Mas Mabuti Kaysa sa Pagiging Tanyag sa Daigdig
Mga taon pagkalipas na ako’y maging tanyag na eskultor sa Europa, may paninising sinabi sa akin ng kapuwa kong dalubsining: “Sinayang mo ang galing mo sa sining!” Bago ko isalaysay kung bakit niya sinabi iyon, hayaan mong ikuwento ko kung paano ako naging isang eskultor.
SA NAYON ng Aurisina, kung saan ako’y isinilang, ang karamihan ng mga lalaki ay nagtatrabaho sa isang sinaunang tibagan ng bato. Ang Aurisina ay matatagpuan sa hilagang Italya malapit sa Trieste at sa tabi ng dating Yugoslavia. Nang ako’y 15, ako rin ay nagsimulang magtrabaho sa nayon ng tibagan. Iyon ay noong 1939, ang taon na nagsimula ang Digmaang Pandaigdig II. Dahil sa pagtatrabaho ko sa tibagan kung kaya ibig kong maging isang kilalang eskultor. Ayaw na ayaw ko ring mamatay. Ang parehong bagay na ito na aking hinahangad ay waring imposible.
Nang matapos ang digmaan noong 1945, ako’y tumira sa aking ate sa Roma. Doon, minithi kong makapasok sa isang akademya ng sining. Gayon na lamang ang aking tuwa nang matupad ang aking hinahangad at ako’y natanggap para mag-aral nang tatlong taon! Ang aking pag-aaral ay natustusan sa tulong ng iba’t ibang organisasyon ng kawang-gawa.
Pagkagutom sa Espirituwal
Sinikap ko ring bigyang-kasiyahan ang aking pagkagutom sa espirituwal sa pamamagitan ng pagdalo sa mga relihiyosong serbisyo, kasali na ang Salvation Army at ang Waldenses. Kumuha pa nga ako ng mga kurso sa isang pamantasan ng mga Jesuita, at nakadalo ako minsan sa isang tatlong-araw na seminar na isang obispo ang nagtuturo. Sa panahong ito ng pag-aaral ay hindi kami pinahintulutang makipag-usap sa isa’t isa, ngunit itinalaga namin ang aming mga sarili sa pananalangin, pagbubulay-bulay, pangungumpisal, at pagmamasid sa halimbawa ng obispo.
Pagkalipas nito, natanto ko na ang aking pananampalataya ay hindi napalakas. “Bakit,” ang tanong ko sa obispo, “hindi ako nagkaroon ng malakas na pananampalataya?”
“Ang pananampalataya ay kaloob ng Diyos,” ang sagot ng obispo, “at ibinibigay niya ito sa kaninuman na kaniyang maibigan.” Lalong nakasira ng loob ko ang kaniyang sagot anupat huminto ako sa paghahanap sa Diyos at ibinuhos ko na lamang nang husto ang aking sarili sa pag-aaral ko ng sining.
Pagtatamo ng Pagkilala sa Buong Daigdig
Pagkatapos kong mag-aral sa Roma noong 1948, tumanggap ako ng isang taóng iskolarsip upang mag-aral sa isang akademya ng sining sa Vienna, Austria. Ako’y nagtapos doon nang sumunod na taon at tumanggap ng isang taóng iskolarsip upang ipagpatuloy ang aking pag-aaral sa Ljubljana, Slovenia, (dating bahagi ng Yugoslavia). Ang aking tunguhin ay makapunta sa Paris, Pransiya, ang sentro ng fine arts.
Gayunman, noong 1951, binigyan ako ng pagkakataon na magtrabaho sa Stockholm, Sweden. Lumipat ako roon na may intensiyong makaipon ng pondo upang makatulong sa akin na maipagpatuloy ko ang isang karera sa sining sa Paris. Subalit nakilala ko si Micky, at kami’y nagpakasal noong 1952 at kami’y nanirahan sa Stockholm. Nagkaroon ako ng trabaho sa isang maliit na workshop kung saan ako’y naglililok mula sa bato, marmol, at granito. Ang ilan sa mga ito ay itinanghal sa Millesgarden, isang parke at museo sa bayan ng Lidingö, malapit sa Stockholm.
