Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • g97 4/22 p. 28-29
  • Pagmamasid sa Daigdig

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Pagmamasid sa Daigdig
  • Gumising!—1997
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Ang AIDS at ang Pag-unlad
  • Kakayahang Bumasa at Trabaho
  • Alerdyi sa Ipis
  • Pagtindi ng Karukhaan
  • Ang Pagkasugapa sa Droga sa Europa
  • “Ang Panggigipit na Maging Payat”
  • Hindi Inaasahang Interes sa Bibliya
  • Isang Kaibigan na Nagtatagal
  • Kumain ng Prutas Araw-araw
  • Pangangalaga sa mga Pasyenteng may Diperensiya sa Isip
  • Higit na Mapanganib Kaysa Paninigarilyo?
  • Kailangan Mo ba Talagang Mag-ehersisyo?
    Gumising!—2005
  • Kung Paano Iingatan ang Iyong Kalusugan
    Gumising!—1999
  • Pagmamasid sa Daigdig
    Gumising!—1994
  • Pagmamasid sa Daigdig
    Gumising!—1997
Iba Pa
Gumising!—1997
g97 4/22 p. 28-29

Pagmamasid sa Daigdig

Ang AIDS at ang Pag-unlad

Sa buong mundo, ang epidemya ng AIDS ay humadlang sa pag-unlad ng tao ng 1.3 taon, ang sabi ng kamakailang ulat ng United Nations Development Programme. Ang pinakamalubhang naapektuhan ay ang mga bansa sa Aprika​—nawala ang mahigit na sampung taóng pag-unlad ng mga tao sa Zambia; sa Tanzania, walong taon; sa Rwanda, pitong taon; at sa Republika ng Sentral Aprika, mahigit na anim na taon. Pinaikli rin ng AIDS ang haba ng buhay ng tao. Sa Hilagang Amerika at Europa, ang AIDS ang naging pangunahing sanhi ng pagkamatay ng mga adulto na wala pang 45. Sa buong mundo, 6,000 katao ang nahahawahan ng HIV araw-araw, 1 sa bawat 15 segundo. Mahigit na 85 porsiyento ng namamatay sa AIDS ay mga taong nasa pagitan ng 20 at 45 taóng gulang.

Kakayahang Bumasa at Trabaho

“Sa pagitan ng 56 at 64 na porsiyento ng mga walang trabaho sa Canada ay mahina ang kakayahang bumasa at sumulat,” ang sabi ng ulat ng Statistics Canada, ayon sa pahayagang The Vancouver Sun. Isiniwalat ng isang surbey noong 1995 upang subukin ang kakayahang bumasa at sumulat ng prosa, dokumento, at mga bilang, na 36 na porsiyento ng mga taga-Canada ay nahihirapan sa tatlong larangang ito. May kaugnayan sa “ ‘mas sinaunang’ industriya, gaya ng agrikultura, pagmimina, paggawa ng mga produkto, at konstruksiyon, . . . ang kakayahan sa pagbasa at pagsulat ay pinakamababa,” ang sabi ng Sun. Dahil sa bumababang bilang ng mga nagtatrabaho sa sektor na ito, ang mga manggagawa na mahina ang kakayahan sa pagbasa at pagsulat ay mas malamang na matanggal sa trabaho at masisante. Si John O’Leary, presidente ng isang organisasyon sa pagbasa at pagsulat, ay nagsabi na “ang walang gaanong kakayahan sa pagbasa at pagsulat noong 1996 ay nangangahulugan ng pagkawala ng napakaraming pansarili at pampropesyonal na mga oportunidad sa trabaho.”

Alerdyi sa Ipis

Ayon sa University of California at Berkeley Wellness Letter, tinatayang nasa pagitan ng 10 milyon at 15 milyon katao sa Estados Unidos ang may alerdyi sa ipis. Kapag nahantad sa mga ipis, maaaring makaranas ang isang may alerdyi ng “pangangati ng balat, hay fever, o mga sintoma ng hika.” Sinabi ng newsletter na “hanggang 80% ng lahat ng batang may hika ay sensitibo sa mga ipis.” Ang mga ipis ay hindi naman nangangahulugan ng palatandaan ng maruming kusina. Maging “ang pinakamalinis na kusina ay maaaring tirahan ng mga ito,” ang sabi ng Wellness Letter. Tinataya na sa bawat ipis na natutunton, maaaring mahigit na 1,000 ipis na hindi natutunton ang gumagapang sa buong bahay. Ang isang pares ng ipis ay maaaring mangitlog ng halos 100,000 maliliit na ipis sa loob ng isang taon.

