Pagmamasid sa Daigdig
Tabako at mga Trabaho
“Ang pagbabawas ng ginugugol sa mga produkto ng tabako ay magpaparami sa trabaho” sa ilang lugar sa Estados Unidos, sabi ng isang ulat sa The Journal of the American Medical Association. Ginamit ang ipinamalas na posibilidad sa computer upang ipakita kung paanong ang ginugol na mga pondo sa tabako noong nakaraan ay maaari sanang ginamit sa iba pang mga bagay, na may pagtaas ng neto sa mga trabaho sa buong bansa. Sinasabi rin ng ulat na ang mga lugar na may tanim na tabako ay hindi mawawalan ng trabaho na kasindami ng tinataya ng mga industriya ng tabako. “Ang pangunahing ikinababahala tungkol sa tabako ay dapat na ang laki ng pinsala nito sa kalusugan at hindi ang epekto nito sa trabaho,” sabi ng ulat. Nanawagan din ang American Medical Association sa mga namumuhunan sa bilihan ng istak na ipagbili ang kanilang mga sapi sa 13 kompanya ng tabako, ayon sa Los Angeles Times. Ganito ang sabi ni Scott Ballin, ng American Heart Association: “Hindi natin dapat suportahan ang mga kompanya na patuloy na nagbebenta ng sakit at kamatayan sa bansang ito at sa labas ng bansa.”
Ang Pinakamatataas na Gusali sa Daigdig
Sa kauna-unahang pagkakataon sa loob ng dantaon, ang pinakamataas na gusali sa daigdig ay hindi masusumpungan sa Estados Unidos. Ipinagkaloob ng Council on Tall Buildings and Urban Habitat, ang internasyonal na tagahatol sa mga nagtataasang gusali, ang pagkilalang iyan sa Petronas Twin Towers sa Kuala Lumpur, Malaysia. Ang dating kilalang pinakamataas na gusali, ang Sears Tower sa Chicago, ay pinakamataas pa rin kung isasama ang tore nito sa telebisyon. Gayunman, ipinasiya ng konsilyo na ang mga toreng iyon ay hindi bahagi ng arkitektura ng gusali. Ang pagtatayo ng matataas na gusali sa iba’t ibang bansa sa Asia ay minalas ng mga tumangkilik na isang sagisag ng kamangha-manghang pag-unlad sa ekonomiya sa lugar na iyon. Sa katunayan, maiwawala na ng Petronas Twin Towers ang matayog na titulo nito dahil sa World Financial Center, na nakatakdang matapos sa Shanghai, Tsina, sa pagtatapos ng dekada.
Pagsagip sa Ibong-Dagat?
Kapag naganap ang napakalaking pagtapon ng langis sa dagat na malapit sa lupa, ang epekto sa buhay-iláng ay kalunus-lunos. Kung minsan ang mga organisasyon—karamihan ay binubuo ng boluntaryong mga manggagawa—ay kumikilos agad upang gawin ang kanilang magagawa. Ang una sa kanilang priyoridad ay linisin ang mga ibong-dagat na napuno ng langis. Subalit gaano kabisa at katagal ito? Ipinakikita ng makabagong mga pananaliksik na sa libu-libong nalinis at naibalik sa kanilang tirahan, ang karamihan ay namamatay sa loob ng sampung araw. Bakit? Maliban pa sa pagkagulat sa pangangasiwa ng tao, nakalulon ng langis ang mga ibon nang sinisikap nitong husayin ang balahibo nito, at ito di-magtatagal ang papatay sa mga ito. Upang hadlangan ito, ang mga ibong inaalagaan sa Britanya ay pinakain ng halo ng kaolin, uling, at glucose sa pagsisikap na idumi ng mga ito ang lason. Magkagayon man, kaunting-kaunting ibon ang nabubuhay nang mahaba-haba upang makapagparami, at ang paglilinis ay dapat na malasin bilang isang “panlabas na gawain lamang,” ang pagwawakas ng isang ekologong sinipi sa The Sunday Times ng London.
