Nalutas ang Palaisipan Tungkol sa Paglipad ng Insekto
MALAON nang nagtatanong ang mga siyentipiko kung paanong ang mga insekto, na may mabibigat na katawan at maninipis na pakpak, ay nakapananatili sa himpapawid. Waring hindi pinapansin ng mumunting nilalang na ito ang pamantayang mga simulain ng erodinamika. Natuklasan ngayon ng mga mananaliksik sa Cambridge University, sa Inglatera, kung paano ginagawa ng mga insekto ang tila imposibleng kahanga-hangang gawang ito.
Upang pag-aralan ang paglipad ng insekto, tinalian ng mga siyentipiko ng sinulid na koton ang isang gamugamo at inilagay ito sa isang tunel ng hangin. Nagbomba sila ng di-nakalalasong usok sa tunel at sinubaybayan ang kilos ng usok habang ipinapagaspas ng gamugamo ang mga pakpak nito. Pagkatapos, gumawa sila ng isang mekanikal na modelo na 10 ulit ang laki na ikinikilos ang mga pakpak nito na mas mabagal nang 100 ulit at minasdan ang ngayo’y nakikitang mga epekto. Natuklasan nila na kapag pababa ang pagaspas ng pakpak ng gamugamo, isang vortex, o alimpuyo ng hangin, ang nagagawa sa pinakapuno ng pakpak. Ang resultang mababang presyon sa ibabaw ng pakpak ay lumilikha ng pag-angat, na nagpapataas sa insekto. Kung wala na ang vortex, hindi na aangat ang gamugamo at babagsak sa lupa. Sa halip, ang alimpuyo ng hangin ay dumadaan sa pinakagilid ng pakpak hanggang sa dulo ng pakpak, at ang pag-angat ay likha ng pababang pagaspas ng pakpak, na katumbas ng isa’t kalahating ulit sa timbang ng gamugamo, ang nagpapangyari sa insekto na lumipad nang walang kapagud-pagod.
Alam na ng mga inhinyerong eronotikal na ang mga eroplanong delta-wing (tinatawag na gayon dahil sa ang pakpak nito ay kahawig ng letrang Griego na Δ) ay naglalabas ng mga vortex sa dulo ng mga pakpak nito, na siyang nagpapaangat. Subalit ngayong alam na nila kung paano napaaangat ng mga vortex ang mga insekto na nagpapagaspas ng kanilang mga pakpak, gusto nilang pag-aralan kung paano gagamitin ang di-pangkaraniwang bagay na ito sa disenyo ng mga propeler at mga helikopter.