Pagkain Para sa Lahat—Panaginip ba Lamang?
NG KABALITAAN NG GUMISING! SA ITALYA
“BAWAT lalaki, babae at bata ay may karapatan upang maging malaya sa gutom at malnutrisyon” ang pahayag ng World Food Conference na itinaguyod ng Food and Agriculture Organization ng United Nations (FAO) noong 1974. Ang panawagan ay ginawa upang pawiin ang gutom sa daigdig “sa loob ng isang dekada.”
Subalit, nang magtipon ang mga kinatawan ng 173 bansa sa punong-tanggapan ng FAO sa Roma noong nakaraang taon para sa limang-araw na World Food Summit, ang kanilang layunin ay magtanong: “Ano ang nangyari at ito’y nabigo?” Hindi lamang nabigo sa paglalaan ng pagkain para sa lahat kundi sa ngayon, pagkalipas ng dalawang dekada, lumala ang kalagayan.
Ang pangunahing mga isyu tungkol sa pagkain, populasyon, at karalitaan ay napakahalaga. Gaya ng kinikilala ng isang dokumentong inilabas sa summit na iyon, malibang malutas ang mga problemang ito, “ang katatagang panlipunan ng maraming bansa at mga rehiyon ay malamang na maapektuhan nang husto, marahil ay maikompromiso pa nga ang kapayapaan ng daigdig.” Buong linaw na sinabi ng isang tagamasid: “Makikita natin ang pagkawasak ng sibilisasyon at ng pambansang mga kultura.”
Ayon sa Panlahat na Patnugot ng FAO na si Jacques Diouf, “mahigit na 800 milyon katao ngayon ang walang sapat na makuhang pagkain; kabilang sa kanila ang 200 milyong bata.” Tinatayang sa taóng 2025, ang populasyon ng daigdig sa ngayon na 5.8 bilyon ay darami tungo sa 8.3 bilyon, na ang karamihan ng pagdami ay manggagaling sa nagpapaunlad na mga bansa. Ganito ang hinaing ni Diouf: “Ang buong bilang ng mga lalaki, babae at mga bata na napagkaitan ng kanilang hindi maiaalis na karapatan sa buhay at dignidad ay totoong mataas. Ang panangis ng mga nagugutom ay sinasamahan pa ng tahimik na dalamhati ng di-matabang lupa, kalbong mga gubat at parami nang paraming nasasaid na mga palaisdaan.”
Anong lunas ang iminungkahi? Sinabi ni Diouf na ang solusyon ay nakasalalay sa “lakas-loob na pagkilos,” sa paglalaan ng “seguridad sa pagkain” para sa mga bansang kapos sa pagkain gayundin sa mga kasanayan, puhunan, at teknolohiya na nagpapangyaring mapakain nila ang kanilang sarili.
“Seguridad sa Pagkain”—Bakit Napakailap?
Ayon sa isang dokumento na inilabas ng summit, “umiiral ang seguridad sa pagkain kapag lahat ng tao, sa lahat ng panahon, ay makabibili at may pambili ng sapat, ligtas at masustansiyang pagkain upang matugunan ang kanilang pangangailangan sa pagkain at mga nagugustuhang pagkain para sa aktibo at malusog na buhay.”
Kung paano maisasapanganib ang seguridad sa pagkain ay inilalarawan ng krisis ng mga takas sa Zaire. Habang isang milyong takas na taga-Rwanda ang nagugutom, ang mga ahensiya ng UN ay may panustos ng makukuhang pagkain upang pakanin sila. Subalit ang mga kaayusan para sa transportasyon at pamamahagi ay nangangailangan ng pulitikal na awtorisasyon at pagtutulungan ng lokal na mga awtoridad—o lokal na mga lider ng militar kung kontrolado nila ang mga kampo ng mga takas. Ang kagipitan sa Zaire ay minsan pang nagpapakita kung gaano kahirap para sa pandaigdig na pamayanan na pakanin ang nagugutom, kahit na may makukuhang pagkain. Ganito ang sabi ng isang nagmamasid: “Maraming organisasyon at mga grupo ang kailangang sangguniin at hingan bago may anumang bagay na mangyari.”
