Pagmamasid sa Daigdig
Ang Banal na Kasulatan sa 2,123 Wika
Ipinahayag kamakailan ni Hannah Kickel-Andrae, ang press secretary ng German Bible Society, na ang Banal na Kasulatan ay mababasa na sa mahigit na 2,100 wika, ayon sa Wetterauer Zeitung. Tinatayang 6,000 wika at diyalekto ang sinasalita ng mga tao. Iyan ay nangangahulugang sa paano man ang Salita ng Diyos ay makukuha na sa mahigit na sangkatlo ng lahat ng sinasalitang wika. Ayon sa magasing Bibelreport, ang kumpletong Bibliya ay nailathala na ngayon sa 349 na wika. Ang “Bagong Tipan” ay makukuha na sa karagdagang 841 wika, at ang iba pang bahagi ng Bibliya ay sa 933, na may kabuuang bilang na 2,123 wika. Ang karamihan ng mga pangkat na nagsasalin ay nangangailangan ng halos apat na taon upang makumpleto ang pagsasalin ng “Bagong Tipan” at halos walong taon para sa “Matandang Tipan.” Isinasagawa sa kasalukuyan ang proyekto ng pagsasalin sa 600 iba pa.
Nakalalasong Balyena
Inilalahad ng pahayagang International Herald Tribune na isang sperm whale (isang uri ng balyena) na natagpuang patay sa abalang daungan ng barko sa hilagang baybayin ng Denmark ay nagtataglay ng napakaraming “asoge at cadmium anupat ang bituka nito ay kailangang ibaon sa isang pantanging lugar para sa nakapipinsalang dumi.” Ang pinagmulan ng nakalalasong mga metal na ito ay hindi pa nalalaman. Sinabi pa ng magasing Time, na tumatalakay sa insidente ring iyon, na bagaman nakikita ito ng ilan bilang isang maliwanag na pahiwatig ng malubhang polusyon sa mga dagat, sinasabi ng mga dalubhasa sa hayop na ito’y may likas na kadahilanan. Sinabi ng cetologist (dalubhasa sa mga balyena) na si Carl Kinze, ng Copenhagen Zoological Museum, na pangunahin nang kinakain ng mga sperm whale ang mga pugita, na ang ilan sa mga ito ay may mataas na antas ng cadmium.
Malaking Kabayaran ng Pagsusugal
Sa estado ng New South Wales sa Australia, isiniwalat ng surbey na itinaguyod ng pamahalaan ang ilang nakagugulat na mga estadistika tungkol sa epekto ng pagsusugal. Ayon sa The Sunday Telegraph, halos 40 porsiyento ng mga kinapanayam ang nagsabi na sila’y nagsusugal linggu-linggo. Sa mga ito, mahigit na 2 sa 10 ang umamin na gumugugol ng mahigit na $100 sa isang linggo sa bisyong ito. “Ang mga binata na mahilig sa gaming machine o karera” ang grupo na pinakamalamang na magkaroon ng problema sa pagsusugal. Kasali sa ibang nanganganib na grupo ang “mga taong ang kita ay wala pang $20,000 sa isang taon at mga retirado o walang trabaho.” Isa pa, isiniwalat ng surbey na “halos 15 porsiyento ng mga pamilya sa NSW [New South Wales] ay nakaranas ng paghihirap dahil sa sobrang pagsusugal.” Karagdagan pa, tinataya na “nawawalan ng halagang NSW $50 milyon sa isang taon sa produksiyon, pagkabangkarote, at gastusin sa pagdidiborsiyo dahil sa mga sugapa sa sugal.”
Mga Itinakwil na Katoliko?
Sa loob ng mga dantaon sa India, karamihan sa isinilang sa sistemang caste na tinatawag na mga untouchable (mga itinakwil) ang naging mga nakumberteng Katoliko na umaasang makaaalpas sa Hindung sistemang caste. “Subalit hindi iyan nangangahulugang maaalis nila ang bahid ng kanilang mababang kalagayan sa sistemang caste,” sabi ng pahayagan sa Paris na Le Monde. Ang mga Katolikong Indian na nasa itaas ng sistemang caste ay patuloy na nagtatrato sa mababang mga tao sa sistemang caste na gaya ng mga itinakwil. “Kaya naman ang resulta,” sabi ng Le Monde, “kapag ang mga Katolikong nasa mababa at mataas na caste ay nagsisimba upang manalangin, magkahiwalay ang kanilang upuan.”
