Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • g97 3/8 p. 16-18
  • Ipinamamalas ng mga Bulaklak na may Isang Nagmamahal

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Ipinamamalas ng mga Bulaklak na may Isang Nagmamahal
  • Gumising!—1997
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Mga “Greenhouse” na Nababalutan ng Plastik at ang Artipisyal na mga Lawa
  • Patiunang Pagpaplano ng Produksiyon
  • Puspusang Pagtatrabaho sa Pinakaabalang Panahon
  • Isang Makulay at Mabangong Mensahe
  • Ang Isa na Talagang Nagmamahal
  • Kaakit-akit na mga Rosas Mula sa Aprika
    Gumising!—2007
  • Maganda Na, Masarap Pa!
    Gumising!—2004
  • Mga Bulaklak—Kababalaghan ng Paglalang
    Gumising!—1987
  • Mga Tanong Mula sa mga Mambabasa
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1991
Iba Pa
Gumising!—1997
g97 3/8 p. 16-18

Ipinamamalas ng mga Bulaklak na may Isang Nagmamahal

NG KABALITAAN NG GUMISING! SA COLOMBIA

Isang batang bago pa lamang naglalakad ang tuwang-tuwang namitas ng isang bungkos ng bulaklak na buttercup na tangan ng kaniyang mapipintog na kamay at tumatakbong patungo sa ina dala ang kaniyang napakagagandang natuklasan. Sa isang puwesto sa tabi ng daan, isang mapagmahal na asawang lalaki ang pumipili ng isang dosena ng rosas para sa kaniyang maybahay, upang ipakita sa kaniya kung gaano katindi ang kaniyang pagmamahal. Isang mapagpahalagang anak na lalaki ang tumetelepono sa magbubulaklak na malapit sa kanila para kumuha ng bagong pitas na mga pompon para mapasaya ang araw ng kaniyang ina. Inilalagay ng isang masipag na maybahay ang isang bungkos ng carnation na may sari-saring kulay sa ibabaw ng kart ng supermarket para sa kaniyang pamimili. Magdaragdag ito ng ganda sa kaniyang tahanang napakarikit ang pagkakaayos.

ANG mga bulaklak ay nagpapasaya sa puso kapuwa ng bata at matanda. Ang mga ito’y napakainam na paraan ng pagpapahayag ng damdaming “May isang nagmamahal.” Isang Kastilang kasabihan ang nagsabi: “Ang sinumang hindi nagpapahalaga sa isang rosas ay hindi magpapahalaga sa anumang bagay.” (Quien no agradece una rosa, no agradecerá ninguna cosa.)

Ang pagbebenta ng bulaklak ay patuloy na lumalago higit kailanman. Sa panahong ito na mabilis ang paghahatid sa pamamagitan ng eroplano, ang mga bulaklak ay mapatutubo na ngayon nang malayo sa mga tindahan, supermarket, at mga puwesto sa daan kung saan nabibighani ng mga ito ang nagdaraang nakakakita. Sinabi ng magasing Time na ang industriya ng bulaklak ay “mabilis na lumalago at mas mabilis na nagbabago: ang dumaraming bulaklak ay nagmumula sa timugang hemispero​—ang karamihan ay mula sa Colombia, na naging pangalawa sa pinakamalaking nagluluwas sa ibang bansa kasunod ng Holland.”

Mga “Greenhouse” na Nababalutan ng Plastik at ang Artipisyal na mga Lawa

Sa mahigit na 25 taon sa negosyo, ang Colombia ang nangunguna sa daigdig sa pagluluwas sa ibang bansa ng mga carnation, samantalang pumapangalawa sa pangkalahatang pagbebenta ng bulaklak. Noong 1964 isang estudyante sa pamantasan sa California, E.U.A, ang nagsiyasat sa computer upang matiyak ang mga lugar na may pinakamabuting kapaligiran para sa pagtatanim ng bulaklak sa buong taon. Natuklasan niya na ang klima at altitud ng lunas sa kataasan kung saan matatagpuan ang Bogotá, sa hilaga lamang ng ekwador at halos 9,000 talampakan ang taas sa Andes Mountains, ang may pinakaangkop na kalagayan.

Ang nakapagtatakang luntiang kapatagan ng Santa Fe de Bogotá, kung saan matatagpuan ang 92 porsiyento ng halamang pampalamuti na iniluluwas sa ibang bansa ng Colombia, ay may kalat-kalat na artipisyal na mga lawa at mga greenhouse na nababalutan ng plastik. Sa loob ng mga tanimang ito na may balangkas na yari sa kahoy o bakal, isang kapaligirang tulad ng tagsibol na maingat na kinontrol ang nangangalaga sa milyun-milyong carnation, pompon, rosas, chrysanthemum, alstroemerias, at marami pang sarisaring uri, na malapit nang pitasin at ikahon para ipadala sa Hilagang Amerika, Europa, at Asia.

