Ginagapas ng Digmaan ang mga Murang Tanim
ANG pagkabata ay dapat sanang isang maligayang panahon. Isang panahon ng pagmamahal at pagkalinga. Isang panahon ng kawalang-muwang. Ang mga bata ay inaasahang maglaro, mag-aral, at magkaroon ng mga katangiang tutulong sa kanila na maging responsable pagsapit sa hustong gulang. Ang mga bata ay hindi dapat na patayin, at tiyak na sila’y hindi dapat maging mga mamamatay-tao. Subalit, sa panahon ng digmaan, maraming bagay ang nangyayari na hindi dapat mangyari.
Nakalulungkot nga, ang pakikidigma ay lumalaganap sa buong globo, at ito’y gumagapas ng mga murang tanim, anupat sinisira kapuwa ang mga bata at ang pagkabata. Noong 1993, malalaking digmaan ang nagngalit sa 42 bansa samantalang sumiklab naman ang pulitikal na karahasan sa 37 iba pang bansa. Nakatira sa bawat isa sa 79 na bansang ito ang mga bata.
Maraming kabataan ngayon ang hindi kailanman nakakakilala ng kapayapaan. Sa pagtatapos ng 1995, nagkaroon na ng labanan sa Angola sa loob ng mahigit na 30 taon, sa Afghanistan sa loob ng 17 taon, sa Sri Lanka sa loob ng 11 taon, at sa Somalia sa loob ng 7 taon. Sa sunud-sunod na lugar, may pagtitiwalang binabanggit ng mga pulitiko ang tungkol sa “mga pamamaraang pangkapayapaan,” subalit ang walang-humpay na pagdidigmaan ay patuloy na sumisira sa buhay ng tao.
Laging napipinsala ng pakikidigma ang mga bata, subalit ang ibang uri ng pakikidigma kamakailan lamang ay nagbunga ng napakaraming sibilyang napapatay, pati na ang mga bata. Sa mga labanan noong ika-18 at ika-19 na siglo at noong maagang mga taon ng siglong ito, halos kalahati ng mga biktima ng digmaan ay mga sibilyan. Noong Digmaang Pandaigdig II, na tumagal mula 1939 hanggang 1945, ang mga sibilyang namatay ay dumami nang dalawang-katlo sa lahat ng mga taong napatay sa digmaan, na sa isang bahagi’y dahil sa matinding pagbomba ng mga lunsod.
Sa pagtatapos ng dekada ng 1980, ang mga sibilyang namatay sa digmaan ay tumaas ng halos 90 porsiyento! Ang isang dahilan nito ay na ang mga digmaan ay naging mas masalimuot. Hindi lamang sa mga larangan ng digmaan naghaharap ang mga hukbo. Karamihan ng mga labanan ngayon ay, hindi sa pagitan ng mga bansa, kundi sa loob mismo ng mga ito. Bukod pa riyan, ang labanan ay nagaganap sa mga nayon o mga lunsod, at doon, sa gitna ng kalupitan at paghihinala, bahagya nang makilala ng mga pumapatay kung sino ang mga kaaway at kung sino naman ang mga inosenteng nagmamasid lamang.
Maraming bata ang nasawi. Tinatayang sa nakalipas na sampung taon lamang, ayon sa United Nations Children’s Fund, ang mga digmaan ay kumitil ng dalawang milyong bata at bumalda sa apat na milyon hanggang limang milyong iba pa. Dahil sa digmaan ay naulila ang mahigit na isang milyong bata at nawalan ng tahanan ang 12 milyon. Dahil sa digmaan, mga sampung milyong bata ang nagkaroon ng trauma.
Ang mga aklatan ay punô ng mga aklat tungkol sa pakikidigma. Tinatalakay nito kung paano at bakit ipinakipaglaban ang mga digmaan; inilalarawan ng mga ito ang mga sandata at mga estratehiyang ginamit; inaalaala nito ang mga heneral na nanguna sa madugong pagpatay. Itinatampok ng mga pelikula ang katuwaan at hindi gaanong pinalilitaw ang hirap ng digmaan. Walang gaanong sinasabi ang mga aklat at mga pelikulang iyon tungkol sa inosenteng mga biktima. Isinasaalang-alang ng sumusunod na mga artikulo kung paano pinagsamantalahan ang mga bata bilang mga mandirigma, kung paanong sila ay naging ang pinakamahihina sa lahat ng biktima, at kung bakit sinasabi naming ang mga bata ngayon ay maaaring magtamasa ng isang tunay na maaliwalas na kinabukasan.