Karapatang Mangalaga sa Bata—Isang Timbang na Pangmalas
KADALASAN, ang tunay na hamon ay dumarating pagkatapos ng diborsiyo, sa isang labanan para sa pagmamahal at pamamahala sa bata. Ang kasabihang “Nangangailangan ng dalawa upang mag-away” ay hindi laging totoo. Maaaring ang away ay magmula lamang sa isang dominanteng magulang na gustong ang kaniyang paraan ang masunod. Ganito ang sabi ng isang abogado ng pamilya sa Toronto, Canada: “Sa batas pampamilya, ang lahat ng bagay ay nagsasangkot sa mga emosyon at damdamin.”
Sa halip na isipin ang pinakamabuti sa bata, ipinagpapatuloy ng ilang magulang ang alitan sa pamamagitan ng pagsasampa ng mga pormal na kahilingan tungkol sa walang kaugnayang mga isyu. Halimbawa, sinikap ng ilan na patunayang ang karapatang mangalaga ay dapat baguhin dahil sa ang kabilang magulang ay isa sa mga Saksi ni Jehova at pagkakaitan nito ang bata ng isang ‘normal na paraan ng pamumuhay.’
Maaaring gawing isyu ng isang hindi Saksi ang tungkol sa pagdiriwang ng mga kaarawan, Pasko, o maging ng Halloween. Maaaring ireklamo pa nga ng ilan na ang pakikisama at pakikibagay ng bata sa lipunan ay matatakdaan kung ang bata’y magpasiyang hindi sasaludo sa bandila. O maaaring ipahiwatig ng ilan na sikolohikal na makapipinsala sa bata ang pagsama sa magulang sa pakikipag-usap sa iba tungkol sa Bibliya. Idinahilan pa ng ilang di-Saksing magulang na maisasapanganib pa nga ang buhay ng bata dahil sa hindi papayagan ng magulang na Saksi ang bata na magpasalin ng dugo.
Paano hinaharap ng isang Kristiyano ang hamon ng gayong emosyonal na mga argumento? Ang isang emosyonal na tugon—“gantihan ng apoy ang apoy”—ay hindi magiging mabisa. Kung ang bagay na ito’y dadalhin sa hukuman, ang bawat magulang ay magkakaroon ng pagkakataon na mapakinggan. Mahalagang isaisip ang payo ng Bibliya: “Ihagis mo ang iyong pasanin kay Jehova mismo, at siya mismo ang susustine sa iyo. Hindi niya kailanman hahayaang humapay-hapay ang isa na matuwid.” (Awit 55:22) Sa pamamagitan ng pagbubulay-bulay rito at pagkakapit ng mga simulain ng Bibliya, sa tulong ni Jehova, mahaharap ng mga magulang ang anumang kahihinatnan may kinalaman sa karapatang mangalaga sa bata.—Kawikaan 15:28.
Pagkamakatuwiran
Ang pangunahing isyu ay kung ano ang pinakamabuti sa bata. Kung ang isang magulang ay sobrang mapaghanap, maaaring maiwala niya ang karapatang mangalaga sa bata at matakdaan pa nga ang kaniyang mga pribilehiyo sa pagdalaw. Ang marunong na magulang ay gumagawi sa mapayapang paraan, na isinasaisip ang payo ng Bibliya: “Huwag gumanti ng masama para sa masama sa kaninuman. . . . Bigyan ninyo ng dako ang poot . . . Huwag kang padaig sa masama, kundi patuloy na daigin ng mabuti ang masama.” (Roma 12:17-21) Nasa hukuman man, nasa tanggapan ng abogado, o kasama ng tagapagtaya sa pagbibigay-karapatan sa pangangalaga sa bata, kailangang ipaalam ng mga magulang “sa lahat ng tao ang [kanilang] pagkamakatuwiran.”—Filipos 4:5.
