Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • g97 1/8 p. 22-25
  • Ang “Raven”—Bakit Ito Naiiba?

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Ang “Raven”—Bakit Ito Naiiba?
  • Gumising!—1997
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Pagkakakilanlang mga Katangian
  • Ang Lawak ng Nararating at ang Paglipad ng “Itim na Kidlat”
  • Madaling Makibagay at Mapamaraang mga Magnanakaw
  • Pagpiyak at Kakayahang Matuto
  • Ang Angking Kagandahan Nito
  • Uwak
    Kaunawaan sa Kasulatan, Tomo 2
  • Uwak
    Bagong Sanlibutang Salin ng Banal na Kasulatan (Edisyon sa Pag-aaral)
  • Mga Tanong Mula sa mga Mambabasa
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1992
  • Mula sa Aming mga Mambabasa
    Gumising!—1997
Iba Pa
Gumising!—1997
g97 1/8 p. 22-25

Ang “Raven”​—Bakit Ito Naiiba?

NG KABALITAAN NG GUMISING! SA CANADA

SINO ang mag-iisip ng anumang bagay na kakaiba sa ibong ito na may maitim na kulay at nakalulungkot na gumagaralgal na huni. Aba, para sa mga walang kabatiran, sa unang tingin waring ito’y isa lamang pagkalaki-laking uwak. Hindi agad nakatatawag ng pansin ang raven gaya ng blue jay, ang makulay na pinsan nito na may matingkad na bughaw na balahibo. At kakaunti ang magtuturing na isang awit ang gumagaralgal na huni ng raven, bagaman ito’y inuri kasama ng mga passerine, o mga ibong umaawit. Gayunman, huwag maliitin ang ibong ito. Ang anumang bagay na wala rito pagdating sa awit at makulay na hitsura, nakahihigit naman ito sa ibang bagay. Ang raven ay may sariling angking kagandahan at katangian. Oo, inuuri sa mataas na klase mismo ng maraming dalubhasa sa ibon ang raven.

Pagkakakilanlang mga Katangian

Ang karaniwang raven (Corvus corax) ay ang pinakamalaki at pinakakapita-pitagan sa buong pamilya ng uwak (Corvidae). Maaaring ito’y dalawang ulit na mas mabigat kaysa isang karaniwang uwak at may haba na halos dalawang talampakan, at tatlong talampakan naman ang buka ng pakpak. Ito’y naiiba mula sa uwak sa bagay na ito’y may mas mabigat na tuka at may mahaba, hugis-sinsel na buntot. Isinisiwalat din kung pagmamasdan nang mas malapit ang pagkakakilanlang malagong balahibo sa lalamunan. Kung sa paglipad, ito’y kilala sa pagpapailanlang, samantalang ang mga uwak ay pumapayagpag at sumasalimbay lamang.

Ang raven ay inuri bilang ang pinakamalaki sa lahat ng ibong humahapon. Kung pagmamasdan ang malaking ibon na ito na nagpapahingalay sa sanga ng puno, mapag-iisip-isip mo kung paano ito hindi nahuhulog sa pagkakahapon nito. Sa likod ng bawat paa ay may matibay na kuko na pangkapit sa isang sanga o siit; gayunman, ang sekreto ng pangungunyapit nito ay ang likas na humihigpit na panghawak nito. Ang mga kalamnan at litid nito ay awtomatikong humihila sa mga daliri sa paa na kumuyom kapag ang ibon ay yumuyukyok. Ang matitibay, maraming pakinabang na mga paa ng raven ay angkop din sa paglalakad at pagkahig, sa gayo’y sinasangkapan itong mabuti para sa pangunguha ng pagkain mula sa sari-saring mapagkukunan.

Ang Lawak ng Nararating at ang Paglipad ng “Itim na Kidlat”

Kaunting-kaunting ibon lamang ang may malawak na nalilipad na gaya ng raven. Talagang ito’y isang galang ibon. Ito’y matatagpuan sa maraming bahagi ng Hilagang Hemispero. Ito’y nabubuhay sa ibang-ibang kalupaan gaya ng disyerto; sa mga kagubatan sa Canada at Siberia na maraming punong conifer, kung saan ito’y gumagawa ng masalimuot na pugad na yari sa mga patpat at iba pang makukuhang materyal sa matataas na puno; sa mga bangin sa dagat sa Hilagang Amerika at Scandinavia; at sa kapatagan at mga isla sa Karagatang Artiko. Ang ilang ang waring pinakakaraniwang nasasaklaw nito, sapagkat ang raven ay karaniwang ibon sa ilang.

