Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • g97 7/22 p. 24-27
  • Nakasasamang mga Istilo ng Buhay—Gaano Kalaki ang Kabayaran?

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Nakasasamang mga Istilo ng Buhay—Gaano Kalaki ang Kabayaran?
  • Gumising!—1997
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Pagbabago ng Istilo ng Buhay
  • Pag-abuso sa Alak—Kapaha-pahamak sa Lipunan
    Gumising!—2005
  • Sigarilyo—Tinatanggihan Mo ba Ito?
    Gumising!—1996
  • Kung Paano Iingatan ang Iyong Kalusugan
    Gumising!—1999
  • Maliwanag ang Babala—Nakikinig Ka Ba?
    Gumising!—1987
Iba Pa
Gumising!—1997
g97 7/22 p. 24-27

Nakasasamang mga Istilo ng Buhay​—Gaano Kalaki ang Kabayaran?

“ANG sakit ay panginoon ng lahat,” ang sabi ng isang kawikaan sa Denmark. Ang sinuman na naging biktima ng isang malubhang sakit ay agad na magpapatunay na ang “panginoon” na ito ay totoong malupit! Subalit, baka magulat ka na malaman na ang sakit ay malimit na tulad ng isang inanyayahang panauhin kaysa isang panginoon. Ipinalalagay ng U.S. Centers for Disease Control and Prevention na ang 30 porsiyento ng mga araw na inilalagi ng mga pasyente sa ospital dahil sa mga sakit at kapinsalaan ay maaari sanang maiwasan. Ang sanhi? Nakasasama at mapanganib na mga istilo ng buhay. Isaalang-alang ang ilang halimbawa.

PANINIGARILYO. Si Ira, 53 taong gulang, ay may emphysema​—ang resulta ng halos apat na dekada ng paninigarilyo. Upang malunasan ang kaniyang kalagayan, kailangan niya ang patuloy na suplay ng nakaboteng oksiheno, na nagkakahalaga ng halos $400 bawat buwan. Noong 1994 ang siyam-na-araw na pagpapaospital dahil sa kaniyang kalagayan ay umabot ng $18,000, anupat ang kabuuang gastusin sa pangangalaga ng kalusugan ni Ira sa taóng iyon ay umabot ng mahigit na $20,000. Hindi pa rin nadama ni Ira ang pangangailangang huminto sa paninigarilyo. “Napakatindi ng paghahangad ko rito,” aniya.

Ang kaso ni Ira ay hindi pambihira. Sa kabila ng alam na alam nang mga panganib ng paninigarilyo, ang mga tao sa buong mundo ay humihitit ng halos 15 bilyong sigarilyo sa araw-araw. Sa Estados Unidos, ang taunang halaga sa pangangalaga sa kalusugan dahil sa mga sakit na nauugnay sa paninigarilyo ay tinatayang $50 bilyon. Ito’y nangangahulugan na noong 1993, sa katamtaman, sa bawat pakete ng sigarilyo na binibili, humigit-kumulang $2.06 ang ginugugol sa medikal na gastusin na may kaugnayan sa paninigarilyo.

Pagkasilang ng bata, ang mga gastusin na nauugnay sa paninigarilyo ay maaaring maipon. Upang banggitin ang isa lamang halimbawa, natuklasan sa isang pagsusuri sa Estados Unidos na ang mga sanggol na isinilang ng mga inang naninigarilyo ay doble ang panganib na maging bingot o may biyak ang ngalangala, isang kalagayan na maaaring mangailangan ng hanggang apat na operasyon sa edad na dalawang taon. Ang katamtamang gastusin para sa medikal na pangangalaga sa buong buhay at kaugnay na mga gastusin para sa kalagayang ito ay $100,000 sa bawat tao. Mangyari pa, hindi matutumbasan ng anumang halaga ng dolyar ang hirap ng damdamin dahil sa pagkakaroon ng depekto sa katawan mula sa pagsilang.