Kung minsan ay lilinlangin ng isang humiwalay na asawa ang iba sa pamamagitan ng pagsasabi ng nakaliligaw at haka-hakang mga suliranin. Makabubuting sugpuin ang hilig ng tao na labis ang maging reaksiyon sa mga pagbatikos na ito. Ang kalusugan, relihiyon, at edukasyon ang paboritong mga paksa na ginagamit ng humiwalay na mga asawa upang kumatha ng gulo sa isang paglilitis tungkol sa pagtatalo sa karapatang mangalaga sa bata.—Kawikaan 14:22.
Kasali sa pagkamakatuwiran ang kakayahang isaalang-alang ang mga katotohanan at makipag-ayos ng isang makatarungang kasunduan. Hindi dapat kalimutan ng magulang na kahit na pagkatapos ng diborsiyo, ang bata ay may dalawang magulang pa rin. Diniborsiyo ng mga magulang ang isa’t isa subalit hindi nila diniborsiyo ang bata. Kaya nga, maliban na lamang sa sukdulang mga kalagayan, ang bawat magulang ay may kalayaang kumilos bilang isang magulang kapag nasa kaniya ang bata. Dapat ipahayag ng bawat isa ang kaniyang damdamin at mga simulain at hayaang makibahagi ang bata sa mga gawain ng magulang na alinsunod sa batas, relihiyoso man o iba pa.
Isaalang-alang natin ang posibleng mga resulta ng isang paglilitis: (1) pinagsamang karapatan sa pangangalaga, (2) solong karapatan sa pangangalaga, at (3) mga limitasyon sa pribilehiyo ng pagdalaw. Ano ang pagkakaiba sa pagitan ng pinagsamang karapatan sa pangangalaga at ng solong karapatan sa pangangalaga? Paano mo haharapin ang pagkatalo mo sa karapatang mangalaga sa bata? Kumusta kung ang isa sa magulang ay tiwalag?
Pinagsamang Karapatan sa Pangangalaga
Inaakala ng ilang hukom na mahalagang mapanatili ang pakikipagkita ng bata sa kapuwa mga magulang. Ang kanilang pangangatuwiran ay salig sa pananaliksik na nagpapakitang ang mga bata ay maaaring hindi gaanong dumanas ng tensiyon at sugat ng damdamin pagkatapos ng diborsiyo kung ang mga magulang ay magtutulungan sa pangangalaga. Sa halip na makadamang siya’y pinabayaan ng isang magulang, madarama ng bata na siya’y minamahal ng kapuwa mga magulang at nasasangkot sa dalawang sambahayan. “Ang pinagsamang karapatan sa pangangalaga ang paraan upang magkaroon ng bahagi ang dalawang magulang,” ang sabi ng isang pampamilyang abogado.
Gayunman, si Dr. Judith Wallerstein, ang ehekutibong direktor ng Center for the Family in Transition, sa Corte Madera, California, ay nagbabala na upang magtagumpay ang magkatulong na pangangalaga, kailangan ang mga magulang na nakikipagtulungan at isang batang masunurin at mahusay makisama sa mga tao. Mahalaga ang mga katangiang ito sapagkat sa pinagsamang karapatan sa pangangalaga napananatili ng dalawang magulang ang legal na karapatan upang magtulong sa pagpapasiya sa mahahalagang isyu tungkol sa kalusugan, edukasyon, relihiyosong pagpapalaki, at sosyal na buhay ng kanilang anak. Subalit magtatagumpay lamang ito kung ang dalawang magulang ay mananatiling makatuwiran sa pagsasaalang-alang sa kung ano ang pinakamabuti sa kanilang anak sa halip na kung ano ang kanilang personal na mga interes.