Ang mga halimbawa ng iba’t ibang tirahan nito ay masusumpungan sa lupain ng Bibliya, kung saan ang dalawang uri ng malalaking itim na raven ay nakatira. Ang isang uri ay naninirahan sa malawak na disyerto sa katimugan, samantalang ang iba naman ay nakatira sa hilagang rehiyon. Ang itim na mga raven ay namumugad sa mga kasuluk-sulukan at mga siwang sa mga batuhan sa mga bangin. Ang mga raven ay ginamit ni Jehova upang pakanin si Elias samantalang siya’y nagtago mismo sa libis ng Cherith. (1 Hari 17:3-6) Ang ulat ni Isaias tungkol sa mga raven na nakatira sa “tiwangwang at sumisirang mga bato” ng Edom ay naglalarawan din sa kanilang tirahan.​—Isaias 34:11.

Ang mga raven ay mahuhusay lumipad. Napakagandang pagmasdan ng mga ito habang sumasalimbay nang walang kahirap-hirap sa malawak na pabilog na paraan, na sinisiyasat ang lugar sa ibaba sa paghahanap ng pagkain. Ang mga ito’y nakagagawa ng akrobatiko sa himpapawid nang kaydali-dali​—pasirku-sirko at sandali pa ngang lumilipad nang pabaligtad​—lalo na kung nanliligaw at, wari bang, kung minsan ay para sa katuwaan lamang. Ang paglipad ng raven ay wastong inilarawan ni Bernd Heinrich ng ganito sa Ravens in Winter: “Ito’y bumubulusok at nagpapaikut-ikot gaya ng isang itim na kidlat sa kalangitan o mabilis at deretsong nagpapatihulog, na sumasalimbay.” Sinabi pa niya na ito “ang huwaran ng paglipad sa himpapawid, at higit pa.” Ang lakas ng raven sa paglipad ang dahilan kung bakit pinili ito ni Noe bilang ang kauna-unahang nilikha na ipinadala sa labas ng daong noong panahon ng Baha.​—Genesis 8:6, 7.

Madaling Makibagay at Mapamaraang mga Magnanakaw

Itinuturing ng mga dalubhasa sa kalikasan ang raven bilang isa sa pinakamadaling makibagay at mapamaraan sa lahat ng ibon. Gaya ng sabi ng isang pinagkunan ng impormasyon, “ito’y kilalang-kilala sa katalinuhan.” Anuman ang mga kalagayan na makaharap ng raven, napakikitunguhan nito ang hamon ng pakikibagay sa umiiral na mga kalagayan, lalo na pagdating sa pagkain. Mangyari pa, hindi makatutulong ang pagiging pihikan sa pagkain! Kinakain ng raven ang lahat halos ng bagay na madagit ng mga kuko nito​—mga prutas, buto, nuwes, isda, bulok na hayop, maliliit na hayop, mga dumi. “Hayok” sa pagkain? Marahil. At hindi ito mapili kung tungkol sa kung saan hahagilapin nito ang pagkain, naghahalukay pa nga ito sa ilalim ng niyebe upang halughugin ang mga bag ng basura kung panahon ng sobrang pagyeyelo sa dakong kahilagaan sa lawak ng nararating nito. Sinusundan din ng mga raven ang mga mangangaso at mangingisda sa loob ng ilang araw, sa paano ma’y nakikiramdam kung magkakaroon din naman ng pagkain para sa kanila.

Ang Corvidae, o mga miyembro ng pamilyang uwak, ay kilala bilang mga magnanakaw, at hindi naiiba ang mga raven sa bagay na ito. Hindi nito tinututulan ang pagnanakaw ng pagkain ng ibang mga ibon o mga hayop at naobserbahan din naman na nanlalansi sa mga aso. Ang dalawang raven ay maghahalinhinan​—ang isa ay guguluhin ang aso samantalang ang isa naman ay sasalimbay upang kunin ang pagkain nito. Inilalarawan ng sining ng mga Inuit ang isang tusong raven na nagnanakaw ng isda sa isang mangingisda sa yelo.

