Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • g97 4/8 p. 23-25
  • Masasagip Pa Kaya ang Pagsasama Pagkatapos ng Kataksilan?

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Masasagip Pa Kaya ang Pagsasama Pagkatapos ng Kataksilan?
  • Gumising!—1997
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Isang Nagibang Bahay
  • Maisasalba Pa Kaya ang Pagsasama?
  • Nililinis ang mga “Kalat”
  • Pagbuong-Muli
  • Pangangalaga
  • Pagkatapos ng Araw ng Kasal
    Kung Paano Mananatili sa Pag-ibig ng Diyos
  • Pangangalunya
    Gumising!—2015
  • Mga Tanong Mula sa mga Mambabasa
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova (Pag-aaral)—2022
  • Manatiling Tapat sa Inyong Sumpaan Bilang Mag-asawa
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—2008
Iba Pa
Gumising!—1997
g97 4/8 p. 23-25

Ang Pangmalas ng Bibliya

Masasagip Pa Kaya ang Pagsasama Pagkatapos ng Kataksilan?

“Sinasabi ko sa inyo na ang sinumang dumidiborsiyo sa kaniyang asawang babae, maliban sa saligang pakikiapid, at mag-asawa ng iba ay gumagawa ng pangangalunya.”​—MATEO 19:9.

SA MGA salitang ito ay pinahihintulutan ni Jesu-Kristo na diborsiyuhin ng isang Kristiyano ang isang di-tapat na kabiyak.a Gayunman, paano kung marapatin ng pinagkasalahang kabiyak na panatilihin ang pagsasama at magpasiya ang mag-asawa na muling buuin ang kanilang ugnayan? Anong mga hamon ang naghihintay sa mag-asawa, at paano nila mapagtatagumpayan ang gayong mga hamon? Tingnan natin kung paano tumutulong ang Bibliya upang masagot ang mga tanong na ito.

Isang Nagibang Bahay

Dapat muna nating unawain ang tindi ng pinsala na idinulot ng kataksilan. Gaya ng ipinaliwanag ni Jesu-Kristo, nilayon ng Tagapagtatag ng pag-aasawa na ang mag-asawa ay ‘hindi na dalawa, kundi isang laman.’ Sinabi pa niya: “Kaya nga, ang pinagtuwang ng Diyos ay huwag paghiwalayin ng sinumang tao.” Oo, dinisenyo ang pag-aasawa upang lubusang pag-ugnayin ang mga tao. Kapag nagtalusira ang isang tao sa panata sa pag-aasawa sa pamamagitan ng pangangalunya, nagkakaroon ng nakahihinagpis na mga resulta.​—Mateo 19:6; Galacia 6:7.

Bilang patotoo nito ay ang pighating dinaranas ng pinagkasalahang kabiyak. Ang mga epekto ng pangangalunya ay maihahalintulad sa epekto ng buhawing lumalansag sa mga tahanan. Ganito ang sabi ni Dr. Shirley P. Glass: “Sinabi sa akin ng ilang naging pasyente ko na mas naging madali sana para sa kanila kung namatay na lamang ang kanilang asawa.” Totoo, maaaring di-sumang-ayon ang ilang namatayan ng kabiyak. Gayunpaman, maliwanag na napakasakit ng dalamhating dulot ng pangangalunya. May ilang tao na hindi kailanman lubusang makabawi mula sa kataksilan.

Dahil sa gayong hinagpis, baka itanong ng isa, ‘Dapat bang wakasan ng pangangalunya ang isang pagsasama?’ Hindi naman palagi. Ipinakikita ng pangungusap ni Jesus tungkol sa pangangalunya na ang tapat na kabiyak ay may maka-Kasulatang karapatan na makipagdiborsiyo ngunit hindi obligado na gawin ang gayon. Ipinapasiya ng ilang mag-asawa na muling buuin at patibayin ang nawasak, sa pamamagitan ng kinakailangang pagbabago​—bagaman walang anumang maidadahilan para sa pangangalunya.

Mangyari pa, mas mabuti na gumawa ng kinakailangang pagbabago sa ugnayan ng mag-asawa kapag ang magkapareha ay tapat sa isa’t isa. Gayunpaman, kahit maganap ang pangangalunya, minamabuti ng ilang pinagkasalahang asawa na panatilihin ang pagsasama. Sa halip na ibatay ang gayong desisyon sa pangangarap nang gising, dapat na pag-isipang mabuti ng pinagkasalahang kabiyak ang mga ibubunga nito. Malamang na iisipin niya ang mga pangangailangan ng kaniyang mga anak gayundin ang kaniyang sariling espirituwal, emosyonal, pisikal, at pinansiyal na mga pangangailangan.b Magiging matalino rin siya na isaalang-alang kung maaari pang isalba ang kaniyang pag-aasawa.

Maisasalba Pa Kaya ang Pagsasama?

