Dilim sa Ibabaw ng Maulang Gubat
KUNG pagmamasdan mula sa eroplano, ang maulang gubat ng Amason ay nagpapaalaala sa iyo ng isang makapal na alpombra na sinlaki ng kontinente, na maberde pa rin at busilak na gaya noon nang ilagay ito ni Orellana sa mapa. Sa iyong inut-inot na paglalakad sa mainit, mahalumigmig na kagubatan sa ibaba, habang paigtad-igtad ka sa pag-iwas sa mga kulisap na sinlalaki ng maliliit na mamal, mahihirapan ka na malaman kung saan nagtatapos ang katotohanan at kung kailan naman nagsisimula ang guniguni. Ang sa tingin mo’y mga dahon ay mga paruparo pala, ang mga gumagapang na halaman ay mga ahas pala, at ang tipak-tipak na mga tuyong kahoy ay mga nagulat na malalaking daga pala na biglang kumakaripas ng takbong papalayo. Sa kagubatan ng Amason, ang katotohanan ay kasinlabo pa rin ng bungang-isip.
“Ang pinakamalaking kabalintunaan,” sabi ng isang tagapagmasid, “ay na ang katotohanan sa Amason ay di-kapani-paniwalang gaya ng mga alamat nito.” At tunay ngang di-kapani-paniwala! Gunigunihin mo ang isang kagubatang kasinlaki ng Kanlurang Europa. Punuin mo ito ng mahigit na 4,000 iba’t ibang uri ng punungkahoy. Gayakan mo ito ng kagandahan ng mahigit na 60,000 uri ng mga halamang namumulaklak. Kulayan mo ito ng matitingkad na kulay ng 1,000 uri ng ibon. Dagdagan mo pa ito ng 300 uri ng mamal. Punuin mo ito ng huni ng marahil dalawang milyong uri ng mga kulisap. Ngayon ay mauunawaan mo kung bakit ang sinumang naglalarawan sa maulang gubat ng Amason ay palaging gumagamit ng pasukdol na mga salita. Wala nang iba pang paghahambing ang maaaring gamitin upang ilarawan ang namumutiktik na biyolohikal na pananagana ng pinakamalaking maulang gubat ng tropiko sa lupa.
Ang Nakabukod na “Buháy na Patay”
Siyamnapung taon na ang nakalilipas inilarawan ng Amerikanong manunulat at humorista na si Mark Twain ang kabigha-bighaning kagubatang ito bilang “isang mapang-akit na lupain, isang lupaing punung-puno ng mga kahanga-hangang bagay ng tropiko, isang romantikong lupain na doon ang lahat ng ibon at bulaklak at hayop ay pang-museo ang pagkakasari-sari, at na doon ang mga buwaya at mga matsing ay waring relaks na relaks na para bang sila’y nasa Zoo.” Ngayon, ang masiglang pangungusap ni Twain ay nabahiran ng lungkot. Maaaring di na magtatagal at ang mga museo at zoo na lamang ang magiging tanging tahanan ng dumaraming bilang ng mga kahanga-hangang bagay ng tropiko sa Amason. Bakit?
Ang pangunahing dahilan ay maliwanag na ang pamumutol ng mga tao sa maulang gubat ng Amason, anupat sinisira ang likas na tahanan ng mga halaman at hayop. Gayunman, bukod pa sa malawakang paninira sa kapaligiran, may iba pa—na mas mapandaya—na mga dahilan upang ang mga uring halaman at hayop, bagaman buháy pa, ay nagiging “buháy na patay.” Sa ibang pangungusap, naniniwala ang mga awtoridad na wala nang magagawa pa upang mapigil ang unti-unting pagkawala ng mga uring ito.
Ang isang dahilan ay ang pagbubukod. Maaaring ipagbawal ng mga opisyal ng pamahalaan na interesado sa konserbasyon ang mga lagaring pamutol sa isang lugar sa kagubatan upang matiyak ang kaligtasan ng mga uring nabubuhay roon. Gayunman, ang isang maliit na isla sa kagubatan ay walang maidudulot sa mga uring ito kundi kamatayan sa dakong huli. Ang Protecting the Tropical Forests—A High-Priority International Task ay nagbigay ng halimbawa upang ilarawan kung bakit hindi kayang suportahan ng maliliit na isla sa kagubatan ang buhay sa loob ng mahabang panahon.
