Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • g97 1/8 p. 28-29
  • Pagmamasid sa Daigdig

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Pagmamasid sa Daigdig
  • Gumising!—1997
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Maging Masayahin​—at Manatiling mas Malusog!
  • Nanganganib ang mga Ibon sa Mahihilig sa Ibon?
  • Komportableng Tirahan Para sa mga Pulgas
  • Kung Paano Pakikitunguhan ang mga Maton sa Paaralan
  • Ang mga Gusto at Ayaw ng mga Bata
  • Iminungkahi ng Kardinal ang Gawain ng mga Saksi
  • Paglilinis ng Karagatan
  • Mabalahibong Submarino
  • Mga Batang Nang-aabuso ng mga Bata
  • Alkohol sa Panahon ng Pagdadalang-tao
  • Paninindak—Ilang Sanhi at Epekto
    Gumising!—2003
  • Tulungan ang Inyong Anak na Mapagtagumpayan ang mga Problema sa Paaralan
    Gumising!—1994
  • Paninindak—Isang Pangglobong Problema
    Gumising!—2003
  • Ano ang Gagawin Ko Kapag Binu-bully Ako?
    Tanong ng mga Kabataan
Iba Pa
Gumising!—1997
g97 1/8 p. 28-29

Pagmamasid sa Daigdig

Maging Masayahin​—at Manatiling mas Malusog!

“Sa pamamagitan ng pagiging mapagpatawa, ang mga tao ay nagiging higit na mapagbigay, mahusay sa pagdadala ng mga kabiguan, at nakapananatiling malusog sa katawan at isip,” sabi ni Propesor Sueli Damergian ng São Paulo University. Ayon sa isang ulat sa pahayagang O Estado de S. Paulo sa Brazil, ang ugaling mapagpatawa ay maaaring matutunan​—gaya ng pagbabasa at pagsusulat. Maliwanag, ito’y nangangailangan ng pagbabago ng kaisipan para sa isang sumpunging tao. Ganito ang paliwanag ng propesor sa sikolohiya na si Raquel Rodrigues Kerbauy: “Kung iisipin ng isa na siya’y makangingiti lamang kapag ang mundo ay nasa katuwiran, siya’y magiging sumpungin magpakailanman. Tutal, kahit saan ay may kawalang-katarungan.” Kahit na abalang-abala, ang mga taong mabuting-loob ay nasisiyahan sa pakikisalamuha sa iba, ang sabi ng ulat. Pinahahalagahan nila ang maliliit na bagay na gaya ng “sandaling pagkukuwentuhan, isang kendi, o limang minutong pakikinig sa magandang musika.” Gayunman, ganito ang babala ni Damergian: “Hindi dapat ipagkamali ng isa ang ugaling mapagpatawa sa kalokohan at kalaswaan.”

Nanganganib ang mga Ibon sa Mahihilig sa Ibon?

Ang mahihilig sa ibon ay maaaring higit na nakagagawa ng pinsala kaysa kabutihan sa pamamagitan ng pag-iiwan ng pagkain sa kanilang mga halamanan upang makain ng mga ibon, ulat ng pahayagang Sunday Times sa London. Ang pagkalason sa pagkain na sanhi ng baktiryang salmonella, mga parasito, at ang karagdagan pang di-kilalang mikroorganismo ang pumatay kamakailan ng sampu-sampung libo ng paboritong mga ibon sa mga hardin sa Britanya. Ikinababahala ni James Kirkwood, pangunahing beterinaryo ng London Zoo, na baka malipol ang ilang uri ng ibon sa ilang lugar. Ang matitibay na baktirya at mga parasito ay nananatiling buhay sa loob ng maraming araw sa dumi sa mga kainan ng ibon o sa lupa. Ang inaamag na mga mani ay lalo nang mapanganib, ang babala ni Propesor Chris Perrins, ng Oxford University. “Ipinagbabawal ng pamahalaan ang pagbibili ng nadumhang mga mani sa mga tao subalit pinahihintulutan ang mga ito sa pagkain ng ibon,” aniya, na ganito pa ang sabi: “Pinapatay ng mga ito ang napakaraming ibon.”

Komportableng Tirahan Para sa mga Pulgas

Ang napakasungit na panahon kung taglamig ay nangangahulugan ng pagkamatay ng napakaraming pulgas. Subalit nagbago na ang mga bagay-bagay, ang ulat ng magasing New Scientist sa Britanya. “Sa nakalipas na dekada nagkaroon ng pagdami ng pulgas ng pusa,” ang sabi ni John Maunder, ng Cambridge Medical Entomology Centre. Ang makabagong mga tahanan sa ngayon ay nagsisilbing komportableng taguan ng mga pulgas na ito, na namamahay rin sa mga aso. Noong nakaraan, napapatay ito sa malamig na panahon na may katamtamang kahalumigmigan​—isang pumapatay na salot sa mga uod ng pulgas. “Ngayon,” ang sabi ni Maunder, “ang bentilasyon sa maraming tahanan ay napakahina anupat ang katamtamang kahalumigmigan ay nananatiling mataas, at maging ang matagal na malamig na panahon ay hindi nakapapatay sa mga pulgas.”

