Masasakit na Salita, Sama ng Loob
“Ikaw na makupad na tanga!”a Tandang-tanda pa ng isang babae sa Hapón ang mga salitang iyon—ito’y madalas na ibulyaw sa kaniya noong siya’y batang paslit pa. Nino? Ng mga bata sa paaralan? Ng mga kapatid niya? Hindi. Ng kaniyang mga magulang. Nagugunita niya: “Madalas akong manlumo dahil sa panlalait na lubhang nakasasakit sa aking damdamin.”
Natatandaan ng isang lalaki sa Estados Unidos na nang siya’y bata pa, siya’y takot na takot at balisa kailanma’t umuuwi ng bahay ang kaniyang ama. “Hanggang sa ngayon tandang-tanda ko pa ang tunog ng kotse sa driveway,” ang gunita niya, “at natatandaan ko pa rin ang takot na nadama ko. Magtatago ang aking munting kapatid na babae. Perpeksiyunista ang aking tatay at madalas kaming bulyawan dahil sa hindi namin ginagawang mabuti ang aming mga gawain sa bahay.”
Ganito pa ang sabi ng kapatid na babae ng lalaking ito: “Hindi ko kailanman natatandaan alinman sa aking mga magulang na niyapos kami, hinagkan kami, o nagsabi sa amin ng ‘mahal kita’ o ‘ipinagmamalaki kita.’ At sa isang bata, ang hindi kailanman pagkarinig ng ‘mahal kita’ ay katulad na rin ng pagkarinig ng ‘napopoot ako sa iyo’—sa araw-araw ng kaniyang buhay.”
MAAARING sabihin ng ilan na ang pighating dinaranas ng mga batang ito ay maliit na bagay lamang. Tiyak na karaniwan na para sa mga bata na tumanggap ng malupit, masasakit na salita at hindi mabuting pagtrato. Hindi ito ang uri ng pagtratong ipinakikita ng nakatatakot na mga ulong-balita sa pahayagan at kahindik-hindik na mga tabloid sa mga palabas sa TV. Ang pinsala ay hindi nakikita. Subalit kung pinagmamalupitan ng mga magulang ang kanilang mga anak sa ganitong paraan araw-araw, ang mga epekto ay maaaring maging mapangwasak din naman—at tumatagal habang-buhay.
Isaalang-alang ang pagsubaybay noong 1990 sa isang pagsusuring ginawa noong 1951 na nagsuri sa mga paraan ng pagpapalaki ng mga magulang sa isang pangkat ng mga batang limang-taóng-gulang. Sinubaybayan ng mga mananaliksik ang marami sa mga batang ito, ngayo’y nasa kalagitnaang gulang na, upang alamin ang pangmatagalang mga epekto ng pagpapalaki sa kanila. Ang bagong pagsusuri ay naghinuha na ang mga bata na noong dakong huli’y dumanas ng pinakamahirap na buhay, na hindi mabuti ang kalagayan ng emosyon, at nahirapan sa pag-aasawa, pakikipagkaibigan, at maging sa trabaho, ay hindi naman yaong mga anak ng mahihirap na magulang o ng mayayamang magulang ni ng magugulong magulang pa nga. Ito ang mga batang ang mga magulang ay hindi malapit at malamig at nagpakita ng kaunti o walang pagmamahal.
Ang resultang ito ng pagsusuri ay bahagyang pag-uulit lamang ng katotohanang naisulat halos 2,000 taon na ang nakalipas: “Kayong mga ama, huwag ninyong pukawin sa galit ang inyong mga anak, upang hindi sila masiraan ng loob.” (Colosas 3:21) Ang berbal at emosyonal na pag-abuso ng mga magulang ay tiyak na pumupukaw sa galit ng mga bata at tunay ngang nakasisira ng loob nila.
Ayon sa aklat na Growing Up Sad, hindi pa natatagalan na ipinalalagay ng mga doktor na hindi umiiral ang panlulumo sa pagkabata. Subalit iba ang pinatutunayan ng panahon at karanasan. Ngayon, iginigiit ng mga awtor, na ang panlulumo sa pagkabata ay umiiral at pangkaraniwan na. Kabilang sa mga sanhi nito ay pagtanggi at pagmamalupit ng mga magulang. Ganito ang paliwanag ng mga awtor: “Sa ilang kaso ay laging pinipintasan at hinahamak ng magulang ang bata. Sa ibang kaso naman ay walang ugnayang magulang-anak: ang pag-ibig ng magulang sa anak ay hindi kailanman ipinahahayag. . . . Ang resulta ay lalo nang kalunus-lunos sa mga anak ng gayong mga magulang sapagkat sa isang bata—o sa isang nasa hustong gulang na, sabihin pa—ang pag-ibig ay katulad ng sikat ng araw at tubig sa isang halaman.”
Sa pamamagitan ng pag-ibig ng magulang, kung maliwanag at hayagang ipinakikita, natututuhan ng mga bata ang isang mahalagang katotohanan: Sila’y kaibig-ibig; sila’y mahalaga. Napagkakamalan ng marami ang ideyang ito na isang anyo ng pagiging arogante, pag-ibig sa sarili kaysa iba. Subalit sa kontekstong ito, hindi iyan ang ibig tukuyin. Ganito ang sabi ng isang awtor sa kaniyang aklat tungkol sa paksang ito: “Ang opinyon ng inyong anak tungkol sa kaniyang sarili ay nakaiimpluwensiya sa mga uri ng kaibigang pinipili niya, sa kung paano siya nakikisama sa iba, at sa uri ng taong napapangasawa niya, at sa kung gaano siya magiging matagumpay sa buhay.” Kinikilala ng Bibliya kung gaano kahalagang magkaroon ng isang timbang, hindi makaakong pangmalas sa sarili nang itala nito ang ikalawa sa pinakadakilang utos: “Ibigin mo ang iyong kapuwa gaya ng iyong sarili.”—Mateo 22:38, 39.
Mahirap isipin na nanaisin ng sinumang normal na magulang na sirain ang isang bagay na kasinghalaga at kasinrupok na gaya ng pagpapahalaga sa sarili ng isang bata. Kung gayon, bakit nga madalas itong mangyari? At paano ito maiiwasan?
[Talababa]
a Sa Hapones, noroma baka!