Type-C Hepatitis at Dugo
Isang ulat ng French National Network of Public Health ang naghinuha na sa “pagitan ng 500,000 at 600,000 katao sa Pransiya ang impektado ng virus ng hepatitis-C.” Ayon sa pahayagang Le Monde sa Paris, 60 porsiyento ng mga impeksiyon ng virus ng type-C hepatitis ay dahil sa mga pagsasalin ng dugo o paggamit ng droga na itinuturok. Karagdagan pa, ang ibang tao ay nahawahan sa panahon ng paggamot sa pamamagitan ng kagamitang hindi wasto ang pagkakaisterilisa. Ang type-C hepatitis ay maaaring humantong sa cirrhosis o kanser sa atay.
Kapag Huminto Ka sa Paninigarilyo
Sa loob ng 20 minuto pagkatapos na humintong manigarilyo ng isang tao, bumubuti ang kalagayan ng katawan ng tao. Inilathala ng Reader’s Digest ang sumusunod na talaan ng kapaki-pakinabang na pagbabago na nagaganap sa itinakdang panahon pagkatapos na huminto ang naninigarilyo. Dalawampung minuto: Ang presyon ng dugo at pulso ay bumabalik sa normal; ang temperatura ng mga kamay at paa ay nagiging normal. Walong oras: Ang antas ng carbon monoxide sa dugo ay nagiging normal; ang antas ng oksiheno sa dugo ay nagiging normal. Dalawampu’t apat na oras: Nababawasan ang posibilidad ng atake sa puso. Apatnapu’t walong oras: Ang mga dulo ng nerbiyo ay tumutubong muli; ang kakayahan na makalasa at makaamoy ay bumubuti; nagiging mas madali ang paglalakad. Dalawang linggo hanggang tatlong buwan: Sumusulong ang sirkulasyon; ang pagkilos ng bagà ay humuhusay ng 30 porsiyento. Isa hanggang siyam na buwan: Ang pag-ubo, pagbabara ng ilong, pagkahapo, at pangangapos ng hininga ay nababawasan; tumutubong muli ang tulad-buhok na selula sa dulo ng bagà. Isang taon: Ang panganib na magkasakit sa puso ay mas mababa ng limampung porsiyento kaysa niyaong sa naninigarilyo.
Sekso at Karahasan Mula sa Aklatan
Ang ilang aklatan sa Connecticut, E.U.A., ay nagpapahintulot sa mga bata na maglabas ng mga pelikulang nagpapalabas ng pagtatalik at detalyadong karahasan, ayon sa The Advocate, ng Stamford, Connecticut. Kung minsan, ang mga bata ay malayang nakapagbubukas sa mga library computer na nakakonekta sa Internet. Ito’y nagbabangon ng higit pang mga katanungan kung ano pang materyal ang makukuha ng mga kabataan. Maraming magulang ang nagugulat, subalit pinanindigan ng mga opisyal sa aklatan na ang mga magulang lamang ang may karapatan at pananagutan na subaybayan kung ano ang inilalabas ng kanilang mga anak sa aklatan. “Nakaaasiwa ang kalagayang ito,” ang komento ng tagapamanihala sa aklatan na si Renee Pease, na nagsasabing “marami sa kathang-isip na literatura ay maaaring hindi angkop para sa mga bata.”
Pagtutuli sa Babae
Isang kabataang babae na taga-Aprika na tumanggap ng asilo sa Estados Unidos ang umagaw muli ng pansin tungkol sa pagputol sa ari ng babae, ang ulat ng The New York Times. Sinabi ng babae na tinatakasan niya ang pagtutuli bilang isang kondisyon sa sapilitang pag-aasawa. Sa maraming bansa sa Aprika, ang bahagi ng ari ng isang batang babae ay pinuputol, noong sila’y sanggol pa o sa pasimula ng pagdadalaga. Malimit na ginagawa ito nang walang pampamanhid o malinis na mga gawaing pag-iingat. Maliban pa sa hirap ng kalooban, maaaring magbunga ito ng impeksiyon, pagdurugo, pagkabaog, at kamatayan. (Tingnan ang Abril 8, 1993, labas ng Gumising!, pahina 20-4.) Ayon sa pahayagan, tinataya na mula 80 milyon hanggang 115 milyon babae ang sumailalim sa gawaing ito. May ginawa nang mga hakbang upang ipagbawal ito sa Estados Unidos.