Gaya ng binanggit ng isang dokumento ng Kagawaran ng Agrikultura ng Estados Unidos, ang seguridad sa pagkain ay baka lubhang mapahina ng ilang pangunahing mga dahilan. Bukod sa likas na mga sakuna, kabilang dito ang digmaan at alitang sibil, di-angkop na pambansang mga patakaran, di-sapat na pananaliksik at teknolohiya, pagkasira ng kapaligiran, karalitaan, pagdami ng populasyon, di-pantay na pagtrato sa kasarian, at hindi mabuting kalusugan.
May ilang mga nagawa. Mula noong mga taon ng 1970, ang katamtamang dietary energy supply, na isang tagapagpahiwatig ng nakokonsumong pagkain, ay tumaas mula sa 2,140 hanggang 2,520 calories sa bawat tao sa bawat araw sa nagpapaunlad na mga bansa. Subalit ayon sa FAO, dahil sa inaasahang pagdami ng populasyon ng ilang bilyon sa taóng 2030, “ang basta pagpapanatili sa kasalukuyang mga antas ng makukuhang pagkain ay nangangailangan ng mabilis at makatutustos na dami ng produksiyon upang madagdagan ang mga panustos ng mahigit na 75 porsiyento nang hindi nasisira ang likas na mga yaman na doon tayong lahat ay nakadepende.” Ang atas na paglalaan ng pagkain para sa nagugutom na mga tao ay nakalulungkot na atas.
‘Kailangan Nating Kumilos, Hindi ng Mas Maraming Summit’
Maraming pagpuna ang ipinatungkol sa mga hakbang ng World Food Summit at sa mga pangakong ginawa nito. Binatikos ng isang kinatawan buhat sa Latin-Amerika anupat itinuring na “nakahihiya” ang “limitadong” pangako na babawasan hanggang sa kalahati ng kasalukuyang antas ang bilang ng mga taong kulang sa pagkain. Labinlimang bansa ang nagpahayag ng magkakaibang interpretasyon sa mga mungkahing sinang-ayunan ng summit. Upang marating pa nga ang punto upang makagawa ng simpleng deklarasyon at pinagpasiyang gagawin, ang pahayagang La Repubblica ng Italya ay nagsabing, “kinailangan ang dalawang taon ng mga komprontasyon at mga negosasyon. Ang bawat salita, bawat kuwit ay tinimbang upang huwag magdugong muli . . . ang sugat.”
Marami na tumulong sa paghahanda ng mga dokumento ng summit ay hindi maligaya sa mga resulta. “Kami’y lubhang nag-aalinlangan kung magkakatotoo ba ang mahuhusay na mungkahing ipinahayag,” sabi ng isa. Ang pinagtatalunan ay kung baga ang pagkuha ng pagkain ay dapat ipakahulugan na isang “kinikilalang karapatan sa buong daigdig,” yamang ang isang “karapatan” ay maaaring ipagtanggol sa mga hukuman ng batas. Ganito ang paliwanag ng isang taga-Canada: “Ikinatatakot ng mayayamang Estado na sila’y piliting magbigay ng tulong. Ito ang dahilan kung bakit iginiit nilang bantuan ang teksto ng deklarasyon.”
Dahil sa walang katapusang talakayan sa mga summit na itinataguyod ng UN, isang minister sa pamahalaan sa Europa ang nagsabi: “Palibhasa’y napakaraming napagpasiyahan sa komperensiya sa Cairo [tungkol sa populasyon at pag-unlad, na ginanap noong 1994], iyo’t iyon ding mga bagay ang tinatalakay natin sa bawat kasunod na komperensiya.” Siya’y nagmungkahi: “Ang pagpapatupad ng mga pinagpasiyang gagawin para sa kapakinabangan ng ating mga kapuwa tao ay dapat na pangunahin sa lahat ng ating mga agenda, hindi ang mas maraming Summit.”