Bago tangkaing itayong muli ang isang bahay na winasak ng buhawi, kailangang tiyakin ng tagapagtayo kung maaari pa itong ibalik sa dati. Gayundin naman, bago sikaping muling buuin ang isang ugnayan na sinira ng kataksilan, nanaisin ng mag-asawa​—lalo na ang tapat na kabiyak​—na maging makatotohanan sa pagtiyak kung maibabalik pa kaya ang matalik na ugnayan at pagtitiwala sa kanilang pagsasama.

Ang isang salik na dapat isaalang-alang ay kung nagpapakita ng taimtim na pagsisisi ang kabiyak na nagkasala o, sa halip, nangangalunya pa rin “sa kaniyang puso.” (Mateo 5:27, 28) Bagaman nangangako siyang magbabago, atubili ba siyang tapusin kaagad ang kaniyang imoral na pakikipagrelasyon? (Exodo 20:14; Levitico 20:10; Deuteronomio 5:18) Pagala-gala pa rin kaya ang kaniyang mga mata? Isinisisi ba niya sa kaniyang asawa ang kaniyang pangangalunya? Kung gayon, malamang na di-magtagumpay ang pagsisikap na ibalik ang tiwala sa kanilang pagsasama. Sa kabilang panig naman, kung tinapos niya ang bawal na relasyon, inako ang pananagutan sa kaniyang kasalanan, at ipinakita na siya ay lubusang nakatalaga sa pagbuong-muli ng pagsasama, baka makakita ang kaniyang asawa ng saligan para umasang balang araw ay maibabalik din ang tunay na pagtitiwala.​—Mateo 5:29.

Gayundin, magagawa ba ng tapat na asawa na magpatawad? Hindi ito nangangahulugang hindi na niya ibubulalas ang kaniyang sama ng loob hinggil sa nangyari o na magkukunwari na lamang siya na walang anumang nagbago. Nangangahulugan ito na sisikapin niya, sa takdang panahon, na alisin ang paghihinanakit. Nangangailangan ng panahon ang gayong pagpapatawad ngunit makatutulong ito upang maitatag ang isang matibay na saligan na doo’y maaari muling buuin ang pagsasama.

Nililinis ang mga “Kalat”

Pagkatapos na makapagpasiya ang tapat na kabiyak na panatilihin ang kanilang pagsasama, anong mga hakbang ang maaaring sumunod na gawin ng mag-asawa? Kung paanong kailangang alisin ang mga kalat sa isang tahanan na napinsala nang husto ng isang buhawi, kailangang linisin ang mga “kalat” na nakapalibot sa pagsasama. Magagawa ito kung ipahahayag ng mag-asawa ang kanilang damdamin sa isa’t isa. Ganito ang sabi ng Kawikaan 15:22: “Nabibigo ang mga plano kung saan walang kompidensiyal na usapan.” Ang salitang Hebreo na isinaling “kompidensiyal na usapan” ay nagpapahiwatig ng matalik na ugnayan at isinaling “grupong may matalik na ugnayan” sa Awit 89:7. Kaya nasasangkot dito, hindi lamang ang bahagyang pag-uusap, kundi ang matapat at marubdob na pag-uusap na doo’y isinisiwalat ng dalawang panig ang nasa kaibuturan ng kanilang damdamin.​—Kawikaan 13:10.

Halimbawa, sa ilang kaso ay maaaring naisin ng tapat na kabiyak na magtanong pa ng higit. Paano nagsimula ang relasyon? Gaano katagal ito nagpatuloy? Sino pa ang nakaaalam ng tungkol doon? Kung sa bagay, masakit para sa mag-asawa na pag-usapan pa ang mga detalyeng ito. Gayunman, maaaring masumpungan ng tapat na kabiyak na kailangang malaman niya iyon upang maibalik ang pagtitiwala. Kung gayon, pinakamabuti na ang nagkasalang kabiyak ay sumagot nang buong katapatan at makonsiderasyon. Dapat niyang ipaliwanag ang mga bagay-bagay sa isang maibigin at may kabaitang paraan, anupat isinasaisip na ang layunin ng pag-uusap ay ang makapagpahilom, hindi ang makasakit. (Kawikaan 12:18; Efeso 4:25, 26) Kailangan ng dalawa ang pag-iingat, pagpipigil-sa-sarili, at madamaying pakikinig habang ipinahahayag nila ang kanilang nadarama tungkol sa nangyari.c​—Kawikaan 18:13; 1 Corinto 9:25; 2 Pedro 1:6.

Yaong mga Saksi ni Jehova ay maaaring magnais na humingi ng tulong mula sa matatanda sa kongregasyon. Mangyari pa, para sa mga Kristiyano, ang malulubhang kasalanan tulad ng pangangalunya ay kailangang ipagtapat kaagad sa matatanda, na nagmamalasakit sa espirituwal na kapakanan ng mag-asawa at ng kongregasyon. Maaaring nang siya’y makipagpulong sa matatanda, ang nangalunya ay nagpakita ng taimtim na pagsisisi at sa gayo’y pinahintulutang manatili sa kongregasyon. Sa gayong kaso, patuloy na tutulungan ng matatanda ang mag-asawa.​—Santiago 5:14, 15.

