Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • g97 6/8 p. 21-26
  • Singapore—Ang Pumusyaw na Hiyas ng Asia

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Singapore—Ang Pumusyaw na Hiyas ng Asia
  • Gumising!—1997
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Isang Modernong Lunsod-Estado
  • Ginarantiyahan ang Kalayaan ng Relihiyon
  • Ipinagbawal ang mga Saksi ni Jehova
  • Di-maikubling Pagsawata
  • Panawagan Para sa Pagkilos
  • Nakabilanggo Dahil sa Kanilang Pananampalataya—Singapore
    Nakabilanggo Dahil sa Kanilang Pananampalataya
  • Masaya Kong Ginugol ang Aking Buhay sa Paggawa ng Kalooban ng Diyos
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—2008
  • “Narito Ako! Suguin Mo Ako”
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1993
  • “Ako’y Disididong Mamatay Para sa Emperador”
    Gumising!—1992
Iba Pa
Gumising!—1997
g97 6/8 p. 21-26

Singapore​—Ang Pumusyaw na Hiyas ng Asia

BANG! Sa paraang nagbabanta, isinara nang malakas ang mabibigat na pintuang bakal ng Changi Women’s Prison ng Singapore sa isang 71-taóng-gulang na balo, isang Kristiyano. Bilang isa sa mga Saksi ni Jehova, sinikap niyang ipaliwanag ang kaniyang paninindigan sa nanunungkulang hukom: “Hindi ako banta sa pamahalaang ito.”

Bang! Kasunod niya ang isang 72-taóng-gulang na lola, isa pang Kristiyano. Ang paglabag niya? Pagmamay-ari ng apat na publikasyon sa Bibliya ng Samahang Watch Tower, kasali na ang kaniyang personal na kopya ng mismong Banal na Bibliya.

Lahat-lahat, 64 na mamamayan ng Singapore, na ang edad ay mula 16 hanggang 72, ang inaresto at hinatulan. Dahil sa simulain ay apatnapu’t pito ang tumangging magmulta at ibinilanggo sa iba’t ibang panahon mula isa hanggang apat na linggo. Paano nangyari ang ganito sa isang lunsod-estado na inilarawan bilang isa sa pinakamaiinam na lugar upang panirahan sa buong daigdig? Paano nangyari ito sa isang lunsod-estado na napabantog sa daigdig dahil sa katatagan ng ekonomiya, pambihirang pag-unlad, at modernong mga gusali nito gayundin ang pag-aangkin na ito’y mapagparaya sa relihiyon?

Isang Modernong Lunsod-Estado

Una muna, isang maikling kasaysayan. Nagsimula ang modernong-panahong kasaysayan ng Singapore noong 1819 nang dumating si Sir Thomas Stamford Raffles ng Britanya. Si Raffles, na isang kinatawan ng East India Company, ay humahanap ng himpilan para sa operasyon sa Silanganing daigdig. Ipinasiya niyang tingnan ang Singapore. Sa gayon nagsimula ang isang himpilan sa pangangalakal na nagkaroon ng epekto sa pag-unlad ng Silangang Asia hanggang sa ngayon.

Ang Singapore bago ng kasarinlan nito ay inilarawan na isang maruming lunsod. Sa ngayon, walang magsasabing marumi ang Singapore. Ang kabaligtaran ang siyang totoo. Sa nakalipas na 30 taon, ang kabuuan ng lunsod ay halos itinayong muli, na pinanatili hangga’t maaari ang katangian niyaong lumang lunsod alinman sa pamamagitan ng pag-iingat ng harapan ng mga lumang gusali o ibinabagay ang buong makasaysayang mga istraktura sa modernong mga gusali. Ang Singapore ay naging isang mahalagang sentro ng kalakalang pandagat sa Silangan, malimit na dinadaungan ng hanggang 800 barko sa puwerto sa isang panahon. Dahil sa moderno at masalimuot na kasangkapan ay nakapagbababa at nakapaglululan ang isang pagkalaki-laking container ship sa loob lamang ng ilang oras. Ang pinansiyal na sentro ng lunsod ay nagtatakda at nakakakuha ng halaga ng mga gusali at lupa mula sa $60,000 o higit pa bawat metro kudrado.

