Mula sa Aming mga Mambabasa
Simbahang Ortodokso Bilang isang Ortodoksong Kristiyano, nakatawag-pansin sa akin ang inyong artikulong “Ang Griego Iglesya Ortodokso—Isang Nababahaging Relihiyon.” (Enero 8, 1996) Sa susunod na inyong hamakin ang Ortodokso, sabihin ninyo ang totoo tungkol sa mga naiambag nito, gaya ng kung paano nito naingatan ang Kristiyanismo noong panahon ng pag-uusig ng Islam at pamumuno ng Sobyet. Isa pa, ang paghihiwalay ng Simbahan at Estado ay wala sa Bibliya. Ang pamahalaan ba ni Haring David o ni Solomon ay nakahiwalay mula sa Simbahan?
M. F., Estados Unidos
Itinuon namin ang pansin sa krisis na kinakaharap ng Simbahang Ortodokso—isang bagay na totoong dokumentado ng media sa Gresya. Ang krisis na ito ay bunga ng kabiguan ng simbahan na sumunod sa utos ni Jesus na “huwag maging bahagi ng sanlibutan” at manatiling walang pinapanigan sa pulitika. (Juan 17:16)—ED.
Sumpong ng Pagkataranta Salamat sa artikulong “Pagharap sa mga Sumpong ng Pagkataranta.” (Hunyo 8, 1996) Ako’y dumanas ng ganitong mga sumpong sa loob ng 14 na taon na at akala ko’y ako lamang ang may ganitong problema. Kung minsan sinusumpong pa nga ako sa Kingdom Hall. Bagaman maaaring hindi mawala ang aking mga problema, ang artikulong ito ay talagang nakatulong sa akin.
C. C., Espanya
Iyak ako nang iyak nang aking mabasa ang artikulo tungkol sa sumpong ng pagkataranta. Makatutulong ito sa akin sa susunod na sumpungin ako ng pagkataranta. Sa palagay ko ang artikulo ay sagot sa aking mga panalangin.
M. B., Scotland
Sa loob ng halos 30 taon, hindi ko kayang sumakay ng tren o bus o mapalibutan ng mga tao. Ang mga pulong sa Kingdom Hall at mga kombensiyon ay naging malalaking hamon. Kaya mauunawaan ninyo kung paano nakapagpatibay-loob at naging kaaliwan ang artikulong ito para sa akin. Salamat sa inyo mula sa kaibuturan ng aking puso dahil sa paglalathala tungkol sa sakit na ito sa isang paraang nakapagpapatibay at nakaaaliw.
Y. T., Hapon
Ako’y isang buong-panahong ebanghelisador, at ako’y sinusumpong nang husto sapol pa noong 1994. Nawalan na ako ng kagalakan at ayaw ko nang umalis ng bahay. Akala ko ang damdaming ito ay dahil sa kawalan ng pananampalataya, subalit ngayo’y alam ko nang hindi lamang ako ang Kristiyanong nakararanas nito.
S. A., Brazil
Waltzing Matilda Ang awit na “Waltzing Matilda” ay nagpapagunita sa akin ng magagandang alaala. Salamat sa artikulo (Hunyo 8, 1996) na nagbigay ng impormasyon tungkol sa pinagmulan ng awiting ito. Ang pagbabasa nito ay nagpasigla muli ng aking interes sa pagbabasa ng lahat ng artikulo sa Gumising!
J. M., Alemanya
Asal sa Telepono Salamat sa napakahusay na artikulong “Kumusta ang Iyong Asal sa Telepono?” (Hunyo 8, 1996) Ako’y nagtatrabaho sa bangko na naglilingkod sa mga kliyente sa pamamagitan ng telepono. Ibinigay ko ang artikulo sa aking superbisor, at sinabi niya sa akin na nasumpungan niyang kapaki-pakinabang, napapanahon, at praktikal ang artikulong ito. Hiniling niya na ikalat ang artikulong ito sa lahat ng 32 na mga operator namin ng telepono.
N. J. S., Brazil
Dahil sa nagkaproblema ako noon sa mga tumatawag na hindi ko nagugustuhan na may masasamang motibo, matagal na naming sinusunod ang mungkahi ng kompaniya ng telepono na ibaba ang telepono kung ayaw ipakilala ng tumatawag ang kaniyang sarili pagkatapos ng tatlong ulit na magalang na pagtatanong. Nagbunga ito ng sama ng loob sa ilang pagkakataon nang tumawag ang isang kaibigan at nagpapahula kung sino siya na binanggit sa artikulo. Ang mga artikulong gaya nito ay nagtataguyod ng kabaitan at pag-unawa kahit sa gayong waring maliliit na bagay.
G. A., Estados Unidos