Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • g97 4/8 p. 19-22
  • Nasumpungan Ko Rin sa Wakas ang Katotohanan

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Nasumpungan Ko Rin sa Wakas ang Katotohanan
  • Gumising!—1997
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Malawakang Relihiyosong Pagsasanay
  • Sa Gitna ng Kaguluhan
  • Isang Nagdidigmaang Daigdig
  • Ang Pagkasumpong sa Katotohanan
  • Isang Mahalagang Pribilehiyo
  • Kamangha-manghang mga Pagpapala
  • Hangang-hanga sa Kanilang Nakita
    Gumising!—1991
  • Sa Kabila ng mga Pagsubok, Nanatiling Maningning ang Aking Pag-asa
    Gumising!—2002
  • Mga Saksi ni Jehova sa Silangang Europa
    Gumising!—1991
  • Natuto Akong Manalig kay Jehova
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1998
Iba Pa
Gumising!—1997
g97 4/8 p. 19-22

Nasumpungan Ko Rin sa Wakas ang Katotohanan

Sa pagtatapos ng Agosto 1939, bumaba ako sa Moscow nang ako’y pauwi sa Budapest, Hungary. Ang Kasunduang Tigil-Labanan ng Alemanya-Sobyet ay nilagdaan mga ilang araw bago nito, noong Agosto 23, at ang mga pader ng Kremlin ay pinalamutian ng mga bandilang swastika ng Nazi. Ano ang ginagawa ko sa Russia, at ano ang naghihintay sa akin sa Hungary?

UNA, hayaan mong ilahad ko sa iyo ang pangyayari sa maliit na bayan ng Veszprém sa Hungary, kung saan ako’y isinilang noong Enero 15, 1918. Ako ang panganay sa apat na magkakapatid, at tinitiyak ng aming mga magulang na lagi kaming nagsisimba. Nang ako’y limang taon, ako’y tumutulong sa Misa sa isang kumbento ng Romano Katoliko. Sa bahay, nagkukunwa-kunwari akong nagmimisa sa aking mga kapatid, anupat nakasuot ako ng papel na abito na ginawa ko para sa serbisyo.

Nang ako’y walong taóng gulang, iniwan ni Itay ang aming pamilya, at inaruga kami ni Inay sa tulong ng kaniyang ina. Pagkalipas ng isang taon, si Inay ay namatay dahil sa kanser. Nang sumunod na mga taon, kaming mga anak ay nagkahiwa-hiwalay at napunta sa iba’t ibang bahay-ampunan at mga foster home. Ang huling bahay-ampunan na aking tinirhan ay malapit sa Budapest. Ito’y pinapalakad ng Frères Maristes (Brothers of Mary), isang orden ng mga Pranses na Katolikong guro. May tunay na pag-ibig ako sa Diyos, kaya nang ako’y maging 13 anyos, tinanggap ko ang alok ng kanilang relihiyosong orden na mag-aral.

Malawakang Relihiyosong Pagsasanay

Ipinadala ako sa Gresya nang sumunod na taon, kung saan ako’y pumasok sa paaralang Frères Maristes na nagtuturo ng Pranses, anupat ito ang naghanda sa akin para ako’y maging isang guro. Apat na taon pagkaraan nito, noong 1936, ako’y nagtapos taglay ang sertipiko na nagpangyaring ako’y maging kuwalipikado para magturo sa paaralang elementarya. Pagkatapos ng aking pag-aaral ako’y naging isang brother (miyembro) ng relihiyosong orden, anupat tinanggap ko ang tatlong panunumpa sa karukhaan, pagkamasunurin, at kalinisan. Bagaman kaming mga brother ay nagagayakan ng relihiyosong kasuutan at nagtuturo ng katesismo, hindi namin kailanman pinag-aralan ang Bibliya.

Nang tag-araw na iyon ako’y nag-aplay para magturo sa Tsina at natanggap ako. Noong Oktubre 31, 1936, sumakay ako ng barko mula sa Marseilles, Pransiya. Noong Disyembre 3, 1936, dumating ako sa Shanghai. Mula roon ako’y nagtungo sa Beijing sakay ng tren, ang kabisera, sa hilagang Tsina.

