Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • g97 10/22 p. 12-13
  • Ang Simbahang Katoliko at ang Ebolusyon

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Ang Simbahang Katoliko at ang Ebolusyon
  • Gumising!—1997
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Bago si Darwin
  • Kung Bakit Nagkaroon ng “Lantarang Pag-aalitan”
  • “Tigil-Putukan” at “Pansamantalang Kapayapaan”
  • Bakit ang Diumano’y Kapayapaan?
  • Nililitis ang Ebolusyon
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1994
  • Isang Aklat na Gumulat sa Daigdig
    Gumising!—1995
  • Ginamit ba ng Diyos ang Ebolusyon Para Lumikha ng Buhay?
    Gumising!—2006
  • Pandaraya sa Siyensiya—Isang Lalong Dakilang Pandaraya
    Gumising!—1990
Iba Pa
Gumising!—1997
g97 10/22 p. 12-13

Ang Simbahang Katoliko at ang Ebolusyon

Ng kabalitaan ng Gumising! sa Italya

NOONG Abril 26, 1882, ang libing ni Charles Darwin ay ginanap sa Westminster Abbey, London. Sa wari kung para sa iba ang simbahan ang lubhang di-angkop na lugar upang paglibingan ng taong inakusahan na ‘nagpababa sa Diyos’ sa pamamagitan ng teoriya niya sa ebolusyon na natural selection. Gayunman, ang puntod ni Darwin ay naroroon pa rin sa loob ng mahigit na isang daang taon na.

Pagkatapos mailathala ang Origin of Species ni Darwin noong 1859, ang saloobin ng mga teologo ay unti-unting nagbago tungo sa ebolusyon. Ang teologong si Carlo Molari ay sumulat kung paanong ang isang yugto ng “lantarang pag-aalitan” ay nagbigay-daan sa isang “tigil-putukan” sa pagsisimula ng siglong ito. Pagkatapos, sinabi niya, na nagkaroon ng “pansamantalang kapayapaan” sa kalagitnaan ng dekada ng 1900 at sa wakas ay “kapayapaan” sa makabagong panahon.

Bago si Darwin

Sabihin pa, ang ideya ng ebolusyon ay hindi nagmula kay Darwin. Ang sinaunang mga pilosopo ay nagkaroon ng teoriya hinggil sa pagbabago ng isang anyo ng buhay tungo sa iba pa. Ang unang makabagong tesis ng ebolusyonista ay matutunton sa ilang naturalista noong ika-18 siglo.

Noong ika-18 at ika-19 na siglo, maraming iskolar ang nagpakilala ng iba’t ibang teoriya ng ebolusyon, bagaman bihirang lumitaw ang salitang “ebolusyon.” Ang lolo ni Darwin, na si Erasmus Darwin (1731-1802), ay nagharap ng ilang ideya hinggil sa ebolusyon sa isa sa kaniyang mga akda, at ang akdang iyon ay nakalista sa mga indise ng mga ipinagbabawal na aklat ng Simbahang Katoliko.

Kung Bakit Nagkaroon ng “Lantarang Pag-aalitan”

Nakita ng ilang di-relihiyoso na ang teoriya ni Darwin ay isang mapapakinabangang instrumento upang pahinain ang kapangyarihan ng klero. Kaya sumiklab ang isang mainitang labanan. Noong 1860 iginiit ng mga obispong Aleman na: “Ang ating mga ninuno ay tuwirang nilalang ng Diyos. Kaya ating ipinahahayag na tahasang kasalungat ng Banal na Kasulatan at ng Pananampalataya ang haka ng mga pangahas na nagsasabing ang tao, kung tungkol sa kaniyang katawan, ay nanggaling sa isang di-sakdal na kalikasan sa pamamagitan ng kusang pagbabago.”

Kahawig nito, noong Mayo 1877, pinuri ni Papa Pio IX ang manggagamot na Pranses na si Constantin James sa paglalathala ng isang publikasyong kasalungat ng ebolusyon at sa pagtataguyod sa ulat ng Genesis sa paglalang. Ang unang yugto ng labanan ay umabot sa sukdulan sa pamamagitan ng isang serye ng sulat na inilathala ng Pontifical Biblical Commission sa pagitan ng 1905 at 1909. Sa isa sa mga ito, ang komisyon ay nagpahayag na ang unang tatlong kabanata ng Genesis ay makasaysayan at dapat na kilalanin bilang “aktuwal na kasaysayan.”

“Tigil-Putukan” at “Pansamantalang Kapayapaan”

Gayunman, habang napapabantog sa gitna ng marurunong na tao ang teoriya ni Darwin, ang mga teologong Katoliko, gaya ng Jesuitang Pranses na si Teilhard de Chardin, ay nagsimulang makumberte sa ebolusyonismo. Bagaman ang ideya ni Teilhard ay naiiba sa mga ortodoksong ebolusyonista, mula noong 1921 ay patuloy niyang pinaniwalaan na “ang biyolohikal na ebolusyon . . . ay higit at higit na tiyak sa pagiging totoo nito.” Ang unti-unting pagkakasundo sa pagitan ng pananampalatayang Katoliko at ng ebolusyonismo ay higit at higit na nakikita.