Ang populasyon na humigit-kumulang 3,400,000 ay binubuo ng sari-saring Tsino, Malay, Indian, Europeo, at iba pa. Kabilang sa mga wikang sinasalita nila ay Mandarin, Malay, Tamil, at Ingles.

Ang 83 kilometro ng nasa itaas- at nasa-ilalim-ng-lupa na mabilis na transportasyon ay nagbibigay sa Singapore ng isa sa pinakamoderno, pinakamahusay na sistema ng transportasyon sa daigdig. Nakakalat sa buong lunsod ang berdeng mga parke, na nasa pagitan ng nagtataasang modernong mga gusali. Isang “dapat makita” ng isang turista sa unang pagkakataon ay ang lubusang inayos na Raffles Hotel, na ngayo’y ipinakikilala bilang isang pambansang bantayog dahil sa pasimula nito noong 1889. Ikalawa ang 52-ektaryang botanical at horticultural center, na ang 4 na ektarya nito ay pinangangalagaang kagubatan, kung saan dating naglipana ang mga tigre.

Ginarantiyahan ang Kalayaan ng Relihiyon

Bilang katapat ng di-mapantayang pagsulong nito sa ekonomiya, nangako ang Singapore ng kalayaan ng relihiyon para sa lahat ng naninirahan dito. Nakalulungkot, hindi tinupad ng Singapore ang pangako nito. Lalo nang totoo ito sa mga taong nakikisama sa kongregasyon ng mga Saksi ni Jehova.

Ang Saligang-Batas ng Republika ng Singapore, sa Artikulo 15(1), ay nagbibigay ng saligang garantiya sa kalayaan ng pagsamba: “Bawat tao ay may karapatang magpahayag at magsagawa ng kaniyang relihiyon at magpalaganap nito.”

Iginagarantiya naman ng Artikulo 15(3) ng Saligang-Batas: “Bawat relihiyosong grupo ay may karapatang​—

(a) mangasiwa sa relihiyosong mga gawain nito;

(b) magtatag at magpanatili ng mga institusyon para sa relihiyoso o mapagkawanggawang layunin; at

(c) magtamo at magmay-ari ng mga pag-aari at okupahan at pangasiwaan ito alinsunod sa batas.”

Sing-aga ng 1936, ang mga Saksi ni Jehova ay bahagi na ng pamayanan ng Singapore. Maraming taon na silang nagdaraos ng regular na mga pagpupulong ng kongregasyon sa kanilang sariling Kingdom Hall na nasa 8 Exeter Road, katapat lamang ng isang mataong pamilihan. Lumaki ang kongregasyon, at kasabay nito ay nakatulong sa katatagan ng buhay pampamayanan.

Ipinagbawal ang mga Saksi ni Jehova

Nagbago ang lahat ng ito noong Enero 12, 1972. Ang isang utos ng pagpapaalis ay ipinalabas sa ilalim ng Batas ng Pamahalaan sa Pagpapatapon, kabanata 109, na nag-uutos sa Kristiyanong misyonerong si Norman David Bellotti at sa kaniyang asawa, si Gladys, na 23-taóng mga residente ng Singapore, na lisanin ang bansa. Ito ay agad na sinundan ng isang utos na nagpapawalang-bisa sa pagkakarehistro ng Singapore Congregation of Jehovah’s Witnesses. Sa loob lamang ng ilang oras ang Kingdom Hall ay sinamsam ng pulisya na sapilitang pumasok sa pintuan sa harap. Halos karaka-raka ay sumunod ang isang opisyal na pagbabawal sa lahat ng literatura ng Samahang Watch Tower. Sa gayon nagsimula ang isang yugto ng pagsawata sa mga Saksi ni Jehova.