Ang tropikong uri ng punungkahoy ay karaniwan nang binubuo ng lalaki at babaing punungkahoy. Upang dumami, sila’y tinutulungan ng mga bayakan sa pagdadala ng polen mula sa lalaki tungo sa babaing bulaklak. Mangyari pa, ang serbisyong ito ng polinasyon ay mangyayari lamang kung ang pagitan ng mga punungkahoy ay kayang liparin ng mga bayakan. Kung napakalayo ang pagitan ng babaing punungkahoy at ng lalaking punungkahoy—na madalas mangyari kapag ang isang isla sa kagubatan ay napaliligiran ng napakalawak na nakapapasong lupa—hindi ito kayang liparin ng bayakan. Ang mga punungkahoy, sabi ng ulat, ay magiging “ ‘buháy na patay’ yamang ang kanilang pangmatagalang pagpaparami ay hindi na posible.”
Ang kawing na ito sa pagitan ng punungkahoy at mga bayakan ay isa lamang sa ugnayang bumubuo ng likas na komunidad sa Amason. Sa madaling sabi, ang kagubatan ng Amason ay mistulang isang pagkalaki-laking bahay na naglalaan ng tirahan at pagkain sa pagkakasari-sari ng iba’t iba ngunit malapit na magkakaugnay na mga indibiduwal. Upang maiwasan ang pagsisikip, ang mga naninirahan sa maulang gubat ay nasa iba’t ibang palapag, ang ilan ay malapit sa lapag ng kagubatan, ang iba nama’y nasa itaas ng kulandong. Lahat ng residente ay may trabaho, at sila’y gumagawa sa loob ng 24 na oras—ang ilan ay sa araw at ang iba nama’y sa gabi. Kung ang lahat ng uri ay pahihintulutang gumawa ng kanilang bahagi ng trabaho, ang masalimuot na komunidad na ito ng halaman at hayop sa Amason ay gagana nang maayos na parang relo.
Gayunman, ang ekosistema ng Amason (“eko” mula sa oiʹkos, Griegong salita para sa “bahay”) ay maselan. Bagaman ang panghihimasok ng tao sa komunidad na ito sa kagubatan ay limitado lamang sa pananamantala sa ilang uri, ang paninira nito ay umaabot sa lahat ng palapag ng bahay sa kagubatan. Tinataya ng konserbasyonistang si Norman Myers na ang pagkaubos ng isang uri ng halaman ay magdudulot ng kamatayan sa 30 uri ng hayop sa dakong huli. At yamang ang karamihan sa mga punungkahoy sa tropiko ay umaasa naman sa mga hayop para ikalat ang buto, ang paglipol ng tao sa mga uri ng hayop ay humahantong sa pagkaubos ng mga punungkahoy na pinaglilingkuran ng mga ito. (Tingnan ang kahon na “Ang Punungkahoy-Isdang Ugnayan.”) Gaya ng pagbubukod, ang pagputol sa ugnayan ay isang paraan upang higit at higit pang uri sa kagubatan ang mapabilang sa pangkat ng mga “buháy na patay.”
Kaunting Pagputol, Kaunting Kawalan?
Binibigyang-katuwiran ng ilan ang pagkalbo sa maliliit na bahagi ng kagubatan sa pagsasabing makababawi raw naman itong muli at tutubo ang panibagong suson ng luntiang pananim sa kahabaan ng nakalbong lupain na kagaya ng pagtubo ng panibagong suson ng balat sa isang sugat sa daliri. Tama ba? Buweno, mali.
