Mga Saksi ni Jehova sa Russia
Pangmalas ng Isang Teologo
SA Roma, ganito ang sinabi ng mga lider ng pamayanang Judio noong unang siglo tungkol sa Kristiyanismo: “Kung tungkol sa sektang ito nalalaman namin na sa lahat ng dako ay pinagsasalitaan ito nang laban.” Ano ang ginawa ng mga lider na iyon? Kapuri-puri nga, sila’y nagtungo kay apostol Pablo, na nakapiit noon, at nagsabi: “Iniisip naming wasto na marinig mula sa iyo kung ano ang iyong kaisipan.” (Gawa 28:22) Nakinig sila sa isang may kabatirang Kristiyano sa halip na doon sa mga nagsasalita laban sa Kristiyanismo.
Gayundin ang ginawa ni Sergei Ivanenko, isang iginagalang na Rusong teologo. Bagaman pinaniwalaan niya ang maraming negatibong mga ulat tungkol sa mga Saksi ni Jehova na kumakalat sa Russia, nagpasiya siyang dumalaw sa tanggapang sangay ng mga Saksi, na nasa labas lamang ng St. Petersburg, para kumuha ng impormasyon. Tinanggap niya ang paanyaya na dumalaw roon, magtanong, at magmasid mismo sa mga Saksi.
Nang dumating si G. Ivanenko noong Oktubre 1996, ang mga pasilidad na tinutuluyan ng halos 200 miyembro ng mga kawani ng sangay ng mga Saksi ni Jehova sa Russia ay malapit nang matapos. Sa sumunod na tatlong araw, binigyan siya ng pagkakataon na magmasid sa lugar ng konstruksiyon, kumain sa silid kainan, at kapanayamin ang sinumang gusto niya.
Isang artikulong isinulat ni G. Ivanenko tungkol sa mga Saksi ay inilathala sa kilalang lingguhang babasahin sa Russia na Moscow News ng Pebrero 16-23, 1997. Ang artikulo, na pinamagatang “Dapat ba Tayong Matakot sa mga Saksi ni Jehova?,” ay lumitaw rin sa edisyong Ingles ng Moscow News, na may petsang Pebrero 20-26. Yamang maraming mambabasa ng Gumising! ang lubhang interesado sa gawain ng mga Saksi ni Jehova sa Russia, aming muling inililimbag dito, na may pahintulot, ang karamihan sa artikulong ito. Sinimulan ito ni G. Ivanenko sa pamamagitan ng sumusunod na karanasan, na lumitaw sa matingkad na tipo:
“‘Mga sekta, umalis kayo sa Russia!’ ang mababasa sa poster na iwinawagayway ng mga miyembro ng partido LDPR ng Zhirinovsky na nagpipiket sa isang pulong ng mga Saksi ni Jehova. ‘Ano ang ayaw ninyo tungkol sa organisasyong ito?’ ang tanong ko sa isa sa mga nagpipiket. Inabot niya sa akin ang isang kopya ng pahayagang Megapolis-Express na may ulong-balita na ‘Paglaganap ng Relihiyosong Sipilis sa Kamchatka.’ Sinabi ng pahayagan na upang magkapera ang organisasyon, ang mga Saksi ni Jehova ay nambubugaw at nagpapalakad ng mga samahan sa prostitusyon, anupat nagkakalat ng sakit benereo sa mga marino. ‘Isa ka rin ba sa kanilang mga biktima?’ may simpatiyang tanong ko. ‘Naniniwala ka ba sa impormasyong ito?’ ‘Hindi mahalaga iyan,’ ang sagot niya. ‘Ang mahalagang bagay ay na sinisira ng Amerikanong sektang ito ang espirituwalidad at kultura sa Russia, at dapat nating ihinto ito.’ ”
Ang artikulong isinulat ni G. Ivanenko ay kasunod ng pangalawang linya: “Ni Sergei Ivanenko, teologo, kandidato sa pilosopiya.”
“Pambihira nga ang katapatang gaya nito, bagaman totoo na maraming Ruso ang hindi nag-iisip nang may kabaitan tungkol sa mga Saksi ni Jehova. Ang pagbanggit lamang tungkol sa organisasyong ito ay umaakay sa sunud-sunod na mga komento tungkol sa malungkot na pagkapanatiko nito, sa Amerikanong pinagmulan nito, tungkol sa bulag na pananampalataya ng karaniwang mga miyembro nito sa mga lider ng organisasyon, at ang paniniwala na malapit na ang katapusan ng mundo. Para sa marami ang mga Saksi ni Jehova ay pumupukaw ng takot at pag-uusyoso.
