Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • g97 8/8 p. 28-29
  • Pagmamasid sa Daigdig

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Pagmamasid sa Daigdig
  • Gumising!—1997
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Krimen​—Malakas na Negosyo
  • Nananatiling Bantog ang Pagbabasa ng Aklat
  • Balik sa Tubig
  • Bagong Tuklas​—Hepatitis G
  • “Ang Millennium Bug”
  • Di-Mapantayang Rekord ng mga Hayop
  • Ang Napakailap na Langaw na Iyan!
  • Krisis ng Pawikan sa Dagat
  • Halos Naglaho Na ang Morse Code sa Loob ng 150 taon
  • Ang Taóng 2000—Maaapektuhan Ka Kaya ng mga Pagkasira ng Computer?
    Gumising!—1999
  • Kung Saan Nagtatagpo ang Tao at ang Pagong
    Gumising!—1993
  • Mula sa Aming mga Mambabasa
    Gumising!—1998
  • Ang Paglalakbay ng Sea Turtle
    Gumising!—2011
Iba Pa
Gumising!—1997
g97 8/8 p. 28-29

Pagmamasid sa Daigdig

Krimen​—Malakas na Negosyo

Ang organisadong krimen sa Italya ay tinatayang kumikita ng $200-240 bilyon taun-taon, ang sabi ng 1997 Report of the Commercial Confederation, isang samahan ng mga negosyanteng Italyano. Humigit-kumulang $18 bilyon ang diumano’y mula sa ilegal na pagbebenta ng droga, $11 bilyon mula sa prostitusyon, at $15-18 bilyon mula sa pagpapatubo nang labis at mga pangingikil. “Tatlo mula sa bawat sampung komersiyal na negosyo ang pinangangasiwaan ng mga indibiduwal o mga kompanya na konektado sa mga organisasyon ng krimen; 20 hanggang 25 porsiyento ng mga transaksiyon sa bangko na nagaganap araw-araw ay malabo ang pinagmumulan,” ang sabi ng pahayagang La Repubblica.

Nananatiling Bantog ang Pagbabasa ng Aklat

Babaguhin pa lamang ng teknolohiya ng computer ang kaugalian sa pagbabasa sa Britanya, ayon sa isang surbey ng Policy Studies Institute. Gaya ng iniulat ng The Times, “halos kalahati ng mga sinurbey ang nagsabi na kasalukuyan silang nagbabasa ng aklat para sa kasiyahan, isang katumbasan na nagbago nang bahagya sapol noong 1989.” Higit na nagbabasa ang kababaihan kaysa kalalakihan, at ang mga taong mahigit na 55 ang edad ang grupong pinakamaraming nagbabasa. Ang mga aklat sa pagluluto ang pinakabantog, sinundan ng mga kuwento tungkol sa krimen o thriller, romantikong mga nobela, at ika-20 siglong kathang-isip na mga kuwento. Bagaman 30 porsiyento ng mga sambahayan ang may computer, tanging 7 porsiyento ang may gamit para sa mga CD-ROM, ang kakompetensiya ng aklat. At di-tulad ng isang laptop computer, ang sabi ng The Times, hindi masisira ang isang kanais-nais na aklat ng mga butil ng buhangin kapag nagbabakasyon sa tabing-dagat o ng nagsisiksikang mga tao sa isang abalang subwey, at ang isang aklat na maganda ang pagkakasulat ay maaaring maging “nakalulugod ang kagandahan yamang nakapagpapasigla ang nilalaman nito.”

Balik sa Tubig

“Ang matagal nang paghahanap ng kemikal na pamatay sa sunog na hindi makasisira sa suson ng ozone ay sa wakas humantong sa . . . tubig,” ang sabi ng New Scientist. “Pagkatapos na sabuyan ang daan-daang eksperimentong sunog, ang Norwegian Fire Research Laboratory sa Trondheim ay nakagawa ng konklusyon na ang pinong mga isprey ng tubig ay angkop na panghalili para sa halon na sumisira ng ozone, na laganap pa ring ginagamit sa mga pamatay ng sunog.” Ang halon​—ang sangkap ng karbon, bromine, at fluorine​—ang pumapatay ng sunog. Gayundin ang ginagawa ng patak ng tubig, sumisingaw at kumakalat ng 1,700 ulit mula sa orihinal na dami nito upang halinhan ang oksiheno. Ang tanging pagkakataon na natuklasang hindi gaanong mabisa ang pinong mga tubig kaysa halon ay sa maliliit, mabagang apoy na hindi umaabot sa sapat na temperatura upang mapasingaw ang tubig. Subalit ang artipisyal na mga kahalili ng halon ay hinahanap pa rin, yamang may isa pang problema sa tubig: Wala gaanong kikitaing salapi sa pagbebenta nito.

