Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • g97 2/22 p. 3-5
  • Buhay ng May Kapansanan sa Pagkatuto

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Buhay ng May Kapansanan sa Pagkatuto
  • Gumising!—1997
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Pagbibigay-Katuturan sa mga Kapansanan sa Pagkatuto
  • Paglalaan ng Kinakailangang Tulong
  • Tulong sa mga Batang May Problema sa Pagkatuto
    Gumising!—2009
  • Kung Paano Lilinangin ang Hangaring Matuto
    Gumising!—2004
  • Bakit Hindi Ako Matuto?
    Gumising!—1996
  • Pagpapalaki sa mga Anak na May Pantanging Pangangailangan
    Gumising!—2006
Iba Pa
Gumising!—1997
g97 2/22 p. 3-5

Buhay ng May Kapansanan sa Pagkatuto

Ang paboritong bahagi ng maghapon ng anim-na-taóng-gulang na si David ay ang oras ng pagkukuwento. Gustung-gusto niya kapag binabasahan siya ng kaniyang Inay, at natatandaan naman niya ang kaniyang napapakinggan. Ngunit may problema kay David. Hindi siya makabasa sa ganang sarili. Sa katunayan, bigo siya sa anumang gawain na nangangailangan ng kakayahan sa paggamit ng paningin.

Si Sarah ay nasa ikatlong grado na sa paaralan, pero ang kaniyang pagsulat ay nakapagtatakang pamali-mali. Ang mga letra niya ay hindi maintindihan at ang ilan sa mga ito’y baligtad ang pagkakasulat. Ang nakadaragdag pa sa pagkabahala ng kaniyang mga magulang ay ang bagay na ni hindi maisulat ni Sarah ang kaniyang sariling pangalan.

Si Josh, isang tin-edyer, ay mahusay sa lahat ng kaniyang asignatura maliban sa matematika. Talagang litung-lito siya sa pag-intindi sa mga katumbas ng numero. Makakita lamang ng numero ay nagagalit na si Josh, at kapag ginagawa niya ang kaniyang takdang-aralin sa matematika, nasisira agad ang kaniyang kondisyon.

ANO kaya ang problema nina David, Sarah, at Josh? Sila ba’y basta mga tamad lamang, matitigas ang ulo, marahil ay mahihinang umintindi? Hindi naman. Bawat isa sa mga batang ito ay may normal hanggang sa higit-sa-katamtamang talino. Gayunman, bawat isa’y nahahadlangan ng isang kapansanan sa pagkatuto. Si David ay may dyslexia, isang terminong ikinakapit sa ilang problema sa pagbasa. Ang matinding problema ni Sarah sa pagsulat ay tinatawag na dysgraphia. At ang kawalan ng kakayahan ni Josh na maunawaan ang pangunahing konsepto sa matematika ay kilala bilang dyscalculia. Ang mga ito’y tatlo lamang sa mga kapansanan sa pagkatuto. Marami pang iba, at tinatantiya ng ilang eksperto na kung pagsasama-samahin ay apektado nito ang di-kukulangin sa 10 porsiyento ng mga bata sa Estados Unidos.

Pagbibigay-Katuturan sa mga Kapansanan sa Pagkatuto

Totoo naman, para sa karamihan ng mga kabataan kung minsan ang pagkatuto ay isang hamon. Gayunman, karaniwan nang ito’y hindi naman nagpapahiwatig ng isang kapansanan sa pagkatuto. Sa halip, ipinakikita lamang nito na lahat ng bata ay may kakayahan at kahinaan sa pagkatuto. Ang ilan ay may pambihirang kahusayan sa pakikinig; nakukuha nilang mabuti ang impormasyon sa pamamagitan ng pakikinig. Ang iba naman ay mas bihasa sa paggamit ng paningin; mas natututo sila sa pamamagitan ng pagbabasa. Gayunman, sa paaralan, ang mga estudyante ay sama-sama sa isang silid-aralan at lahat ay inaasahang matuto anuman ang gawing pamamaraan sa pagtuturo. Kaya nga, hindi maiiwasan na ang ilan ay nagkakaproblema sa pagkatuto.

Gayunman, ayon sa ilang awtoridad, may pagkakaiba sa pagitan ng simpleng mga problema sa pagkatuto at sa mga kapansanan sa pagkatuto. Ipinaliliwanag na ang mga problema sa pagkatuto ay napagtatagumpayan sa pamamagitan ng pagtitiyaga at pagsisikap. Kabaligtaran naman, ang mga kapansanan sa pagkatuto ay sinasabing mas malalim ang pagkakaugat. “Ang utak ng isang batang may kapansanan sa pagkatuto ay waring umiintindi, nag-iisip, o kaya’y gumugunita ng ilang uri ng gawaing pangkaisipan sa maling paraan,” isinulat ng mga doktor na sina Paul at Esther Wender.a

Gayunman, ang isang kapansanan sa pagkatuto ay hindi naman palaging nangangahulugang ang isang bata ay may diperensiya na sa isip. Upang maipaliwanag ito, ang mga Wender ay gumawa ng isang pagtutulad sa mga bingi-sa-tunog, na hindi makakilala ng pagkakaiba ng tono ng musika. “Ang mga taong bingi-sa-tunog ay walang kapansanan sa utak at walang problema sa kanilang pandinig,” ang isinulat ng mga Wender. “Walang makapagsasabi na ang pagkabingi-sa-tunog ay dahil sa katamaran, mababang uri ng pagtuturo, o mahinang pangganyak.” Katulad din iyon, sabi nila, niyaong mga may kapansanan sa pagkatuto. Kadalasan, ang problema ay nakapokus sa isang partikular na pitak ng pagkatuto.