“Ano ba ang Relihiyong Ito, at Dapat ba Nating Katakutan Ito?
“Upang malaman ko ito mismo, dinalaw ko ang nayon ng Solnechnoye sa distrito ng Kururtnoye, St. Petersburg, kung saan naroon ang sentrong pampangasiwaan ng mga Saksi ni Jehova sa Russia.
***
“[Ito ay] nasa lugar ng isang dating summer camp. Noong 1992 ang [orihinal] na gusali ay naging sirang-sira, anupat sa halip na mga bata, tinirhan ito ng mga palaboy at mga daga. Maliwanag na ang sira-sirang kondisyon ng lugar na ito ang nagpangyari upang magamit ng mga Saksi ni Jehova ang pitong ektaryang lupa sa walang-takdang yugto ng panahon. Binago nila ang lumang mga gusali at nagtayo rin sila ng mga bagong gusali, pati na ang apat na palapag na gusaling pampangasiwaan, isang [Kingdom Hall] na makapagpapaupo ng 500, at isang bulwagang kainan. Ang mga Saksi ni Jehova ay nagtatanim din ng bagong damo (pantanging pinidido mula sa Finland) at iba’t ibang uri ng pambihirang punungkahoy. Ang paggawa ay inaasahang matatapos sa darating na tag-init. Ang pangunahing atas ng sentrong pampangasiwaan ay ang pag-organisa ng gawaing pangangaral at paghahatid ng literatura sa lokal na mga kongregasyon ng mga Saksi ni Jehova. Ang Solnechnoye ay walang sariling pasilidad sa paglilimbag, kaya ang literatura sa Russia ay inililimbag sa Alemanya, pagkatapos ay inihahatid sa St. Petersburg, na mula roon ay ipinamamahagi sa mga rehiyon sa Russia. Humigit-kumulang 190 katao ang nagtatrabaho sa sentro. Sila’y boluntaryong nagtatrabaho at bagaman hindi sila tumatanggap ng suweldo, sila’y pinaglalaanan ng lahat ng mahalagang pangangailangan, gaya ng tirahan, pagkain, at pananamit.
“Ang gawain sa sentro ay pinangangasiwaan ng isang komite ng 18 matatanda. Si Vasily Kalin ang coordinator ng sentrong pampangasiwaan mula noong 1992. Siya’y ipinanganak sa Ivano-Frankovsk. Noong 1951, sa edad na apat, siya at ang kaniyang mga magulang ay ipinatapon sa Siberia (noong 1949 at 1951 halos 5,000 pamilya ang pinag-usig ng mga awtoridad dahil sa pagiging mga Saksi ni Jehova). Siya’y nabautismuhan noong 1965 at nanirahan sa rehiyon ng Irkutsk. Nagtrabaho siya bilang isang kapatas sa isang pagawaan na nagpoproseso ng troso.
“Bukod pa sa mga boluntaryo sa sentrong pampangasiwaan ay mayroon ding 200 boluntaryong mga manggagawa sa konstruksiyon mula sa Russia, Finland, Sweden at Norway na nakatira sa Solnechnoye: Karamihan ay nagbakasyon mula sa kanilang regular na trabaho. Marami ring Saksi ni Jehova mula sa Ukraine, Moldova, Alemanya, Estados Unidos, Finland, Poland, at iba pang bansa. (Walang pagtatangi ng lahi ang mga Saksi ni Jehova. Sa kabila ng katotohanang ang mga taga-Georgia, Abkhaz, Azerbaijan at Armenia ay namumuhay na magkakasama sa sentro, walang isa mang away doon sa loob ng apat na taon.)
“Karamihan ng mga materyales at kagamitan sa konstruksiyon ay ipinadala ng mga bansa sa Scandinavia, at ang karamihan ay ibinigay rin nang libre ng mga kapananampalataya. Ipinakita sa akin ang isang buldoser na dinala sa Solnechnoye ng isang Saksi ni Jehova na taga-Sweden noong 1993. Ito ang ginamit niya sa pagtatrabaho sa lahat ng panahong naroroon siya, at bago siya umuwi ay ibinigay niya ito sa kaniyang mga kapatid sa pananampalataya. Ang mga manggagawa sa konstruksiyon ay nakatira sa komportableng mga tuluyan at bahay. Ang kanilang pang-araw-araw na rutina ay katulad nito: alas 7:00 n.u.—almusal at mga panalangin; sila’y nagtatrabaho mula alas 8:00 n.u. hanggang alas 5:00 n.h. na may isang oras para sa pananghalian. Kung Sabado naman sila’y nagtatrabaho hanggang tanghali, at ang Linggo naman ay araw ng pahinga.