Kasunod nito ay ipinagbili ng pamahalaan ang Kingdom Hall bilang bahagi ng kanilang kusang pagkilos, lahat ng ito nang walang paunang abiso​—walang pagdinig, walang paglilitis, walang pagkakataong tumugon.

Paulit-ulit na binanggit ng pamahalaan ng Singapore ang hindi pakikibahagi ng mga Saksi ni Jehova sa serbisyo militar bilang legal na dahilan sa ganap na pagbabawal. Nito lamang Disyembre 29, 1995, ganito ang sabi ni G. K. Kesavapany, permanenteng kinatawan ng Singapore sa Nagkakaisang mga Bansa sa Geneva, sa isang liham kay H. E. Ibrahim Fall, Katulong na Kalihim-Panlahat para sa mga Karapatang Pantao, ng Nagkakaisang mga Bansa sa Geneva:

“Ang pagbabawal ng aking Pamahalaan sa kilusan ng mga Saksi ni Jehova ay bunga ng pagsasaalang-alang sa pambansang seguridad. Ang patuloy na pag-iral ng kilusan ay mapanganib sa kapakanan ng publiko at mabuting kaayusan sa Singapore. Isang kinakailangang kaakibat sa pagpapawalang-bisa sa pagkakarehistro ng mga Saksi ni Jehova ay ang pagbabawal sa lahat ng kanilang publikasyon upang ipatupad ang pagbabawal sa kilusan at supilin ang pamamahagi at pagpapalaganap ng kanilang mga paniniwala.”

Hinggil sa protesta tungkol sa panganib sa pambansang seguridad ng Singapore, dapat isaalang-alang na ang bilang ng mga kabataang lalaki na tumatanggi sa serbisyo militar ay humigit-kumulang lima katao bawat taon. Nagmamantini ang Singapore ng isang puwersang militar na binubuo ng mga 300,000. Tinanggihan ng pamahalaan ng Singapore kahit na ang pag-usapan ang tungkol sa serbisyong pambayan para sa kakaunting taong nasasangkot.

Di-maikubling Pagsawata

Pagkalipas ng ilang taon ng walang-katiyakang pagpaparaya, nagsimula ang isang bagong kabanata ng di-maikubling pagsawata sa mga karapatang pantao noong 1992 nang ilang tao ang arestuhin​—pinaratangang nagtataglay ng literaturang ipinagbabawal sa ilalim ng Batas sa Di-Kanais-nais na mga Publikasyon. Ipinadala ng Samahang Watch Tower sa Singapore noong 1994 ang 75-taóng-gulang na si W. Glen How, Q.C., isang abogado at isang Saksi ni Jehova sa buong buhay niya. Ang kaniyang katayuan bilang Abogado ng Reyna ay nagbigay sa kaniya ng pagkilala na siyang nagpahintulot sa kaniya na humarap sa mga hukuman sa Singapore. Dahil sa relihiyosong garantiya ng Saligang-Batas, iniharap ang isang apela sa Mataas na Hukuman ng Singapore, kasali na ang isang hamon sa pagiging legal ng mga pag-aresto at ng pagbabawal noong 1972. Noong Agosto 8, 1994, ang apela ay pinawalang-saysay ni Chief Justice Yong Pung How, ng Mataas na Hukuman ng Singapore. Hindi naging matagumpay ang karagdagang pagsisikap na mag-apela sa pasiya.