Sa bulubunduking rehiyon na halos 25 kilometro mula sa Beijing, ang relihiyosong orden ng Frères Maristes ay may malaking paaralan, dormitoryo, at mga gusali sa bukid. Ang lugar ay malapit sa bahay-bakasyunan ng emperador kung tag-araw at may napakagagandang inalagaang halamanan at mga punong namumunga. Doon nabuhos nang husto ang sarili ko sa pag-aaral ng wikang Tsino at Ingles. Subalit hindi namin kailanman pinag-aralan ang Bibliya.

Sa Gitna ng Kaguluhan

Noong pasimula ng dekada 1930, sinakop ng Hapon ang Manchuria, isang bahagi ng Tsina. Noong Hulyo 1937, nagkasagupaan ang mga sundalong Hapones at Tsino malapit sa Beijing. Ang nanagumpay na mga Hapones ay nagtatag ng bagong pamahalaan kasama ng mga Tsino na kanilang napili. Ito’y humantong sa paglaban ng mga gerilyang Tsino laban sa bagong pamahalaan.

Yamang ang aming monasteryo sa labas ng Beijing ay kilala bilang teritoryo ng Pranses, hindi ito napasama sa tuwirang labanan. Subalit, kami’y tinatamaan ng ligaw na mga bala ng kanyon at baril na nakasugat sa mahigit na 5,000 Tsino na nanganlong sa aming monasteryo. Samantala, ang mga gerilyang Tsino ang namuno sa dakong lalawigan.

Noong Setyembre 1937 halos 300 armadong gerilyang Tsino ang sumalakay sa aming gusali, na naghahagilap ng mga armas, salapi, at pagkain. Isa ako sa sampung Europeong ginawang bihag-panagot. Pagkatapos na mabihag sa loob ng anim na araw, isa ako sa unang mga bihag-panagot na pinalaya. Ako’y nagkasakit dahil sa pagkain ng maruruming pagkain, kaya naospital ako sa loob ng isang buwan.

Pagkatapos kong makalabas ng ospital, ako’y inilipat sa ibang paaralan na pinalalakad ng relihiyosong orden, sa mas ligtas na lugar sa Beijing. Noong Enero 1938, ako’y ipinadala sa Shanghai upang magturo subalit ako’y bumalik noong Setyembre sa Beijing upang magturo roon. Gayunman, pagkatapos ng pasukan sa paaralan, hindi ko na binago-muli ang aking relihiyosong mga panata. Sa loob ng pitong taon ay iniukol ko ang buhay ko at pag-aaral ko sa relihiyon subalit hindi ako nakasumpong ng kasiyahan sa paghahanap ko ng katotohanan. Kaya iniwan ko ang relihiyosong orden at umuwi ako sa Budapest.

Nang panahong iyon ay namumuo ang pagsiklab ng Digmaang Pandaigdig II. Hinimok ako ng mga Pranses na nakatataas sa akin na sumakay ako sa Trans-Siberian Railroad, na dumaraan sa mga lugar ng Unyong Sobyet. Dahil sa paglalakbay kong ito kaya ko narating ang Moscow noong Agosto 27, 1939, at nakita ko ang mga pader ng Kremlin na napalamutian ng mga bandilang Nazi.

Isang Nagdidigmaang Daigdig

Nakauwi ako sa Budapest noong Agosto 31, 1939. Nang sumunod na araw ay nasakop ng Alemanya ang Poland, na siyang pasimula ng Digmaang Pandaigdig II. Nang maglaon, sinira ng Alemanya ang kasunduan nitong tigil-labanan sa Unyong Sobyet, at noong Hunyo 22, 1941, sinalakay ng mga hukbo ni Hitler ang Unyong Sobyet. Pinasok nila hanggang ang mga dakong labas ng Moscow subalit nabigo silang sakupin ang lunsod.