May nagsasabi na ang mataas na gastusin sa pangangalaga sa kalusugan dahil sa paninigarilyo ay nababawi dahil sa bagay na maraming naninigarilyo ang hindi nabubuhay nang matagal para makolekta ang mga pakinabang sa Social Security. Gayunman, gaya ng sabi ng The New England Journal of Medicine, ang “konklusyong ito ay kontrobersiyal; isa pa, ang karamihan ay sumasang-ayon na ang maagang pagkamatay dahil sa paninigarilyo ay hindi makataong pamamaraan upang kontrolin ang mga gastuin sa pangangalaga sa kalusugan.”

PAG-ABUSO SA ALAK. Ang pag-abuso sa alak ay naiugnay na sa maraming problema sa kalusugan, kasali na ang cirrhosis sa atay, sakit sa puso, gastritis, ulser, at sakit sa lapay. Maaari rin nitong gawing madaling kapitan ng nakahahawang sakit ang isang tao gaya ng pulmonya. Sa Estados Unidos, bawat taon “$10 bilyon ang ginugugol upang gamutin ang mga tao na hindi makapagpigil sa kanilang pag-inom ng alak,” ayon kay Dr. Stanton Peele.

Ang alak ay kalimitang nakaaapekto sa di pa naisisilang na sanggol sa bahay-bata. Bawat taon sampu-sampung libong bata sa Estados Unidos lamang ang isinisilang na may mga depekto dahil ang kanilang mga ina ay lango nang sila’y nagdadalang-tao. Ang ilan sa mga sanggol na ito ay narikunisi na may fetal alcohol syndrome (FAS), at malimit na sila’y nagkakaroon ng mga diperensiya sa katawan at isip. Ang katamtamang medikal na gastusin sa buong buhay para sa bawat batang may FAS ay tinatayang $1.4 milyon.

Yamang pinabababa ng alak ang pagkontrol sa likas na kilos ng katawan, ang labis na pag-inom ay malimit na may ginagampanang bahagi sa silakbo ng karahasan, na maaaring magbunga ng mga kapinsalaan na kailangang gamutin. Nariyan din ang napakalaking pinsala na dulot ng mga nagmamaneho na nakainom. Kuning halimbawa ang mga epekto na dulot nito kay Lindsey, isang batang babae na walong taong gulang na kinailangang alisin sa likod ng kotse ng kaniyang ina sa pamamagitan ng pingga pagkatapos na sumalpok sa kanila ang isang lasing na nagmamaneho. Si Lindsey ay naospital ng pitong linggo at kinailangang operahan nang ilang ulit. Ang kaniyang gastos sa pagpapagamot ay lumampas ng $300,000. Mabuti na lamang at siya’y nakaligtas.

PAG-ABUSO SA DROGA. Tinataya ng isang mananaliksik na ang taunang gastusin sa pag-abuso sa droga sa Amerika ay umaabot ng $67 bilyon. Si Joseph A. Califano, Jr., pangulo ng Center on Addiction and Substance Abuse sa Columbia University sa New York, ay nagsabi na may isa pang aspekto ng problema na napakagastos: “Ang mga sanggol na isinilang ng mga inang gumagamit ng ‘crack,’ na bibihira sa nakalipas na dekada, ay nagsisiksikan sa mga ward ng mga bagong silang na nagkakahalaga ng $2,000 isang araw. . . . Nagkakahalaga ng $1 milyon upang palakihin hanggang sa maging adulto ang bawat batang nakaligtas.” Karagdagan pa, ang sabi ni Califano, “ang hindi pagpapatingin ng mga ina habang nagdadalang-tao at hindi paghinto sa pag-abuso sa droga ay nagkahalaga ng halos $3 bilyon na ginugol ng Medicaid noong 1994 sa mga pasyenteng naoospital dahil sa paggamit ng droga.”

Ang malungkot na pangyayaring ito ay lumalala pa kapag isinasaalang-alang natin ang hindi mabilang na kabayaran sa tao ng masamang bisyong ito. Ang alitan ng mag-asawa, napabayaang mga anak, at said na pananalapi ay kabilang sa karaniwang mga problemang nakaaapekto sa mga winawasak ng pag-abuso sa droga.