“Sila’y kumakain nang mahusay at laging may prutas sa menu. Ang relihiyon ay hindi nagsasagawa ng anumang pag-aayuno o may anumang mahigpit na pagbabawal sa pagkain. Pagkatapos ng trabaho, marami ang nagtutungo sa sauna at umiinom ng beer at basta nauupo at nakikinig sa musika. Walang mga lasenggo sa mga Saksi ni Jehova, subalit hindi naman ipinagbabawal ang alak. Ang mga mananampalataya ay pinahihintulutang uminom ng alak, cognac, vodka at iba pa nang katamtaman. Subalit, ang mga Saksi ni Jehova ay hindi naninigarilyo.
***
“May mga klase sa pag-aaral ng Bibliya tatlong beses sa isang linggo, na karaniwang dinadaluhan ng mga kabataan. Subalit, karaniwan ding makasumpong niyaong mga naging Saksi ni Jehova sa loob ng 30-40 taon. Halos lahat ng mga may edad na ay gumugol ng panahon sa mga bilangguan, mga kampo ng mabibigat na trabaho at bilang mga tapon. Nang matapos ang panahon ng paniniil, maraming doktor, abogado, inhinyero, guro, negosyante, at mga estudyante ang naging mga Saksi ni Jehova.
“Sinikap ng mga kongregasyon na panatilihin ang kapaligiran ng pagiging pantay-pantay ng kanilang mga miyembro. Halimbawa, kahit na ang coordinator ng sentrong pampangasiwaan ay naghuhugas ng pinggan sa gabi kapag toka niya. Tinatawag ng mga Saksi ni Jehova ang isa’t isa sa di-pormal na paraan at magdaragdag din ng ‘brother’ o ‘sister’ kapag tinatawag ang isa sa kanilang pangalan.
“Kapag nilabag ng isang Saksi ni Jehova ang mga turo ng Bibliya at hindi nagsisisi, siya’y sumasailalim ng pinakamalubhang anyo ng parusa—siya’y itinitiwalag. Makadadalo pa rin siya sa mga pulong, subalit hindi na siya babatiin ng kaniyang mga kapananampalataya. Ang hindi gaanong mabigat na parusa ay pagsaway.
***
“Gumugol ako ng mahabang panahon sa pagmamasid sa mga Saksi ni Jehova sapagkat gusto kong malaman kung ano ang nakaakit sa napakaraming iba’t ibang tao na pumasok sa relihiyosong organisasyong ito. Taglay ang lahat ng mga pagkakaiba sa kanilang mga personalidad, mga antas ng edukasyon at personal na mga gusto at di-gusto, [ang mga Saksi ni Jehova ay hindi nakikisama sa pagsamba ng] mga relihiyon na nakikipagkompromiso sa makasalanang sanlibutan. Naaasiwa sila sa mga dako kung saan [ang mga tao] ay dapat na bulag na maniwala sa awtoridad, kung saan may kahiwagaan, kung saan ang mga tao ay nababahagi sa herarkiya at masunuring masa.
“Ang mga Saksi ni Jehova ay kilala sa kanilang matatag na paniniwala na mamuhay kasuwato ng Bibliya. Sinisikap nilang iayon ang kanilang bawat kilos sa ganoo’t ganitong simulain ng Bibliya, o sa pagsipi ng isang talata mula sa Matanda o Bagong Tipan. Ang mga Saksi ni Jehova ay naniniwala na ang Bibliya at tanging ang Bibliya ang naglalaman ng mga sagot sa lahat ng mga katanungan. Sa mga Saksi ni Jehova, ang Bibliya ang konstitusyon, ang kodigo sibil at ang pinakamataas na kapahayagan ng katotohanan.
“Sa kadahilanang ito ang mga Saksi ni Jehova ay kilala sa buong daigdig bilang tunay na mga taong masunurin sa batas at kilala lalo na sa kanilang maingat na saloobin sa pagbabayad ng buwis. Palagi silang sinusuri ng tanggapan na sumusuri ng buwis at sa tuwina’y nagtataka na wala silang masumpungang anumang paglabag. Mangyari pa, tulad ng maraming iba, maaari sanang humanap ng dahilan ang mga Saksi ni Jehova na huwag magbayad ng buwis, subalit sinasabi ng Bibliya na ang isa ay dapat na maging tapat sa pagbabayad ng buwis, at para sa mga Saksi ni Jehova iyan ang pangwakas na awtoridad.
