Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • g96 12/8 p. 20-23
  • “Pag-aasawa Ayon sa Kaugalian” sa Ghana

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • “Pag-aasawa Ayon sa Kaugalian” sa Ghana
  • Gumising!—1996
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Pananagutan ng mga Magulang
  • Ang Seremonya sa Pamanhikan
  • Ang Seremonya ng Kasal
  • Dote—Ano ang Dapat na Maging Pangmalas Dito ng mga Kristiyano?
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1989
  • Pag-aasawa
    Kaunawaan sa Kasulatan, Tomo 2
  • Dote
    Kaunawaan sa Kasulatan, Tomo 1
  • Magsaya sa Kasal ng Kordero!
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—2014
Iba Pa
Gumising!—1996
g96 12/8 p. 20-23

“Pag-aasawa Ayon sa Kaugalian” sa Ghana

NG KABALITAAN NG GUMISING! SA GHANA

PAG-AASAWA​—daan-daang libo ang pumapasok sa relasyong ito taun-taon sa buong mundo. Karaniwang isinasagawa nila ito ayon sa kanilang kaugalian sa pag-aasawa na laganap kung saan sila nakatira.

Sa Ghana ang pinakakaraniwang anyo ng pag-aasawa ay tinatawag na pag-aasawa ayon sa kaugalian. Kasali rito ang pagbabayad ng dote ng pamilya ng nobyo sa pamilya ng nobya. Ang pag-aasawa ayon sa kaugalian ay isinasagawa ng mga tao sa kalakhan ng Aprika at sa mga bansang gaya ng Hong Kong, Papua New Guinea, at Solomon Islands gayundin naman sa gitna ng mga Indian na Goajiro sa hilagang-silangan ng Colombia at hilagang-kanluran ng Venezuela, na ilan lamang sa mababanggit.

Ang pagbabayad ng dote ay isang kaugalian noong panahon ng Bibliya. (Genesis 34:11, 12; 1 Samuel 18:25) Ang pagkaunawa noong sinaunang panahon at sa ngayon ay na kabayaran ang dote sa mga magulang ng babae dahil sa pagkawala ng paninilbihan ng babae at sa panahon, lakas, at mga ginugol sa pagpapaaral at pagpapalaki bago siya mag-asawa.

Pananagutan ng mga Magulang

Noong unang panahon sa Ghana, ang pakikipag-date at pagliligawan ay hindi umiiral sa gitna ng mga kabataan. Ipinagkakasundo ng mga magulang ang kanilang malalaki nang anak pagkatapos ng totoong maingat na pagsusuri sa mga kabataang lalaki at babae sa pamayanan. Ginagawa pa rin ito ng ilang magulang sa Ghana.

Isinasaalang-alang ng mga magulang ng lalaki ang mga salik na gaya ng personalidad ng babae; ang kaniyang reputasyon at ng kaniyang pamilya; ang namamanang sakit sa pamilya; at kung sa kalagayan ng mga Saksi ni Jehova, ang kaniyang espirituwalidad. Kapag nasiyahan na, pormal na lalapitan ng mga magulang ang mga magulang ng babae at mag-aalok ng kasal.

Susuriin ngayon ng mga magulang ng babae ang pinagmulan ng lalaki at ng kaniyang pamilya. Karagdagan pa sa mga salik na nabanggit sa itaas, kanilang isasaalang-alang ang kakayahan ng lalaki na sumuporta sa asawang babae​—siya ba’y nagtatrabaho o hindi? Kung masiyahan na ang mga magulang ng babae, ipagbibigay-alam nila ito sa mga magulang ng lalaki, at magkakasamang magpaplano ang mga magulang sa kasal, pagkatapos na sumang-ayon dito kapuwa ang lalaki at babae.

Bakit ang ilang magulang pa rin ang bumabalikat mismo sa paghahanap ng mapapangasawa ng kanilang malalaki nang anak? Isang babae sa India na ang mga magulang ang nagsaayos ng kaniyang pag-aasawa ay nagsabi ng ganito: “Paano magkakaroon ng kakayahan ang isang kabataan sa gayong mabigat na pagpapasiya? Mas makabubuting ipaubaya ito sa mga taong may kakayahan sa kung ano ang pinakamabuting pasiya dahil sa kanilang edad at karanasan.” Ipinababanaag ng kaniyang komento ang pangmalas ng maraming Aprikano.