Natutuhan ko ang isang makalumang paraan ng pagmomolde ng tanso sa Roma—ang pamamaraan na tinutunaw ang eskayola—at nagturo ako ng pagmomolde ng tanso sa Art Vocational Training School at sa Academy of Art sa Stockholm. Pagkatapos, nakapasok ako sa isang pagawaan na nagmomolde ng tanso sa bukás na museo sa Skansen sa Stockholm. Doon, malimit sa harapan ng mga manonood, ako’y lumililok mula sa tanso o tingga. Ako’y inupahan din upang isauli sa dati ang sinaunang mga eskultura na pag-aari ng hari ng Sweden, si Gustav VI. Ang mga ito’y nakatanghal sa Royal Palace gayundin sa kastilyo ng Drottningholm sa Stockholm.
Sa pagitan ng 1954 at 1960, pinarangalan ng press at ng mga kritiko sa sining ang aking gawa. Karamihan sa aking mga eskultura ay nakatanghal sa malalaking lunsod sa Europa, kasali na ang Stockholm, Roma, Ljubljana, Vienna, Zagreb, at Belgrade. Sa Belgrade, binili ni Marshal Tito ang ilan sa aking eskultura para sa kaniyang pansariling koleksiyon. Itinanghal ang aking ginawang malaking katawan ng babae na nililok sa granito sa Modern Gallery sa Roma at ang aking gawa ay nakatanghal sa Albertina Museum sa Vienna. Nasa Modern Museum sa Stockholm ang isa sa mga eskultura ko na yari sa tanso at tingga, at ang isa namang eskultura ko na yari sa tanso ay nasa Modern Gallery sa Ljubljana.
Ang Interes Muli sa Relihiyon
Pagkatapos naming makasal paglipas ng ilang taon, napansin ni Micky na nabubuhay muli ang aking interes sa relihiyon. Patuloy kong napag-iisip-isip, ‘Nasaan ang pananampalataya na handang ikamatay ng sinaunang mga Kristiyano?’ Muli akong dumalo sa relihiyosong mga serbisyo, gaya sa mga Pentecostal at Sabadista. Sinuri ko pa nga ang Islam at Budismo.
Noong 1959, bago ako nagpunta sa isang eksibit sa sining sa Milan, Italya, dinalaw ko ang aking bayang Aurisina sa loob ng ilang araw. Ikinuwento sa akin ng mga taganayon ang tungkol sa isang lalaki na ayon sa kanila’y maraming alam tungkol sa Bibliya. Isa siya sa mga Saksi ni Jehova. Nang magkaroon ako ng pagkakataon na makausap siya, ipinakita niya sa akin ang mga bagay sa Bibliya na hindi ko pa kailanman nalaman. Nalaman ko na ang tao ay isang kaluluwa—hindi siya nagtataglay ng kaluluwa na hiwalay sa kaniyang katawan—at na ang kaluluwang tao ay mortal, hindi imortal gaya ng turo ng ibang relihiyon.—Genesis 2:7; Ezekiel 18:4.
Isa pa, ipinakita sa akin ng lalaki na ang layunin ng Diyos nang kaniyang likhain sina Adan at Eva ay, hindi upang sila’y mamatay, kundi upang sila’y mabuhay magpakailanman sa kaligayahan sa lupa. Ang unang mag-asawa ay namatay dahil sila’y masuwayin. (Genesis 1:28; 2:15-17) Natutuhan ko na sa pagkakaloob ng kaniyang Anak bilang pantubos, naglaan ang Diyos ng pag-asang mabuhay nang walang hanggan sa ikasisiya ng mga tao, na naiwala dahil sa pagsuway ni Adan. (Juan 3:16) Nagdulot ito ng malaking kagalakan sa akin na malaman ang mga bagay na ito.—Awit 37:29; Apocalipsis 21:3, 4.
Isang Malaking Pagbabago
Sandali lamang pagkalipas nito, ako’y nagbalik sa Sweden, at sinikap namin ni Micky na hanapin ang mga Saksi ni Jehova. Subalit hindi namin makita ang kanilang direksiyon. Gayunman, pagkalipas ng ilang araw ay may tumimbre sa aming pinto, at narito sila sa aming pinto! Binasa ko ang literatura na kanilang iniwan sa akin, at hindi nagtagal ay nakumbinsi ako na ito ang nagtataglay ng katotohanan. Subalit, ibig kong tiyakin ang aking opinyon sa pamamagitan ng pakikipag-usap sa isang matagal nang kaibigan, isang Katolikong arsobispo, na nakilala ko noong ako’y nag-aaral sa Roma sa pagtatapos ng mga taon ng 1940. Kaya, noong Enero 1961, nakipagkita ako sa kaniya.