Mangyari pa, tama nga na muling tutubo ang kagubatan kung hindi muna pakikialaman ng tao ang dakong kinalbo sa loob ng sapat na panahon. Subalit totoo rin na ang pagkakatulad ng bagong suson ng pananim sa orihinal na kagubatan ay gaya ng mahinang klaseng kopya ng orihinal na dokumento. Pinag-aralan ni Ima Vieira, isang botanikong taga-Brazil ang isang kahabaan ng pinatubo-muling kagubatan sa Amason na isang siglo na ang edad at natuklasang sa 268 uri ng punungkahoy na noo’y tumutubo sa dating kagubatan, 65 na lamang ang bumubuo ng isang bahagi ng pinatubo-muling kagubatan sa ngayon. Ang pagkakaibang ito, sabi ng botaniko, ay totoo rin sa mga uri ng hayop sa lugar na iyon. Kaya bagaman ang pagkalbo sa kagubatan, ayon sa ilan, ay hindi naman nagpapangyaring maging mainit na disyerto ang luntiang kagubatan, ginagawa naman nito na isang mahinang-klaseng imitasyon ng orihinal ang ilang bahagi ng maulang gubat ng Amason.
Isa pa, ang pagputol kahit sa isang maliit na bahagi ng kagubatan ay madalas na sumisira sa maraming halaman at hayop na lumalaki, gumagapang, at nangungunyapit sa lugar na iyon lamang ng kagubatan at wala na saanman. Halimbawa, nakatuklas ang mga mananaliksik sa Ecuador ng 1,025 uri ng halaman sa isang 1.7 kilometro kudradong lugar sa kagubatan ng tropiko. Mahigit sa 250 ng mga uring iyon ang hindi na tumutubo saanman sa lupa. “Ang isang lokal na halimbawa,” sabi ng ekolohistang taga-Brazil na si Rogério Gribel, “ay ang sauim-de-coleira (pied bare-faced tamarin, sa Ingles),” isang maliit, simpatikong matsing na ang hitsura’y parang nakaputing kamiseta. “Ang ilang natitira ay nabubuhay lamang sa isang maliit na bahagi ng kagubatan malapit sa Manaus sa sentral Amason, ngunit ang pagsira sa maliit na tirahang iyon,” sabi ni Dr. Gribel, “ay lilipol sa uring ito magpakailanman.” Kaunting pagputol ngunit malaking kawalan.
Inilululon ang “Alpombra”
Gayunman, ang lubusang pagkalbo sa kagubatan ay nagsasabog ng pinakanakababahalang dilim sa ibabaw ng maulang gubat ng Amason. Inilululon ng mga manggagawa ng kalsada, magtotroso, minero, at pulu-pulutong na iba pa ang kagubatan na parang alpombra sa sahig, anupat winawasak ang buong ekosistema sa isang kisapmata.
Bagaman may di-pagkakasundo hinggil sa eksaktong laki ng pagkasira ng kagubatan bawat taon sa Brazil—katamtamang tinataya na 36,000 kilometro kudrado taun-taon—ang kabuuang laki ng wasak nang kagubatan sa Amason ay maaaring mahigit nang 10 porsiyento, isang sukat na mas malaki pa sa Alemanya. Iniulat ng Veja, nangungunang lingguhang-pahayagan sa Brazil, na mga 40,000 sunog sa kagubatan na pinagdingas ng tagpas-sunog na mga magsasaka ang dumarang sa buong bansa noong 1995—limang ulit ang dami kaysa noong isang taon. Gayon na lamang ang pananabik ng tao na magmistulang sulo ang kagubatan, ang babala ng Veja, anupat ang ilang bahagi ng Amason ay nakakatulad na ng “impiyerno sa luntiang hangganan.”
Nawawala Na ang mga Kaurian—E, Ano Ngayon?
‘Pero,’ tanong ng ilan, ‘kailangan ba natin ang lahat ng milyun-milyong uring iyon?’ Oo, kailangan natin, ang pangangatuwiran ng konserbasyonistang si Edward O. Wilson, ng Harvard University. “Yamang umaasa tayo sa nagagawa ng ekosistema upang luminis ang ating tubig, tumaba ang ating lupa at magkaroon ng mismong hanging nilalanghap natin,” sabi ni Wilson, ang biyodibersidad (biodiversity) ay maliwanag na isang bagay na di-dapat ipagwalang-bahala.” Ganito ang sabi ng aklat na People, Plants, and Patents: “Ang pagkakaroon ng saganang henetikong pagkakasari-sari ang magiging susi sa kaligtasan ng tao. Kung mawawala ang pagkakasari-sari, di-magtatagal at mawawala rin tayo.”