Ang tamang-tamang temperatura para sa pag-aalaga ng mga bulaklak ay sa pagitan ng 18 at 20 digri Celsius, ang karaniwang temperatura sa buong taon kung araw sa kapatagan. Dito, ang tubig-ulan ay sagana, mataba ang lupa, at mababa ang pasahod. Kung gabi, ang temperatura ay maaaring bumaba sa halos magyeyelo at kung minsa’y sa nagyeyelong temperatura na -2 digri Celsius. Ang putik-putik na mga paso, bombilyang may mataas na watt, o mga sprinkler ay nagsasanggalang sa lamig. Ang mga bombilya ay nagsisilbi pa ring pinahabang liwanag ng araw, sa gayo’y pinananatiling gising ang ilang halaman at pinadadali ang paglaki nito.

Patiunang Pagpaplano ng Produksiyon

Mahigit na 120,000 nagtatrabaho sa Colombia ang gumagawa sa ilang bahaging industriya ng bulaklak. Kabilang sa mga ito ang maraming Saksi ni Jehova na nakatira sa mga komunidad na nakapangalat sa kapatagan. Si Benito Quintana, isang Kristiyanong matanda sa isa sa mga kongregasyon sa Facatativá, ang nagtatrabaho bilang isang production supervisor sa isang pabinhian. Ang sabi niya: “Mga buwan patiuna, kailangan naming isaplano ang produksiyon upang matugunan ang pangangailangan sa pana-panahong malakas na pagbebenta. Ang pinakainang halaman para sa carnation ay inaangkat pa sa Holland o Italya, ang mga pompon naman ay mula sa Florida. Maingat na pinuputol ng mga babae ang mga supang, itinatanim ito nang magkakahanay sa loob ng mainit na greenhouse kung saan dinidilig ang mga ito ng mistulang ambon ng ulap hanggang sa ito’y mag-ugat. Gumugugol ng 12 araw ang pompon para tumubo sa temperaturang 20 hanggang 35 digri Celsius (68° hanggang 95°F.), na may dalawang oras pang iniilawan kung gabi. Ang carnation ay gumugugol ng 23 araw para tumubo sa pagitan ng temperaturang 15 at 25 digri Celsius (59° hanggang 77°F.), na hindi iniilawan kung gabi. Pagkatapos ay inililipat namin ang maliliit na halaman sa taniman sa ibang greenhouse kung saan ito’y lalagyan ng mga sangkap na pampalusog, pauusukan, at didiligin hanggang sa mamulaklak, pagkalipas ng anim na buwan para sa carnation at tatlong buwan naman para sa pompon.”

Puspusang Pagtatrabaho sa Pinakaabalang Panahon

Kapag dumating na ang panahon ng pagpitas sa bulaklak, ang mga babae ang pinakamahuhusay sa trabahong ito, anupat mas gusto nila ang walang guwantes at malinis na malinis ang kanilang mga kamay. Hindi kayang uriin ng mga makina ang antas ng pagbuka ng mga buko o ang pagiging tuwid ng tangkay, mga salik upang matiyak ang kalidad ng bulaklak.

Ganito ang paliwanag si Judith Corredor, mula sa Facatativá: “Ang mga babae ay matiyaga at maingat sa paghawak at mabilis at sanay rin naman na siyang kinakailangan. Kapag pumapasok kami sa greenhouse kung madaling-araw,” ang sabi pa ni Judith, “ang kapatagan ay malimit na maulap; talagang napakalamig, anupat halos magyeyelo na. Maraming babae ang nakabandana. Kung araw ay mainit naman, kung minsa’y umaabot pa hanggang 32°C. Napakahirap ng trabaho, lalo na kung abalang mga panahon kapag kami’y nagmamadali at kailangang magtrabaho nang lampas sa oras.”

Isang Makulay at Mabangong Mensahe

Pagkatapos na ito’y mapitas, ang mga bulaklak ay dadalhin sa isang pantanging silid kung saan sagana ang hangin at liwanag. Dito, pinipili at inuuri ng mga babae ang mga bulaklak ayon sa kalidad ng pamumukadkad at ang pagkakatuwid, kapal, at haba ng tangkay. Pagkatapos ang mga bulaklak ay babalutin sa malinaw na plastik, nang 25 piraso sa isang bungkos, na nakahanda nang ikahon. Ang pinakamagaganda lamang ang pinipili para iluwas sa ibang bansa.

