Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • g97 11/8 p. 3-5
  • Ingay—Ang Modernong Pang-inis

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Ingay—Ang Modernong Pang-inis
  • Gumising!—1997
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Hindi Isang Bagong Problema
  • Isang Malaganap na Modernong Polusyon
  • Ingay—Ang Magagawa Mo Rito
    Gumising!—1997
  • Magkakaroon Pa Kaya ng Kapayapaan at Katahimikan?
    Gumising!—1997
  • Mula sa Aming mga Mambabasa
    Gumising!—1998
  • Pagmamasid sa Daigdig
    Gumising!—2005
Iba Pa
Gumising!—1997
g97 11/8 p. 3-5

Ingay​—Ang Modernong Pang-inis

NG KABALITAAN NG GUMISING! SA BRITANYA

“Isa sa pinakamatinding pampayamot sa buhay.”​—Makis Tsapogas, tagapayo sa World Health Organization.

“Ang pinakamalaganap na polusyon ng Amerika.”​—The Boston Sunday Globe, E.U.A.

“Ang pinakagrabeng polusyon ng ating panahon.”​—Daily Express, London, Inglatera.

HINDI mo ito nakikita, naaamoy, nalalasahan, o nahihipo. INGAY, ang sumpa sa modernong buhay sa lunsod, na nagpaparumi rin ngayon sa mga lalawigan.

Natuklasan ng isang Amerikanong naturalista na gumugol ng mga 16 na taon sa pagrerekord ng mga tunog ng kalikasan na pahirap nang pahirap ang kaniyang atas. Noong 1984 ay pinag-aralan niya ang 21 lugar sa estado ng Washington, E.U.A., na walang ingay sa loob ng 15 minuto o higit pa. Pagkaraan ng limang taon, tatlo na lamang ang natira.

Para sa maraming naninirahan sa daigdig, ang pagkasumpong ng tatlong dakong walang ingay ay isang hamon. Sa Hapón, binanggit ng isang pambansang ulat noong 1991 na mas inirereklamo ang ingay kaysa anumang ibang anyo ng polusyon. Oo, angkop na inilalarawan ng The Times ng London ang ingay bilang “ang pinakamatinding salot ng kasalukuyang buhay.” Mula sa nakaiinis na walang-tigil na tahol ng aso hanggang sa napakalakas na stereo ng kapitbahay o sa sunud-sunod na ingay ng alarma o radyo sa kotse, ang ingay ay naging pangkaraniwan na lamang. Subalit, hindi bago ang polusyong ingay. May mahaba na itong kasaysayan.

Hindi Isang Bagong Problema

Upang maiwasan ang pagsisikip ng trapiko, ipinagbawal ni Julius Caesar ang mga sasakyang may gulong sa sentro ng Roma kung araw. Nakalulungkot naman para sa kaniya at sa kaniyang mga kapuwa Romano, ang dekreto ay lumikha ng matinding polusyong ingay kung gabi, “dahil sa dagundong ng mga gulong na yari sa kahoy o bakal sa ibabaw ng latag ng mga blokeng bato.” (The City in History, ni Lewis Mumford) Pagkaraan ng mahigit na isang dantaon, nagreklamo ang makatang si Juvenal na dahil sa ingay ang mga Romano ay nasadlak sa walang-katapusang insomniya.

Noong ika-16 na siglo, ang kabisera ng Inglatera, ang London, ay naging isang abalang punong-lunsod. “Ang unang bagay na natandaan ng karamihan ng mga dumadalaw,” ang sulat ni Alison Plowden, ang awtor ng Elizabethan England, “ay ang pagkakaingay: ang kalampagan at pukpukan ng martilyo mula sa libu-libong talyer, ang dagundong at langitngit ng mga gulong na kahoy, ang pag-atungal ng mga baka na dinadala sa pamilihan, ang paos na sigaw ng mga nagtitinda sa lansangan na isinisigaw ang kanilang mga paninda.”

Nasaksihan ng ika-18 siglo ang pasimula ng pagbabago sa industriya. Naging malinaw ngayon ang mga epekto ng ingay ng makina sa mga manggagawa sa pabrika dahil sa dinaranas na pinsala sa pakinig. Subalit kahit na ang mga naninirahan sa lunsod na malayo sa mga pabrika ay nagreklamo rin dahil sa dumaraming pambubulahaw. Ang mananalaysay na si Thomas Carlyle ay nanganlong sa isang “silid na malayo sa ingay” na nasa bubong ng kaniyang bahay sa London upang maiwasan ang pagtilaok ng mga manok, ang mga piyano ng mga kapitbahay, at ang trapiko sa kalapit na kalsada. Ang The Times ay nag-uulat: “Wala ring nangyari.” Bakit? “Nayamot naman siya sa bagong sunud-sunod na ingay, pati na ang mga silbato mula sa bapor at sa tren”!