Pagtindi ng Karukhaan

Ang dami ng mga tao sa buong mundo na ngayo’y nabubuhay sa labis na karukhaan​—sinasabing kumikita ng wala pang $370 sa isang taon​—ay halos 1.3 bilyon, mga sangkapat ng populasyon sa daigdig. Ang karamihan ay nakatira sa nagpapaunlad na mga bansa. Karaniwan na, ang mga taong ito ay walang sapat na pagkain, malinis na tubig, pangangalaga sa kalusugan, sapat na matitirhan, edukasyon, at trabaho. Sa karamihan ng kaso, sila ang mga taong binabale-wala sa mga lipunan na kanilang kinabibilangan at walang kakayahan upang baguhin ang kanilang mga kalagayan sa buhay. Ayon sa United Nations Development Programme, ang bilang ng mga taong nabubuhay sa labis na karukhaan ay nadaragdagan ng halos 25 milyon bawat taon.

Ang Pagkasugapa sa Droga sa Europa

Isang bagong organisasyon sa Europa na itinakda upang sumubaybay sa paggamit at pag-abuso sa mga droga ay naglathala kamakailan ng kanilang kauna-unahang taunang ulat. Isinisiwalat ng kanilang pagsusuri, ayon sa pahayagang Pranses na Le Monde, na may mga sugapa sa heroin “sa pagitan ng 500,000 at isang milyon” sa European Union. Bagaman ang sugapa sa heroin ay waring hindi dumarami o umuunti pa nga sa malalaking lunsod sa Europa, ito’y dumarami sa mas maliliit na bayan. Ang mga produkto ng cannabis gaya ng hashish at marijuana ay nananatiling pinakapalasak na ginagamit na mga droga sa Europa. Nababahala ang mga eksperto sa nauusong tinatawag na mga cocktail, kung saan ang mga droga ay hinahaluan ng mga gamot at alkohol. Sa Hilagang Europa, ang mga amphetamine, Ecstasy (mula sa methamphetamine), at LSD ay lalong nagiging popular sa mga kabataan.

“Ang Panggigipit na Maging Payat”

Sa ilalim ng ulong-balita na “Pakikipaglaban sa Panggigiit na Maging Payat,” ganito ang ulat ng The Irish Times: “Ang pinakamataas na bilang ng mga nagdadalaga ay nagkakaroon ng anemia dahil sa kausuhan ng pagdidiyeta.” Nababahala nang husto ang mga doktor sa kausuhang ito. Sa ilang kalagayan sinisisi ang industriya ng moda ng mga damit “dahil sa mapaminsalang epekto nito sa mga kabataang mapaniwalain.” Sinasabi ng ulat na sa mga taóng nagdaan ang isang katamtamang modelo ng moda ay mas magaan ng 8 porsiyento ang timbang kaysa karaniwang babae. Sa ngayon siya’y 23 porsiyento na mas magaan ang timbang. “Ang payat na payat na mga braso at binti,” ang sabi ng The Irish Times, “ay usung-uso, at ang Superwaif​—maputla, bata, at may anorexia . . .​—ang kinikilala ngayong normal.” Palibhasa’y ginigipit na sumunod sa kausuhang ito, maraming batang babae dahil sa paghahangad nilang pumayat ay nagdidiyeta na nagkakait naman sa kanila ng kinakailangang iron, protina, at mga bitamina.

Hindi Inaasahang Interes sa Bibliya

“Kalahating milyong kopya ng Bagong Tipan sa wika ng Denmark [isang salin ng Kristiyanong Griegong Kasulatan] ang ipinamigay​—isang kopya sa halos 98 porsiyento ng mga maybahay sa Copenhagen,” ang ulat ng ENI Bulletin. Ito’y ginawa bilang bahagi ng pagdiriwang dahil sa ginampanang papel ng Copenhagen bilang 1996 Pangkulturang Kabisera ng Europa. Inihula noon ng marami na sa pagitan ng 10 at 20 porsiyento ng mga maybahay sa Copenhagen ay tatanggi sa regalo. Subalit, ayon kay Morten Aagaard, ang pangkalahatang kalihim ng Danish Bible Society, “isa o dalawang porsiyento lamang ng mga maybahay” ang tumanggi sa regalo. Binabalak ang gayunding pamamahagi sa Stockholm, Sweden, sa 1998.