Tunay, ang epekto ng paglipol sa mga uri ay higit pa sa pagputol sa mga punungkahoy, pagsasapanganib sa mga hayop, at panliligalig sa mga katutubo. (Tingnan ang kahon na “Ang Epekto sa Tao.”) Maaapektuhan ka pa rin ng pagliit ng mga kagubatan. Pag-isipan mo ito: Isang magsasaka sa Mozambique na pumuputol ng tangkay ng kamoteng-kahoy, isang ina sa Uzbekistan na umiinom ng tableta para hindi magkaanak, isang sugatang batang lalaki sa Sarajevo na binibigyan ng morpina, o isang parokyano sa isang tindahan sa New York na sumasamyo ng naiibang pabango—lahat ng taong ito, sabi ng Panos Institute, ay gumagamit ng mga produktong galing sa tropikal na kagubatan. Samakatuwid ay pinaglilingkuran ng umiiral pang kagubatan ang mga tao sa buong daigdig—kasali ka.
Walang Piging, Walang Gutom
Ipagpalagay na, hindi kayang maglaan ng pandaigdig na piging ang maulang gubat ng Amason, ngunit makatutulong ito upang maiwasan ang pandaigdig na gutom. (Tingnan ang kahon na “Ang Alamat ng Matabang Lupa.”) Paano? Buweno, noong mga taon ng 1970, sa malawakang antas, ang tao ay nagsimulang maghasik ng ilang uri ng halaman na namumunga ng pagkalalaking ani. Bagaman ang mga pambihirang halamang ito ay nakatulong sa pagpapakain ng 500 milyon katao pa, may problema pa rin. Palibhasa ang mga ito’y walang henetikong pagkakasari-sari, ang mga ito’y mahihina at madaling kapitan ng sakit. Maaaring lipulin ng isang virus ang pambihirang pananim ng isang bansa, anupat magkakaroon ng gutom.
Kaya upang magkaroon ng mas matitibay na tanim at maiwasan ang gutom, inirerekomenda ngayon ng UN Food and Agriculture Organization (FAO) ang “malawakang paggamit ng henetikong materyal.” At diyan pumapasok ang maulang gubat at ang orihinal na mga naninirahan doon.
Yamang mahigit sa kalahati ng pandaigdig na uri ng halaman (kasali na ang mga 1,650 uring pananim na maaaring kainin), ang nananahan sa mga tropikal na kagubatan, ang nursery sa Amason ang pinakamagandang lugar para sa sinumang mananaliksik na naghahanap ng mga ligaw na uri ng halaman. Isa pa, alam ng mga naninirahan sa kagubatan kung paano magagamit ang mga halamang ito. Halimbawa, ang mga Indiang Cayapo ng Brazil ay hindi lamang nagpaparami ng mga bagong uri ng pananim kundi nag-iingat din ng mga sampol sa mga gene bank na nasa dalisdis. Ang pagsasama ng gayong ligaw na mga uri ng pananim at ng mahihinang domestikong uri ng pananim ay magpapaibayo ng lakas at tibay ng pagkaing pananim ng tao. At ang pagbubunsod na iyan ay kailangang-kailangan, sabi ng FAO, sapagkat “60% pagtaas sa produksiyon ng pagkain ang kailangan sa susunod na 25 taon.” Sa kabila nito, patuloy na pumapalaot sa maulang gubat ng Amason ang mga pangwasak-kagubatang buldoser.
Ang masasamang bunga? Buweno, ang pagsira ng tao sa maulang gubat ay katulad na katulad kung kakanin ng magsasaka ang kaniyang binhing mais—sinasapatan niya ang kaniyang pagkagutom ngayon ngunit isinasapanganib naman niya ang suplay ng pagkain sa hinaharap. Isang grupo ng mga eksperto sa biyodibersidad ang nagbabala kamakailan na “ang konserbasyon at pagpapaunlad ng natitirang pagkakasari-sari ng pananim ay isang bagay na mahalagang pagmalasakitan ng daigdig.”