Huwad na mga Titulo
Sa Estados Unidos, ang mga titulong “nutritionist,” “manggagamot,” at “dietitian” ay kalimitang ginagamit ng nag-aangkin sa sarili, hindi dalubhasang mga tao. Ayon sa Tufts University Diet & Nutrition Letter, sa maraming estado “ang sinuman, anuman ang edukasyon, ay maaaring mag-angking isang dalubhasa sa nutrisyon nang hindi man lamang natatakot makasuhan.” Kamakailan, sinuri ng mga mananaliksik ang mga talaan ng telepono sa 32 estado at natuklasan na “wala pa sa kalahati ng diumano’y mga propesyonal na nakatala sa mga ulong ‘nutritionist’ at ‘manggagamot’ ang mapagkakatiwalaang mapagkukunan ng tunay, makasiyentipikong impormasyon tungkol sa nutrisyon.” Sa yellow pages (komersiyal na mga talaan ng telepono), halos 70 porsiyento ng mga dalubhasa sa nutrisyon na nakalistang mga “Ph.D.” ay natuklasang may huwad na mga titulo o nagbibigay ng mapanlinlang na impormasyon.
Kapangyarihan ng Bata
“Ang mga bata sa Brazil ay sumusupil sa tahanan, umiimpluwensiya sa pagpapasiya ng kanilang mga magulang, at gumagastos ng halos $50 bilyon sa isang taon,” ang ulat ng magasing Veja. “Ang mga bata mismo ang namimili ng mga programa sa TV sapagkat ang mga adulto ay abala sa ibang mga bagay. Nagpupunta sila sa mga kamping ng paaralan nang walang sumusubaybay na ama o ina. . . . Sila’y naiiwan sa mga parti at natutulog sa bahay ng mga kaibigan.” Sa ngayon, maraming magulang ang “mas gusto ang mga batang malakas ang loob at independiyente, kahit na sila’y hindi gaanong masunurin kaysa mga bata ng naunang mga henerasyon.” Subalit ayon sa propesyonal sa kalusugan sa isip na si Alberto Pereira Lima Filho, “dahil sa pagpapabaya sa kanilang papel na ginagampanan bilang mga tagapagturo, hindi nakapagbibigay ang [mga magulang] ng tiyak na mga limitasyon sa kanilang mga anak.” Hindi nga kataka-taka na ipinakikita ng pagsusuri na “40 porsiyento ng mga bata ay mas humahanga sa mga manlalaro ng soccer kaysa kanilang mga magulang.”
Sinang-ayunan ng Pamahalaan ang Voodoo
Ang bansang Benin sa Kanlurang Aprika ay nagbigay ng “opisyal na pagkilala” sa “gawain ng voodoo,” ang ulat ng The Guardian ng Nigeria. Ayon sa pahayagan, ito ang “kauna-unahang pagkakataon na ang anumang pamahalaan” ay nagkaloob ng opisyal na katayuan sa isang “tradisyunal na relihiyon sa Aprika.” Ang gayong pagkilala ay nangangahulugang ang mga nagsasagawa ng voodoo ay may legal na karapatang magtayo ng mga templo kung saan ang mga paghahandog ay maaaring gawin upang sambahin at payapain ang mga di-nakikitang espiritu. Tinataya na 70 porsiyento ng mga tao sa Benin ay nagsasagawa ng voodoo.
