rin Nila ang Lupa sa Pamamagitan ng mga Kabayo

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Sinasaka Pa Rin Nila ang Lupa sa Pamamagitan ng mga Kabayo
  • Gumising!—1996
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Gamit sa Agrikultura
  • Ang Kabayo Kung Ihahambing sa Traktora
  • Pangkat ng mga Kabayo Habang Nagtatrabaho
  • Isang Pangkaraniwang Araw ng Trabaho
  • Kabayo
    Kaunawaan sa Kasulatan, Tomo 1
  • Pamilihan sa Oktubre—“Ang Pinakamatandang Pang-Internasyonal na Pamilihan ng Kabayo sa Europa”
    Gumising!—1999
  • Wakas ng Lahat ng Masama
    Ang Aking Aklat ng mga Kuwento sa Bibliya
  • Sumasayaw na mga Kabayo ng Karagatan
    Gumising!—2004
Iba Pa
Gumising!—1996
g96 10/22 p. 25-27

Sinasaka Pa Rin Nila ang Lupa sa Pamamagitan ng mga Kabayo

NG KABALITAAN NG GUMISING! SA AUSTRALIA

SA PANAHONG ito ng maunlad na teknolohiya, ang ilan ay halos hindi makapaniwala na may mga magsasakang naglilinang pa rin ng kanilang lupa sa pamamagitan ng mga kabayo. Subalit may mga lugar na kung saan pangkat-pangkat ng malalakas na panghilang mga kabayo ang ginagamit sa halip na mga traktora.

Totoo, bihira na ang mga bukid na sinasaka sa pamamagitan ng kabayo. Gayunman, may mga kapakinabangan sa paggamit ng mga kabayo.

Gamit sa Agrikultura

Noon pa mang unang panahon ay ginagamit na ang mga kabayo bilang mga hayop na pantrabaho. Ang mga ito ay binabanggit sa mga ulat ng mga Sumeriano, Hiteo, Ehipsiyo, at mga Tsino. Ngunit sa loob ng mga siglo ay hindi gaanong ginagamit ang mga ito sa agrikultura. Ito ay dahil sa sinasabing mas mura kung gagamitin ang mga barakong baka at maaaring magsilbing pagkain kapag hindi na makapagtrabaho ang mga ito. Gayunpaman, mas mabagal ang mga barakong baka kaysa sa mga kabayo.

Pagsapit ng ika-19 na siglo, ang mga kabayo na ang ginagamit sa pagbubungkal ng lupa sa maraming Kanluraning lupain. Sinabi ng isang lathalain, sa isang bahagi, na ito ay dahil sa “pagkaimbento sa mas masalimuot na makinaryang pansaka [na] mas nakaagpang sa mabilis, regular na pagkilos ng kabayo kaysa sa mas mabagal kumilos na barakong baka.”

Nang maglaon ang mga lahi tulad ng Clydesdale sa Scotland, ang Suffolk Punch at ang Shire sa Inglatera, at ang Percheron, karaniwan na sa Pransiya ay nakasumpong ng kanilang dako sa larangan ng agrikultura. Ang mababagal ngunit malalakas na mga kabayong ito ay pinalahian sa mas magaan na kabayo upang magluwal ng isang kabayong mas mahina nang kaunti ngunit mas mabilis. Ang gayong pantanging palahing mga hayop ay tinawag na mga kabayong panghila, anupat tumutukoy sa kanilang kakayahang humila ng mabibigat na kargada.

Ang Kabayo Kung Ihahambing sa Traktora

Mangyari pa, walang palahing kabayo ang makapapantay sa kakayahang humila ng isang modernong traktora. Ngunit magugulat kayong malaman kung gaano kalakas ang mga kabayo! Noong 1890, dalawang kabayong panghila na Clydesdale ay bumatak ng punung-punong bagon na ang mga gulong ay nakakandado! At noong 1924, isang pares ng Ingles na kabayong Shire ang nagpamalas ng gayunding kahanga-hangang gawa, anupat nahila nila ang tinatayang bigat na 50 tonelada!

Matatalino rin at may kusang palo ang mga kabayong panghila. Halimbawa, ang isang pangkat ng mga kabayong nag-aararo sa bukid ay halos hindi na nangangailangan ng direksiyon kung may isang mabuting pantudling na kabayo. Aakayin ng pantudling na kabayo ang pangkat, na susunod naman sa tudling sa buong maghapon. Inaakala na ang mga pangkat ay makapag-aararo nang tuwid na tuwid na linya sapagkat ang mga kabayo ay may panabing sa mata at hindi makalingon, na mahilig gawin ng mga taong gumagamit ng traktora.

Isa pa, kapag panahon ng pag-aani ay mas maraming mapaggagamitan sa mga kabayo kaysa sa isang traktora. Ang kakayahan ng mga ito na lumiko nang eksaktong 90-antas (degree)​—at kapag kailangan, isang 180-antas na pagliko—​ay nangangahulugang hindi nila malalaktawan ang anumang bahagi ng bukid sa panahon ng pagsasaka.

Pangkat ng mga Kabayo Habang Nagtatrabaho

Ang isang pangkat ng mga kabayo na sumusunod sa mga utos mula sa kanilang tagaakay ay isang kahanga-hangang tanawin. Sinanay ang isang pangkat upang tumugon sa espesipikong mga utos na may espesipikong maneobra, bagaman nagkakaiba-iba ang eksaktong salita o ekspresyon ayon sa tagaakay. Nasasanay ang mga kabayo sa pananalita at tono ng boses ng tagaakay. Ang isang natatanging sipol, lakip ang pampasiglang mga salita mula sa tagaakay, ay maaaring siyang hudyat para umabante na ang mga kabayo.