Ang gobernador ng Hungary ay lumagda ng pangkapayapaang kasunduan sa Alemanya, at malayang pinahintulutan ang mga hukbong Aleman na magdaan sa Hungary. Ako’y nag-asawa noong 1942, at noong 1943, ako’y kinalap para sa Hukbong Hungaryo. Noong Marso 1944, sinalakay ng Alemanya ang Hungary sapagkat hindi nasiyahan si Hitler sa suporta ng Hungary sa kaniyang pakikipagdigma. Isinilang ang aming anak na lalaki nang taóng iyon. Upang maiwasan ang matinding bombahan sa Budapest, ang aking mag-ina ay lumipat sa bandang lalawigan upang makitira sa kaniyang mga magulang.

Ang daluyong ng digmaan ay nagbago, at ang Hukbong Sobyet ay nagtungo sa Budapest, anupat dumating doon noong Disyembre 24, 1944. Dinakip ako ng mga Ruso at naging bilanggo ng digmaan. Libu-libo kaming mga bilanggo ang sapilitang pinagmartsa nang halos sandaan at animnapung kilometro patungo sa Baja, Hungary. Doon, kami’y nagsisiksikan sa mga bagon ng baka at inilipat kami sa Timisoara at ikinulong kami sa isang malaking kampo. Hindi kukulangin sa 20,000 mula sa 45,000 bilanggo ang namatay noong tagsibol ng 1945 nang magkaroon ng epidemya ng tipus.

Noong Agosto ay dinala sa Black Sea ang natitira pang 25,000 na nasa kampo. Mula roon halos 20,000 ang ipinatapon sa Unyong Sobyet. Gayunman, halos 5,000 iba pa, na may sakit, kasali na ako, ang pinabalik sa Hungary at pinalaya. Kaya, nagwakas din ang walong buwan ng paghihirap dahil sa pagkabihag. Pagkalipas ng ilang linggo, nakasama kong muli ang aking asawa’t anak, at kami’y nagbalik sa Budapest upang doon tumira.

Nagpatuloy ang paghihirap para sa marami pagkatapos ng digmaan. Kakaunti ang pagkain, at nakasisira ng loob ang implasyon. Ang mabibili ng isang Hungaryong pengö noong 1938 ay nagkakahalaga ng mahigit na isang nonillion (1,000,000,000,000,000,000,000,000,000,000) pengö para makabili noong 1946! Nang maglaon, bumuti ang buhay para sa amin nang makakuha ako ng trabaho sa opisina sa daang-bakal.

Ang Pagkasumpong sa Katotohanan

Noong 1955 isa sa mga Saksi ni Jehova na nakatira sa aming apartment sa Budapest ang nakipag-usap sa aking maybahay, si Anna, tungkol sa Bibliya. Napukaw ang aking interes nang sabihin sa akin ni Anna na hindi itinuturo ng Bibliya na isang lugar ng pagpapahirap ang impiyerno. (Eclesiastes 9:5, 10; Gawa 2:31) Bagaman isang Katoliko, hindi ko kailanman napag-aralan ang Bibliya, kahit na nang ako’y magkaroon ng pantanging pagsasanay sa mga paaralan ng simbahan. Basta tinanggap ko ang hindi maka-Kasulatang mga turo ng Katoliko, gaya ng nag-aapoy na impiyerno. Ngayo’y nagugustuhan ko ang mga katotohanan ng Bibliya, lalo na yaong may kinalaman sa Kaharian ng Diyos at kung paano nito tutuparin ang layunin ng Diyos na gawing paraiso ang lupa. (Mateo 6:9, 10; Lucas 23:42, 43; Apocalipsis 21:3, 4) Nadama ko ang matinding kaligayahan na hindi ko kailanman naranasan noon.

Nang panahong iyon, ang mga Saksi ni Jehova sa Hungary ay pinaghahanap at ikinukulong dahil sa may katapangan nilang itinuturo ang mga katotohanan tungkol sa Kaharian ng Diyos. Binabasa ko ang lahat ng matagpuan kong literatura ng mga Saksi sa wikang Hungaryo at nakakakuha ako ng kanilang mga publikasyon sa wikang Ingles at Pranses na hindi naisalin sa Hungaryo. Anong laki ng aking pasasalamat na ako’y marunong ng ibang mga wikang ito!