Maaasahang mga Halaman
Pumasok naman tayo ngayon sa wika nga’y “parmasya” ng kagubatan at makikita mong ang buhay ng tao ay nakapangunyapit sa mga tropikal na baging at iba pang mga halaman. Halimbawa, ang mga alkaloid na nakukuha sa mga baging sa Amason ay ginagamit na pampakalma ng kalamnan bago operahan; 4 sa 5 batang may leukemia ang natutulungang humaba pa ang buhay dahil sa kimikong nakukuha sa rosy periwinkle, isang bulaklak sa kagubatan. Naglalaan din ang kagubatan ng mga kinina (quinine), na panlaban sa malarya; ang digitalis, na panggamot sa sakit sa puso; at diosgenin, na ginagamit sa mga tableta para di-magkaanak. Kinakitaan din ng pag-asa ang iba pang halaman bilang panlaban sa AIDS at kanser. “Sa Amason lamang,” sabi ng isang ulat ng UN, “2,000 uri ng halaman na ginagamit na gamot ng katutubong mamamayan at may parmasiyutikal na potensiyal ang naiulat.” Sa buong daigdig, sabi ng isa pang pagsusuri, 8 sa 10 katao ang bumabaling sa mga medisinal na halaman upang igamot sa kanilang karamdaman.
Kaya makatuwiran na ingatan ang mga halamang nag-iingat sa atin, sabi ni Dr. Philip M. Fearnside. “Ang pagkawala ng kagubatan ng Amason ay itinuturing na isang malaking sagabal sa pagsisikap na makatuklas ng gamot sa kanser. . . . Ang pag-aakala na ang bantog na mga nagawa ng modernong medisina ay nagpapahintulot sa atin na alisin ang malaking bahagi ng mga suplay na ito,” susog niya, “ay kumakatawan sa nakamamatay na uri ng kahambugan.”
Gayunman, ang patuloy na pagwasak ng tao sa mga hayop at halaman ay mas matulin pa sa pagtuklas at pagkilala sa mga ito. Marahil ay magtataka ka: ‘Bakit patuloy pa rin ang pagkalbo sa kagubatan? Mababaligtad pa kaya ang kalakaran? May kinabukasan pa kaya ang maulang gubat ng Amason?’
[Kahon sa pahina 8]
Ang Alamat ng Matabang Lupa
Ang ideya na ang lupa ng Amason ay mataba, sabi ng magasing Counterpart, ay isang “alamat na mahirap iwaksi.” Noong ika-19 na siglo, inilarawan ng manggagalugad na si Alexander von Humboldt ang Amason bilang ang “bangan ng daigdig.” Pagkalipas ng isang siglo, nakini-kinita rin ng Presidente ng Estados Unidos na si Theodore Roosevelt na ang Amason ay magiging isang mabungang bukirin. “Ang gayong mayaman at matabang lupain,” ang sulat niya, “ay hindi hahayaang manatiling tiwangwang.”
Tunay, natuklasan ng magsasakang katulad nila ang paniniwala na pagkalipas ng isa o dalawang taon, ang lupa ay nagsibol ng sapat na ani sapagkat ang mga abo ng sinunog na mga puno at halaman ay nagsilbing pataba. Gayunman, pagkatapos noon, ang lupa ay naging tigang. Bagaman ang malalagong pananim sa kagubatan ay nagpapahiwatig na waring mataba ang lupa sa ilalim nito, sa totoo, ang lupang ito ang siyang mahinang bahagi ng kagubatan. Bakit?
Nakipag-usap ang Gumising! kay Dr. Flávio J. Luizão, isang mananaliksik sa National Institute for Research sa Amason at isang dalubhasa sa lupa ng maulang gubat. Narito ang ilan sa kaniyang mga sinabi:
‘Di-gaya ng ibang lupa ng kagubatan, kalimitan ng lupa sa libis-agusan ng Amason ay hindi nakakakuha ng sustansiya mula sa ilalim pataas, na nagmumula sa naaagnas na bato, sapagkat ang pinagmumulang bato ay kulang sa sustansiya at napakalalim ng kinalalagyan. Sa halip, ang payat na lupa ay kumukuha ng sustansiya mula sa itaas pababa, na nagmumula sa ulan at mga dumi. Gayunman, kapuwa ang mga patak ng ulan at naglalaglagang dahon ay nangangailangan ng tulong upang maging masustansiya. Bakit?