Ang mga lalaki ang nagkakahon ng mga bulaklak sa pantanging mga kahon na kanalado na may pangalan ng pabinhian​—mga carnation, 24 na bungkos sa kahon. Ang kapatid na lalaki ni Benito, si Alejandro Quintana, na nagkakahon ay nagsasabi: “Kailangan kaming magtrabaho nang mabilis, yamang ang mga bulaklak ay kasama sa pinakamabilis mabulok na mga inaaning produkto. Ang aming kompanya ay may dalawang pambomba na humihigop ng mainit na hangin palabas sa mga kahon, 112 kahon sa bawat pagkakataon, samantalang ipinapasok naman ang malamig na hangin sa loob ng dalawang oras, sa gayo’y pinalalamig ang temperatura ng bulaklak nang ilang digri na mas mataas sa malamig na malamig na temperatura. Pagkatapos ang mga butas sa kahon ay tatakpan, at ilalagay ang mga bulaklak sa malamig na imbakan hanggang sa maikarga ang mga ito sa mga trak para dalhin sa paliparan.”

Sa El Dorado International Airport sa Bogotá, ang mga bulaklak ay iniinspeksiyon para sa pagluluwas at pagkatapos ay ilalagay sa malalamig na pasilidad sa loob ng ilang oras hanggang sa maikarga ang kalakal sa malalaking eroplanong jet upang ihatid ito sa pagbabagsakang mga lugar sa ibayong dagat. Sa loob lamang ng ilang araw, ang mga bulaklak na ito ay mamumukadkad sa mga tahanan, opisina, silid ng mga maysakit, at kung saan-saan pa, na naghahatid ng makulay at mabangong mensahe na may isang nagmamahal.

Ang Isa na Talagang Nagmamahal

Sa halos lahat ng lugar na ating mapuntahan, masusumpungan natin ang mga bulaklak na nagpapagalak sa atin. Masusumpungan ang mga ito sa taluktok ng mga bundok sa gilid ng maniyebeng mga lugar at sa mga glacier, sa kakahuyan at sa parang, sa tabi ng mga sapa at ilog, sa dalampasigan, at maging sa mainit, tuyong disyerto. Matagal nang naririto ang mga bulaklak bago pa man lumitaw ang tao sa balat ng lupa. Sinasabi ng mga botanista na ‘ang mga halamang namumulaklak ang pinakasaligan ng buhay ng mga hayop at mga tao. Kung wala ang mga ito, hindi maaaring umiral ang mga hayop at mga tao.’

Taglay ang malalim na unawa, sinabi ni Haring Solomon: ‘Ginawa ng Diyos ang lahat ng bagay na marikit sa kapanahunan nito.’ (Eclesiastes 3:11) Kalakip dito ang kaloob ng Diyos na mga bulaklak ayon sa lahat ng pagkasari-sari at kagandahan ng mga ito. Mula pa noong unang panahon ay napagalak na nito ang puso ng bata’t matanda. Tunay nga, ang Diyos ay talagang nagmamahal!

[Kahon sa pahina 17]

Kung Paano Mapatatagal na Sariwa ang mga Bulaklak

• Putulin nang pahilis ang mga tangkay habang nasa tubig bago ilagay ang mga bulaklak sa plorera. Ang mga patak ng tubig na nasa dulo ng mga tangkay ay makahaharang sa pagpasok ng hangin na siyang pumipigil sa pagpasok pa ng tubig at mga sangkap na nagpapalusog.

• Sinipi ng magasing GeoMundo ang hortikulturista na taga-Colombia na nagsasabi na ang paglalagay ng isang tableta ng aspirin, isang kutsaritang asukal, o kaunting cola sa tubig ay mas makapagpapatagal sa pagiging sariwa ng bulaklak. Palitan ang tubig tuwing dalawa o tatlong araw, na ginagamit ang malinis na tubig na may katamtamang temperatura, bagaman ang mainit na tubig ay magagamit upang mas mabilis na mapabuka ang mga buko ng bulaklak.

• Ang medyo lanta nang bulaklak ay malimit na mapananariwa pa sa pamamagitan ng paglulubog sa mga tangkay sa mainit na tubig sa loob ng sampung minuto samantalang winiwisikan ng malamig na tubig ang mga talulot. Ilayo ang bulaklak sa bagay na pinagmumulan ng init, sa hanginan, at sa init ng araw.

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share