Ang mga raven ay may magandang kaugnayan sa mga lobo, karaniwan na sumusunod sa mga grupo ng lobo. Ang mga ito’y nanginginain sa mga nasila ng mga lobo, subalit minsan pa, wari bang nasisiyahan silang gumawa ng mga katatawanan samantalang ginagawa ito. Ang biyologo sa lobo na si L. David Mech ay nag-ulat na nakakita ng mga raven na nakikipaglokohan sa mga lobo. Ikinuwento niya na isang raven ang umingkang-ingkang sa isang nagpapahingang lobo, tinuka-tuka ang buntot nito, at umiilag kapag sinasagpang ito ng lobo. Nang palihim na subaybayan ng lobo ang raven, palalapitin ng ibon ito ng isang talampakan ang layo sa kaniya bago lumipad. Pagkatapos ito’y dadapo nang ilang talampakan nang lampas sa lobo at uulitin ang panloloko. Isa pang ulat ang nagsalaysay tungkol sa pakikipaghabulan ng raven sa mga tuta ng lobo. Nang mapagod ang mga tuta sa laro, naupo na pumipiyak ang raven hanggang sa sila’y maglaro muli.

Binanggit ng magasing Canadian Geographic ang isang radyong nagsasahimpapawid mula sa Yellowknife, Northwest Territories, ang tungkol sa mga raven na nakahapon sa isang nakadahilig na bubungang bakal ng komersiyal na mga gusali, wari bang naghihintay sa walang kamalay-malay na mga nagdaraan sa ibaba upang ihulog ng mga ito sa kanila ang natipong niyebe. Hindi nakapagtataka kung bakit tinatawag ng mga taong Haida sa kanluraning baybayin ng Canada ang raven na manloloko!

Pagpiyak at Kakayahang Matuto

Ang “bokabularyo” ng raven ay napakalawak at sari-sari. Karagdagan pa sa pinakakapansin-pansin, napakababa, napakatalas na pagpiyak​—na maliwanag na isang hudyat ng nababatid na kaguluhan​—ang pagpiyak nito diumano’y upang ipamalas ang pagmamahal, kaligayahan, pagkagulat, katuwaan, at galit nito. Natutularan din ng mga raven ang huni ng ibang ibon sa tinig mismo nito, lalo na ang totoong-totoong pagtulad sa isang uwak.

Kung hanggang saan matuturuang magsalita ang mga raven ay isang bagay na pinagtatalunan. Gayunman, si Candace Savage, sa kaniyang aklat na Bird Brains, ay nagpatunay tungkol sa napaamong mga raven na tinuruang tularan ang pagsasalita ng tao. Ayon sa alamat ay nagkaroon ng raven ang makatang si Edgar Allan Poe at matiyagang nagturo rito na bigkasin sa mapanglaw na piyak ang salitang “hindi kailanman,” na nagbigay-buhay sa kaniyang bantog na tulang The Raven, na naglalarawan sa “isang binata na nagdadalamhati sa pagkamatay ng kaniyang minamahal.”

Hindi gaanong pinagtatalunan ang tungkol sa kakayahan ng raven na matuto. Kung nauuri ang mga ibon ayon sa talino nito, waring ang raven ang nangunguna rito. Ang biyologo ng kalikasan na si Bernd Heinrich ay nagsasabi na ang raven “ay ipinalalagay na matalino sa daigdig ng mga ibon.” Sinasabi niya na “nang subukin ito, ang raven ay nagpamalas ng katalinuhang umunawa.” Sa isang eksperimento ay pinag-isipang mabuti ng isang raven sa loob ng anim na oras kung paano makakakuha ng isang tipak ng karne na nakabitin sa isang tali, samantalang pinag-iisipan pa rin ito ng mga uwak pagkalipas ng 30 araw pa. Ang mga raven ay naturuan pa ngang magbilang. Ang kanilang angking talino ay maaaring siyang nagpapahaba ng kanilang buhay, sapagkat ang mga raven ay nabubuhay nang mahigit na 40 taon kapag kawala at hanggang 70 taon kapag nakakulong. Mangyari pa, ang anumang kakayahan ng raven ay dapat na ibigay ang kapurihan sa talino ng Maylikha nito.

Ang ibong ito ay kilalang-kilala, at ito’y iginagalang ng mga nakababatid sa pantanging mga katangian nito. Ito’y masusumpungan sa mga alamat ng mga tao sa buong daigdig. Ito’y pinatanyag ng mga manunulat noon at ngayon. (Tingnan ang kahon, pahina 24.) Oo, ang raven ay isang lubos na kaakit-akit na ibon. Subalit ano naman ang masasabi tungkol sa kagandahan nito?