“Subalit, ang kanilang hindi nagkokompromisong saloobin sa Bibliya ay kadalasang pinagmumulan ng ilang malubhang suliranin sa pagitan ng mga Saksi ni Jehova at ng pamahalaan. Ang kanilang paninindigan na hindi pagkasangkot sa pulitika ang paksang pinagtatalunan, at ang paninindigan nilang ito ay nahahayag mismo sa kanilang pagtangging maglingkod sa hukbo.
“Literal na binibigyan-kahulugan ng mga Saksi ni Jehova ang mga salita ni Jesus na ang kaniyang mga alagad at ang kaniyang kaharian ay hindi bahagi ng sanlibutang ito, at sa kadahilanang ito ay tumatanggi silang makibahagi sa pulitika at sa digmaan, saanman o sa anumang dahilan ito ipinakikipaglaban. Dahil sa ang mga Saksi ni Jehova ay tumangging sumigaw ng ‘Heil Hitler’ at maglingkod sa hukbo ni Hitler, libu-libong mananampalataya ang ipinadala sa mga kampong piitan ng Nazi, at libu-libo ang namatay. Ang bawat Saksi ni Jehovang Aleman na nagbuwis ng kaniyang buhay dahil sa hindi pakikibahagi sa pagsalakay laban sa Unyong Sobyet, ay itinuring ng mga Ruso bilang isang taong gumawi na may mataas na moral. Subalit, kasabay nito, maraming Ruso ang hindi nahahabag sa [Rusong] mga Saksi ni Jehova na pinatay dahil sa pagtangging magsundalo at makibahagi sa Digmaang Pandaigdig II, o hinatulan dahil sa pagtangging maglingkod sa hukbo noong panahon ng kapayapaan. Sa dalawang kasong ito ang mga Saksi ni Jehova ay kumikilos ayon sa kanilang relihiyosong mga paniniwala at hindi dahil sa pulitikal na mga paniniwala.
“Hindi pa natatagalan isang katulad na problema ang bumangon sa Hapón, kung saan ang ilang estudyanteng mga Saksi ni Jehova ay tumangging mag-aral ng martial arts at nanganib na mapaalis sa unibersidad. Noong 1996 ang Korte Suprema ng Hapón ay nagpasa ng isang alituntunin na sumusuporta sa karapatan ng mga estudyanteng ito at pinayagan silang kumuha ng alternatibong mga klase.
***
“Anong bagay tungkol sa mga Saksi ni Jehova ang ipinagtataka ng makabagong mga pilosopo? Higit sa lahat ito ang kanilang walang-lubay na pangangaral na malapit na ang katapusan ng mundo (nagsasagawa sila ng gawaing pagmimisyonero sa mga lansangan at sa bahay-bahay). Kamakailan ang matatanda ay nagpayo sa mga mangangaral na huwag gaanong idiin ang tungkol sa ‘katapusan ng mundo’ at ang kaawa-awang kalagayan na sasapitin ng mga makasalanan, kundi bagkus na ipaliwanag nila sa mga makikinig na si Jehova’y nagbibigay sa kanila ng pagkakataon na magkaroon ng ‘buhay na walang-hanggan sa paraiso sa lupa.’
“Isa pang bagay na kinaiinisan ay ang negatibong saloobin ng mga Saksi ni Jehova sa pakikisama sa ibang relihiyon, at sa pagtanggi nila sa ekumenismo. Naniniwala sila na itinakwil ng Kristiyanong daigdig ang Diyos at ang Bibliya, at na lahat ng iba pang relihiyon ay isang malaking pagkakamali. Inihambing ng mga Saksi ni Jehova ang mga relihiyong ito sa ‘patutot ng Babilonya,’ at pinaninindigan nilang gayunding kapalaran ang naghihintay sa mga ito. Binabanggit ng isang labas kamakailan ng ‘Gumising!’ na malapit na ang wakas ng iba’t ibang relihiyon, at na ang tanging relihiyon na mananatili ay ang relihiyon na ipinangangaral ng mga Saksi ni Jehova.
“Kinikilala rin ng mga Saksi ni Jehova ang karapatan ng bawat tao sa kalayaan ng budhi.
***
“Maraming bansa ang nagpahayag na ng pagkabahala sa kung baga ang mga turo ng mga Saksi ni Jehova ay isang banta sa lipunan o hindi. Ang Korte Suprema ng estado ng Connecticut, Estados Unidos (1979) at ang New South Wales, Australia (1972), ang Hukumang Panlalawigan ng British Columbia, Canada (1986) at ang iba pang hukuman ay nagpahayag na walang katibayan na ang mga Saksi ni Jehova ay isang banta sa lipunan, o na sila ay banta sa kalusugan o emosyonal na kalagayan ng bayan. Ipinagtanggol ng European Human Rights Court (1993) ang karapatan ng mga Saksi ni Jehova sa kalayaan sa relihiyon, na natatakdaan sa Gresya at sa Austria. Ang mga Saksi ni Jehova ngayon ay dumaranas ng pag-uusig sa 25 bansa . . .