‘Ang tubig-ulan na pumapatak sa maulang gubat ay wala nang gaanong sustansiya mismo. Gayunman, kapag pumatak ito sa mga dahon at dumaloy sa katawan ng mga punungkahoy, nakakakuha ito ng sustansiya mula sa mga dahon, sanga, lumot, algae, pugad ng mga langgam, alikabok. Kapag ang tubig ay nasipsip na ng lupa, ito’y nagiging mainam na pagkain ng halaman. Upang hindi umagos na lamang sa mga sapa ang likidong pagkaing ito, ang lupa ay gumagamit ng isang salaan ng sustansiya mula sa isang banig ng maninipis na ugat na nakalatag sa kabuuan ng unang ilang centimetro ng lupa sa ibabaw. Ang isang patunay ng pagiging mabisa ng salaan ay na ang mga sapa na tumatanggap ng tubig-ulan ay mas kakaunti ang sustansiya kaysa sa lupa ng kagubatan mismo. Kaya nga ang sustansiya ay pumupunta muna sa mga ugat bago ito tumuloy sa mga sapa o ilog.
‘Ang isa pang pinagmumulan ng pagkain ay ang mga dumi—naglalaglagang mga dahon, siit, at mga prutas. May mga walong toneladang pagkaliliit na dumi sa isang ektarya [dalawa at kalahating akre] ng kagubatan bawat taon. Ngunit paano ba nakararating ang mga dumi sa ilalim ng lupa at sa mga sistema ng ugat ng mga halaman? Nakatutulong ang mga anay. Pumuputol sila ng korteng-bilog na mga piraso mula sa mga dahon at dinadala ang mga pirasong ito sa kanilang mga pugad sa ilalim ng lupa. Lalo na kung tag-ulan, sila’y isang grupong abalang-abala, na naglilipat ng nakagigitlang 40 porsiyento ng lahat ng dumi sa lapag ng kagubatan tungo sa ilalim ng lupa. Doon, ginagamit nila ang mga dahon upang magtayo ng mga halamanan para sa dumaraming halamang-singaw. Ang mga halamang-singaw na ito naman ang bumubulok sa materyal na halaman at nagbibigay ng nitrohena, phosphorus, kalsiyum, at iba pang elemento—mahahalagang sustansiya para sa mga halaman.
‘Ano naman kaya ang nakukuha rito ng mga anay? Pagkain. Kinakain nila ang mga halamang-singaw at maaaring nakalulunok din ng maliliit na piraso ng mga dahon. Sumunod, ang mga mikroorganismo sa bituka ng mga anay ay nagiging abala naman sa kemikal na pagtunaw ng pagkain ng mga anay, kung kaya, bilang resulta, ang idinudumi ng mga kulisap ay nagiging masustansiyang pagkain ng mga halaman. Kaya ang patak ng ulan at ang pagreresiklo ng organikong bagay ay dalawang salik upang ang maulang gubat ay patuloy na umiral at lumago.
‘Madaling makita kung ano ang nangyayari kapag hinahawan mo at sinisigaan ang kagubatan. Nawawala na ang mga kulandong upang masala ang ulan o isang suson ng dumi na ireresiklo. Sa halip, ang bugso ng ulan ay deretsong humahampas nang malakas sa kalbong lupa, at ang pagbagsak nito ay nagpapatigas sa ibabaw. Gayundin, ang deretsong tama ng araw sa lupa ay nagpapataas sa temperatura ng ibabaw nito at nagpapasinsin sa lupa. Ang resulta ay na umaagos ang tubig-ulan palayo sa lupa, anupat ang nakikinabang ay mga ilog sa halip na ang lupa. Ang nawawalang sustansiya ng kinalbong kagubatan at sinunog na lupa ay gayon na lamang karami anupat ang mga sapang malapit sa kinalbong mga lugar ay napapahamak dahil sa sobrang sustansiya, kung kaya nanganganib ang buhay ng mga uring pantubig. Maliwanag, kung hindi sana pakikialaman, matutustusan ng kagubatan ang sarili nito, ngunit ang panghihimasok ng tao ay nagbubunga ng pagkawasak.’