Maaga noong 1995 waring ang legal na hamon batay sa Saligang-Batas ng Singapore ay nagbunsod ng higit pang mapaniil na mga hakbang. Sa ilalim ng istilo-militar na planong tinatawag na Operation Hope, ang mga sekreta mula sa Secret Societies Branch ng Criminal Investigation Department ay biglaang sumalakay sa ilang maliliit na grupo ng mga Kristiyanong nagtitipon sa mga pribadong tahanan. Humigit-kumulang na 70 opisyal at katulong na mga tauhan ang nagsagawa ng commando-type na paglusob, anupat nagbunga ng pagkadakip sa 69 katao. Ang lahat ay dinala sa mga interrogation center, ang ilan ay pinagtatanong sa buong magdamag, at lahat ay pinaratangan ng pagdalo sa mga pulong ng mga Saksi ni Jehova at pagtataglay ng mga publikasyon sa Bibliya. Ang ilan ay ikinulong nang hindi maaaring kausapin sa loob ng 18 oras, anupat hindi man lamang maaaring tawagan sa telepono ang kanilang pamilya.

Binawi ang mga paratang laban sa mga banyaga. Ngunit ang 64 na mga mamamayan ng Singapore ay nilitis sa hukuman noong bandang katapusan ng 1995 at maaga noong 1996. Ang lahat ng 64 ay nasumpungang nagkasala. Ang 47, na ang edad ay nasa pagitan ng 16 at 72, ay hindi nagmulta ng libu-libong dolyar at ibinilanggo mula sa isa hanggang sa apat na linggo.

Bago dalhin sa kanilang selda, ang mga lalaki at babae ay hinubaran at kinapkapan sa harap ng ilang tao. Ang ilang babae ay sinabihang iunat ang kanilang bisig, tumingkayad nang limang ulit, at buksan ang kanilang bibig at ilabas ang kanilang dila. Isa sa mga babae ang sinabihang gamitin ang kaniyang mga daliri upang ibuka ang kaniyang puwitan. Sa bilangguan, ang ilan sa mga lalaki ay pinilit na uminom ng tubig mula sa mga inodoro. Ang ilang kabataang babae ay tinratong parang mapanganib na kriminal, ikinulong sa bartolina sa buong sentensiya nila, at kalahati lamang ang ibinigay na rasyon. Kinuha pa man din ng ilang guwardiya sa bilangguan ang Bibliya ng mga Saksi.

Subalit tingnan natin ang ilang komento ng ilan sa mga babaing ibinilanggo. Ang isiniwalat ng kanilang tuwirang ulat ay malayung-malayo sa malinis na mukha ng modernong lunsod na ito.

“Marumi ang selda. Nakapandidiri ang lababo at kubeta. Ang mga ito ay maputik at marumi. Puno ng agiw at alikabok ang ilalim ng bangko na aking inupuan.”

“Pinaghubad ako, at binigyan ng damit pambilangguan, isang habonera (na walang sabon), at isang sipilyo. Sinabihan ako ng ibang bilanggo sa aking selda na ang panandaliang mga bilanggo ay hindi tumatanggap ng toothpaste o toilet paper.”

“Dalawampu kami sa isang selda. Ang kubeta ay yaong tumitingkayad ka na ang dingding ay hanggang baywang. Isa lamang ang dutsa at lababong may gripo sa banyo. Kinailangang anim kaming sabay-sabay na maligo​—lahat kami sa isang selda ay kailangang maligo sa loob lamang ng kalahating oras sa umaga.”

Sa kabila ng mapait na karanasan ng pagkakabilanggo, itinuring ng lahat na isang pribilehiyo ang maglingkod sa Diyos​—kailanman, saanman, at anuman ang kalagayan. Pansinin ang sumusunod na komento ng isang babaing tin-edyer:

“Mula sa sandaling tumuntong ako sa bilangguan, lagi kong ipinaaalaala sa sarili ko ang layunin kung bakit ako naroroon. Nanalangin ako araw-araw kay Jehova na pakinggan niya ang aking panalangin at huwag akong pabayaan. Nadama ko na sinagot niya ang aking panalangin dahil sa ang kaniyang banal na espiritu ang tumulong sa akin na makapagbata. Noon ko lamang natanto ang pagiging malapit ko sa kaniya, at ako’y lubhang pinalakas nito, yamang nalalaman na binabantayan niya kami. Itinuturing kong pribilehiyo na sumailalim sa pagsubok na ito alang-alang sa kaniyang pangalan.”