Gayunman, nagbago na ang takbo ng panahon sa Ghana. Ang pakikipag-date at pagliligawan ay naging uso na. Sa angkop na panahon ng pagliligawan, ipagbibigay-alam ng lalaki’t babae sa mga magulang ang kanilang intensiyon. Pagkatapos na makapag-usap ang kani-kanilang mga magulang at pagkatapos na sumang-ayon ang mga magulang na iyon ay isang mabuting pagsasama, itutuloy ng mga pamilya ang pormal na seremonya na pangkaraniwang alam sa iba’t ibang wika sa Ghana bilang ang pagkatok sa pinto o pamanhikan, ang pinto ng pag-aasawa.

Ang Seremonya sa Pamanhikan

Pasasabihan ng mga magulang ng lalaki’t babae ang mga miyembro ng pamilya hinggil sa petsa at layunin ng pagtitipon. Ang katagang “miyembro ng pamilya” ay tumutukoy sa pinapamilyang kamag-anak ng mga Aprikano anupat kabilang dito ang mga tiyuhin, tiyahin, mga pinsan, nuno ng mag-aasawa. Sa itinakdang araw, ang mga kinatawan mula sa magkabilang pamilya ay magtitipon para sa seremonya. Hindi sapilitan ang pagkanaroroon ng nobyo. Ang sumusunod ay maikling dula ng kung ano ang nagaganap sa gayong seremonya ng pamanhikan.

Kinatawan ng Babae (KB): [Nakikipag-usap sa mga kinatawan ng nobyo] Batid namin ang dahilan ng inyong pagparito, subalit hinihiling ng kaugalian na magtanong pa rin kami, Ano ang inyong sadya?

Kinatawan ng Lalaki (KL): Napadaan ang aming anak na si Kwasi sa inyong bahay at nakita niya ang isang marikit na bulaklak dito at ibig niyang hingin ang inyong pahintulot upang pitasin ito.

KB: [Nagkukunwang walang-alam] Walang bulaklak sa bahay na ito. Matitiyak ninyo iyan mismo.

KL: Hindi maaaring magkamali ang aming anak na lalaki. Natitiyak naming may marikit na bulaklak sa bahay na ito. Ang pangalan ng bulaklak ay Afi.

KB: Kung gayon ito’y isang taong bulaklak. Buweno, dito nga nakatira si Afi.

KL: Ibig naming mamanhikan at hilingin ang kamay ni Afi upang magpakasal sa aming anak na si Kwasi.

Ihaharap ngayon ng pamilya ng lalaki ang ilang bagay, gaya ng mga inumin at salapi. Depende sa tribo, may pagkakaiba-iba sa dami at mga bagay na ihahandog. Ang seremonyang ito ay halos katumbas ng istilo ng Kanluran sa kasunduan sa pagpapakasal, at sa ilang kalagayan ay may kondisyon ng pagbibigay ng singsing para sa kasunduan.

Tatanungin ngayon ng kinatawan ng nobya sa harap ng lahat ng nagmamasid kung tatanggapin ba o hindi ang mga regalong dinala. Sa pamamagitan ng kaniyang pasang-ayon na sagot, ang lahat ng naroroon ay mga saksing nakakita ng kaniyang pagpayag na magpakasal. Pagkakasunduan ng dalawang pamilya ang isang maluwag na petsa para sa kasalan. Ang seremonya ay nagtatapos sa pamamagitan ng kaunting kainan.

Ang Seremonya ng Kasal

Ang dami ng mga tao na magtitipon sa bahay ng babae o sa bahay ng piniling kinatawan para sa pagbabayad ng dote, ang pagdiriwang na bumubuo sa kasalan, ay karaniwang malaki kaysa bilang ng mga naroroon sa pamanhikan. Ito’y sa dahilang maraming kaibigan ngayon ang naroroon.

Napakasaya ng kapaligiran. Ang mga binata’t dalaga ay nasasabik na makita kung ano ang dinala para sa nobya. Subalit parang nakanenerbiyos ang kapaligiran kapag umangal ang pamilya ng nobya na ang dote ay hindi kumpleto. Pigil ang paghinga ng ilan sa mga nanonood kapag waring hindi pumapayag ang pamilya ng nobya. May kahusayan namang makikiusap ang tagapagsalita ng nobyo upang magkaroon ng maawaing konsiderasyon sa panig ng pamilya ng nobya. Magiging panatag ang kapaligiran kapag nahabag ang pamilya ng babae. Pagkatapos ay magbabago ang kapaligiran. Magiging masaya na ngayon ito, at magsisilbi ng pampalamig.