Noong Oktubre 1956, naghimagsik ang mga Hungaryo laban sa Komunistang pamamahala na ipatutupad ng Russia. Napakatindi ng labanan sa Budapest. Maraming nakabilanggo ang pinalaya, kasali na ang mga Saksi ni Jehova. Nang panahong ito kami ng aking maybahay ay nabautismuhan upang sagisagan ang aming pag-aalay sa Diyos na Jehova. Pagkalipas ng isang linggo, pinahinto ng mga sundalong Ruso ang rebolusyon. Ang mga Saksing pinalaya ay pinabalik sa bilangguan.

Isang Mahalagang Pribilehiyo

Yamang ang karamihan ng mga Saksi na may pananagutan sa gawaing pangangaral ay nabilanggo, nilapitan ako ng kapuwa Kristiyano at tinanong ako kung magagawa kong magsalin ng ating mga literatura sa Bibliya. Noong una ako’y binigyan ng lihim na mga sulat mula sa Switzerland na naglalaman ng mga artikulo ng Bantayan na nakamakinilya sa wikang Pranses. Isinalin ko ito sa wikang Hungaryo, at ang mga kopya ng naisaling mga artikulo ay ipinamamahagi sa mga kongregasyon.

Nang ang Hungaryong lingkod ng sangay, si János Konrád, ay napalaya noong 1959 pagkatapos ng 12 taóng pagkabilanggo dahil sa Kristiyanong neutralidad, ako’y naatasan bilang isang tagapagsalin. Pagkatapos ako’y tumanggap ng mga materyal sa Ingles para isalin. Karaniwang ipinadadala ito sa pamamagitan ng isang babaing tagahatid na hindi ko alam ang pangalan. Kaya, kung sakaling ako’y madakip at pahirapan, hindi ko maibubunyag ang kaniyang pangalan.

Pagkatapos kong maisalin Ang Bantayan, rerepasuhin ito ni Brother Konrád kung tumpak. Pagkatapos ay mamakinilyahin ng mga kapatid na babae ang naisaling mga artikulo sa napakanipis na papel, na ginagamitan ng carbon paper upang makagawa ng 12 kopya. Kaya, kung minsan, ang lahat ng dumadalo sa Pag-aaral ng Bantayan ay may kani-kaniyang nakamakinilyang kopya ng pag-aaralan. Pagkatapos, ipapasa nila ang kanilang mga kopya sa ibang grupong mag-aaral. Gayunman, malimit na isang kopya lamang ng Ang Bantayan ang nagagawa namin sa bawat pag-aaral ng grupo. Kaya ang lahat ng naroroon ay kailangang makinig na mabuti at kumuha ng nota upang makinabang nang lubusan mula sa pagtalakay ng Bibliya.

Pasimula nang ako’y magsalin noong 1956 hanggang 1978, Ang Bantayan ay naipamahagi sa wikang Hungaryo na nakamakinilya lamang. Mula 1978 hanggang 1990, ang mga kopya ng Ang Bantayan na nakamimyograp ang ibinibigay. At anong pagpapala nga sapol noong Enero 1990 na mailathala ang kapuwa magasing Bantayan at Gumising! sa wikang Hungaryo na may napakagandang kulay!

Sa ilalim ng Komunistang pamamahala ang lahat ay dapat na magkaroon ng trabaho. Kaya sa loob ng 22 taon, hanggang sa aking pagreretiro sa sekular na trabaho noong 1978, nagawa kong magsalin sa mga oras na hindi ako nagtatrabaho. Iyan ay karaniwang sa madaling araw at gabing-gabi na. Pagkatapos ng aking pagreretiro, ako’y naglingkod nang pambuong-panahon bilang isang tagapagsalin. Nang maglaon, ang bawat tagasalin ay gumagawa sa bahay, at dahil sa pagbabawal, mahirap para sa amin na makipag-ugnayan sa isa’t isa. Noong 1964 sabay-sabay na nilusob ng mga pulis ang mga bahay ng mga tagapagsalin at kinumpiska ang aming mga gamit. Pagkalipas ng mga taon, malimit kaming pinupuntahan ng mga pulis.