Solong Karapatan sa Pangangalaga
Maaaring ipagkaloob ng hukuman ang solong karapatan sa pangangalaga sa magulang na, sa palagay nito, ay higit na may kakayahan upang maglaan ng pangangailangan ng bata. Maaaring ipasiya ng hukom na ang magulang na may karapatang mangalaga ang solong magpapasiya tungkol sa mahahalagang isyu may kinalaman sa kapakanan ng bata. Kadalasan, nararating ng hukuman ang pasiya pagkatapos pakinggan ang mga nasumpungan ng mga tagapagtaya—ang mga ito’y karaniwang mga sikologo, saykayatris, o mga social worker.
Inaakala ng mga nagtataguyod ng solong karapatan sa pangangalaga na ang kaayusang ito ay nagbibigay sa bata ng higit na katatagan. Kapag hindi kayang mag-usap ng mga magulang o tila hindi makapag-usap nang mahusay sa isa’t isa, mas pinipili ng maraming hukom na naglilitis ang kaayusang ito sa pangangalaga. Mangyari pa, ang magulang na walang karapatang mangalaga ay hindi naman ipinupuwera sa buhay ng bata. Ang karapatan sa pagdalaw ay karaniwang ipinagkakaloob sa magulang na walang karapatang mangalaga, at ang dalawang magulang ay patuloy na makapaglalaan sa bata ng kinakailangang patnubay, pag-ibig, at pagmamahal.
Mga Pribilehiyo sa Pagdalaw
Hindi makatotohanan para sa mga magulang na malasin ang karapatang mangalaga sa bata bilang may “panalo” at may “talo.” Ang mga magulang ay matagumpay at “nanalo” kung nakikita nilang ang kanilang mga anak ay lumalaki tungo sa maygulang, may kakayahan, kagalang-galang na mga adulto. Ang tagumpay sa pagpapalaki ng bata ay hindi tuwirang nauugnay sa karapatan sa pangangalaga. Sa pamamagitan ng pagsunod sa mga kondisyon na ipinag-utos ng hukuman tungkol sa mga bagay na may kinalaman sa pangangalaga sa bata, kahit na sa wari’y hindi makatarungan ang mga ito, ang isang Kristiyano’y nagpapakita ng ‘pagpapasakop sa nakatataas na mga awtoridad.’ (Roma 13:1) Mahalaga ring tandaan na hindi ito panahon upang makipagpaligsahan para sa pagmamahal o katapatan ng inyong mga anak sa pamamagitan ng paghamak sa isang magulang sa pagsisikap na sirain ang kaniyang kaugnayan sa kanila.
May mga halimbawa sa Bibliya ng may-takot sa Diyos na mga magulang na, sa iba’t ibang kadahilanan, ay napawalay sa kanilang mga anak. Halimbawa, sina Amram at Jocebed, ang mga magulang ni Moises, palibhasa’y iniisip ang pinakamabuti para sa kanilang anak, ay naglagay sa kaniya sa isang munting lumulutang na arka “sa mga tambo sa pampang ng ilog Nilo.” Nang ang sanggol ay makuha ng anak na babae ni Paraon, sila’y patuloy na nagtiwala kay Jehova. Ang marunong at tapat na mga magulang na ito ay ginantimpalaan ng saganang pribilehiyo sa “pagdalaw” na mabisa nilang ginamit upang sanayin ang bata sa daan ni Jehova. Si Moises ay lumaking isang kilalang lingkod ng tunay na Diyos.—Exodo 2:1-10; 6:20.
Subalit, kumusta naman kung ang isa sa mga magulang ay tiwalag? Dapat bang payagan ng Kristiyanong magulang na dalawin ang bata? Binabago lamang ng pagtitiwalag ng kongregasyon ang espirituwal na kaugnayan sa pagitan ng indibiduwal at ng kongregasyong Kristiyano. Sa katunayan, pinuputol nito ang espirituwal na mga buklod. Subalit nananatili pa rin ang ugnayang magulang-sa-anak. Dapat igalang ng magulang na pinagkalooban ng pangangalaga sa bata ang karapatang makadalaw ang tiwalag na magulang. Subalit, kung ang magulang na walang karapatang mangalaga ay maghaharap ng tiyak at malaking panganib sa pisikal at emosyonal na kapakanan ng bata, kung gayon ay maaaring ayusin ng hukuman (hindi ng magulang na may karapatang mangalaga) na pangasiwaan ng isa pang tao ang pagdalaw sa bata.