Upang pasimulan ang seremonya ng kasal, hihilingin ng tagapagsalita ng nobya na tumahimik at malugod na tatanggapin ang lahat. Tatanungin niya ang mga kinatawan ng nobyo tungkol sa kanilang pakay. Sasabihin ng tagapagsalita ng nobyo ang dahilan ng kanilang pagpunta, ipaaalaala na sila’y nakapamanhikan na anupat pinahintulutang tumuloy.

Pagkatapos ay ipakikilala ng bawat tagapagsalita ng pamilya ang malalapit na miyembro ng pamilya sa pagtitipong iyon, kasali na ang isa na nagbibigay ng kamay ng babae sa pag-aasawa gayundin ang tumutulong sa lalaki sa pagpapakasal. Magpapatuloy ang seremonya.

KB: [Nakikipag-usap sa mga kinatawan ng nobyo] Pakisuyong ilabas ang mga handog sa kasalan na aming hinihiling.

Iisa-isahin ng tagapagsalita ng nobya ang mga bayad na dote upang matiyak ng lahat na ang mga ito’y naroroon. Kung inaakala ng mga kinatawan ng nobyo na tinataasan ng pamilya ng nobya ang mga kahilingan, sarilinan nilang lulutasin ang usapin bago ng araw ng kasal. Gayunman, ang pamilya ng nobyo ay dumarating sa seremonya na handang makipagtawaran para sa pagbawas ng anumang karagdagan pang bagay kung mahirap pakiusapan ang ilan sa pamilya ng nobya. Saanman nakatira ang isa, ang pangunahing dote​—mataas man ito o mababa​—ay dapat na bayaran nang buo.

Itinatakda pa nga ng ilang pamilya ang mga bagay na gaya ng mga inumin, damit, kuwintas, hikaw, at iba pang gamit ng babae. Sa hilagang Ghana, maaaring kabilang sa dote ang asin, kola nut, ibong guinea, tupa, at maging ng baka. Laging may kasamang salapi sa dote.

Habang nagpapatuloy ang negosasyon o usapan, wala roon ang nobya subalit nasa malapit, na nagmamasid. Hindi rin naman sapilitan ang pagkanaroroon ng nobyo. Kaya, maaaring pahintulutan ng isang taong nakatira sa malayo ang kaniyang mga magulang na siyang makipagkasundo sa pagpapakasal alang-alang sa kaniya. Gayunman, sa pinag-uusapang kaganapan dito, ang nobyo ay naroroon. Ang pamilya naman ngayon ng lalaki ang hihiling.

KL: Natupad na namin ang lahat ng inyong hiniling sa amin, subalit hindi pa namin nakikita ang aming magiging manugang na babae.

Hindi naman pawang seryosong bagay ang seremonya ng kasal; panahon rin iyon upang magkaroon ng kasayahan. Tutugon ngayon ang pamilya ng babae sa kahilingan ng pamilya ng lalaki na makita ang nobya.

KB: Sana’y narito ang nobya. Ikinalulungkot namin, siya’y nangibang bansa at wala kaming pasaporte o visa upang makapaglakbay upang siya’y mapabalik.

Alam ng lahat kung ano ang ibig sabihin niyan. Agad-agad, mag-aalok ng isang halaga ng salapi ang pamilya ng nobyo​—anumang halaga na kaya ng nobyo​—at hayun! ang guniguning pasaporte at visa ay handa na. At ang nobya ay nakabalik na mula sa kaniyang paglalakbay!

Upang madagdagan pa ang saya, isinasaayos ng ilang tribo na magpanggap ang ilang kaibigan bilang ang nobya. Ang bawat nagpapanggap ay talagang tinatanggihan ng mga tao hanggang, sa gitna ng masigabong palakpakan, iharap ang tunay na nobya. Pagkatapos ay aanyayahan siya ng kaniyang tagapagsalita na tingnan ang iba’t ibang bagay na kaniyang dote. Tatanungin siya kung ang dinala ng nobyo ay dapat ngang tanggapin. Magkakaroon ng anasan ang lahat habang may pananabik na naghihintay sa sagot. Ang ilang babae ay mahiyain at ang iba naman ay malakas ang loob, subalit ang sagot ay talagang oo, na sinusundan ng umaatikabong palakpakan.

Kung ang nobyo ay naroroon, hihilingin ng pamilya ng nobya na makilala siya. Nagpapatuloy nang walang humpay ang katuwaan kung isinaayos na magpanggap na nobyo ang isa sa kaniyang kaibigan. Taglay ang pagmamalaki, tatayo ang kaniyang kaibigan, subalit ito’y agad na itataboy.