Pagbuong-Muli

Pagkatapos na mapatatag ng mag-asawa ang kanilang damdamin sa abot ng kanilang makakaya, nasa mabuti silang kalagayan na muling buuin ang mahahalagang bahagi ng kanilang pagsasama. Patuloy na kailangan ang taimtim na pag-uusap. Kung matuklasan ang mga kahinaan, kailangang gumawa ng nararapat na mga pagbabago.

Ang pangangailangang magbago ay lalo nang nakaatang sa balikat ng nagkasala. Gayunman, dapat gawin ng pinagkasalahang kabiyak ang kaniyang bahagi sa pagpapatibay ng mahihinang bahagi ng kanilang pagsasama. Hindi ito nangangahulugan na ang pangangalunya ay kasalanan niya o na ito ay maipagdadahilan​—walang makatuwirang dahilan sa paggawa ng gayong kasalanan. (Ihambing ang Genesis 3:12; 1 Juan 5:3.) Nangangahulugan lamang iyon na maaaring nagkaroon ng mga suliranin sa pagsasama na kailangang lutasin. Ang pagbuong-muli ay isang proyekto ng pinagsamang pagsisikap. Kailangan bang patibayin ang mga simulain at mga tunguhin nila kapuwa? Napabayaan ba ang espirituwal na mga gawain? Ang paraang ito ng pagtuklas sa malalaking kahinaan at paggawa ng kailangang pagbabago ang siyang pinakasusi sa pagbuong-muli ng isang lubhang napinsalang pagsasama.

Pangangalaga

Kahit ang isang mahusay-ang-pagkagawang bahay ay nangangailangan ng regular na pangangalaga. Napakahalaga nga, kung gayon, na pangalagaan ang isang binuo-muling ugnayan. Hindi dapat hayaan ng mag-asawa na pahinain ng paglakad ng panahon ang kanilang determinasyon na manghawakan sa kanilang bagong mga pasiya. Sa halip na masiraan ng loob kapag dumaranas sila ng maliliit na hadlang, tulad ng pagbabalik sa di-mabuting ugali sa pakikipag-usap, dapat silang gumawa kaagad ng mga hakbang upang makabalik sa tamang landas at patuloy na sumulong.​—Kawikaan 24:16; Galacia 6:9.

Higit sa lahat, dapat unahin ng mag-asawa ang kanilang espirituwal na rutin, anupat huwag hayaang ito, o ang kanilang pagsasama, ay maging pangalawahin lamang sa ibang gawain. Ganito ang sabi ng Awit 127:1: “Malibang si Jehova mismo ang magtayo ng bahay, walang kabuluhan na ang mga nagtayo ay puspusang gumawa ukol doon.” Gayundin, nagbabala si Jesus: “Ang bawat isa na dumirinig sa mga pananalita kong ito at hindi ginagawa ang mga iyon ay itutulad sa isang taong mangmang, na nagtayo ng kaniyang bahay sa buhanginan. At ang ulan ay bumuhos at ang baha ay dumating at ang hangin ay humihip at humampas sa bahay na iyon at ito ay gumuho, at ang pagbagsak nito ay matindi.”​—Mateo 7:24-27.

Oo, kung ipagwawalang-bahala ang mga simulain ng Bibliya dahil sa mahirap ikapit ang mga ito, ang pagsasama ay mananatiling mabuway sa susunod na maunos na pagsubok sa katapatan. Subalit kung nanghahawakan ang mag-asawa sa mga pamantayan ng Bibliya sa lahat ng bagay, pagpapalain ng Diyos ang kanilang pagsasama. Magkakaroon din sila ng pinakamabisang pangganyak upang manatiling tapat sa asawa​—ang pagnanais na paluguran ang Tagapagtatag ng pag-aasawa, ang Diyos na Jehova.​—Mateo 22:36-​40; Eclesiastes 4:12.

[Mga talababa]

a May makatuwirang mga dahilan kung bakit maaaring ipasiya ng isang tao na diborsiyuhin ang isang mapangalunyang asawa. Para sa detalyadong pagtalakay sa bagay na ito, tingnan “Ang Pangmalas ng Bibliya: Pangangalunya​—Patawarin o Huwag Patawarin?” sa Agosto 8, 1995, isyu ng Gumising!

b Tinukoy namin ang lalaki bilang ang nagkasalang asawa. Tinataya ng isang surbey na ang bilang ng mga lalaking taksil ay dalawang ulit ang dami kaysa sa bilang ng mga babaing taksil. Gayunman, ang mga simulaing tinalakay ay kumakapit din kapag ang pinagkasalahang kabiyak ay isang Kristiyanong lalaki.

c Para sa impormasyon tungkol sa mahusay na pakikinig, tingnan ang Gumising! ng Enero 22, 1994, pahina 6-9, at Disyembre 8, 1994, pahina 10-13.

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share