Inayos ni Jehova ang Aming Daan
AKO’Y ipinanganak noong 1924, malapit sa Cham, isang bayan sa Swisong distrito ng Zug. Ang aking mga magulang ay may 13 anak—10 lalaki at 3 babae. Ako ang panganay, isang lalaki. Ang dalawang lalaki ay namatay noong maliliit pa. Kaming mga naiwan ay buong-katapatang pinalaki sa pagiging Katoliko sa isang bukirin noong panahon ng Great Depression.
Si Itay ay isang lalaking tapat at mabait, subalit may mga panahong siya’y galit na galit. Minsan, binugbog pa nga niya si Inay dahil sa walang-katuwirang paninisi sa kaniya bunga ng pagseselos ni Inay. Ayaw nitong nakikipag-usap siya sa mga babaing kapitbahay namin, bagaman wala naman itong dahilan upang pag-alinlanganan ang kaniyang katapatan. Ito ang labis na nakababahala sa akin.
Napakamapamahiin ni Inay. Binibigyang-kahulugan niya kahit ang maliliit na pangyayari bilang tanda “mula sa mga kaawa-awang kaluluwa sa purgatoryo.” Inis na inis ako sa gayong walang-basehang paniniwala. Ngunit inaayunan ng mga pari ang kaniyang mga pamahiin sa pamamagitan ng pagbibigay sa kaniya ng mga babasahing sumusuporta sa kaniyang maling relihiyosong kaisipan.
May mga Tanong Ako
Mula pa sa aking pagkabata, wala nang laman ang aking isip kundi ang mga tanong tungkol sa Diyos at sa hantungan ng tao. Sinikap kong maabot ang makatuwirang konklusyon, subalit napakaraming pagkakasalungatan! Nagbasa ako ng mga publikasyon ng Katoliko hinggil sa mga santo, himala, at iba pa. Gayunman, ang mga ito’y hindi nakapagbigay-kasiyahan sa aking pang-unawa. Para bang ako’y nangangapa sa dilim.
Pinayuhan ako ng aming pari na huwag pagbuhusan ng isip ang mga tanong ko. Sinabi niyang ang paghahangad na maunawaan ang lahat ng bagay ay tanda ng kayabangan at na ayaw ng Diyos sa mga palalo. Ang lalong ayaw na ayaw kong turo ay na parurusahan daw ng Diyos magpakailanman sa nag-aapoy na impiyerno ang sinumang namatay na hindi nakapangumpisal ng kanilang mga kasalanan. Yamang nangangahulugan ito na karamihan sa mga tao sa lupa ay parurusahan magpakailanman, madalas na iniisip ko, ‘Paano kaya ito maiuugnay sa pag-ibig ng Diyos?’
Pinag-aalinlanganan ko rin ang pangungumpisal ng mga Katoliko. Natakot ako nang sabihin sa amin sa paaralang Katoliko na ang maruruming pag-iisip ay isang malubhang kasalanan na kailangang ikumpisal sa pari. Iniisip ko, ‘Naikumpisal ko na kayang lahat? O, baka may nalimutan pa ako, anupat nawalan ng bisa ang aking kumpisal at hindi mapatatawad ang aking mga kasalanan?’ Kaya naman naipunla sa aking puso ang pag-aalinlangan hinggil sa awa ng Diyos at sa kaniyang pagnanais na magpatawad.
Sa loob ng tatlo o apat na taon, ako’y nakipagpunyagi sa mga nakababahalang kaisipan na nagpapahirap sa akin. Naisip kong talikuran na ang lahat ng aking pananampalataya sa Diyos. Pero naisip ko naman, ‘Kung magtitiyaga ako, walang-pagsalang masusumpungan ko rin ang tamang daan.’ Sa kalaunan, nagtiwala ako sa pag-iral ng Diyos, pero ako’y ginagambala ng kawalan ng katiyakan sa aking relihiyosong paniniwala.
Bilang resulta ng pagdodoktrina sa akin noon, naniwala ako na ang nasa isip ni Jesu-Kristo ay ang Simbahang Romano Katoliko nang sabihin niya kay apostol Pedro: “Sa malaking batong ito ay itatayo ko ang aking simbahan.” (Mateo 16:18, Douay Version ng Katoliko) Naniwala ako na darating ang panahon na magtatagumpay ang mabubuting elemento sa simbahan, at upang matamo ang tunguhing iyan, gusto kong makipagtulungan sa simbahan.
Pag-aasawa at Pamilya
Bilang panganay na anak sa pamilya, kasa-kasama ako ni Itay sa pagsasaka hanggang sa halinhan ako ng aking nakababatang kapatid. Pagkatapos ay pumasok ako sa isang Katolikong paaralan sa agrikultura, na doo’y kumuha ako ng master’s degree. Pagkaraan ay nagsimula na akong humanap ng mapapangasawa.
Sa pamamagitan ng isa sa aking mga kapatid na babae, nakilala ko si Maria. Napag-alaman ko na siya’y nanalangin para sa isang asawang makakasama niya sa pagsisikap na makamit ang buhay na walang hanggan. Ganito ang isinulat namin sa aming patalastas ng kasal: “Yamang pinag-isa sa pag-ibig hangad nami’y ligaya, sa Diyos nakapako ang aming paningin. Daan nami’y buhay, at ang aming tunguhi’y kasiyahang walang-maliw.” Kami’y ikinasal noong Hunyo 26, 1958, sa kombento ng Fahr, malapit sa Zurich.
