Kami’y Magkaibigang Di-mapaghihiwalay
SI Tracy ang aking tagaakay na aso, isang itim na Labrador retriever na sampung taóng gulang. Dahil sa kaniya ako’y nakakakilos nang normal. Siya rin ang kasa-kasama ko at tagaaliw. Kaya hindi ipagtataka na gayon na lamang ang aking pagmamahal sa kaniya anupat kami’y magkaibigan na hindi mapaghihiwalay.
Kung minsan, bagaman hindi sinasadya, ang mga tao ay nakasisira ng loob sa paraang hindi kailanman ginagawa ni Tracy. Halimbawa, isang araw ay iniwan ko si Tracy sa bahay at namasyal akong kasama ng isang kaibigan. Masaya kaming nagkukuwentuhan nang bigla akong madapa. Nakalimutan ng aking kaibigan na ako’y bulag, at hindi niya ako napag-ingat sa kanto ng bangketa. Hindi ito mangyayari kung nasa tabi ko si Tracy.
Minsan, aktuwal na iniligtas ni Tracy ang aking buhay. Naglalakad ako sa lansangan nang biglang lumihis dahil sa nawalan ng preno ang trak patungo sa akin. Narinig ko ang makina nito subalit, mangyari pa, hindi ko makita kung saan ito patungo. Nakita ito ni Tracy at naunawaan ang panganib at agad akong hinila sa ligtas na lugar.
Bulag, Subalit Nakakakita
Ako’y isinilang noong 1944 sa gawing timog ng Sweden, at ako’y ipinanganak na bulag. Ipinasok ako sa isang boarding school para sa bulag na mga bata, kung saan ako’y natutong bumasa at sumulat ng Braille. Naging mahalagang bahagi ng buhay ko ang musika, lalo na ang pagtugtog ng piyano. Pagkatapos ko sa haiskul, ipinagpatuloy ko ang pag-aaral ng mga wika at musika sa University of Göteborg.
Gayunman, ang aking buhay ay nagbago magpakailanman nang dumalaw ang dalawang Saksi ni Jehova sa kampus ng pamantasan. Hindi nagtagal ako’y dumalo sa mga pulong ng mga Saksi at sinimulan kong ibahagi sa iba ang aking natututuhan. Noong 1977, sinagisagan ko ang aking pag-aalay sa Diyos na Jehova sa pamamagitan ng bautismo sa tubig. Bagaman ako’y pisikal na bulag, dahil sa pag-aaral ng Salita ng Diyos, natanggap ko ang isang bagay na nakahihigit ang halaga—espirituwal na paningin.
Itinuturing ko ang sarili ko ngayon na mas mabuti kaysa mga taong literal na nakakakita, subalit bulag sa espirituwal. (Ihambing ang Juan 9:39-41.) Natutuwa ako na magkaroon ng malinaw na pananaw sa kaisipan tungkol sa bagong kaayusan ng Diyos kung saan, ayon sa kaniyang pangako, ang mga mata ng mga bulag ay makakakita—oo, kung saan ang lahat ng kapansanan sa pisikal ay gagaling at kung saan ang mga patay ay bubuhaying-muli!—Awit 146:8; Isaias 35:5, 6; Gawa 24:15.
Bagaman ako’y walang asawa at bulag, dahil kay Tracy na tapat kong kasama, mabuti naman ang aking kalagayan. Hayaan mong ilahad ko sa iyo kung paano siya nakatutulong sa akin upang magampanan ko ang aking sekular na trabaho at magawa ang aking ministeryo bilang isa sa mga Saksi ni Jehova. (Mateo 24:14; Gawa 20:20; Hebreo 10:25) Subalit ang una muna ay ilang bagay tungkol kay Tracy mismo.
Pinili Para sa Pantanging Pagsasanay
Nang si Tracy ay walong buwan pa lamang, sinubukan siya kung magiging kuwalipikado siya na maging isang tagaakay na aso. Napatunayang siya’y mahinahon, madaling turuan, at hindi agad natatakot sa biglang malalakas na ingay. Kaya, pinatira siya kasama ng isang pamilya sa loob ng ilang panahon upang matutuhan kung ano ang normal na buhay ng pamilya. Pagkatapos, nang siya’y malaki-laki na, ipinadala siya sa isang paaralan na nagsasanay sa mga tagaakay na aso.
