Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • g97 5/22 p. 4-7
  • Ano Na ang Nangyari sa Libangan?

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Ano Na ang Nangyari sa Libangan?
  • Gumising!—1997
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Ang Pangangailangan Para Mag-ingat
  • TV—Ang “Tusong Tagapagturo”
    Gumising!—2006
  • Nahuhumaling sa Karahasan
    Gumising!—2012
  • Binago Ka ba ng Telebisyon?
    Gumising!—1991
  • Kung Paano Mapananatili ang Isang Malusog na Pangmalas
    Gumising!—1999
Iba Pa
Gumising!—1997
g97 5/22 p. 4-7

Ano Na ang Nangyari sa Libangan?

PAANO nga maaaring malasin ng sinaunang mga Romano, na ipinalalagay na nasa rurok ng kanilang kultura, ang paghihirap ng mga kapuwa tao bilang libangan? “Maipaliliwanag lamang ito ng masidhing paghahangad para sa bago at mas malakas na mga pampasigla,” sulat ni Gerhard Uhlhorn sa The Conflict of Christianity With Heathenism. “Palibhasa’y sawa na sa lahat ng posibleng mga kasiyahan, hinanap ng mga tao . . . ang katuwaan na hindi nila masumpungan sa ibang dako.”

Maraming tao ngayon ang nagpapamalas ng katulad na “masidhing paghahangad para sa bago at mas malakas na pampasigla.” Ipagpalagay na, maaaring hindi sila nagtitipon upang panoorin ang tunay sa buhay na pagpapatayan o kahalayan. Subalit isinisiwalat ng kanilang napiling libangan ang katulad na masidhing pagnanais sa karahasan at sekso. Isaalang-alang ang ilang halimbawa.

Mga Pelikula. Ipinakita ng mga gumagawa ng pelikula nitong nakalipas na mga taon ang “higit na pagkakagusto sa kung ano ang lisya,” giit ng kritiko sa pelikula na si Michael Medved. “Ang mensahe sa larangan ng pelikula,” sabi pa niya, “ay wari ba na ang mga paglalarawan ng kalupitan at kabaliwan ay dapat na higit na seryosong isaalang-alang, bigyan ng higit na pansin, kaysa anumang pagsisikap na ihatid ang mensahe ng kadakilaan o kabutihan.”

Dahil sa kompetisyon sa telebisyon ang mga gumagawa ng pelikula ay napilitang gawin ang lahat ng magagawa upang akitin ang mga tao sa mga sinehan. “Kailangan natin ang mga pelikulang malakas ang dating sa kanila, na malupit, na naiiba sa lahat ng programang nakikita ng mga tao sa TV,” sabi ng tagapangulo ng isang istudyo ng pelikula. “Hindi naman kami talaga nakatalaga sa pagpapalabas ng madugong mga eksena at [napakalaswang] pananalita, ngunit iyan ang kailangan ngayon upang ipalabas ang isang pelikula.” Tunay, marami ang hindi na nasisindak kahit sa pinakamarahas na pelikula. “Ang mga tao ay nagiging manhid na sa mga epekto nito,” sabi ng direktor sa pelikula na si Alan J. Pakula. “Ang dami ng namamatay ay tumaas ng apat na ulit, ang lakas ng pagsabog ay lubhang tumindi, at bale-wala na ito sa kanila. Nagkaroon sila ng pagnanais sa kalupitan.”

Telebisyon. Karaniwan ngayon ang maliwanag na paglalarawan ng sekso sa TV sa maraming bahagi ng daigdig, pati na sa Brazil, Europa, at Hapon. Ang karaniwang manonood ng TV sa Amerika ay nakapapanood ng mga 14,000 paglalarawan o pagtalakay tungkol sa seksuwal na paggawi sa loob ng isang taon. “Ang pagdami ng seksuwal na mga tema at pagiging detalyado nito ay hindi nagpapakita ng tanda ng paghupa,” ulat ng isang pangkat ng mananaliksik. “Ang dating bawal na mga paksang gaya ng insesto, sadomasokismo, at pagsiping sa hayop ay malakas kumitang palabas sa mga oras na pinakamarami ang nanonood.”

Ayon sa aklat na Watching America, may dahilan para sa pagiging maluwag sa programa sa telebisyon. Sabi nito: “Mabili ang sekso. . . . Habang natutuklasan ng mga network at mga kompanyang gumagawa ng mga programa sa telebisyon na mas maraming manonood ang kanilang nakikiliti kaysa kanilang napagagalit, unti-unti nilang dinagdagan ang potensiyal na benta ng kanilang produkto sa pamamagitan ng pagpapahintulot na labagin ang parami nang paraming bawal na mga bagay sa mas detalyadong paraan higit kailanman.”

Mga Laro sa Video. Ang medyo inosenteng panahon ng Pac-Man at Donkey Kong ay nagbigay-daan sa isang bagong panahon ng nakapangingilabot na sadistikong mga laro. Inilalarawan ni Propesor Marsha Kinder ang mga larong ito na “masahol pa sa TV o sa pelikula.” Inihahatid ng mga ito “ang mensahe na ang tanging paraan upang magkaroon ng kapangyarihan ay sa pamamagitan ng karahasan.”