Ang Angking Kagandahan Nito

Buweno, hindi ba’t narinig mo na ang tungkol sa ‘itim na buhok na gaya ng raven’? (Awit ni Solomon 5:11) Ang makintab na itim na balahibo nito na may nag-iiba-ibang kulay na abuhing asul at lila​—ang balahibo sa ilalim kung minsa’y medyo luntian​—ay nagbibigay ng tunay na kahulugan ng salitang “raven.” Ilarawan ang pumapailanglang na raven na pagkalaki-laki at may makintab na itim na balahibo, na litaw na litaw sa tiwangwang na disyertong tirahan nito. O ilarawan mo naman sa isip ang pagkakaiba sa pagitan ng makintab na itim na itim na ibon na ito at ang kalalaglag pa lamang na puting-puting niyebe. Nabihag ng mga pintor ang kagandahan ng raven. Ganito ang nagunita ng pintor na si Robert Bateman: “Ako’y nabighani ng napakagandang dalisdis ng yelo sa Yellowstone Park, isang napakaganda, napakaningning na tanawin na sinamahang mabuti ng napakatikas na anyo ng raven.”

Totoo, masasabi na pagdating sa kagandahan, kasaysayan, lawak ng nararating, paglipad, katalinuhan, at pagiging matatag, ang raven ay isang ibong natatangi.

[Kahon sa pahina 24]

Ang Raven sa mga Alamat at Literatura

MGA ALAMAT:

Inilalarawan ng mga alamat ng Tsino, Ehipsiyo, Griego, Semitiko, at Siberiano ang raven bilang tagapagpauna ng balita tungkol sa mga bagyo o masamang panahon. Marahil ang gayong mga alamat ay nagmula kay Noe at sa Baha.

Inilalarawan ng raven ang buhay at paglikha sa mga alamat sa Siberia at ng manlilikhang diyos ng mga Katutubo sa Hilagang Amerika.

Sa mga alamat sa Aprika, Asia, at Europa, ipinahihiwatig ng raven ang kamatayan.

LITERATURA:

Sa Bibliya ang raven ay ipinakikilala bilang ang unang ibong pantanging binanggit.​—Genesis 8:7.

Pangunahing isinagisag sa mga akda ni Shakespeare ang mga raven bilang masamang pangitain at kasamaan (Julius Caesar, Macbeth, Othello) subalit inilalarawan din ito bilang tagapagbigay biyaya na nagpapakain sa mga inabandonang mga bata.​—Titus Andronicus, The Winter’s Tale.

Inilarawan ni Charles Dickens ang raven bilang isang katauhan na nagbibigay kasiyahan sa Barnaby Rudge.

Sa kaniyang tulang The Raven, iniugnay ni Edgar Allan Poe ang raven sa pagkamatay ng mahal sa buhay at kawalang-pag-asa.

[Kahon sa pahina 25]

Mga Aral na Matututuhan

May mga aral na matututuhan mula sa raven. Ang Anak ng Diyos mismo ang nagsabi: “Pansinin ninyong mabuti na ang mga uwak ay hindi naghahasik ng binhi ni gumagapas, at wala silang bangan ni kamalig man, at gayunma’y pinakakain sila ng Diyos.” (Lucas 12:24) Yamang ang tirahan nito ay kalimitang sa tiwangwang na mga lugar, tiyak na makukuha ang pagkain sa napakalawak na lugar. Iisa lamang ang pinipiling makakasama sa habambuhay ng mga raven at ang mga ito’y tapat na mga magulang. Kapag nasa pugad, kailangan nilang patuluyang magtustos ng pagkain upang mapatahimik ang napakaingay na pagsiyap ng kanilang nagugutom na inakay. Nang tinuturuan ng aral si Job hinggil sa karunungan na ipinababanaag sa paglalang, isinama ni Jehova ang raven bilang isang halimbawa. (Job 38:41) Yamang ang Diyos ang naglalaan para sa raven, na sinabing marumi sa Batas Mosaiko, matitiyak natin na hindi niya pababayaan ang mga taong nagtitiwala sa kaniya.

[Picture Credit Line sa pahina 23]

Mga raven sa pahina 23-5: © 1996 Justin Moore

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share