Ang aking kaibigan ang namamanihala sa gawaing misyonero ng Katoliko sa buong mundo. Anong laking sorpresa ang naghihintay sa akin! Nagulat ako na malaman na walang kaalam-alam ang arsobispo maging sa pangunahing mga kaalaman sa Bibliya. Nang pag-usapan namin kung ano ang nangyayari kapag namatay, aniya: “Ang pinaniniwalaan natin sa ngayon ay maaaring lubusang maging ang kabaligtaran sa dakong huli.” At nang aming mapag-usapan ang tinutukoy ni apostol Pedro na pangako ng Bibliya na “isang bagong langit at isang bagong lupa,” hindi niya tiyak kung ano ang ibig sabihin ng pangakong ito.—2 Pedro 3:13; Isaias 65:17-25.
Pagbalik ko sa Stockholm, nagsimula akong makipag-aral nang palagian ng Bibliya sa isa sa mga Saksi na nakilala naming mag-asawa. Tuwang-tuwa ako na makitang nagiging interesado si Micky sa pag-aaral. Sa wakas, noong Pebrero 26, 1961, sinagisagan ko ang aking pag-aalay kay Jehova sa pamamagitan ng pagpapabautismo sa tubig, at si Micky ay nabautismuhan nang sumunod na taon.
Mga Pagbabago sa Aking Trabaho
Kami’y nagkaanak ng isang babae noong 1956 at isang lalaki noong 1961. Yamang kami’y may pamilya na ngayon na susuportahan, kailangan ko ang isang matatag na trabaho. Natuwa ako na tumanggap ng isang paanyaya na gumawa ng isang malaking monumento sa bayan na aking sinilangan. Ito’y isang alaala para sa mga partidista na namatay noong Digmaang Pandaigdig II. Ang monumento ay magiging isang proyekto na malaki ang kita kung para sa akin. Subalit pagkatapos na isaalang-alang ang iba’t ibang salik—kasali na ang bagay na mawawalay ako sa aking pamilya at sa kongregasyong Kristiyano sa loob ng mga buwan at ako’y titira sa isang bansa kung saan matagumpay ang Komunismo at kung saan hindi magiging madali na ipagpatuloy ang espirituwal na mga bagay—tinanggihan ko ang alok.
Isa pang trabaho ang bumabagabag sa aking budhi. Hinilingan akong gumawa ng isang malaking palamuti para sa bagong krematoryo sa Sweden. Nang matapos ko ito, ako’y inanyayahan sa inagurasyon nito. Subalit pagkatapos kong mapag-alaman na ang obispo ng Stockholm ang mag-aalis ng tabing ng aking gawa, ipinasiya ko na huwag sumama sa seremonya na kasama ng mga tao na ang mga turo at kaugalian ay tuwirang salungat sa Salita ng Diyos.—2 Corinto 6:14-18.
Dahil sa kawalang-kasiguruhan ng pagkakaroon ng matatag na trabaho bilang isang eskultor, nahirapan akong masapatan ang materyal na pangangailangan ng aking pamilya. (1 Timoteo 5:8) May pananalanging isinaalang-alang ko kung ano ang aking maaaring gawin para sa aming kabuhayan. Pagkatapos, isang arkitekto ang lumapit sa akin na may modelo ng gusali na kaniyang dinisenyo. Hiniling niyang kunan ko ito ng litrato. Yamang marunong ako sa potograpiya dahil sa aking karanasan ng pagkuha ng larawan sa aking mga eskultura, masaya kong tinanggap ang trabaho. Noong mga taóng iyon ay napakaraming konstruksiyon ang nagaganap sa Sweden, at may pangangailangang kunan ng larawan ang mga modelo. Kaya, marami akong tanggap na trabaho mula sa maraming arkitekto at nasusuportahan kong mabuti ang aking pamilya.