“Ang mga Saksi ni Jehova ay maituturing na isang halimbawa sa kanilang kapuwa mamamayan sa kanilang debosyon sa katotohanan ng Bibliya at sa kanilang pagiging handang manindigan sa kanilang mga paniniwala nang walang pag-iimbot. Subalit bumabangon ang katanungan: Handa ba ang ating lipunan na maglaan ng kalayaan ng budhi na iginagarantiya ng Konstitusyon sa mga organisasyon na naninindigan sa kanilang pamamaraan ayon sa Bibliya sa lahat ng aspekto ng buhay sa sukdulan at hindi nagkokompromisong paraan?”
Sa huling pangungusap na ito, si G. Ivanenko ay nagbangon ng isang mahalagang tanong. Noong unang siglo, si apostol Pablo, na tuwirang pinili ni Kristo na maglingkod bilang kaniyang kinatawan, ay dumanas ng di-matuwid na “mga gapos ng bilangguan.” Kaya, sumulat si Pablo sa mga kapananampalataya tungkol sa kaniyang mga pagsisikap sa “pagtatanggol at sa legal na pagtatatag ng mabuting balita.”—Filipos 1:7; Gawa 9:3-16.
Inaanyayahan ng mga Saksi ni Jehova ngayon ang lahat na suriing mabuti ang kanilang mga gawain, gaya ng ginawa ni G. Ivanenko. Kami’y nagtitiwalang kung gagawin ito ng mga tao, masusumpungan nilang ang negatibong mga ulat tungkol sa mga Saksi ay hindi totoo, kung paanong ang gayong mga ulat tungkol sa sinaunang mga Kristiyano ay hindi rin totoo. Kapansin-pansin, sinusunod ng mga Saksi ang “bagong utos” na ibinigay ni Jesus sa kaniyang mga alagad: “Ibigin ninyo ang isa’t isa; kung paanong inibig ko kayo.”—Juan 13:34, 35.
[Kahon sa pahina 23]
“MN File”
(Ang sumusunod na impormasyon mula sa mga salansan ng Moscow News ay inilimbag kasama ng artikulong ito ni Sergei Ivanenko.)
“Ang mga Saksi ni Jehova sa Russia ay bahagi ng pambuong-daigdig na Kristiyanong organisasyon na kumikilos sa 233 bansa at may 5.4 milyong miyembro. Sinusunod ng mga Saksi ni Jehova ang espirituwal na patnubay ng Lupong Tagapamahala na nasa Brooklyn, New York. Ang modernong-panahong mga Saksi ni Jehova ay nagmula sa isang klase sa pag-aaral sa Bibliya na itinatag noong 1870 ni Charles Taze Russell sa Pittsburg, Pennsylvania. Ang organisasyon ay nakarating sa Russia noong 1887. Isa sa unang Saksi ni Jehova sa Russia, si Semyon Kozlitsky, ay ipinatapon mula sa Moscow tungo sa Siberia noong 1891. Sa kabila ng pag-uusig ang organisasyon ay nanatili, noong 1956 may 17,000 Saksi ni Jehova sa Unyong Sobyet. Noon lamang Marso 1991 na ang mga Saksi ni Jehova ay kinilala sa Russia, pagkatapos ipasa ang batas ‘Tungkol sa Kalayaan sa Relihiyon.’ Ngayon may mahigit na 500 grupo ng humigit-kumulang 70,000 miyembro na aktibo sa Russia. Ang organisasyon ay namamahagi ng mga kopya ng ‘Bantayan’ (inilalathala sa 125 wika, na ang sirkulasyon ay 20 milyon) at ‘Gumising!’ (sa 81 wika, na ang sirkulasyon ay 18 milyon).”
[Larawan sa pahina 23]
Bahagi ng mga gusali ng tanggapang sangay sa Russia
[Larawan sa pahina 24]
Ang Kingdom Hall na pinagpupulungan ng pamilya ng sangay sa Russia para sa pag-aaral ng Bibliya
[Mga larawan sa pahina 25]
Mga pamilyang Saksi na sama-samang nag-aaral at naglilibang
[Mga larawan sa pahina 26]
Ibinabahagi nila ang kaalaman sa Bibliya sa iba