PAGKAGAHAMAN SA SEKSO. Mahigit na 12 milyon katao sa Estados Unidos ang nagkakaroon ng mga sakit na naililipat ng pagtatalik (sexually transmitted disease o STD) taun-taon, na siyang nagpapangyari sa Estados Unidos na may pinakamataas na bilang ng mga taong may STD sa anumang maunlad na mga bansa. Tinawag ito ni David Celentano, ng John Hopkins University School of Hygiene and Public Health, na “isang pambansang kahihiyan.” Ang tuwirang gastusin sa mga sakit na ito, hindi pa kasali ang AIDS, ay halos $10 bilyon taun-taon. Ang mga tin-edyer ay lalo nang nanganganib. At hindi ito kataka-taka! Ayon sa isang ulat, sa pagsapit nila sa ika-12 baitang, halos 70 porsiyento sa kanila ang nakipagtalik na at halos 40 porsiyento sa kanila sa paano man ang nagkaroon na ng apat na kapareha.

Ang AIDS ay isang malaking kapahamakan mismo sa pangangalaga sa kalusugan. Sa kaagahan ng 1996 ang pinakamabisang kagamutan na makukuha​—ang protease inhibitor kasama ng dati nang ginagamit na mga gamot​—ay nagkakahalaga sa pagitan ng $12,000 at $18,000 sa isang taon sa bawat tao. Subalit ito’y katiting lamang ng nakatagong kabayaran ng AIDS, na kalakip dito ang pagkawala ng pagiging kapaki-pakinabang ng biktima at ng mga taong hindi pumapasok sa trabaho at paaralan upang mangalaga sa kaniya. Tinataya na sa taóng 2000, sasairin ng HIV at AIDS ang halagang nasa pagitan ng $356 bilyon at $514 bilyon sa buong mundo​—ang katumbas ng paglimas sa buong ekonomiya ng alin sa Australia o India.

KARAHASAN. Nang siya ay surgeon general pa ng Estados Unidos, iniulat ni Joycelyn Elders na ang gastusin sa paggamot dahil sa karahasan ay $13.5 bilyon noong 1992. Ganito ang sabi ng pangulo ng Estados Unidos na si Bill Clinton: “Isa sa maraming dahilan kung bakit napakamahal ng pangangalaga sa kalusugan sa Amerika ay ang bagay na ang ating mga ospital at ang ating mga emergency room ay punung-puno ng mga taong nalaslas at nabaril.” Taglay ang mabuting dahilan tinawag ng The Journal of the American Medical Association ang karahasan sa Estados Unidos na “isang pampublikong biglang pangangailangan sa kalusugan.” Ganito ang pagpapatuloy ng ulat: “Bagaman ang karahasan ay hindi isang sakit sa ‘pangkaraniwang’ diwa nito, ang malaking epekto nito sa pansarili at pampublikong kalusugan ay kasintindi ng maraming sakit sa katawan​—marahil ay mas marami pa.”

Sinasabi ng ulat ng 40 ospital sa Colorado na ang katamtamang gastusin para sa bawat biktima ng karahasan sa loob ng unang siyam na buwan noong 1993 ay $9,600. Mahigit sa kalahati ng mga naospital ay walang seguro, at marami sa mga ito ay hindi makabayad o ayaw magbayad ng kanilang mga gastusin. Ang gayong mga kalagayan ay humahantong sa mas mataas na mga buwis, mas mataas na mga premium ng seguro, at mas mataas na bayarin sa ospital. Ganito ang iniulat ng Colorado Hospital Association: “Tayong lahat ang nagbabayad nito.”