Isang Malaganap na Modernong Polusyon

Ang mga nagpoprotesta sa ingay ngayon ay nagtutuon ng pansin sa mga paliparan habang tahasang nilalabanan ng mga kompanya ng eroplano ang mga pagsisikap na isabatas ang tungkol sa polusyong ingay. Nang ipatupad ng paliparan ng Manchester sa Inglatera ang awtomatikong multa sa tuwing lilipad ang supersonic Concorde, naging mabisa ba ang mga ito? Hindi. Inamin ng isang kapitan ng Concorde na ang eroplano ay maingay subalit kung lilipad ito na may kakaunting gasolina upang mabawasan ang antas ng ingay, hindi ito makararating sa Toronto o New York nang walang hinto.

Problema rin ang pagsugpo sa ingay ng trapiko sa daan. Sa Alemanya, halimbawa, ipinakikita ng mga pagsusuri na ang uring ito ng polusyon ay nakagagambala sa 64 na porsiyento ng populasyon. At ito’y isang lumalagong problema, anupat iniulat na ito’y isang libong ulit na mas matindi kaysa noong bago nauso ang mga motor sa lipunan. Isang ulat mula sa Gresya ang nagsasabi na ang “Atenas ay isa sa pinakamaingay na lunsod sa Europa at ang matinding ingay ay nakaiinis anupat nakapipinsala sa kalusugan ng mga taga-Atenas.” Gayundin naman, napansin ng Environmental Agency ng Hapón ang tumitinding ingay sa trapiko at ipinalalagay na ito’y bunga ng pagdami sa paggamit ng kotse. Kapag mabagal ang takbo, ang makina ng kotse ang pinagmumulan ng ingay, subalit kapag mahigit sa 60 kilometro sa bawat oras, ang gulong naman ang pinagmumulan ng karamihan ng ingay.

Ang pinakamatinding pinagmumulan ng ingay na inirereklamo sa Britanya ay ang pag-iingay sa bahay. Noong 1996, napansin ng Chartered Institute of Environmental Health ng Britanya ang 10-porsiyentong pagdami ng mga reklamo tungkol sa maiingay na kapitbahay. Isang babaing tagapagsalita para sa surian ang nagkomento: “Mahirap ipaliwanag. Ang isang salik ay na maaaring ang panggigipit na nararanasan ng mga tao sa trabaho ay umakay sa kanila na higit na maghangad ng kapayapaan at katahimikan sa tahanan.” Dalawang-katlo ng lahat ng reklamong isinampa sa Britanya noong 1994 ay nagsasangkot ng musika at maiingay na makina ng kotse, mga alarma, at mga busina sa kalaliman ng gabi. Subalit kumusta naman ang tinatayang 70 porsiyento na mga biktima ng polusyong ingay na hindi nagrereklamo dahil sa takot na paghigantihan? Ang problema ay talagang malawak.

Bunga ng malaganap na nakaiinis na ingay, iginigiit ng mga ahensiyang nilayon upang mangalaga sa kapaligiran na maglagay ng batas upang sugpuin ang polusyong ingay. Sa Estados Unidos, halimbawa, pinagtibay ng ilang komunidad ang lokal na mga tuntunin na takdaan ang paggamit ng mga kagamitang de-motor sa landscaping. Sa Britanya, pinupuntirya ng isang bagong Batas sa Ingay ang mga kapitbahay at nag-uutos sa kagyat na pagmumulta sa mga paglabag sa pagitan ng 11:00 n.g. at 7:00 n.u. May kapangyarihan pa nga ang lokal na mga awtoridad na kumpiskahin ang nakaiinis na stereo. Subalit, nagpapatuloy pa rin ang ingay.

Palibhasa’y talagang isang lumalagong problema ang polusyong ingay, maitatanong mo marahil kung ano ang magagawa mo bilang isang biktima. Subalit, paano mo rin maiiwasang lumikha ng ingay? Magkakaroon pa kaya ng nagtatagal na kapayapaan at katahimikan? Basahin ang sumusunod na mga artikulo para sa mga kasagutan.

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share