Sa Australia ang kabayo sa kanan ng pangkat (mula sa puwesto ng tagaakay) ay tinatawag na kanang kabayo at ang kabayo sa kaliwa, ang siyang malapit na kabayo. Ang katawagang ito ay malamang na nagmula sa paraan ng paggamit ng mga beterano sa kanilang mga pangkat, na karaniwan nang naglalakad sa kaliwang panig.

Kapana-panabik ngang panoorin ang isang hanay ng sampung kabayo habang pumipihit sila ng 90-antas, anupat tumutugon sa mga tawag ng tagaakay! Upang makapihit sa kaliwa, ang malapit na kabayo ay dapat humakbang nang maliliit paatras, samantalang ang iba naman sa pangkat ay nagmamartsa paliko nang 90-antas sa palibot niya. Pagkatapos, kung dapat lumiko pakanan, ang kanang kabayo ay hahakbang nang maliliit paatras. Sa mas tuyong klima ay totoong isang magandang tanawin ang isang pangkat habang naglalaho sa makapal na alikabok at muling lilitaw na mistulang pader ng dumadagundong na mga kabayo pagkatapos makumpleto ang pag-ikot!

Bawat kabayo ay tinatawag sa pangalan nito at tumutugon ayon sa tono ng boses ng kutsero. Kung hindi makaagapay ang isang kabayo, karaniwan nang ang kailangan lamang ay tawagin ang pangalan nito sa isang matinis, pasaway na tono. Sa pasimula ng pagsasanay ay kailangang matutuhan ng mga kabayo na ang gayong tono ay may kasamang pilantik ng patpat o isang latigo. Subalit minsang matutuhan ang leksiyong iyan, bihira na, kung kailangan man, ang mas mahigpit na disiplina.

Isang Pangkaraniwang Araw ng Trabaho

Gigising ang magsasaka nang bandang ikalima ng umaga upang pakanin ang mga kabayo at mag-almusal din naman habang kumakain ang mga kabayo. Natutuhan ng mga kabayo na uminom nang husto bago magsimula ang trabaho dahil alam ng mga ito na hindi na sila makaiinom bago mananghalian. Bawat kabayo ay hinahagod ng iskoba bago isingkaw. Ito ay upang hindi humapdi ang balat at masarap sa pakiramdam. Karaniwan nang nagkukumpulan ang mga kabayo at matiyagang naghihintay ng kanilang pagkakataon. Pagkatapos, ang mga ito ay isinisingkaw at pinagsasama-sama. Maaaring gumugol ng isa o higit pang oras sa paggawa ng lahat ng ito, depende sa laki ng pangkat. Gayundin, inihahanda ang lalagyan ng tanghalian na isinasabit sa bibig ng mga kabayo. Tutal, hindi lamang ang tagaakay ang dapat na mananghalian!

Walang-reklamong nagpapagal ang pangkat sa loob ng walo o sampung oras, at kung maalwan ang pagkakabit ng mga kulyar at kasangkapan, matatapos ng mga kabayo ang maghapon nang walang mahapdi, gasgas na mga balikat. Habang gumagabi na, ang tao at ang hayop ay masayang umuuwi upang kumain nang tahimik, uminom nang sapat, at magpahingang mabuti.

Yaong nagsasaka pa rin ng kanilang lupa sa pamamagitan ng mga kabayo ay maaaring agad mangatuwiran na ito ay makapupong higit na kasiya-siya kaysa sa pakikinig sa ingay ng makina sa maghapon. Ang katahimikan ay nagpapadama sa magsasaka na siya ay bahagi ng lupain. Mas lalo niyang nabibigyang-pansin ang sangnilalang sa paligid niya​—ang huni ng mga ibon na nagkakahig habang sinisiyasat ng mga ito ang kabubungkal na lupa sa inararong mga tudling; ang amoy ng basa-basang damo; ang lagutok ng niyebe habang sinusuyod ang nanigas na lupa sa isang maginaw na umaga​—mumunting bagay na malamang na di-mapansin kapag ang magsasaka ay binubulahaw ng ingay ng traktora.

Totoo, ang mga traktora ay mapaaandar nang 24 na oras sa isang araw, na hindi posibleng magawa ng mga kabayo. Totoo rin na mas malawak na lupa ang masasaka ng traktora at na ito ay hindi gaanong kailangan ang pagmamantini. Subalit walang traktora ang nakapagluwal kailanman ng nakatutuwang mga supling, at ito ay isa lamang sa di-matutumbasang mga kasiyahang dulot ng pagsasaka sa pamamagitan ng mga kabayo. Ang kutsero ay nasisiyahan din sa “pakikipag-usap” sa kaniyang mga kabayo habang sila’y nagtatrabaho. At ang mga ito’y tumutugon sa pamamagitan ng kanilang pagsunod, na ang mga tainga’y nakataas upang marinig ang lahat ng kaniyang sasabihin.

Ang pagsasaka ay mabigat at, kung minsan, nakababagot na trabaho. Ngunit para sa mga nag-aararo ng kanilang bukid sa makalumang paraan, sa pamamagitan ng mga kabayo, sagana ang kagalakan bunga ng pagtatrabahong kasama ng malalakas, masisipag na hayop na ito na nilalang ng Diyos.

[Larawan sa pahina 26]

Mas maraming mapaggagamitan ang mga kabayo kaysa sa isang traktora

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share