Pag-aalaga ng Pukyutan—Isang “Matamis” na Kuwento
Ng kabalitaan ng Gumising! sa Gresya
UNTI-UNTING isinasabog ng pagbubukang-liwayway ang mapusyaw na liwanag nito sa kalangitan. Sa gitna ng lamig at ambon ng madaling-araw, dahan-dahang huminto ang isang trak sa tabi ng daan sa paanan ng bundok. Dalawang tao na di-gaanong maaninag ang lumabas—nakasuot ng guwantes, bota, overall na koton, at sumbrerong may lambong at malapad na pardiyas. Sa maingat subalit masiglang kilos, kanilang isinakay ang maraming kahong kahoy sa trak. Dalawa ba itong magnanakaw na may kadaliang nagnanakaw? Hindi, ito’y dalawang tagapag-alaga ng pukyutan na pinangangalagaan ang kanilang napakaraming mahahalagang pukyutan—handa nang maglakbay, patungo sa isa pang destinasyon kung saan may mga halamang gumagawa ng nektar.
Ang mga tagapag-alaga ng pukyutan ay pantanging uri ng mga tao, na ipinagmamalaki ang kanilang malapit na kaugnayan sa pantanging uri ng insekto. Sa isang dako, nariyan ang mga pukyutan, marahil ang pinakamahalaga sa ekonomiya sa lahat ng insekto, na gumagawa ng pulot-pukyutan at pagkit at naglilipat ng polen sa napakaraming iba’t ibang uri ng tanim. Sa kabilang dako naman, may mga tao na ikinabubuhay ang pag-aalaga ng mga pukyutan at kasabay nito ay nagmamahal sa mumunting kinapal na ito at “nakauunawa kung ano ang mga ito,” ang sabi ng isa sa kanila.
Isang Tagapag-alaga ng “Araw-araw na mga Himala”
Ang pagiging isang tagapag-alaga ng pukyutan ay waring napakadali: Kumuha ng ilang bahay-pukyutan na punung-puno ng kuyog ng pukyutan, ilagay ang mga ito sa isang lugar na gumagawa ng nektar, at bumalik pagkalipas ng ilang buwan upang mag-ani. Subalit hindi ganito ang mga bagay-bagay. Upang matuklasan kung ano talaga ang nasasangkot, kinapanayam namin sina John at Maria, dalubhasang mga tagapag-alaga ng pukyutan, na masayang nagsalaysay sa amin tungkol sa kanilang minamahal na trabaho.
“Ang pag-aalaga ng pukyutan ay isang pagsasanay sa araw-araw na mga himala,” ang sabi ni John habang siya’y nakahilig sa isang bukas na bahay-pukyutan. “Hanggang sa ngayon, walang sinuman ang talagang nakauunawa sa mataas na kayarian ng buhay komunidad, ng masulong na kakayahan sa komunikasyon, at ng matalinong pag-uugali sa trabaho ng pukyutan.”
Sa pagtalunton sa kasaysayan ng dalubhasang tagapag-alaga ng pukyutan, nabanggit ni John na noon ay inaani ng mga tagapag-alaga ng pukyutan ang pulot-pukyutan sa pamamagitan ng pagpatay sa mga kuyog ng pukyutan, na nakatira sa hungkag na mga puno at iba pang mga butas. Gayunman, noong 1851, natuklasan ni Lorenzo Lorraine Langstroth, isang Amerikanong tagapag-alaga ng pukyutan, na nag-iiwan ang mga pukyutan ng lugar na halos sangkapat ng isang pulgada sa pagitan ng mga saray. Kaya, ang gawang-tao na kahoy na mga bahay-pukyutan na may katulad na lugar sa pagitan ng mga balangkas ng saray ay magagamit. Naging posible ngayon ang pag-aalis ng indibiduwal na mga balangkas mula sa bahay-pukyutan at pag-aani ng pulot-pukyutan at pagkit nang hindi pinapatay ang kuyog.
“Para sa matagumpay na pag-aalaga ng pukyutan,” ang patuloy ni John, “kailangang magkaroon ka ng matinding pagmamahal sa iyong kuyog ng mga pukyutan. Para kang isang ama sa iyong mga pukyutan, at naniniwala ako na alam nila ito at tinutugon naman ito. Ikaw rin ay nagiging doktor nila, tagapag-alaga nila, tagapagpakain nila sa mahihirap na panahon ng taglamig.”
Ang sabi pa ni Maria: “Maraming masasabi ang isang mahusay na tagapag-alaga ng pukyutan sa pamamagitan ng pagsulyap lamang sa bahay-pukyutan, na karaniwang naglalaman sa pagitan ng 8 libo hanggang 80 libong pukyutan. Kung ikaw ay bihasa, kapag binuksan mo ang bahay-pukyutan, ang tunog lamang ng hugong ay magsasabi sa iyo na ang kuyog ay dumarami, mabunga, at ‘masaya’; kung ito’y gutom; kung ito’y ‘ulila’ sapagkat namatay ang reynang pukyutan; kung ito’y naliligalig ng isang bagay na di-kaayaaya; at maraming-marami pa.”