Napakagastos na Pagbabawas ng Sandata
“Sa pagitan ng 1985 at 1994, bumaba ang militar na mga gastusin sa buong mundo ng 30 porsiyento, hanggang sa 800 bilyong dolyar ‘lamang’ ng Estados Unidos,” ayon sa mga Alemang mananaliksik. Inilathala ng Bonn International Center for Conversion (BICC) ang totoong mga bagay na ito sa kanilang unang taunang aklat, na pinamagatang Conversion Survey 1996. Sa 151 bansa, 82 ang nagbawas ng kanilang gastusin sa militar, samantalang 60 ang nagtaas. Ayon sa Alemang magasin na Focus, ang “pag-asa para sa ‘pangkapayapaang dibidendo,’ iyon ay, ang pamamahagi muli ng bilyun-bilyong dolyar para itulong sa nagpapaunlad na mga bansa at mga panlipunang programa, ay hindi pa rin natutupad.” Ganito ang sabi ng mga dalubhasa sa BICC: “Ang pagbawas ng kagamitang militar ay lumikha ng gastusin na binawi naman sa salaping natipid sa sandatahang sektor.”
Maaari Kang Magkasakit sa mga Basahang Panghugas
Natuklasan ng mga siyentipiko ang napakaraming nakapipinsalang baktirya sa gamit nang mga basahang panghugas at mga espongha sa kusina. Ayon sa UC Berkeley Wellness Letter, isiniwalat ng kamakailang pagsusuri na sa 500 basang mga basahan at espongha na sinuri, “dalawang-katlo ang nagtataglay ng baktirya na maaaring maging sanhi ng pagkakasakit ng mga tao.” Halos sangkapat ay “nagtataglay ng salmonella o staphylococcus, dalawang pangunahing sanhi ng mga sakit na dala ng pagkain” sa Estados Unidos. Inirekomenda ng mga dalubhasa na dapat na regular ang pagpapalit ng mga espongha at dapat na malimit labhan ang mga basahang panghugas. “Maaari mong ilagay ang mga basahang panghugas at mga espongha sa hugasan kasama ng maruruming hugasin, o sa washing machine,” sabi ng Wellness Letter. Pagkatapos hawakan ang hilaw na karne, ang ibabaw ng pinagpatungan ay maaaring linisin ng papel na pamunas sa halip na mga basahan o esponghang ginagamit muli.
Pag-oopera sa Puso na Naka-Video
Naisagawa kamakailan ng isang ospital sa Paris ang kauna-unahang pangyayari sa buong daigdig sa pamamagitan ng pag-oopera sa puso na naka-video sa isang 30-taóng-gulang na babae, ulat ng pahayagang Le Monde sa Paris. Ang dating pag-oopera sa puso ay nangangailangan ng humigit-kumulang dalawampung centimetro ng pagbubukas ng dibdib sa bahagi ng sternum. Subalit, ang bagong pamamaraang ito ay nangangailangan lamang ng apat na centimetrong hiwa, samantalang ang isa pang maliit na butas ay nagpapangyaring igabay ng isang kamerang fiber optic ang siruhano. Sa kasong ito malaki ang naibawas sa pagkawala ng dugo, pagbaba ng presyon ng dugo pagkatapos ng operasyon, at ang panganib ng impeksiyon. Ang pasyente ay makalalabas ng ospital sa loob ng 12 araw pagkatapos ng operasyon. Sa bawat taon, halos isang milyong tao ang sumasailalim sa dating pag-oopera sa puso sa buong mundo.
Salot ng Tuberkulosis
“Ang sangkatlo ng populasyon sa daigdig ay impektado ng TB [tuberkulosis],” at ang sakit ay inaasahang kikitil ng 30 milyon katao sa dekadang ito, ulat ng The Times ng London. Idiniriin ng World Health Organization na ang bagong salot na ito, gaya ng taguri rito, ay higit na magiging laganap at nakapipinsala kaysa AIDS, malamang na mahawahan ang 300 milyon katao sa susunod na sampung taon. Ang bagay na maaaring makuha sa hangin ang mga baktirya ay nangangahulugan kung gayon na ang TB ay mas nakahahawa. Ang TB ay laganap na sa ibang bahagi ng Russia. Lumitaw ang mga uri ng baktirya na hindi na tinatablan ng gamot sapagkat ang mga maysakit ng TB ay hindi nakakumpleto ng kanilang anim na buwang gamutan ng mga antibayotik, ulat ng isang ahensiya ng paggamot sa Britanya. Bilang resulta, ang baktirya ay nagkakaroon ng imyunidad at nabubuhay.