Ito ang panahon nang aking dalawin ang Italian Cultural Institute sa Stockholm upang ibahagi ang mabuting balita ng Kaharian ng Diyos. (Mateo 24:14) Kilala ko ang direktor ng institusyon at naisaayos kong makipag-usap sa kaniya. Pagkatapos niyang malaman na inihinto ko na ang pagtatrabaho bilang isang eskultor ay sinabi niya: “Sinayang mo ang galing mo sa sining!” Ipinaliwanag ko na kailangan kong unahin ang aking mga obligasyon sa Diyos at sa aking pamilya.
Aaminin ko na sa isang yugto ng panahon, ang sining ang naging pinakamahalagang bagay sa buhay ko. Gayunman, natanto ko na para sa akin, ang patuloy kong pagtataguyod sa aking karera ay katulad ng paglilingkod sa dalawang panginoon. (Mateo 6:24) Kumbinsido ako na ang pinakamahalagang bagay na magagawa ko ay ang ipangaral ang mabuting balita ng Kaharian ng Diyos. Kaya personal na ipinasiya kong isuko ang aking trabaho bilang isang eskultor, at saganang pinagpala ng Diyos na Jehova ang aking pasiya.—Malakias 3:10.
Mga Pribilehiyo sa Kristiyanong Paglilingkuran
Noong kaagahan ng mga taon ng 1970, maraming nandayuhan sa Sweden mula sa gawing timog at silangan ng Europa ang nagpakita ng interes sa katotohanan ng Bibliya. Kaya, sa pasimula ng 1973, ako’y nagkaroon ng pribilehiyo na makipag-aral ng Bibliya sa mga nandayuhan na nagsasalita ng Italyano, Kastila, at Serbo-Croatiano, at ako’y nakatulong sa pagtatatag ng bagong mga kongregasyon at mga grupo ng pag-aaral sa mga grupong ito ng mga wika. Ako’y naatasang magsaayos ng Kristiyanong mga kombensiyon sa wikang Italyano at mangasiwa ng mga drama sa Bibliya sa kanila. Paminsan-minsan, ako’y nagkaroon din ng pribilehiyo na maglingkod sa mga kongregasyon sa Sweden bilang isang naglalakbay na tagapangasiwa.
Bunga ng aking pagtulong sa pagsasaayos ng Italyanong mga kombensiyon sa Sweden, ako’y nagkaroon ng pakikipag-ugnayan sa tanggapang pansangay ng Samahang Watch Tower sa Roma. Sinabi sa akin ng mga kapatid na Italyano na may kakulangan ng mga elder sa kongregasyon sa Italya dahil sa biglang pagsulong ng gawaing pangangaral doon. Kaya noong 1987, kami ni Micky ay lumipat sa Liguria, malapit sa Genoa, Italya. Nang panahong iyon ang aming mga anak ay malalaki at may kani-kaniya nang buhay. Ginugol namin ang dalawang napakagandang mga taon sa Italya at nagkaroon kami ng bahagi sa pagtatatag ng isang bagong kongregasyon sa Liguria. Naranasan namin nang lubusan ang katotohanan ng Kawikaan 10:22: “Ang pagpapala ni Jehova—iyan ang nagpapayaman.”
Kung minsan ay tinutuos namin ni Micky ang aming mga pagpapala mula kay Jehova, at humahaba nang husto ang aming talaan. Bukod pa sa pakikibahagi sa pagtatag ng mga bagong kongregasyon, nakatulong kami sa ilang tao, kasali na ang aming mga anak, hanggang sa punto ng pag-aalay at pagpapabautismo at pagkatapos sa pagiging maygulang na mga Kristiyano. Hindi ko pinagsisisihan ang aking pasiya na isuko ang buhay ko bilang isang bantog na eskultor, sapagkat pinili ko ang higit na nakasisiyang karera ng paglilingkod sa ating mapagmahal na Diyos, si Jehova. Kaya kami ng aking mga mahal sa buhay ay tumanggap ng isang matatag na pag-asa ng buhay na walang-hanggan, dahil kay Jehova.—Gaya ng inilahad ni Celo Pertot.
[Larawan sa pahina 13]
Gumagawa ng isang eskultura noong 1955
[Larawan sa pahina 15]
Kasama ng aking maybahay