Ito ang nagpapaliwanag kung bakit maraming bata na may kapansanan sa pagkatuto ang may katamtaman hanggang sa mahigit-sa-katamtamang talino; oo, ang ilan ay napakatatalino pa nga. Ang kabalintunaang ito ang madalas na nagbibigay-hudyat sa mga doktor sa posibleng pagkakaroon ng kapansanan sa pagkatuto. Ang aklat na Why Is My Child Having Trouble at School? ay nagpapaliwanag: “Ang isang bata na may kapansanan sa pagkatuto ay kumikilos nang dalawa o higit pang mga taon ang baba sa inaasahang antas para sa kaniyang edad at sa ipinalalagay na IQ niya.” Sa ibang pananalita, ang problema ay hindi lamang sa ang bata ay may suliranin sa pakikiagapay sa kaniyang mga kasamahan. Sa halip, ang kaniyang nagagawa ay hindi kapantay ng kaniyang sariling kakayahan.

Paglalaan ng Kinakailangang Tulong

Ang epekto sa emosyon ng isang kapansanan sa pagkatuto ay madalas na nakadaragdag sa problema. Kapag ang mga batang may kapansanan sa pagkatuto ay hindi mahusay sa paaralan, baka malasin sila ng kanilang mga guro at kasamahan, marahil maging ng kaniyang sariling pamilya, bilang mga bigo. Nakalulungkot sabihin, marami sa ganitong mga bata ang nagkakaroon ng negatibong pagpapalagay sa sarili na dala nila hanggang sa paglaki. Ito’y dapat ikabahala, yamang ang mga kapansanan sa pagkatuto ay karaniwan nang hindi nawawala.b “Ang mga kapansanan sa pagkatuto ay mga kapansanang panghabang-buhay,” isinulat ni Dr. Larry B. Silver. “Ang mga kapansanang humahadlang sa pagbasa, pagsulat, at aritmetika ay hahadlang din sa isports at iba pang gawain, sa buhay pampamilya, at pakikisama sa mga kaibigan.”

Mahalaga, kung gayon, na ang mga batang may kapansanan sa pagkatuto ay tumanggap ng pampatibay-loob mula sa mga magulang. “Ang mga batang nakaaalam na ang mga magulang nila ang matatag na tagapagtaguyod nila ay nagkakaroon ng saligan upang makadama ng kakayahan at pagpapahalaga sa sarili,” sabi ng aklat na Parenting a Child With a Learning Disability.

Ngunit para maging mga tagapagtaguyod, dapat munang suriin ng mga magulang ang kanilang damdamin. Sinisisi ng ilang magulang ang kanilang sarili, anupat waring sa paano ma’y sila ang dapat sisihin sa naging kalagayan ng kanilang anak. Ang iba nama’y nalilito, anupat nagagapi ng mga hamong napapaharap sa kanila. Kapuwa walang maitutulong ang ganitong mga reaksiyon. Napipigilan ng mga ito ang mga magulang at nakahahadlang sa pagbibigay sa bata ng tulong na kailangan nila.

Kaya kung matiyak ng isang dalubhasang espesyalista na ang iyong anak ay may kapansanan sa pagkatuto, huwag kang mawalan ng pag-asa. Tandaan na kailangan lamang ng mga batang may kapansanan sa pagkatuto ang karagdagang suporta sa isang espesipikong kasanayan. Magkaroon ng panahon upang maging pamilyar sa anumang programa na maaaring mayroon sa inyong lugar para sa mga batang may kapansanan sa pagkatuto. Maraming paaralan ang higit na nasasangkapan ngayon sa pagharap sa ganitong kalagayan kaysa noon.

Idiniriin ng mga dalubhasa na dapat mong purihin ang iyong anak sa anumang nagawa nito, gaano man kaliit iyon. Laging magbigay ng komendasyon. Kasabay nito, huwag kalilimutan ang disiplina. Kailangan ng mga bata ang pagkakaroon ng kaayusan, at lalo nang kailangan ito ng mga may kapansanan sa pagkatuto. Ipaalam sa iyong anak ang iyong inaasahan, at manghawakan sa mga pamantayang iyong inilagay.

Bilang pangwakas, pag-aralan mong malasin ang iyong kalagayan sa makatotohanang paraan. Ganito ang pagkakalarawan ng aklat na Parenting a Child With a Learning Disability: “Isipin mong ikaw ay nasa paborito mong restawran at umorder ka ng maliliit na hiwa ng karne ng baka. Nang ilagay ng weyter ang pinggan sa iyong harapan, napansin mong ito pala’y tadyang ng tupa. Kapuwa masasarap na pagkain ang mga ito, ngunit ang inaasahan mo’y karne ng baka. Maraming magulang ang nangangailangang magbago ng kanilang pag-iisip. Baka hindi mo nga inaasahan ang karne ng tupa, ngunit natuklasan mong ito pala’y masarap din naman. Gayundin kapag nagpapalaki ka ng mga anak na may pantanging pangangailangan.”

[Mga talababa]

a Ipinahihiwatig ng ilang pagsasaliksik na ang mga kapansanan sa pagkatuto ay maaaring may kinalaman sa taglay nitong mga gene o na maaaring ang mga salik-pangkapaligiran, gaya ng pagkalason sa tingga o paggamit ng droga at alkohol sa panahon ng pagdadalang-tao, ay may ginagampanang papel. Magkagayunman, ang tiyak na dahilan o mga dahilan ay hindi pa alam.

b Sa ilang kaso, nahahalata sa mga bata ang pansamantalang kapansanan sa pagkatuto dahil sa naaantala ang pagsulong nila sa ilang pitak. Pagdating ng panahon, nalalampasan din ng gayong mga bata ang mga sintoma.

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share