Agad na nakuha ng mga pahayagan sa buong daigdig ang balitang ito. Ang pangyayari ay paulit-ulit na isinalaysay ng mga pamahayagan sa Australia, Canada, Europa, Hong Kong, Malaysia, Estados Unidos, at iba pang lugar. Binuod ng The Toronto Star, ng Canada ang galit na pinukaw noon sa pamamagitan ng uluhang “Isang Lola ang Nahatulan Dahil sa Pagmamay-ari ng Bibliya.” Di-maikakaila, maraming malulubhang suliranin ang daigdig na nagsasangkot sa makapupong higit na dami ng tao, ngunit sa kasong ito ay iisa ang tanong na ibinangon ng mga nagtatakang tao saanman. “Sa Singapore?”

Mahirap maunawaan kung bakit ang isang relihiyon na kumikilos nang hayagan taglay ang lubusang proteksiyon ng batas sa mahigit na 200 lupain sa buong globo ay nararapat na maging puntirya ng pag-uusig sa Singapore. Lalo pang mahirap na maunawaan ito kapag isinaalang-alang natin na wala nang iba pang relihiyon sa Singapore ang pinakitunguhan nang lubhang di-makatuwiran at hindi alinsunod sa batas.

Sa katunayan, ang katulong na superintendente ng pulisya na nanguna sa lumusob na pangkat sa mga Saksi ni Jehova ay umamin sa hukuman na ito lamang ang pagkakataon na siya at ang kaniyang mga opisyal ay inutusang patigilin ang isang relihiyosong pagpupulong. Ang sumusunod ay sinipi mula sa kopya ng ebidensiya:

T: (Sa testigo) Sa iyong kaalaman ay mayroon na bang anumang di-rehistradong mga grupong relihiyoso, maliban sa mga Saksi ni Jehova ang inimbestigahan at inusig kailanman ng Secret Societies Branch?

S: Sa pagkakaalam ko’y wala.

Pagkatapos ay nagpatuloy ang pagtatanong.

T: (Sa testigo) May iba pa bang pagkakataon na ikaw ay personal na nagsagawa ng nakakatulad na paglusob sa isang maliit na grupong relihiyoso, na nagtitipon sa isang tahanan at hindi nakarehistro sa ilalim ng Batas sa mga Samahan?

S: Wala pang ibang pagkakataon.

Panawagan Para sa Pagkilos

Ang Amnesty International at ang International Bar Association ay kapuwa nagpadala ng kanilang pantanging tagapagmasid upang subaybayan ang integridad ng mga paglilitis. Ang walang-pagtatanging tagapagmasid ng Amnesty International, si Andrew Raffell, na siya mismo ay isang manananggol sa Hong Kong, ay nagsabi ng ganito: “Inilalagay ko sa aking ulat na iyon ay waring isang palabas na paglilitis.” Ipinaliwanag pa niya na ang mga opisyal ng pamahalaan na tinawag na mga testigo ay hindi makapagpaliwanag sa hukuman kung bakit itinuturing na di-kanais-nais ang literatura ng mga Saksi ni Jehova. Itinala ni Raffell ang ilan sa ipinagbabawal na mga publikasyon sa Bibliya kasali na ang Kaligayahan​—Papaano Masusumpungan at Ang Iyong Kabataan​—Pagkakamit ng Pinakamainam Mula Dito. Idinagdag niya na hindi naman talagang maituturing na di-kanais-nais ang mga ito sa anumang diwa ng salita.

Ganito naman ang sinabi ng tagapagmasid mula sa International Bar Association, si Cecil Rajendra:

“Sa simula pa lamang, malinaw sa tagapagmasid na ito na ang buong paglilitis ay walang iba kundi isang . . . palabas na maliwanag na itinanghal upang ipakita sa daigdig na ang demokrasya ay umiiral pa rin sa Singapore.