Kamangha-manghang mga Pagpapala

Noong 1969 ang aking aplikasyon sa pasaporte ay tinanggap, kaya kami ni János Konrád ay nakapaglakbay mula Hungary patungong Paris upang dumalo sa “Kapayapaan sa Lupa” na Internasyonal na Asamblea ng mga Saksi ni Jehova. Anong laking pagpapala na makilala ang kapuwa ko mga Saksi mula sa ibang bansa at makatira ng ilang araw sa tanggapang pansangay ng mga Saksi ni Jehova sa Bern, Switzerland! Noong mga taon ng 1970 maraming Saksi mula sa Hungary ang nakapunta sa Austria at Switzerland para sa mga kombensiyon.

Pagkalipas ng mga taon ng pagbabawal ng pamahalaan, ang kauna-unahang kombensiyon na inaprobahan ng Estado ay ginanap noong 1986, sa Kamaraerdö Youth Park, Budapest. Ang mahigit na 4,000 naroroon ay napaluha sa tuwa sa aming pagkikita habang kanilang binabati ang kanilang mga kapatid at binabasa ang karatula ng pagbati na nakasulat sa itaas ng pasukan ng parke.

Sa wakas, noong Hunyo 27, 1989, ipinagkaloob ng pamahalaan ang legal na pagkilala sa mga Saksi ni Jehova. Ipinatalastas ang balita sa Hungaryong telebisyon at radyo anupat gayon na lamang ang tuwa ng ating mga kapatid na lalaki at babae. Nang taóng iyon namin ginanap, nang walang paghihigpit, ang aming kauna-unahang pandistritong mga kombensiyon sapol ng pagbabawal na ginawa sa aming trabaho halos 40 taon na ang nakararaan. Mahigit na 10,000 ang dumalo sa pagtitipon sa Budapest, at libu-libo pa ang naroroon sa apat na iba pang kombensiyon sa bansa. Anong saya ko na makita ang aking bunsong kapatid na lalaki, si László, at ang kaniyang asawa na nabautismuhan sa Budapest!

Pagkatapos, noong Hulyo 1991, naranasan namin ang isang pagpapala na wala man lamang sa aming hinagap​—isang kombensiyon sa napakalaking Népstadion sa Budapest, na dinaluhan ng mahigit na 40,000 delegado. Ako’y nagkaroon ng pribilehiyo roon na magsalin ng mga pahayag ng mga miyembro ng punung-tanggapan sa Brooklyn.

Sa ngayon kami ni Anna, gayundin ang mahigit na 40 ng ating mahal na mga kapatid, ay nagtatrabaho sa magandang tanggapang sangay ng mga Saksi ni Jehova sa isang dako sa labas ng lunsod ng Budapest. Dito, ako’y naglilingkod sa Departamento ng Pagsasalin, kasama ang isang mahusay na grupo ng mga kabataan, at si Anna ay nasa domestikong gawain sa palibot ng mga pasilidad.

Sa kabila ng aming pagsisikap na maibahagi ang katotohanan ng Bibliya sa aming anak, nang siya’y lumaki, hindi niya ito tinanggap. Gayunman, ngayon siya’y sumasang-ayon na sa katotohanan, at umaasa kami na balang araw ay maglilingkod siya kay Jehova.

Kami ng aking maybahay ay tunay na nagpapasalamat na aming nasumpungan ang katotohanan tungkol sa ating maibiging Diyos, si Jehova, at nakapaglilingkod sa kaniya sa loob ng mahigit na 40 taon na ngayon.​—Gaya ng inilahad ni Endre Szanyi.

[Larawan sa pahina 21]

Kasama ng aking maybahay

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share