Hindi Ka Kailanman Nag-iisa
Ang mga paglilitis sa diborsiyo at ang kasunod na mga alitan sa kung sino ang may karapatang mangalaga sa bata ay mga karanasang nakasasagad ng damdamin. Ang pagsasamang nagsimula nang maganda ay nawasak pati na ang mga pangarap, plano, at mga inaasahan ng mag-asawa. Halimbawa, dahil sa kataksilan o labis na pag-abuso ay maaaring mapilitan ang isang matapat na asawang babae na humanap ng legal na proteksiyon para sa kaniyang sarili at sa kaniyang anak. Gayunman, maaaring magpatuloy ang mga damdamin ng pagkakasala at pagkukulang habang pinag-iisipan niya kung saan nagkamali o kung paano sana mas mabisang nalutas ang bagay na ito. Maraming mag-asawa ang nababahala tungkol sa reaksiyon ng kanilang mga anak sa pagkawasak ng pamilya. Ang labanan sa hukuman para sa karapatang mangalaga ay maaaring maging isang bigla at matinding pabagu-bagong damdamin na hindi lamang sumusubok sa katapatan ng isa bilang isang magulang na nangangalaga kundi sumusubok din sa pananampalataya at pagtitiwala ng isa kay Jehova.—Ihambing ang Awit 34:15, 18, 19, 22.
Kapag pinili ng isang walang-kasalanang kabiyak na kumilos dahil sa pag-abuso sa bata o sobrang pag-abuso ng asawa o upang ingatan ang kaniyang kalusugan laban sa panganib ng mga sakit na naililipat sa pamamagitan ng pagtatalik mula sa di-tapat na kabiyak, hindi kailangang makadama ng pagkakasala ang walang-kasalanang kabiyak o makadama na siya’y pinabayaan ni Jehova. (Awit 37:28) Ang di-tapat o abusadong asawa ang siyang lumabag sa sagradong kontrata ng pag-aasawa at “may paglililong nakitungo” sa kaniyang kabiyak.—Malakias 2:14.
Patuloy na “magtaglay kayo ng isang mabuting budhi” sa harap ng tao at ni Jehova sa pamamagitan ng pagkakapit ng mga simulain ng Bibliya, matapat na pakikitungo sa iyong humiwalay na asawa, at pagbabagay sa inyong mga kasunduan sa pangangalaga. “Lalong mabuti ang magdusa sa dahilang gumagawa kayo ng mabuti, kung ito ang nais ng kalooban ng Diyos, kaysa sa dahilang gumagawa kayo ng masama.”—1 Pedro 3:16, 17.
Kung para naman sa mga bata, kailangan nila ng katiyakan na ang pagkawasak ng pamilya ay hindi nila kasalanan. Kung minsan ang mga bagay-bagay ay hindi nangyayari ayon sa plano. Subalit ang pagkakapit ng mga simulain sa Bibliya ay makababawas sa sakit na dulot ng diborsiyo sa pamamagitan ng paghimok sa malaya at maunawaing pag-uusap sa pagitan ng mga magulang at mga anak. Halimbawa, magagawa ito sa pagpapahintulot sa mga bata na magkaroon ng aktibong bahagi sa pagpaplano para sa buhay pampamilya pagkatapos ng diborsiyo. Sa pagiging matiyaga at mabait at sa pagiging interesado sa mga damdamin ng mga bata at pakikinig sa kanilang mga sinasabi, malaki ang magagawa mo upang matulungan sila na makibagay sa bagong mga iskedyul at kaayusan sa pamumuhay.