Dahil sa pagkabahala ng publiko, isang nangungunang pagawaan sa Estados Unidos ang gumagamit ngayon ng isang sistema ng pag-uuri sa mga larong video nito. Ang isang “MA-17” na tatak​—na nagpapahiwatig na ang “maygulang” na laro ay hindi angkop sa mga wala pang 17 anyos​—ay maaaring may kasamang matinding karahasan, seksuwal na mga tema, at kalapastanganan. Subalit, ikinatatakot ng ilan na ang “maygulang” na pag-uuri ay makadaragdag lamang sa pang-akit ng laro. “Kung ako ay 15 at nakita ko ang isang MA-17 na tatak,” sabi ng isang kabataang mahilig sa laro, “gagawin ko ang lahat ng magagawa ko upang makuha ang larong iyon.”

Musika. Isang magasin na sumusuri sa nilalaman ng popular na musika ay nagsasabing sa pagtatapos ng 1995, mga 10 lamang sa 40 nangungunang album ang walang kalapastanganan o pagtukoy sa droga, karahasan, o sekso. “Ang musikang nakukuha ng mga kabataan ay nakagigitla, marami rito ang tahasang nagbabadya ng nihilismong pangmalas,” ulat ng St. Louis Post-Dispatch. “Ang [musika] na kaakit-akit sa ilang nasa kasibulan ay puno ng galit at kawalan ng pag-asa at pumupukaw ng mga damdamin na ang daigdig at ang nakikinig ay tiyak na mapapahamak.”

Ang mga tugtuging “death metal,” “grunge” rock, at “gangsta” rap ay waring lumuluwalhati sa karahasan. At ayon sa ulat ng San Francisco Chronicle, “marami sa industriya ng libangan ang humuhula na ang lubhang nakatatakot na mga grupo ay patungo na sa tagumpay at katanyagan.” Ang mga awit na pumupuri sa galit at kamatayan ay naging popular ngayon sa Australia, Europa, at Hapon. Totoo, sinisikap ng ilang banda na gumawa ng mas kaayaayang mensahe. Gayunman, ganito ang sabi ng Chronicle: “Ipinakikita ng ebidensiya na hindi gaanong mabili ang inosenteng musika.”

Mga Computer. Mahalagang mga kasangkapan ito na may maraming positibong gamit. Subalit, ito man ay ginamit ng ilan upang mamahagi ng mahalay na materyal. Halimbawa, ang magasing Maclean’s ay nag-uulat na kabilang dito ang “mga larawan at teksto tungkol sa lahat ng bagay mula sa kakatwang obsesyon hanggang sa prostitusyon hanggang sa pedopilya​—materyal na makagigitla sa maraming nasa hustong gulang, ano pa kaya sa kanilang mga anak.”

Mga Babasahin. Maraming popular na aklat ang nag-uumapaw sa sekso at karahasan. Nauso kamakailan sa Estados Unidos at Canada ang tinatawag na “shock fiction”​—nakapangingilabot na mga kuwentong horror na pumupuntirya sa mga kabataan na kasimbata ng walong taon. Sinasabi ni Diana West, na sumusulat sa New York Teacher, na ang mga aklat na ito ay “gumagawa sa mga musmos na maging walang pakiramdam, sinusugpo ang paglaki ng kakayahan ng isip bago pa man ito magsimula.”

Maraming komiks na inilathala sa Hong Kong, Hapon, at Estados Unidos ang nagtatampok ng “matindi at malupit na mga tema tungkol sa digmaan, kanibalismo, pagpugot ng ulo, satanismo, panghahalay, at kalapastanganan,” ulat ng isang pagsusuri ng National Coalition on Television Violence (NCTV). “Nakagigitla ang tindi ng karahasan at nakasasamang materyal tungkol sa sekso sa mga magasing ito,” sabi ni Dr. Thomas Radecki, direktor ng pananaliksik sa NCTV. “Ipinakikita nito kung gaano natin hinayaan ang ating mga sarili na maging walang pakiramdam.”

Ang Pangangailangan Para Mag-ingat

Maliwanag, may pagkahalina sa sekso at karahasan sa daigdig ngayon, at ito’y ipinababanaag sa industriya ng libangan. Ang kalagayan ay katulad niyaong inilarawan ng Kristiyanong si apostol Pablo: “Palibhasa’y nawalan ng lahat ng pakiramdam sa kabutihang-asal, ibinigay nila ang kanilang mga sarili sa mahalay na paggawi upang gumawa ng bawat uri ng kawalang-kalinisan na may kasakiman.” (Efeso 4:19) Taglay ang mabuting dahilan, marami ngayon ang naghahanap ng mas mabuting bagay. Gayon ka ba? Kung gayon, magagalak kang malaman na makasusumpong ka ng kapaki-pakinabang na libangan, gaya ng ipakikita ng susunod na artikulo.