Pagtunton sa mga Pukyutan
Ang pinakamaliit na radar na antena sa daigdig, na 16 na milimetro ang taas, ay naikabit sa likod ng ilang bubuyog sa Britanya. Ang mga antena ay mga kagamitan na nagpapangyaring matunton ang mga bubuyog. Inaasahang ang eksperimento ay hahantong sa pagkakaroon ng mas maliliit pang antena, na di-magtatagal ay mailalagay sa mga tsetse fly ng Aprika upang masubaybayan ang mga paglipad ng insekto. Mapauunlad nito ang pagsugpo sa sleeping sickness na dala ng mga langaw na ito. Hindi kailangan ng mga batirya upang mapagana ang mga antena, yamang ang mga ito’y may kakayahan na makatanggap ng enerhiya na kailangan nila mula sa hudyat na pumapasok sa pagtunton. Karagdagan pa sa pakinabang, umaasa ang mga siyentipiko na mapasusulong ang kanilang kaalaman tungkol sa mga kaugalian ng mga bubuyog, may kinalaman sa mas mahusay na paghahanap ng bahay-pukyutan.
Nauugnay ang TV sa Epilepsi
Ang pagdating ng satelayt na TV sa India, na nakapaglalaan ng 24 na oras na panonood, ay umaakay sa pagdami ng mga neurolohikal na mga problema sa mga bata. Ito’y sinabi sa komperensiya ng nangungunang mga neurologo sa All India Neurology Update—1996. Ganito ang sabi ng pangulo ng departamento ng neurolohiya sa Amritsar Medical College, si Dr. Ashok Uppal: “Ang mga bata sa ngayon ay tutok na tutok nang mas mahabang oras sa telebisyon, na umaakay sa pagdami ng tinatawag ng mga neurologo na ‘photo-stimulus sensitive epilepsy o epilepsi dahil sa telebisyon.’ ” Nagpayo si Dr. Uppal sa mga magulang na limitahan ang panonood ng telebisyon ng kanilang mga anak o pagpahingahin sila paminsan-minsan sa panahon ng mahabang oras na panonood.
Nakilalang Pumatay
Bagaman kakaunting mga babaing Mexicana ang naninigarilyo, marami na ang edad ay mahigit na 40 ang pinahihirapan ng mga sakit sa bagà na karaniwang nauugnay sa paninigarilyo, ang ulat ng newsletter na Health InterAmerica. Ang sanhi? “Ang pagluluto sa mga pugon na ginagamitan ng kahoy,” ang sabi ng mga mananaliksik kamakailan. Ayon kay Peter Paré, isang propesor sa medisina, hindi gaanong binibigyang pansin ang problema sapagkat “ang usok ng kahoy ay malimit na hindi kilala bilang malaking panganib sa kalusugan. Karaniwang narerekunusi na ang pagkamatay ay dahil sa sakit sa puso, samantalang ang talagang pinagmumulan ng problema ay ang labis na pagkahantad sa usok ng kahoy.” Tinataya ng World Health Organization na 400 milyon katao sa buong daigdig ang nanganganib, karamihan ay mga babaing taga-lalawigan na gumagamit ng pugon na ginagamitan ng kahoy sa maliliit na tirahan na hindi maganda ang bentilasyon. Ang pagtatayo ng mga tsiminea ay makatutulong, subalit ayon kay Dr. Paré, “ang pinakamalaking hamon ay kumbinsihin ang mga tao na baguhin ang kanilang paraan ng pamumuhay na kinasanayan sa loob ng mga dantaon.”