Kung Paano Pakikitunguhan ang mga Maton sa Paaralan

Dahil sa kamakailang paglalathala tungkol sa pananakot sa mga paaralan, nagsagawa ng surbey ang Ministri ng Edukasyon ng Hapon sa 9,420 bata at kanilang mga magulang at mga guro. Isiniwalat ng pagsusuri na hanggang sa 70 porsiyento ng mga magulang ng mga estudyanteng tinakot mula sa elementarya at ikatlong taon sa haiskul ang alin sa walang kabatiran sa problema o hindi sineryosong mabuti ang reklamo ng kanilang mga anak. Dahil sa takot na paghigantihan, marami sa biktima ang hindi na nagsusumbong sa guro na sila’y tinakot. Gayunman, ipinakita ng surbey na kapag hinaharap na mabuti ng guro ang problema, 2 porsiyento lamang ng mga biktima ang nakararanas ng paghihiganti at humihinto ang pananakot ng halos 40 porsiyento sa nabiktimang mga estudyante. Si Propesor Yoji Morita, ng Osaka City University, ay nagsabi: “Kumbinsido ako higit kailanman na ang pananakot ay maaaring madaig kung magsusumbong ang mga biktima sa kanilang mga guro at ang mga guro ang makikiharap dito nang maayos.”

Ang mga Gusto at Ayaw ng mga Bata

Ano ang pinakaayaw gawin ng mga bata? Sa isang pag-aaral ni Propesor Gustavo Pietropolli Charmet, ng University of Milan, sa Italya, sa mga batang nasa edad na 6 hanggang 11 taon, ganito ang sabi ng karamihan ng mga bata: “Nasa bahay lang at nanonood ng TV,” o “Nasa bahay kasama ni Inay na gumawa ng mga takdang-aralin.” Ang pinakadi-kaayaayang bagay na kanilang ginagawa, sabi ng pahayagang La Repubblica, ay ang “pagkakaroon ng mga kompromiso,” iyon ay, ang pagpaparoo’t parito upang mag-aral ng sayaw, Ingles, piyano, at iba pa. Ang isa pang karaniwang pinakaaayawan ay ang “pag-iisa.” Sa kabilang dako naman, gusto ng 49 na porsiyento ng mga batang lalaki na “pahintulutan [ng mga magulang] ang mga bata na maglaro sa labas ng bahay,” samantalang ang hinahangad naman ng mga batang babae sa kanilang mga magulang ay “masayang makipaglaro sa kanilang mga anak.” Kaya naman nasabi ng mga batang babae ang ganito: ‘Kapag nakipaglaro si Inay sa akin, talagang kailangang magkunwa-kunwarian siya. Alam mo kung hindi siya natutuwa, kaya hindi rin ako natutuwa.’

Iminungkahi ng Kardinal ang Gawain ng mga Saksi

Si Kardinal Suenens, ng Belgium, isang tagapagtaguyod ng Katolikong kilusang ekumeniko at karismatiko, ay yumao kamakailan sa edad na 91. Sinabi ng pahayagang Het Belang van Limburg sa Belgium na bagaman maraming nagawa si Suenens, hindi niya natupad ang kaniyang pangarap sa buhay. Ang sumunod sa kaniya, si Kardinal Danneels, ay nagsabi na “laging minimithi [ni Suenens] na maging higit na aktibo ang mga Kristiyano. Kaniyang . . . tinanong mismo ang kaniyang sarili kung tayo’y magbabahay-bahay, tulad ng ginagawa ng mga Saksi ni Jehova. Sa wakas, nasumpungan niya na hindi naman ito masamang pamamaraan. Ang pananalitang laging naririnig sa kaniya ay: ‘Ikaw ay isang tunay na Kristiyano kung iyo lamang nagawa na maging Kristiyano rin ang isang tao.’ ”

