Via Egnatia—Isang Haywey na Nakatulong sa Pagpapalawak
NG KABALITAAN NG GUMISING! SA GRESYA
NOONG 50 C.E., isang grupo ng mga misyonerong Kristiyano ang nagtungo sa Europa sa kauna-unahang pagkakataon. Dumating sila bilang tugon sa paanyayang tinanggap ni apostol Pablo sa isang pangitain: “Tumawid ka patungong Macedonia at tulungan mo kami.” (Gawa 16:9) Ang mensaheng dala ni Pablo at ng kaniyang mga kasama tungkol kay Jesu-Kristo ay nagkaroon ng kapansin-pansing epekto sa Europa.
Isang mahalagang tulong upang lumaganap ang Kristiyanismo sa Macedonia ay ang Via Egnatia, isang Romanong haywey na nalalatagan ng bato. Pagkatapos dumaong sa puwerto ng Neapolis (ngayo’y Kaválla, Gresya) sa dulong hilaga ng Dagat Aegean, maliwanag na naglakbay ang mga misyonero sa haywey na iyon patungong Filipos, ang pangunahing lunsod ng distrito ng Macedonia. Ang daan ay patungo sa Amfipolis, Apolonia, at Tesalonica, ang sumunod na mga hinintuan ni Pablo at ng kaniyang mga kasama.—Gawa 16:11–17:1.
Ang mga bahagi ng sinaunang haywey na ito ay naririyan pa at ginagamit pa rin araw-araw. May mga plano ngayon na magtayo ng isang makabagong haywey na susunod sa ruta ng sinaunang daan at magtataglay ng pangalan ding iyon.
Sino ang nagtayo ng orihinal na haywey? Kailan ito itinayo, at sa anong layunin?
Kung Bakit Kinailangan
Habang patuloy sa pananakop ang Imperyong Romano pasilangan, ang Macedonia ay naging isang lalawigang Romano noong 146 B.C.E. Subalit, ang pagkatamo nito ay lumikha ng isang bagong pangangailangan para sa imperyo—ang kakayahang agad na maglagay ng hukbong militar sa bagong mga teritoryo. Idinugtong na ng Via Appia, o Appian Way, sa Italian Peninsula ang Roma sa timog-silangan ng Baybaying Adriatiko. Ngunit kailangan ngayon ng imperyo ang katulad na haywey sa Balkan Peninsula, kaya naisip ang Via Egnatia. Ito’y ipinangalan sa punong inhinyero ng proyekto, ang Romanong prokonsul na si Gnaius Egnatius.
Mula sa daungang bayan ng Dyrrachium sa lalawigan ng Ilirico (Durres, Albania), ang Via Egnatia ay umabot hanggang sa sinaunang lunsod ng Byzantium (Istanbul, Turkey), na sumusukat ng mahigit na 800 kilometro. Ang konstruksiyon ay nagsimula noong 145 B.C.E. at kumuha ng mga 44 na taon upang matapos. Gaya ng balak dito, di-nagtagal ang Via Egnatia ay naging malaking tulong sa patakaran ng Roma na pagpapalawak sa Silangan.
Mahirap na Kalupaan sa Paggawa ng Daan
Subalit, naging isang hamon ang paggawa ng haywey dahil sa kalupaan. Halimbawa, sa panimulang yugto nito, tinutumbok ng daanan ang Lawa ng Ohrid, na binabaybay nito pahilaga. At, pagkatapos magpaliku-liko sa mga daanan sa bundok at pasilangan sa ibayo ng tigang at baku-bakong rehiyon, nakalbong mga bundok, at mga lunas ng libis na bahagyang okupado ng mga lawa, mararating sa wakas ng daan ang sentrong kapatagan ng Macedonia.
Habang papalapit ang haywey sa lunsod ng Tesalonica, sinusundan nito ang patag at tiwangwang na kabukiran. Subalit ang lupain sa gawing silangan ng lunsod ay maburol. Bumabaybay sa gilid ng mga burol na ito, ang Via Egnatia ay pababa tungo sa isang libis na kinaroroonan ng mga lawa na may kakaunti at malating mga gilid. Patuloy pa, paliku-liko ito sa mga libis at mga latian hanggang sa marating nito ang sinaunang bayan ng Neapolis.
Mula roon ay sinusundan ng ruta ang baybaying-dagat na Aegean pasilangan at bumabagtas sa rehiyon ng Thrace. Sa huling bahagi nito, ang haywey ay tuluy-tuloy at patag hanggang sa patutunguhan nito, ang Byzantium.