Mahahalagang Salik sa Matagumpay na Pag-aalaga ng Pukyutan
“Ang maingat na pagpili ng lugar kung saan ilalagay ng isang tagapag-alaga ng pukyutan ang kaniyang bahay-pukyutan ay mahalaga,” ang paliwanag ni John. “Pinaghihirapan naming mabuti ang paghahanap ng mga taniman ng bulaklak kung saan makasusumpong ng pagkain ang mga pukyutan.
“Hinahanap ng tagapag-alaga ng pukyutan ang mga bulaklak ng dalandan at basswood para gawing abala ang kaniyang mga kuyog. Kung panahon ng tag-init at taglagas, ang isang lugar na puno ng punong pino at fir ay makatutulong sa pagkakaroon ng mabuting kalidad na pulot-pukyutan na may malinaw na mamula-mulang kulay, na mabili sa mga pamilihan. Ang mga kaparangan na may mga bulaklak ng ligaw na thyme ay makagagawa ng pinakamabuting uri ng pulot-pukyutan—ang hari ng pulot-pukyutan, gaya ng tawag dito ng mga tagapag-alaga ng pukyutan. Ang mga pukyutan ay nanginginain din sa white clover, yellow sweet clover, at alfalfa.”
Ang sentido kumon ay pinakamahalaga. Ganito ang paliwanag ni Maria: “Kapag inilalagay namin ang mga bahay-pukyutan sa mabundok na mga lugar, makabubuting ilagay ang mga ito nang malapit sa paanan ng bundok. Sa gayon ang mga pukyutan ay makalilipad sa itaas, makadadalaw sa mga puno na namumutiktik sa bulaklak, at pagkatapos—punung-puno ng nektar—ay mas madaling makalilipad, pababa pabalik sa kanilang mga bahay-pukyutan. Kung ang mga bahay-pukyutan ay nasa dalisdis sa itaas ng mga puno, makapapagod ito sa mga pukyutan at totoong maaapektuhan ang produksiyon ng kuyog.”
“Nauunawaan ng bawat tagapag-alaga ng pukyutan ang mahalagang papel na ginagampanan ng reyna para sa kapakanan at pagiging mabunga ng kuyog,” ang sabi ni John habang maingat niyang tangan ang isa sa mga balangkas ng bahay-pukyutan na may bata pang reyna na nasa sentro nito. “Sa mga bahay-pukyutan na nakagagawa ng kakaunting langkay at pulot-pukyutan, ang reyna ay kailangang patayin at palitan. Ang mga kuyog na may bata pang mga reyna ang gumagawa ng pinakamaraming pulot-pukyutan. Gayundin, kapag ibig naming gumawa ng bagong mga kuyog, kumukuha kami ng magandang dobleng bahay-pukyutan na namumutiktik sa mga pukyutan at inihihiwalay namin ang itaas at ibabang mga kahon. Ang kalahati nito ang kinalalagyan ng reyna, kaya inilagay namin ang bata pa, sinipingang reyna sa isa pang hati nito. Sa panahong mamukadkad ang mga bulaklak, ang bagong reyna ay mangingitlog, anupat pupunuin ang bahay-pukyutan ng batang mga manggagawang pukyutan.”
Gaano katagal nabubuhay ang isang pukyutan? Sinabi sa amin na ang haba ng buhay ng manggagawang pukyutan ay depende sa kasipagan nito. Kung tag-araw, kapag ang isang pukyutan ay nangunguha ng pagkain sa mga bulaklak sa loob ng halos 15 oras sa isang araw at lumilipad sa bilis na mga 21 kilometro sa bawat oras, ito’y nabubuhay lamang ng anim na linggo. Ang panahon ng taglamig ay hindi gaanong nakapapagod para sa mga pukyutan, yamang ang mga ito’y dalawa o tatlong oras lamang nagtatrabaho sa isang araw, at sa gayon ang mga ito’y maaaring mabuhay ng ilang buwan.
Iba’t Ibang Produkto
Ang unang bagay na pumapasok sa isipan kapag pinag-usapan natin ang pag-aalaga ng pukyutan ay, mangyari pa, ang pulot-pukyutan. Ang matamis, malagkit na likidong ito ay nektar na ginawa ng mga manggagawang pukyutan. Sa katamtaman, ang isang komersiyal na bahay-pukyutan ay makagagawa ng 29 na kilo sa isang taon. Ang pagkit ay isa pang mahalagang kakambal na produkto ng gawain ng pukyutan. Ang bahay-pukyutan ay magagamit sa loob ng halos lima hanggang anim na taon. Sa panahong iyon, ang kulay nito ay umitim dahil sa iba’t ibang mikrobyo at mga parasito na tumitira rito at kailangang palitan na. Ang itinapon nang mga bahay-pukyutan ay pinoproseso para sa kanilang pagkit. Ang katamtamang komersiyal na produksiyon ay 9 hanggang 18 kilo ng pagkit para sa bawat tonelada ng inaaning pulot-pukyutan.