Paglilinis ng Karagatan

Maging sa araw na hindi maulan, sampu-sampung milyong galon ng maruming tubig-ulan at basura mula sa mga lansangan ng lunsod ang umaagos sa mga baybayin sa palibot ng Los Angeles, California. Kung tag-ulan, ang tubig-ulan ay maaaring umabot ng bilyun-bilyong galon! Sinuportahan ng pamahalaang panlunsod ang isang programa upang ipagbigay-alam sa mga residente na ang lahat ng ibinubunton, inaanod, o tinatangay sa mga lansangan ay tuwirang nagtutungo sa karagatan sa pamamagitan ng daanan ng tubig-ulan​—nang hindi napoproseso! Kasama rito ang langis at iba pang likido mula sa mga kotse, mga pinagtabasan sa halamanan, basura, at dumi ng mga alagang hayop. Upang maiwasang masira ang ekolohiya ng karatig na Santa Monica Bay, ganito ang paghimok sa mga residente: Huwag kailanman magtapon ng basura sa lansangan; walisin ang mga bangketa sa halip na gamitan ito ng hose; alisin ang mga dumi ng alagang hayop; ayusin ang mga tumutulo sa kotse; at iresiklo ang langis ng motor. Iniuulat ng The Wall Street Journal na ang mga taong lumalangoy na malapit sa daanan ng tubig-ulan ay 50 porsiyento ang kahigitan na magkalagnat, magsuka, magkaroon ng impeksiyon sa palahingahan, o sumakit ang tainga kaysa mga tao na di-kukulangin sa 360 metro ang layo.

Mabalahibong Submarino

Pinananatili ng Swedish Navy ang kawing-kawing na mga mikropono sa ilalim ng tubig upang matutop ang tunog ng mga bula na nalilikha ng umiikot na mga propeler ng mga submarino, ayon sa magasing New Scientist. Dahil sa pagsusuri sa 6,000 ulat ng “di-pangkaraniwang pangyayari sa ilalim ng tubig,” salig sa sistema ng mikropono at mga nakikita ng publiko, anim na pangyayari lamang ang natuklasan ng pamahalaan na mapanghahawakang katibayan tungkol sa takbo ng submarino. Marami sa kalakhan ng mga hudyat ay maaaring pinangyayari ng “malikot na pagkampay ng maliliit na binti,” sabi ng ulat. Wari bang ang lumalangoy na mink at otter ang lumilikha ng tunog na kahawig na kahawig ng mga propeler ng submarino, sa gayo’y nakalilito sa mga hukbong-dagat na nakikinig.

Mga Batang Nang-aabuso ng mga Bata

Libu-libong kabataan sa Timog Aprika ang nakararanas ng seksuwal na pang-aabuso mula sa ibang bata, ulat ng pahayagang Saturday Star ng Johannesburg. Ipinalagay ni Evanthe Schurink, ng Human Sciences Research Council, na ang pang-aabusong ito sa bahagi ng nagsasagawa nito ay inabuso rin mismo. Si Marilyn Donaldson, isang tagapayo sa bata sa Centre for the Study of Violence and Reconciliation’s Trauma Clinic, ay sumang-ayon, na nagsasabi ng ganito: “Sa karamihan ng . . . mga tahanan, ang mga batang ito’y nahahantad sa kahindik-hindik na karahasan sa tahanan at kalimitan ang kanila mismong mga biktima ay bahagi ng kanilang pinapamilyang kamag-anak.” Ibinubunton din niya ang sisi sa napakaraming pag-abuso sa pagkabagot at pagpapabaya ng mga magulang. “Walang dinadatnan sa tahanan ang mga bata kapag ang mga magulang ay nagtatrabaho,” aniya, “kaya sila’y nasa ilalim ng mga mang-aabuso.” Binabanggit ang isa pang panganib, sinabi ni Donaldson na nakikita niya ang parami nang paraming “kasinliliit ng 6 hanggang 10-taong-gulang na mga bata ang nagtutungo sa centre na may Aids, na nailipat dahil sa pagtatalik.”

Alkohol sa Panahon ng Pagdadalang-tao

“Tiniyak ng bagong pananaliksik ang kaugnayan sa pagitan ng pag-inom ng alak ng ina sa panahon ng pagdadalang-tao at ng lumalalang panganib ng pagkakaroon ng leukemia ng sanggol,” ang ulat ng The Medical Post, ng Canada. Kasangkot sa pagsusuri ang 302 biktima ng leukemia na 18 buwan pa lamang ang edad o mas bata pa nang marikunusi ang sakit, kasama ng isa pang grupo ng 558 sanggol na sinusuri. Para sa mga bata na ang mga ina ay uminom ng alak noong ikalawa o ikatlong bahagi sa tatlong yugto ng pagdadalang-tao, ang panganib na magkaroon ng acute myeloid leukemia ay halos sampung ulit na mas mataas kaysa mga batang ang mga ina ay hindi uminom ng alak. Diumano ang bagong pananaliksik ay kasang-ayon ng iba pang pagsusuri hinggil sa mga inang nagdadalang-tao na uminom ng alak at ang lumalalang panganib ng pagkakaroon ng leukemia ng kanilang sanggol.

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share