Isang Kaibigan na Nagtatagal

Sa Alemanya, 9 sa 10 katao ang nagsasabi na sila’y may matatagal na kaibigan, ang ulat ng Nassauische Neue Prēsse. Isiniwalat ito ng isang surbey na isinagawa ng Society for Empirical Scientific Social Research, na nagtanong sa mahigit na 1,000 katao sa pagitan ng 16 at 60 taóng gulang. Ang komunikasyon at ang katapatan ay itinuturing na napakahalaga sa mga salik sa isang nagtatagal na pagkakaibigan. Halos lahat ng kinapanayam ay sumang-ayon na ang kawalang-katapatan at pagtataksil ang tiyak na nagwawakas ng gayong pagkakaibigan. “Tanging 16 na porsiyento ang umaasang pahihiramin [sila] ng salapi ng isang mabuting kaibigan sa gipit na kalagayan,” ayon sa pahayagan. Sa kabilang dako naman, itinuturing ng isang malaking porsiyento na napakahalaga ng suporta ng isang kaibigan sa panahon ng karamdaman.

Kumain ng Prutas Araw-araw

Iniuugnay ang pagkain ng prutas araw-araw sa pagbaba ng panganib na magkasakit sa puso, ayon sa 17-taóng pagsusuri sa 11,000 katao, na inilathala sa British Medical Journal. Kabilang sa mga sinuri na kumakain ng prutas araw-araw, mas kakaunti ng 24 na porsiyento ang namamatay dahil sa atake sa puso at mas kakaunti ng 32 porsiyento ang namamatay dahil sa atake serebral. Sa mga kumakain ng prutas araw-araw, mas kaunti ng 21 porsiyento ang namamatay kung ihahambing sa mga taong hindi gaanong kumakain ng prutas. Ang pagkain na kulang sa prutas ay maaaring maging sanhi ng pagdami ng mga sakit sa vascular gaya ng atake serebral at sakit sa puso sa ilang populasyon, ang sabi ng pangkat ng mga siyentipiko sa Britanya at Espanya. Para sa higit na kapakinabangan ng kalusugan, iminumungkahi ngayon ng mga mananaliksik ang di-kukulangin sa limang ulit na pagkain ng gulay at prutas sa isang araw. Kung walang sariwang mga prutas at gulay, kung gayon ang mga prutas at gulay na pinagyelo ay makapaglalaan din ng gayong mga pakinabang, ayon sa British Medical Journal.

Pangangalaga sa mga Pasyenteng may Diperensiya sa Isip

“Ang mainit na lugaw, banayad na musika at kapaligiran na maingat ang pagkakadisenyo ay hindi malalaking tuklas sa larangan ng medisina, subalit ang mga ito’y nagpapabago sa pangangalaga sa mga matatanda na,” ang sabi ng The Globe and Mail ng Canada. Ang pagsasagawa ng simple at hindi magastos na mga pagbabago sa paraan ng pagpapaligo at pagpapakain sa mga pasyente ay nakatutulong upang mabawasan ang kanilang kalituhan at kabalisahan. Bilang halimbawa, sinabi ng ulat na ang magkahiwalay na paghahain ng bawat uri ng pagkain kung oras ng pagkain ay nagpapaginhawa sa pangangailangang magpasiya ng pasyente sa kung ano ang dapat munang kainin, na malimit na nakalilito sa isang taong may diperensiya sa isip. Ang pagiging handa na sumubok ng bagong mga pamamaraan ay nagbunga pa nga ng malaking pagbawas sa paggamit ng mga gamot na nagpapabago ng kondisyon ng katawan ng mga pasyente.

Higit na Mapanganib Kaysa Paninigarilyo?

Ayon sa Statistics Canada, “ang palaupong istilo ng buhay ay dalawang ulit na nagsasapanganib sa kalusugan kaysa paninigarilyo,” ang ulat ng The Medical Post. Bagaman ang halos pitong milyong taga-Canada ay malamang na makaranas ng malulubhang problema sa kalusugan at maagang pagkamatay dahil sa paninigarilyo, gayunding panganib sa kalusugan ang makakaharap ng mga nasa pagitan ng 14 milyon at 17 milyon bilang resulta ng kawalan ng ehersisyo. Ang kawalan ng panahon, lakas, at pangganyak ay binanggit na pangunahing mga salik na humahadlang sa regular na ehersisyo. Ang mga taong laging nakaupo ay mas malamang na kumakain ng mas maraming taba at hindi gaanong kumakain ng prutas at gulay. “Ang kasalukuyang tunguhin para sa mabuting mga pakinabang sa puso ay pag-ehersisyuhin ang mga tao kahit tuwing ikalawang araw man lamang ng humigit-kumulang 30 minuto sa katamtaman o nang mas mabigat-bigat,” ang sabi ng Post.

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share