Bagong Tuklas​—Hepatitis G

Natiyak ng mga doktor sa Hapon na sa loob ng isang buwan ng mga pagpapasalin ng dugo, ang mga pasyente ay nahawahan ng virus ng hepatitis G, isang bagong uri na nakilala noong 1995 sa Estados Unidos. Dahil sa pagsusuri-muli ng dugo ng mga pasyenteng may kanser sa atay na nagpaopera sa pagitan ng 1992 at 1994 sa Toranomon Hospital sa Tokyo, natuklasan ng mga doktor na 2 sa 55 pasyente ang nahawahan bago ang operasyon at 7 iba pa ang nahawahan pagkatapos ng operasyon. Ang nahawahang dugo na isinalin sa bawat isa sa 7 pasyente ay nagmula sa katamtamang bilang na 71 nagkaloob, ang sabi ng mga doktor, nagpapahiwatig na 1.4 porsiyento ng ginamit na panustos na dugo ay nahawahan ng bagong virus. Kakaunti ang alam tungkol sa virus ng hepatitis G o ilang porsiyento ng mga naghahatid nito ang magkakaroon ng hepatitis o kanser sa atay, ang sabi ng Asahi Evening News.

“Ang Millennium Bug”

“Kilala bilang Millennium Bug, ang Year 2000 Problem, o basta ‘Y2K,’ ” ito “ang isa sa pinakamatinding salik na makasisira sa makabagong computer,” ang sabi ng U.S.News & World Report. Nagsimula ito noong mga taon ng 1960 nang ang mga computer ay napakamahal at ang memory nito ay limitado pa. Upang makatipid sa lugar, isinulat ng mga programmer ang mga petsa na ang ginagamit lamang ay ang dalawang huling numero ng taon. Para sa computer, ang taóng 1997 ay basta “97” lamang. Ang problema? “Sa Ene. 1, 2000, ang halos 90 porsiyento ng hardware at software ng computer sa daigdig ay ‘mag-iisip’ na ito ang unang araw ng 1900.” Nakagawa na ng mga pagkakamali. “Sa isang bilangguan ng estado, nagkamali sa pagbilang ang bug ng computer sa sentensiya ng ilang bilanggo na napalaya,” ang sabi ng Newsweek. “Tinanggihan ng tindahan at mga restawran ang ilang credit card nang ang ‘00’ na petsa ng pagtatapos nito ay makalito sa mga computer. At natuklasan ng mga nagmamaneho ng trak sa ilang estado na ang kanilang mga lisensiya para sa iba’t ibang estado ay nakansela nang hindi masumpungan ng mga computer ang binago-muling mga aplikasyon na may petsa pagkatapos ng milenyo.” Ang mga korporasyon sa buong daigdig ay kailangang gumugol ng tinatayang $600 bilyon upang palitan ang mga kodigo ng petsa​—at umaasa sila na kanilang magagawa ito sa nalalabing dalawang taon.

Di-Mapantayang Rekord ng mga Hayop

Noong tag-araw ng 1996, isang pangkaraniwang golondrina ang nakagawa ng rekord para sa “pinakamahabang paglipad na nagawa kailanman ng isang hayop sa larangan ng pandarayuhan” na may patotoo tayo, ang sabi ng pahayagang Corriere della Sera. Pagkatapos na lumisan sa Finland, kung saan ito’y nilagyan ng anilyo, ang golondrina ay nahuli pagkalipas ng 18 linggo sa estado ng Victoria sa Timog-Silangang Australia​—pagkatapos ng paglalakbay na may habang 24,400 kilometro, na sumasaklaw ng katamtamang distansiya na 200 kilometro sa isang araw. Ang nakaraang rekord ay ginawa ng isang arctic tern na lumipad ng 22,530 kilometro mula sa Russia patungong Australia noong 1955. Ang iba pang mga hayop na umabot ang layo ng nilakbay sa pandarayuhan nang libu-libong milya ay ang red salmon, igat, paruparong monarch, berdeng pawikan, at mga balyenang humpback.