“Ang kinalabasan ay isang di-maiiwasang resulta at walang anumang alinlangan sa anumang panahon bago nito, sa panahong iyon o sa pagtatapos ng paglilitis na ang lahat ng akusado ay masusumpungang nagkasala gaya ng paratang.

“Bagaman ginanap ang paglilitis sa isang mababang hukuman at ang mga paratang sa katunayan ay maliliit na paglabag sa Batas sa mga Samahan ang madarama sa paligid ng hukuman ay takot at pangamba.

“Ito ay pangunahin nang dahil sa hindi kukulangin sa 10 nakaunipormeng pulis ang nakatalaga roon (6 sa loob ng hukuman at 4 sa labas) kasama ang ilang di-nakaunipormeng tauhan ng Special Branch na nakaupo sa palko.”

Nagkokomento sa paraan ng paglilitis mismo, nagpatuloy si Rajendra:

“Ang paraan ng nabanggit na Hukom sa panahon ng pagmamasid (gayundin sa kabuuan ng paglilitis, na pinatutunayan ng mga kopya) ay totoong di-sapat. . . . Salungat sa lahat ng pamantayan ng isang makatarungang paglilitis, paulit-ulit na nakialam ang Hukom sa panig ng tagausig at hinadlangan ang tagapagtanggol na tanungin ang mga testigo ng tagausig sa mga ebidensiya gaya ng bersiyong King James ng Bibliya, na iniharap ng tagausig upang ipakita na ang akusado ay nagtataglay ng ipinagbabawal na mga publikasyon!”

Gayon na lamang katindi ang pagkabahala ng daigdig bunga ng pagsupil ng Singapore sa mga karapatang pantao anupat isang magasin sa Belgium na pinamagatang Human Rights Without Frontiers ang naglathala ng isang 18-pahinang report na tumatalakay pangunahin na sa pag-atake ng pamahalaan ng Singapore sa mga Saksi ni Jehova. Sa pagsulat sa editoryal, buong-linaw na binigyang-katuturan ni Willy Fautré, punong editor ng magasing iyon, ang tunay na antas ng kalayaan ng tao sa anumang pulitikal na estado:

“Bagaman ang relihiyosong kalayaan ay isa sa pinakamainam na nagpapahiwatig ng pangkalahatang kalagayan ng kalayaan ng tao sa anumang lipunan, totoong kakaunting sekular na mga organisasyon para sa mga karapatang pantao ang nasangkot alinman sa proseso ng pag-aalis sa gayong anyo ng pagtatangi at di-pagpaparaya batay sa relihiyon o paniniwala, o sa pagbuo ng mga patakaran na magsasanggalang at magtataguyod sa kalayaan ng relihiyon.”

Inilathala ng Human Rights Without Frontiers ang talaan ng mga rekomendasyon nito sa makapal na letra sa pabalat sa likod ng kanilang ulat.

Nakabubuti para sa Singapore ang mga Saksi ni Jehova. Kanilang iginagalang ang mga karapatan ng kanilang kapuwa at hindi gagawa ng anumang krimen sa kanila. Walang mamamayan ng Singapore ang kailangang mangamba na lolooban ang kaniyang tahanan o kaya’y dadaluhungin, bubugbugin, o hahalayin siya ng isa sa mga Saksi ni Jehova.

Ang kanilang kusang-loob na pangmadlang ministeryo ay nakapagpapatibay at nakabubuti sa buhay pampamilya at nagtataguyod ng mabuting pagkamamamayan. Nagdaraos sila ng libreng pag-aaral sa Bibliya sa sinumang nagnanais matuto ng nakapagpapatibay na mga simulain sa Bibliya at kung paano ikakapit ang mga ito sa kaniyang buhay. Bahagi ng kanilang Kristiyanong edukasyon ang kanilang mga pulong sa pag-aaral ng Bibliya at pananalangin. Ito ang sanhi ng kanilang pagiging mabubuting mamamayan.