Pagbabago ng Istilo ng Buhay

Mula sa pangmalas ng tao, ang pag-asa na baguhin ang kausuhan ng nakasasamang istilo ng buhay ay malabo. “Ang Amerika ay hindi Hardin ng Eden at hindi namin maalis kailanman ang lahat ng pag-aabuso sa droga,” ang sabi ng isang ulat ng Columbia University. “Subalit sa abot ng ating magagawang pagsugpo sa gayong pag-abuso, tayo’y saganang makapag-aani ng mas malulusog na sanggol, walang gaanong karahasan at krimen, mas mababang mga buwis, nabawasang mga gastusin sa pangangalaga sa kalusugan, mas malaking mga kita, mas marurunong na estudyante at mas kakaunting kaso ng AIDS.”

Natuklasan ng mga Saksi ni Jehova na ang Bibliya ang pinakamalaking tulong sa pag-abot sa gayong tunguhin. Ang Bibliya ay hindi isang pangkaraniwang aklat. Ito’y kinasihan ng Maylalang ng tao, ang Diyos na Jehova. (2 Timoteo 3:16, 17) Siya “ang Isa na nagtuturo sa iyo ng mapapakinabangan, ang Isa na pumapatnubay sa iyo sa daan na iyong marapat lakaran.” (Isaias 48:17) Ang mga simulaing itinakda sa Bibliya ay kapaki-pakinabang, at yaong mga sumusunod sa payo nito ay nag-aani ng malaking mga kapakinabangan.

Halimbawa, si Esther ay malakas manigarilyo noon.a Pagkatapos niyang makipag-aral ng Bibliya sa mga Saksi ni Jehova, inanyayahan siya ng nagtuturo sa kaniya ng Bibliya na gumugol ng isang araw sa pamamasyal sa pandaigdig na punong tanggapan ng mga Saksi ni Jehova, sa Brooklyn, New York. Noong una, atubili si Esther. Dahil sa alam niyang hindi naninigarilyo ang mga Saksi ni Jehova, inisip niya kung paano siya tatagal na kasama nila sa buong araw. Kaya naglagay si Esther ng isang sigarilyo sa kaniyang portamoneda, nangangatuwiran na kung makadama siya ng pagnanais na manigarilyo, pupuslit siya sa palikuran. Gaya ng kaniyang naiplano, pagkatapos ng isa sa mga paglilibot, si Esther ay nagpunta sa palikuran at inilabas ang kaniyang sigarilyo. Subalit may napansin siyang isang bagay. Ang palikuran ay ubod nang linis, at ang hangin ay sariwa. “Hindi ko kayang dumhan ang lugar sa pamamagitan ng paninigarilyo,” ang gunita ni Esther, “kaya itinapon ko ito sa inodoro. At iyon ang huling sigarilyong hinawakan ko!”

Sa buong mundo, milyun-milyon ang tulad ni Esther na natututong mamuhay kasuwato ng mga simulain ng Bibliya. Sila mismo ang nakinabang, at sila’y higit na naging kapaki-pakinabang sa mga pamayanan na kanilang pinaninirahan. Ang pinakamahalaga, sila’y nagdudulot ng kapurihan sa kanilang Maylalang, ang Diyos na Jehova.​—Ihambing ang Kawikaan 27:11.

Bagaman hindi magagawang muli ng pinakamabuting pagsisikap ng tao ang “Hardin ng Eden,” sinasabi ng Bibliya na gagawin ito ng Diyos. Ang 2 Pedro 3:13 ay nagsasabi: “May mga bagong langit at isang bagong lupa na ating hinihintay ayon sa kaniyang pangako [ng Diyos], at sa mga ito ay tatahan ang katuwiran.” (Ihambing ang Isaias 51:3.) Sa bagong lupang iyan, hindi na magiging isang alalahanin ang pangangalaga sa kalusugan, sapagkat tatamasahin ng sangkatauhan ang buhay na may sakdal na kalusugan​—gaya ng nilayon ng Diyos sa pasimula pa. (Isaias 33:24) Ibig mo bang matuto nang higit pa tungkol sa mga pangako ng Diyos? Malugod na tutulong sa iyo ang mga Saksi ni Jehova.

[Talababa]

a Hindi ito ang tunay niyang pangalan.

[Picture Credit Line sa pahina 26]

© 1985 P. F. Bentley/Black Star

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share