Karaniwan nang gumugugol ng halos 102 araw ang mga balyenang humpback upang mandayuhan mula sa Alaska patungong Hawaii, subalit natuklasan ng mga mananaliksik ang isa na gumugol lamang ng 39 na araw upang languyin ang 4,465 kilometro! Ipinakita ng paglalakbay ang katamtamang bilis na tatlong milya bawat oras. Ang katulad na balyena ay namataan din sa Mexico. Ang mga balyenang humpback ay nandarayuhan sa Hawaii upang magparami sapagkat ang mga anak nito ay may kakaunting taba para makayanan ang nagyeyelong tubig sa Alaska. Ang kanilang pandarayuhan ang isa sa pinakamahabang nagawa ng mga mamal sa tubig, ang ulat ng The Times ng London.

Ang Napakailap na Langaw na Iyan!

Bakit napakahirap hampasin ng langaw? Paano nito nagagawang makalipad nang napakabilis? Ang sekreto ay nasa kayarian ng utak nito na tinatawag na giant fiber. Ito’y tulad-lasong selula na nakikipagtalastasan sa elektrikal na paraan, sa halip na kemikal, sa iba pang bahagi ng utak ng langaw. Bilang resulta, ang kuryente ay dumadaloy nang mabilis sa bahagi ng utak na nagpapasigla sa pagtalon at paglipad, na nagpapangyari sa langaw na makaalis sa mapanganib na kalagayan sa ilang libong bahagi ng isang segundo. Halimbawa, para sa isang karaniwang tao, gugugol ng halos sangkapat ng isang segundo bago makatugon ang kamay sa isang bagay na nakita ng mata. Palibhasa’y taglay ang kaalamang ito tungkol sa mga langaw, umaasa ang mga mananaliksik sa Sussex University sa Britanya na makagawa ng isang pamatay-insekto na matagumpay na makapipinsala sa reaksiyon ng langaw, ang ulat ng The Times ng London.

Krisis ng Pawikan sa Dagat

Ang populasyon ng pawikan sa dagat ay umabot na sa mapanganib na mababang antas dahil sa labis-labis na panghuhuli sa katubigan ng Asia-Pasipiko, ang ulat ng The Weekend Australian. Ito’y humantong sa pagdaraos ng komperensiya na ginawa kapuwa ng Australia at Indonesia sa Java taglay ang pangmalas na pasulungin ang mga pamamaraan ng konserbasyon. Dahil sa ang mga pawikan ay nandarayuhan at walang bansang nagmamay-ari nito, ang pinakamabisang mga programa sa konserbasyon sa isang bansa ay walang gaanong kabuluhan kung hinuhuli naman ng ibang bansang nasa pandarayuhan nito ang mga pawikan nang hindi iniisip ang tungkol sa lahi nito sa hinaharap. “Tinatayang 50,000 pawikan ang napapatay taun-taon sa Bali lamang para sa negosyo sa turista,” ang sabi ng pahayagan, “at daan-daang libong itlog ng pawikan ang kinukuha para sa pagkain.” Ibinebenta rin ng Papua New Guinea ang mga pawikan sa dagat, kasali na ang nanganganib malipol na loggerhead at mahinang leatherback at mga pawikang kulay berde. Ang iba pang uri na nanganganib ay ang hawksbill, flatback, at ang pawikang Oliver Ridley.

Halos Naglaho Na ang Morse Code sa Loob ng 150 taon

Mahigit na 150 taon na ang nakalipas, naitakda ni Samuel Morse, isang Amerikanong imbentor, ang espesipikong kodigo ng tuldok at mga gatlang sa bawat titik ng alpabeto. Nagawa nitong padaluyin ang mensahe sa mga radio wave sa pamamagitan ng kagamitan na kilala bilang Morse key. Libu-libong buhay ang nasagip sa dagat kapag ginamit ng mga barkong nasira ang pangkagipitang kodigong SOS. Ginamit din ng mga hukbo sa buong mundo ang simpleng paraan na ito ng komunikasyon, gaya ng ginagawa ng di-mabilang na mga baguhang nasisiyahan sa paghahatid ng mga mensahe. Ang pinakamalaking pakinabang sa Morse code ay nakasalalay sa pagiging malinaw nito, isang mahalagang salik kapag ang opereytor ng radyo ay may matigas na punto sa pagsasalita o hindi makapagsalita ng wika ng kaniyang mensahe na malamang na marinig niya. Subalit ang mga mensahe sa Morse ay patuloy na hinalinhan ng pakikipag-usap sa radyo at ng mga sistema ng komunikasyon sa pamamagitan ng satelayt. Noong 1993 ang kodigo ay hindi na kinailangan pa sa mga barkong naglalayag sa dagat. Tinalikdan na ng Pransiya ang sistemang Morse maaga nang taóng ito, at sa taóng 1999 ito’y maaalis na sa buong mundo.

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share