[Kahon/Larawan sa pahina 5]

Maaaring Maging Mapanganib ang Telebisyon

ANG telebisyon ay unang lumitaw sa publiko sa Estados Unidos sa world’s fair noong 1939 sa New York. Isang peryodista na naroroon ang nagpahayag ng kaniyang pag-aalinlangan tungkol sa kinabukasan ng bagong kagamitang ito. “Ang problema sa telebisyon,” sulat niya, “ay na kailangang maupo ang mga tao at panatilihing nakatutok ang kanilang mata sa iskrin; walang panahon dito ang karaniwang pamilyang Amerikano.”

Maling-mali siya! Oo, sinasabing sa panahong ang karaniwang Amerikano ay magtapos sa paaralan, siya’y nakagugol ng 50 porsiyentong higit na panahon sa harap ng isang TV kaysa sa harap ng isang guro. “Ang mga batang palanood ng telebisyon ay mas agresibo, mas pesimistiko, mas mataba, at hindi gaanong gumagamit ng imahinasyon, hindi gaanong madamayin, at walang gaanong kakayahang mga estudyante kaysa mga estudyanteng hindi gaanong nanonood ng TV,” sabi ni Dr. Madeline Levine sa kaniyang aklat na Viewing Violence.

Ang payo niya? “Kailangang turuan ang mga bata na ang telebisyon, gaya ng lahat ng kagamitan sa bahay, ay may espesipikong gawain. Hindi natin iniiwang umaandar ang hair dryer minsang matuyo na ang ating buhok, o ang toaster minsang natusta na ang tinapay. Kinikilala natin ang espesipikong mga gamit ng mga kagamitang ito at alam natin kung kailan papatayin ang mga ito. Sa katulad na paraan ang ating mga anak ay kailangang maturuan tungkol sa telebisyon.”

[Kahon/Mga larawan sa pahina 7]

Libangan sa Palibot ng Daigdig

Tinanong ng Gumising! ang mga kabalitaan nito mula sa iba’t ibang bahagi ng daigdig upang ilarawan ang mga usong libangan sa kanilang lugar. Ang sumusunod ay ilan sa kanilang mga komento.

Brazil: “Pasama nang pasama ang mga programa sa TV. Subalit, dahil sa maraming magulang ang nagtatrabaho sa labas ng bahay, kadalasang nililibang ng mga bata ang kanilang sarili sa pamamagitan ng TV. Popular ang mga CD-​ROM na nagtatampok ng mga tema tungkol sa okulto at mga laro sa video na nagtatampok ng karahasan.”

Czech Republic: “Mula nang bumagsak ang Komunismo, ang bansa ay binaha ng libangan na hindi pa kailanman nakita rito noon, kalakip ang mga programa sa TV mula sa Kanluran at mga tindahan ng pornograpya. Ang mga kabataan ay malimit na nagtutungo sa mga disco, bilyaran, at mga dakong inuman. Kalimitang malakas ang impluwensiya sa kanila ng magarang pag-aanunsiyo at panggigipit ng kasama.”

Alemanya: “Nakalulungkot nga, maraming magulang ang pagod na pagod na upang magsaayos ng libangan para sa kanilang mga anak, kaya naman ang mga kabataan ay madalas na dumedepende sa isa’t isa upang magkatuwaan. Ibinubukod ng ilan ang kanilang sarili sa paglalaro ng mga laro sa computer. Ang iba naman ay dumadalo sa magdamag na sayawan na tinatawag na raves, kung saan palasak ang droga.”

Hapon: “Ang mga komiks ang paboritong libangan para sa mga kabataan at mga nasa hustong gulang, subalit ang mga ito ay kadalasang puno ng karahasan, imoralidad, at masamang pananalita. Karaniwan din ang pagsusugal. Ang isa pang nakababahalang kausuhan ay ang pagtawag sa telepono ng ilang kabataang babae sa malawakang iniaanunsiyong mga samahan sa telepono na nag-uugnay sa kanila sa mga lalaking may imoral na mga layunin. Ang ilan ay tumatawag sa telepono para lamang sa katuwaan, samantalang ang iba ay humahantong sa pakikipag-date na may bayad, na sa ilang kaso ay humahantong sa prostitusyon.”

Nigeria: “Kumakalat sa Kanlurang Aprika ang mga di-napangangasiwaang sinehan na nagpapalabas ng video. Ang pansamantalang mga kubong ito ay bukas sa mga tao ng lahat ng edad, pati na sa mga bata. Ang mga video tungkol sa pornograpya at horror ang laging ipinalalabas. Bukod pa riyan, ang mga pelikulang lokal na ginawa na ipinalalabas sa TV ay karaniwang nagtatampok ng espiritismo.”

Timog Aprika: “Ang magdamag na sayawan ay nauuso rito, at kadalasang madaling makuha rito ang mga droga.”

Sweden: “Ang mga dakong inuman at mga nightclub ay matagumpay sa Sweden, at kadalasang pinupuntahan ng mga kriminal at ng mga ilegal na nagbebenta ng droga ang mga lugar na ito. Ang libangan sa pamamagitan ng telebisyon at video ay puno ng karahasan, espiritismo, at imoralidad.”

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share