Ang mga mamamayan ng Singapore na gumagalang sa kanilang republika at nagnanais ng pinakamainam para sa kinabukasan nito ay dapat na humimok sa pamahalaan na suriin nang panibago ang nararapat na dako ng mga Saksi ni Jehova sa lipunan ng Singapore. Panahon na upang alisin ang mga batas laban sa kanila at ibalik sa kanila ang nararapat sa bawat mamamayan​—ang kalayaan ng pagsamba.

[Kahon sa pahina 26]

Nagmamasid ang Daigdig

1. “Nang lusubin ng pulisya ng Singapore ang limang tahanan isang gabi noong nakaraang Pebrero sa isang istilo-militar na pagsalakay, 69 na lalaki, babae at mga tin-edyer ang inaresto at dinala sa punong-himpilan ng pulisya. Hindi gayon ang nararapat na pagtatapos ng mga pulong sa pag-aaral ng Bibliya.”−The Ottawa Citizen, Canada, Disyembre 28, 1995, pahina A10.

2. “Magiging isang pinagmumulan ng tunay na kasiyahan sa lahat niyaong nababahala sa kalayaan ng relihiyon at mga karapatan ng budhi kung babaguhin ng Pamahalaan ng Singapore ang paninindigan nito may kinalaman sa mga miyembro ng inosente at di-nakapipinsalang mga taong ito at pahihintulutan silang isagawa at palaganapin ang kanilang pananampalataya nang walang takot o hadlang.”​—Propesor Bryan R. Wilson, Unibersidad ng Oxford, Inglatera.

3. “Sa sunud-sunod na paglilitis na nagbunsod ng mga protesta mula sa internasyonal na mga grupo para sa kalayaang sibilyan, hinatulan ng mga hukuman sa Singapore ang 63 Saksi ni Jehova mula nitong nakaraang Nobyembre.”​—Asahi Evening News, Hapon, Enero 19, 1996, pahina 3.

4. “Ang mga Saksi ni Jehova ay dapat na hayaang mapayapang magpulong at magsagawa ng kanilang relihiyon nang walang banta ng pag-aresto o pagkabilanggo. Ang kalayaan ng relihiyon ay isang saligang karapatan na ginagarantiyahan ng Saligang-Batas ng Singapore.”​—Amnesty International, Nobyembre 22, 1995.

5. Si Chan Siu-ching, tagapangulo ng Justice and Peace Commission ng Hong Kong Catholic Diocese, sa isang liham kay Lee Kuan Yew, Senior Minister, Prime Minister’s Office, na may petsang Hunyo 1, 1995, ay nagsabi: “Ang pangunahing isyu ay na kahit iniisip ng pamahalaan ng Singapore na yaong tumatanggi sa serbisyo militar ay lumalabag sa batas at na sila’y dapat paratangan, ang ibang miyembro na nakikibahagi lamang sa relihiyosong pagtitipon upang sumamba ay hindi dapat na maapektuhan. . . .

“Kaya naman sumulat kami upang hilingin sa inyong Pamahalaan na:

1. huwag ipagbawal ang mga Saksi ni Jehova upang kanilang tamasahin ang kalayaan ng pagsamba at budhi;

2. itigil ang pagpaparatang sa mga miyembro ng mga Saksi ni Jehova na dumadalo lamang sa mga relihiyosong pagtitipon upang sumamba.

3. palayain yaong mga miyembro ng mga Saksi ni Jehova na naaresto kamakailan dahil lamang sa pagganap sa mga relihiyosong gawain.”

[Larawan sa pahina 23]

Ang mga Saksi ni Jehova sa hukuman pagkatapos na paratangan

[Larawan sa pahina 23]

Sinabi ng 71-taóng-gulang na Saksing ito sa hukom: “Hindi ako banta sa pamahalaang ito.” Gayunman, ibinilanggo siya

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share