Ang polen—na siyang pangunahing pinagkukunan ng protina, bitamina, mineral, at taba para sa paglaki ng reyna, manggagawa, at lalaking pukyutan—ay pinupuri rin ng ilang tao bilang mabuting natural na gamot para sa maraming sakit sa katawan. Ang isang bahay-pukyutan ay makapagbibigay ng halos limang kilo nito sa isang taon. Ang propolis ay isang bagay na ginagamit ng pukyutan para sa insulasyon ng kanilang bahay-pukyutan at upang kulungin ang anumang pumapasok nang walang pahintulot na napakalaki para alisin.
Tuwiran o di-tuwiran, ang paggawa ng halos sangkapat ng pagkain na ating kinakain ay nakasalig sa kakayahan ng pukyutan na maglipat ng polen sa mga tanim. Ang mga mansanas, almendras, pakwan, plum, peras, pipino, at iba pang uri ng mga berry ay pawang dumedepende sa mga pukyutan para sa polinasyon. Gayundin ang iba’t ibang binhi ng tanim, kasama na ang karot, sibuyas, at maging ang mga sunflower. Ang karne at mga produkto ng gatas ay naaapektuhan din ng mga pukyutan, na naglilipat ng polen sa alfalfa na nagiging pagkain ng hayupan.
“Likas na May Kapantasan”
“Sa palagay ko ang karamihan ng mga tagapag-alaga ng pukyutan ay naniniwala sa Diyos,” ang sabi ni Maria, na nagpaalaala sa amin ng ating kawalang-kakayahan na ipaliwanag ang masalimuot na panlipunang kayarian ng pukyutan, ang kanilang kahanga-hangang pagbuo ng masalimuot na buhay komunidad, at ang kanilang kamangha-manghang mga kakayahan sa pakikibagay at komunikasyon. Talagang ipalalagay ng maraming taong nagsusuri at nag-aalaga ng mga pukyutan ang lahat ng ito sa bagay na ang mga pukyutan ay “likas na may kapantasan,” ang gayong likas na kakayahan ay lubusang ipinagkaloob sa kanila ng ating Dakilang Maylalang, ang Diyos na Jehova.—Ihambing ang Kawikaan 30:24.
[Kahon/Mga larawan sa pahina 26]
Mula sa Bulaklak Tungo sa Iyong Mesa
1 Ang pukyutan sa parang ay dumadalaw sa bulaklak at nangongolekta ng nektar
Habang dumadalaw ang mga ito sa mga bulaklak, ang mga pukyutan ay nangongolekta ng nektar sa kanilang honey sac (lalagyan ng pulot-pukyutan), na siyang pinalaking lalamunan nila. Upang mapuno ang lalagyang ito, ang pukyutan ay kailangang gumawa sa pagitan ng 1,000 at 1,500 pagdalaw sa bawat maliliit na bulaklak
2 Pagbalik sa bahay-pukyutan, ang nektar ay iniimbak sa saray
Pagpasok sa bahay-pukyutan, isinasalin ng pukyutan sa parang ang laman ng lalagyan nito ng pulut-pukyutan sa bibig ng batang manggagawang pukyutan. Pagkatapos ay ilalagay ng manggagawang pukyutan ang nektar sa isang silid at gagawin ang kinakailangang atas upang gawing pulot-pukyutan ang nektar
3 Inaani ng tagapag-alaga ng pukyutan ang bahay-pukyutan
Taglay ang pinainit na talim, aalisin niya ang pagkit na bumabalot sa silid sa loob ng bawat balangkas. Pagkatapos ay ilalagay niya ang mga balangkas sa isang makinang pumipiga, na siyang mag-aalis ng pulot-pukyutan sa papalabas na paraan
4 Ang pulot-pukyutan ay iniimpake sa mga garapon o indibiduwal na lalagyan
Ang mga marka sa mga garapon ng pulot-pukyutan ang nagsasabi kung anong halaman ang pinagkunan ng mga pukyutan. Kung ang garapon ay malinaw, maaari mong masuri ang kalidad sa pamamagitan ng kulay ng pulot-pukyutan
5 Ang pulot-pukyutan ay mabuti para sa iyong kalusugan!
Ang pulot-pukyutan ay madaling natatanggap ng sistema ng katawan at madaling gawing enerhiya. Ipinakikita ng mga ulat na ito’y magagamit sa paggamot ng mga paso at iba’t ibang uri ng sugat