Noong 1948 isa pang Jesuita ang nagsabi: “Sa mahigit na 20 taon, may pambihirang pagsulong sa bilang ng mga teologo, na ang pagiging Katoliko ay hindi mapag-aalinlanganan, na nagpahayag na posible ang pagkakasundo [sa pagitan ng ebolusyon at pananampalatayang Katoliko] kung mananatili sa ilang limitasyon.” Halos kasabay nito, binawi ng Pontifical Biblical Commission ang marami sa isinulat nito noong 1909 bilang pagsuporta sa ulat ng Genesis sa paglalang.

Pagkatapos, noong 1950, si Pio XII sa kaniyang insiklikal na liham na, Humani generis, ay nagsabi na maaaring isaalang-alang ng mga iskolar na Katoliko ang teoriya ng ebolusyon bilang isang haka na posibleng magkatotoo. Gayunman, sinabi ng papa: “Ang pananampalatayang Katoliko ay umoobliga sa atin na manatili sa paninindigan na ang mga kaluluwa ay tuwirang nilalang ng Diyos.”

Bakit ang Diumano’y Kapayapaan?

Si Carlo Molari ay nagkomento na, bukod sa iilang eksepsiyon, mula noong konsilyong ekumenikal ng Batikano II, “ang mga pagtutol sa mga teoriya ng ebolusyon ay walang alinlangang napagtagumpayan.” Kaya naman, noong Oktubre 1996, ipinahayag ni Papa John Paul II: “Sa ngayon, halos kalahating siglo na ang nakalilipas matapos ilathala ang insiklikal [ni Pio XII], panibagong kaalaman ang umaakay sa atin upang kilalanin na ang teoriya ng ebolusyon ay higit pa sa isang haka. Tunay na kapansin-pansin na ang teoriyang ito ay patuloy na tinatanggap ng mga mananaliksik.”

Tinawag ng mananalaysay na si Lucio Villari ang pananalita ng papa na isang “tahasang pag-amin.” Isang ulong-balita sa konserbatibong pahayagang Italyano na Il Giornale ang kababasahan ng ganito: “Ang Papa ay Nagsasabi na Tayo’y Maaaring Nagmula sa mga Unggoy.” At minalas ng magasing Time na ang pag-amin ng papa “ay nagpapakita na tinatanggap na ng simbahan ang ebolusyon.”

Ano ang ibig sabihin ng pahayag na “ang humigit-kumulang na pagluwag ng pakikibagay na ito sa ebolusyon” sa bahagi ng mga pinunong Katoliko? Bakit sinang-ayunan ng Simbahang Romano Katoliko ang turo ng ebolusyonismo?

Maliwanag na ang Bibliya ay itinuturing ng maraming teologong Katoliko bilang “ang salita ng mga tao,” hindi “ang salita ng Diyos.” (1 Tesalonica 2:13; 2 Timoteo 3:16, 17) Ang Simbahang Katoliko ay nagbibigay ng higit na pagpapahalaga sa salita ng mga modernong ebolusyonista kaysa sa Anak ng Diyos, si Jesu-Kristo, na nagpatunay na ang ulat ng Genesis sa paglalang ay tumpak sa pagsasabing: “Hindi ba ninyo nabasa na siya na lumalang sa kanila mula sa pasimula ay ginawa silang lalaki at babae?” (Mateo 19:4) Kaninong opinyon ang sa palagay ninyo’y higit na matimbang?

[Kahon sa pahina 13]

Ang mga Saksi ni Jehova at ang Ebolusyon

Itinataguyod ng mga Saksi ni Jehova nang walang pagbabago ang aral ni Kristo na ang Diyos ang tuwirang lumikha sa unang mag-asawa at “ginawa silang lalaki at babae.” (Mateo 19:4; Genesis 1:27; 2:24) Noong 1886, ang Tomo I ng Millennial Dawn (na sa dakong huli ay tinawag na Studies in the Scriptures) ay tumukoy sa Darwinismo bilang “isang di-mapatutunayang teoriya,” at noong 1898, ipinagtanggol ng buklet na The Bible Versus the Evolution Theory ang ulat ng Bibliya sa paglalang. Ang ulat ng Bibliya sa paglalang ay ipinagtanggol din sa mga aklat na The New Creation (1904) at Creation (1927) at gayundin sa mga naunang artikulong inilathala sa The Watch Tower at The Golden Age.

Sa panahong inihayag ni Papa Pio XII ang kaniyang insiklikal na liham na Humani generis, noong 1950, inilalathala na ng mga Saksi ni Jehova ang Evolution Versus the New World. Ang buklet na ito’y naglalaman ng makasiyentipiko at makasaysayang patotoo sa ulat ng Bibliya sa paglalang at tumutuligsa sa mga pagtatangka ng ilang klero na gumawa ng “isang alyansa sa pagitan ng ebolusyon at ng Bibliya.” Ang aklat na Did Man Get Here by Evolution or by Creation? (1967) ay nagtataguyod din sa ulat ng Bibliya sa paglalang, gaya na rin ng aklat na Life​—How Did It Get Here? By Evolution or by Creation?, na inilathala noong 1985, at ng napakaraming artikulong inilathala sa Ang Bantayan at Gumising!

Kaya marami ang natulungan ng mga Saksi ni Jehova na maging pamilyar sa napakaraming patotoo na ang Diyos “ang siyang gumawa sa atin, at hindi tayo sa ganang ating sarili.”​—Awit 100:3.

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share