Binanggit din ng mga nagmamasid na kahit na ang pagdalo sa summit ay nangahulugan ng malaking gastos para sa ilang bansang hindi makaya ito. Isang maliit na bansa sa Aprika ang nagpadala ng 14 na delegado at 2 pang minister, na pawang nanatili sa Roma sa loob ng mahigit na dalawang linggo. Ang pahayagang Corriere della Sera ng Italya ay nag-ulat na ang asawa ng isang presidente sa Aprika, na ang bansa ay may katamtamang taunang kita na hindi hihigit ng $3,300 sa bawat tao, ay gumastos ng $23,000 sa pamimili sa isang distrito ng Roma na may pinakausong mga moda.
May dahilan bang maniwala na magtatagumpay ang Pinagpasiyang Gagawin na pinagtibay sa summit? Isang peryodista ang sumasagot: “Ang maaasahan lamang natin sa ngayon ay na didibdibin ito ng mga pamahalaan at gagawa ng mga hakbang upang matiyak na ang mga rekomendasyon nito ay maisasakatuparan. Gagawin kaya nila ito? . . . Kaunti lamang dahilan para sa pag-asa ang ibinibigay ng kasaysayan.” Binanggit din ng komentaristang ito ang nakasisiphayong bagay na sa kabila ng pagsang-ayon ng mga bansa sa 1992 Rio de Janeiro Earth Summit upang dagdagan ang mga abuloy para tulungang umunlad ng hanggang 0.7 porsiyento ang pangkabuuang produktong panloob, “kakaunti lamang mga bansa ang nakaabot sa tunguhing iyon.”
Sino ang Magpapakain sa mga Nagugutom?
Sapat na ang ipinakita ng kasaysayan na sa kabila ng lahat ng mabubuting intensiyon ng tao, “hindi nauukol sa makalupang tao ang kaniyang lakad. Hindi para sa taong lumalakad ang kahit magtuwid ng kaniyang hakbang.” (Jeremias 10:23) Kaya malamang na hindi makapaglalaan ang tao sa ganang sarili ng pagkain para sa lahat. Ang kasakiman, maling pangangasiwa, at egotismo ay umakay sa sangkatauhan sa bangin. Ganito ang komento ng Panlahat na Patnugot ng FAO na si Diouf: “Ang kailangan sa panghuling pagsusuri ay ang pagbabago ng mga puso, isipan at kalooban.”
Iyan ay isang bagay na tanging ang Kaharian lamang ng Diyos ang makagagawa. Sa katunayan, mga dantaon na ang nakalipas, inihula ni Jehova may kaugnayan sa kaniyang bayan: “Aking ilalagay ang aking kautusan sa kanilang kalooban, at aking isusulat sa kanilang puso. At ako’y magiging kanilang Diyos, at sila’y magiging aking bayan.”—Jeremias 31:33.
Nang ihanda ng Diyos na Jehova ang orihinal na halamanang tirahan ng tao, binigyan niya ang tao ng “lahat ng pananim na nagkakabinhi na nasa ibabaw ng buong lupa at bawat punungkahoy na may bunga ng isang punungkahoy na nagkakabinhi” bilang pagkain. (Genesis 1:29) Ang paglalaang iyan ay sagana, masustansiya, at madaling makuha. Ito ang lahat ng kailangan ng tao upang masapatan ang kanilang pangangailangan sa pagkain.
Hindi nagbago ang layunin ng Diyos. (Isaias 55:10, 11) Matagal nang panahon na siya’y nagbigay ng katiyakang siya lamang ang sasapat sa lahat ng pangangailangan ng tao sa pamamagitan ng kaniyang Kaharian sa kamay ni Kristo, na maglalaan ng pagkain para sa lahat, papawiin ang karalitaan, susupilin ang likas na mga sakuna, at aalisin ang mga alitan. (Awit 46:8, 9; Isaias 11:9; ihambing ang Marcos 4:37-41; 6:37-44.) Sa panahong iyon “ang lupa mismo ay tiyak na magbibigay ng ani nito; ang Diyos, ang ating Diyos, ang sa ati’y magpapala.” “Magkakaroon ng saganang trigo sa lupa; sa taluktok ng mga bundok ay may labis-labis.”—Awit 67:6; 72:16.
[Picture Credit Line sa pahina 12]
Dorothea Lange, FSA Collection, Library of Congress