Pagtupad sa Layunin Nito
Ang Via Egnatia ang pinakadiretso at kombinyenteng ruta sa pagitan ng Roma at ng mga nasakop ng Roma hanggang sa silangan ng Dagat Adriatiko. Pinadadali nito ang pagtatatag ng mga Romanong kolonya sa mga bayan ng Macedonia at lubhang naimpluwensiyahan ang kabuhayan, demograpiko, at kultural na pag-unlad ng lugar na iyon. Ginawang posible ng haywey ang madaling paghahatid ng tanso, aspalto, pilak, isda, langis, alak, keso, at iba pang bagay.
Ang kasaganaan mula sa kalakalang iyon ay nagpangyari sa mga bayan sa kahabaan ng daan, gaya ng Tesalonica at Amfipolis, na mapabilang sa pinakamalalaking sentrong panlunsod sa mga bansa sa Balkan. Ang Tesalonica, lalo na, ay naging isang mahalagang sentro ng komersiyo, sagana sa artistiko at kultural na mga gawain. Oo, ang halaga ng pagpapanatili sa daang ito ay bahagyang binayaran ng mga pamayanan na dinaraanan nito. Tinatamasa naman ng mga pamayanang ito ang saganang mga pakinabang ng kalakalan sa buong mundo.
Ang Papel sa Pagpapalaganap ng Kristiyanismo
Gayunman, dinala ng Via Egnatia sa mga taong nakatira sa dakong iyon ang pakinabang na higit pa sa materyal na kasaganaan. Kunin halimbawa ang maunlad na negosyanteng si Lydia. Siya’y nakatira sa Filipos—ang unang lunsod sa Europa na nakarinig sa pangangaral ni Pablo ng mabuting balita. Pagkadaong sa Neapolis noong 50 C.E., si apostol Pablo at ang kaniyang mga kasama ay naglakbay ng labing-anim na kilometro pahilagang-kanluran sa kahabaan ng Via Egnatia hanggang sa Filipos.
“Sa araw ng Sabbath,” ang sulat ni Lucas, “ay pumaroon kami sa labas ng pintuang-daan sa tabi ng isang ilog, kung saan iniisip naming may dakong panalanginan; at umupo kami at nagpasimulang magsalita sa mga babaing nagkatipon.” Kabilang sa mga babaing nakinig kay Pablo ay si Lydia. Noong araw na iyon, siya at ang kaniyang sambahayan ay naging mga mananampalataya.—Gawa 16:13, 14.
Mula sa Filipos, si Pablo at ang kaniyang mga kasama ay nagpatuloy sa kahabaan ng Via Egnatia na nagdaraan sa Amfipolis at Apolonia tungo sa Tesalonica, may kabuuang 120 kilometro. (Gawa 17:1) Upang ipangaral ang mabuting balita sa Tesalonica, ginamit ni Pablo ang mga pagtitipon ng mga Judio kung araw ng Sabbath sa lokal na sinagoga. Kaya naman ang ilang Judio at ang malaking pulutong ng mga Griego ay naging mga mananampalataya.—Gawa 17:2-4.
Gayundin naman sa ngayon, ginagamit ng mga Saksi ni Jehova sa Albania at Gresya ang mga bahagi ng haywey ring ito upang marating ang mga taong nakatira sa mga teritoryong ito. Ang kanilang tunguhin ay ipalaganap ang mabuting balita ng Kaharian ng Diyos, gaya ng ginawa ni apostol Pablo at ng kaniyang mga kasamang misyonero. (Mateo 28:19, 20; Gawa 1:8) Tunay, ang Via Egnatia ay isang Romanong haywey na nakatulong sa espirituwal na paglawak, kapuwa noong unang siglo at hanggang sa ngayon sa ika-20 siglong ito!
[Mga mapa sa pahina 16, 17]
(Para sa aktuwal na format, tingnan ang publikasyon)
BRITANYA
EUROPA
APRIKA
BALKAN PENINSULA
MACEDONIA
GRESYA
Dyrrachium, Illyricum (Durres, Albania)
Tesalonica
Apolonia
Amfipolis
Filipos
Neapolis (Kaválla)
Byzantium (Istanbul)
DAGAT NA ITIM
DAGAT NG MARMARA
THRACE
DAGAT AEGEAN
Troas
TURKEY
[Credit Line sa pahina 16]
Mountain High Maps® Karapatang-sipi © 1995 Digital Wisdom, Inc.
[Larawan sa pahina 16]
Sa daan patungong Neapolis
[Larawan sa pahina 17]
Sa daan patungong Filipos