Natutuhan ni Tracy sa paaralang ito na gawin kung ano ang hinihiling sa isang tagaakay na aso, iyon ay tulungan ang kaniyang magiging amo na makapa ang pinto, hagdan, tarangkahan, at mga daan. Natutuhan din niya kung paano maglakad sa abalang mga bangketa at kung paano tumawid sa daan. Tinuruan din siya na huminto sa kanto ng bangketa, sumunod sa ilaw ng trapiko, at lumayo sa panganib na mga halang. Pagkalipas ng halos limang buwan ng pagsasanay, handa na siyang magtrabaho. Iyon ang panahon na ipakilala sa akin si Tracy.
Kung Ano ang Ginagawa ni Tracy Para sa Akin
Tuwing umaga ay ginigising ako ni Tracy upang pakanin siya. Pagkatapos ay naghahanda kami sa pagpasok sa trabaho. Ang aking opisina ay halos 20 minuto ang layo mula sa aming apartment. Mangyari pa, alam ko ang daan, subalit ang ginagawa ni Tracy ay tulungan ako na magtungo roon nang hindi mababangga sa mga sasakyan, tao, poste, o sa kung ano pa man. Kapag kami’y nakarating na, hihiga siya sa ilalim ng aking mesa. Pagkatapos, sa panahon ng aking pananghalian, karaniwang kami’y naglalakad-lakad.
Sa gabi naman, pag-uwi sa bahay galing sa trabaho, ang pinakamagandang bahagi ng aming araw ay nagpapasimula. Ito ang panahon na aakayin ako ni Tracy sa gawaing pangangaral sa bahay-bahay at sa mga tahanan na aking pinagdarausan ng mga pag-aaral sa Bibliya. Maraming tao ang palakaibigan sa kaniya, tinatapik-tapik at niyayakap siya at kung minsan ay nagbibigay pa ng masasarap na pagkain para sa kaniya. Dumadalo rin kami sa Kristiyanong mga pulong bawat linggo. Pagkatapos nito ay gustung-gustong batiin at yakapin ng mga bata si Tracy, na ikinatutuwa naman niya nang labis.
Alam ko na si Tracy ay isang aso lamang at mamamatay rin siya balang araw. Nangangahulugan iyan na kailangan kong kumuha ng isa na namang tagaakay na aso. Subalit, sa kasalukuyan, kami’y magkasama at kailangan namin ang isa’t isa. Kapag wala si Tracy, alumpihit ako sa aking sarili, at siya’y ninenerbiyos at hindi mapakali kapag hindi niya ako maakay.
Pangangailangan Para sa Pag-unawa
Nakapagtataka naman, kung minsan ay sinisikap ng mga tao na paghiwalayin kami. Itinuturing nila si Tracy na isa lamang pangkaraniwang aso o alagang hayop at hindi nakauunawa sa aming malalim na relasyon. Kailangang maunawaan ng mga taong ito na si Tracy ay parang isang silyang de-gulong ng isang paralisadong tao kung para sa akin. Ang paghihiwalay sa amin ay gaya ng pag-alis sa aking mga mata.
Mientras nauunawaan ng iba ang ugnayang namamagitan sa amin ni Tracy, mas kaunti ang magiging mga problema. Halimbawa, ang isang silyang de-gulong ay madaling tanggapin subalit, nakalulungkot naman, hindi laging gayon para sa isang tagaakay na aso. May mga tao na takot sa aso, o basta ayaw nila ang mga ito.
Ang impormasyong masusumpungan sa babasahin tungkol sa tagaakay na mga aso, na inilathala ng Swedish Association for the Visually Handicapped, ay totoong nakatutulong. Ganito ang sabi nito: “Ang tagaakay na aso ay isang kumikilos na pantulong para sa mga taong may kapansanan sa paningin. Oo, higit pa riyan. Ito’y isang buháy na pantulong. . . . Ito’y isang kaibigan na hindi ka bibiguin kailanman.”
Totoo naman, si Tracy ay nagsisilbing aking mga mata sa dilim, at siya ang tumutulong sa akin na mamuhay nang normal hangga’t maaari sa ngayon. Subalit, ako’y naniniwala na hindi na magtatagal, sa bagong sanlibutan na ipinangako ng Diyos, makikita ko ang lahat ng kamangha-manghang mga nilalang. Kaya, ako’y determinado ngayon na panatilihin ang aking espirituwal na paningin.
Kaya, samantalang ang ulo ni Tracy ay nasa aking kandungan, handa na kami ngayong makinig sa recording ng pinakabagong labas ng magasing Bantayan.—Gaya ng inilahad ni Anne-Marie Evaldsson.