Makatutulong ang Iba
Hindi lamang ang mga magulang ang makatutulong sa isang bata na dumaranas ng pagkawasak ng pamilya. Ang mga miyembro ng pamilya, mga guro, at mga kaibigan ay malaki ang magagawa upang alalayan at bigyang katiyakan ang mga anak ng nagdiborsiyo. Sa partikular, malaki ang magagawa ng mga lolo’t lola upang makatulong sa katatagan at emosyonal na kapakanan ng bata.
Ang Kristiyanong mga lolo’t lola ay maaaring makapagturo ng espirituwal na mga bagay at mabubuting gawain sa mga bata, subalit dapat nilang igalang ang mga desisyon ng mga magulang tungkol sa relihiyosong pagsasanay, sapagkat ang mga magulang, hindi ang mga lolo’t lola, ang may moral at legal na awtoridad na gumawa ng mga desisyong ito.—Efeso 6:2-4.
Taglay ang gayong alalay, makakayanan ng mga anak ng nagdiborsiyo ang paghihiwalay ng kanilang mga magulang. At patuloy silang makaaasa sa mga pagpapala ng bagong sanlibutan ng Diyos, kung saan ang lahat ng pamilya ay magiging malaya mula sa “pagkaalipin sa kasiraan at magtatamo ng maluwalhating kalayaan ng mga anak ng Diyos.”—Roma 8:21; 2 Pedro 3:13.
[Kahon sa pahina 11]
Pagtutuwid sa mga Maling Akala
“Ang dila ng marurunong ay nagbabadya ng kaalaman,” at ang Kristiyanong magulang ay may mabuting pagkakataon upang ituwid ang mga maling akala o bahagyang mga katotohanan. (Kawikaan 15:2) Halimbawa, kung tungkol sa pangangalaga sa kalusugan ng kanilang mga anak, “ang mga Saksi ni Jehova ay nagpapagamot at nagpapaopera,” subalit kapag itinalaga bilang ang magulang na may karapatang mangalaga, ang isang Saksi ay may karapatang magpahintulot sa anumang pamamaraan matapos paliwanagan.a—The Journal of the American Medical Association.
Dinidibdib ng mga Saksi ni Jehova ang kanilang relihiyon na salig sa Salita ng Diyos, ang Bibliya. Ito ang nagpapangyari upang sila’y maging mas mabuting mga ama, ina, anak, kaibigan, kapuwa, at mga mamamayan. Ang Kristiyanong mga magulang ay naglalapat ng disiplina na may pag-ibig, anupat nagkakaroon ng paggalang sa awtoridad at nagsasangkap sa kanilang mga anak ng magagaling na pamantayan sa buhay.b—Kawikaan 13:18.
Ang sekular na edukasyon ay isang mahalagang bahagi sa pagpapalaki ng bata, at nais ng mga Saksi ni Jehova na ang kanilang mga anak ay magkaroon ng pinakamahusay na edukasyong maaaring makuha.c—Kawikaan 13:20.
[Mga talababa]
a Tingnan ang brosyur na Papaano Maililigtas ng Dugo ang Inyong Buhay?, inilathala ng Watchtower Bible and Tract Society of New York, Inc.
b Tingnan ang aklat na Ang Lihim ng Kaligayahan sa Pamilya kabanata 5-7, 9, mga kabanatang 5-7, 9, inilathala ng Watchtower Bible and Tract Society of New York, Inc.
c Tingnan ang brosyur na Ang mga Saksi ni Jehova at ang Edukasyon, inilathala ng Watchtower Bible and Tract Society of New York, Inc.
[Larawan sa pahina 10]
Dapat matiyagang makinig ang magulang na may karapatang mangalaga kapag ikinukuwento ng bata ang tungkol sa kaniyang pagdalaw sa magulang na walang karapatang mangalaga