[Kahon/Larawan sa pahina 7]
Ang Epekto sa Tao
Ang pagbuwag at pagkalbo ng kagubatan ay pumipinsala hindi lamang sa mga halaman at hayop kundi maging sa mga tao rin naman. Ang humigit-kumulang na 300,000 Indian, ang natitira sa 5,000,000 Indian na minsa’y nanirahan sa lugar ng Amason sa Brazil, ay namumuhay pa rin sa kanilang kapaligiran sa kagubatan. Ang mga Indian ay higit at higit na ginagambala ng mga magtotroso, tagahanap ng ginto, at iba pa, anupat itinuturing ng marami sa mga ito na ang mga Indian ay “sagabal sa kaunlaran.”
Saka nariyan din ang mga caboclos, malalakas na taong ang lahi’y magkahalong puti at Indian na ang mga ninuno’y nanirahan sa Amason mga 100 taon na ang nakalipas. Sa kanilang paninirahan sa kubol na nakatukod sa tabi ng ilog, maaaring hindi pa nila naririnig ang salitang “ekolohiya,” subalit sila’y namumuhay sa kagubatan nang hindi ito sinisira. Gayunman, ang kanilang pang-araw-araw na buhay ay naaapektuhan ng sunud-sunod na paghugos ng mga bagong imigrante na ngayo’y pumapasok sa kanilang tahanan sa kagubatan.
Sa katunayan, sa buong maulang gubat ng Amason, ang kinabukasan ng mga 2,000,000 magmamane, tagapagdagta ng puno ng goma, mangingisda, at iba pang katutubo, na nabubuhay ayon sa siklo ng kagubatan at sa galaw ng mga ilog, ay walang katiyakan. Naniniwala ang marami na ang pagsisikap na maingatan ang kagubatan ay dapat na humigit pa sa pangangalaga sa mga puno ng kamagong at manatees. Dapat din nilang pangalagaan ang mga taong naninirahan sa kagubatan.
[Kahon/Mga larawan sa pahina 9]
Ang Punungkahoy-Isdang Ugnayan
Sa panahon ng tag-ulan, tumataas ang Ilog Amason at nilalamon ang mga punungkahoy na tumutubo sa mabababang kagubatan. Sa kasagsagan ng baha, karamihan sa mga punungkahoy na ito ay namumunga na at bumabagsak ang kanilang mga buto—ngunit, mangyari pa, walang nakalubog na naglalakihang mga daga upang ikalat ang mga ito. Dito pumapasok ang isdang tambaqui (Colonnonea macropomum), isang nakalutang na nutcracker na may napakalakas na pangamoy. Sa paglangoy sa pagitan ng mga sanga ng nakalubog na mga punungkahoy, inaamoy nito ang mga punungkahoy na ang mga buto’y malapit nang bumagsak. Kapag bumagsak na ang mga buto sa tubig, dinudurog ng isda ang mga balat sa pamamagitan ng kaniyang malalakas na panga, nilulunok ang mga buto, tinutunaw ang laman sa palibot nito, at inilalabas ang mga buto sa lapag ng kagubatan upang tumubo kapag umurong na ang tubig-baha. Nakikinabang ang isda at punungkahoy. Ang tambaqui ay nag-iimbak ng taba, at ang punungkahoy naman ay namumunga. Ang pagputol ng mga punungkahoy na iyon ay magsasapanganib sa kaligtasan ng tambaqui at ng mga 200 iba pang uri ng mga isdang kumakain ng bunga.
[Larawan sa pahina 5]
Ang mga bayakan ay nagdadala ng polen mula sa lalaki tungo sa babaing bulaklak
[Credit Line]
Rogério Gribel
[Larawan sa pahina 7]
Ang iyong nursery at parmasya
[Larawan sa pahina 7]
Nanganganib sa apoy ang luntiang hangganan
[Credit Line]
Philip M. Fearnside