Hihilingin ng mga magulang ng nobya na makita ang kanilang manugang na lalaki. Tatayo na ngayon ang tunay na nobyo, na may pagkatamis-tamis na ngiti. Pahihintulutan ng pamilya ng nobya na lapitan ng babae ang kaniyang mapapangasawa, na maglalagay ng singsing sa kaniyang daliri kung hiniling ang isang singsing bilang bahagi ng dote. Ang singsing ay isang bagong bagay mula sa Kanluran. Ang babae naman ang magsusuot ng singsing sa daliri ng lalaki. Tigib ng mga pagbati at kasiyahan ang kapaligiran. Para sa kaluwagan at pagtitipid, pinagsasama ngayon ng ilan ang pamanhikan at kasalan sa iisang araw.

Ang mga miyembro ng parehong pamilya na may karanasan na at ang iba pa ay magpapayo ngayon sa bagong kasal kung paano nila gagawing matagumpay ang kanilang pag-aasawa hanggang sa paghiwalayin sila ng kamatayan. Upang magtapos ang araw sa kaiga-igayang paraan, magsisilbi ng meryenda.

Tapos na ang kasalan! Sa Ghana, mula sa araw na iyon, itinuturing ng pamayanan na legal na mag-asawa na ang dalawa. Kung sa ilang kadahilanan ang sinuman sa pangunahing miyembro ng pamilya ng babae ay hindi makadadalo sa seremonya, ang ilan sa inuming inihanda ay ipadadala sa kanila upang ipasabi na tapos na ang kasal. Kung ang mga bagong kasal ay mga Saksi ni Jehova, sa ilang kalagayan ay magsasaayos ang mga Saksi ng isang pahayag sa Bibliya, na may kasamang kaunting meryenda pagkatapos niyaon.

Sa Ghana ang ilang mag-asawa ay may kasalan na istilong Kanluran, na tinatawag na kasalang sibil, o kasalan sa pamamagitan ng ordinansa. Maaaring magpirmahan ng kontrata na mayroon o walang kapahintulutan ng mga magulang hangga’t ang dalawa ay nasa legal na edad. Kahilingan sa pag-aasawa ayon sa kaugalian ang kapahintulutan ng mga magulang.

Sa kasalang sibil ang mag-asawa ay may panata. Subalit ang mga panata ay hindi umiiral sa mga pag-aasawa ayon sa kaugalian. Hinihiling ng Estado na ang lahat ng pag-aasawa ayon sa kaugalian ay dapat na ipatala, at sinusunod ito ng mga Saksi ni Jehova. (Roma 13:1) Pagkatapos ay ilalabas ang isang sertipiko ng pagpapatala.

Mula pa noong unang panahon hanggang sa ang Gold Coast, ngayo’y Ghana, ay naging kolonya ng Britanya, ang pag-aasawa ayon sa kaugalian ang tanging anyo ng pag-aasawa sa bansa. Pagkatapos ay ipinakilala ng Britanya ang istilong Kanluran na kasalan para sa kanilang mga mamamayan na nakatira rito. Ang mga katutubo sa bansang ito ay pinahihintulutan din na magkaroon ng ganitong uri ng pagpapakasal, at sa loob ng maraming taon na ngayon, parehong isinasagawa ang kasalang istilong Kanluran at ayon sa kaugalian. Sa Ghana ito ay parehong legal na kinikilala, anupat maaaring tanggapin ng mga Saksi ni Jehova. Nasa indibiduwal na iyon kung ano ang pipiliin nilang anyo ayon sa kanilang nais.

Sa ilang bansa sa Aprika, ang mga pag-aasawa ayon sa kaugalian ay kailangang ipatala bago maituring na legal na kasal ang mag-aasawa. Gayunman, sa Ghana ang pag-aasawa ayon sa kaugalian na gaya ng inilarawan sa itaas ay legal na may bisa kahit hindi naipatala, yamang ang mag-asawa ay itinuturing na legal na mag-asawa kapag ang seremonya sa pag-aasawa ayon sa kaugalian ay natapos na. Pagkatapos, ang pag-aasawa ayon sa kaugalian ay ipatatala para sa layunin ng talaan lamang.

Tunay na ang pag-aasawa ay isang maibiging kaloob ng Diyos sa sangkatauhan, isang pambihirang kaloob na hindi kailanman naibigay sa mga anghel. (Lucas 20:34-36) Ito’y isang mahalagang kaugnayan na sulit ingatan para sa kaluwalhatian ng Pinagmulan nito, ang Diyos na Jehova.

[Larawan sa pahina 23]

Pagpapalitan ng singsing

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share