Kami ni Maria ay may magkahawig na pinagmulan. Siya’y galing sa napakarelihiyosong pamilya at panganay sa pitong anak. Lahat sila’y pinaging abala sa mga trabaho sa bukid, gawain sa paaralan, at sa pagsisimba, kung kaya kaunti lamang ang panahon sa paglalaro. Hindi naging madali ang unang mga taon ng aming pag-aasawa. Dahil sa aking maraming tanong hinggil sa relihiyon, nagdalawang-loob tuloy si Maria kung tamang lalaki nga ang kaniyang pinakasalan. Ayaw niyang pag-alinlanganan ang mga turo ng simbahan o ang ginagawa nitong pagsuporta sa mga digmaan, Krusada, at Inkisisyon. Gayunman, inilagak naming dalawa ang aming pagtitiwala sa Diyos at naging kumbinsido na hangga’t ang hangarin nami’y gawin ang kaniyang kalooban sa abot ng aming kaya, hindi niya kami kailanman pababayaan.
Noong 1959 ay inupahan namin ang isang bukid na malapit sa Homburg sa silangang Switzerland. Ito ang naging tahanan namin sa loob ng 31 taon. Noong Marso 6, 1960, ang aming panganay, si Josef, ay ipinanganak. Siya’y sinundan ng anim na kapatid na lalaki at isang kapatid na babae, si Rachel. Pinatunayan ni Maria na siya’y isang makatuwiran at walang-pinapanigang ina, anupat tapat sa nakaugat na mga simulain. Siya’y isang tunay na pagpapala sa pamilya.
Paghanap ng Katotohanan sa Bibliya
Unti-unti, hindi na namin matiis ang aming kawalang-alam sa relihiyon. Sa pagtatapos ng mga taóng 1960, nagsimula kaming dumalo sa mga panayam sa Catholic People’s High School, ngunit umuuwi kami na lalong nalilito. Ipinaliliwanag ng mga tagapagsalita ang kanilang sariling pananaw, na walang patunay mula sa Kasulatan. Noong unang bahagi ng 1970, pinag-isipan kong mabuti ang mga salita ni Jesus: “Kung hihingi kayo sa Ama ng anumang bagay ay ibibigay niya ito sa inyo sa pangalan ko. . . . Humingi kayo, at kayo ay tatanggap.”—Juan 16:23, 24, Dy.
Ang nasa itaas na katiyakan mula sa Salita ng Diyos ang nagpangyari sa akin upang paulit-ulit na manalangin: “Ama, kung ang Simbahang Katoliko ang tunay na relihiyon, pakisuyong ipakita po ninyo sa akin nang walang pag-aalinlangan. Ngunit kung ito’y mali, ipakita po ninyo sa akin nang gayunding kalinaw at ipaaalam ko ito sa lahat.” Paulit-ulit akong nakiusap bilang pagsunod sa instruksiyon ni Jesus sa Sermon sa Bundok na “patuloy na humingi.”—Mateo 7:7, 8.
Ang aking pakikipag-usap kay Maria—lalo na ng tungkol sa mga pagbabago sa mga turo ng Katoliko noong mga taóng 1960 hinggil sa pagsamba sa mga “santo,” ang pagkain ng karne kung Biyernes, at iba pa—ay sa wakas nagdulot sa kaniya ng pag-aalinlangan. Minsan, habang nasa Misa noong tagsibol ng 1970, nanalangin siya: “Diyos ko, ipakita po ninyo sa amin ang daan patungo sa buhay na walang hanggan. Hindi na po namin alam kung alin ang tamang daan. Magpapasakop po ako sa ano pa man, ngunit ipakita po ninyo ang tamang daan para sa aming buong pamilya.” Hindi ko alam kung ano ang kaniyang panalangin, at hindi rin niya alam ang sa akin, hanggang sa napagtanto namin na pinakinggan na rin ang aming mga panalangin.
Pagkasumpong ng Katotohanan sa Bibliya
Pag-uwi namin mula sa simbahan isang Linggo ng umaga sa pagsisimula pa lamang ng 1970, may kumatok sa pinto. Isang lalaki na kasama ang kaniyang sampung-taóng-gulang na anak na lalaki ang nagpakilala bilang isa sa mga Saksi ni Jehova. Pumayag ako sa isang talakayan sa Bibliya. Akala ko’y madali kong mapatutunayang mali siya sapagkat ayon sa mga naririnig ko noon tungkol sa mga Saksi ni Jehova, hindi ako naniniwalang sila’y maraming nalalaman.
Tumagal nang dalawang oras ang aming pag-uusap nang walang positibong resulta, at gayundin ang nangyari noong sumunod na Linggo. Pinanabikan ko ang ikatlong pag-uusap, ngunit hindi sumipot ang Saksi. Sinabi ni Maria na napagtanto nito siguro na wala rin namang mangyayari. Natuwa ako nang magbalik ito pagkalipas ng dalawang linggo. Karaka-raka, sinabi ko: “Tatlumpu’t limang taon ko nang pinag-iisipang mabuti ang tungkol sa impiyerno. Talagang hindi ko matanggap na ang Diyos, na siyang pag-ibig, ay magpapahirap sa mga nilalang sa gayong kalupit na paraan.”
“Tama ka,” sagot ng Saksi. “Hindi itinuturo ng Bibliya na ang impiyerno ay isang dakong pahirapan.” Ipinakita niya sa akin na ang Hebreo at Griegong mga salita para sa Sheol at Hades, na karaniwan nang isinasaling “impiyerno” sa Bibliyang Katoliko, ay tumutukoy lamang sa pangkaraniwang libingan. (Genesis 37:35; Job 14:13; Gawa 2:31) Gayundin, binasa niya ang mga kasulatan na nagpapatunay na ang kaluluwa ng tao ay mortal at na ang parusa sa kasalanan ay kamatayan, hindi pagpapahirap. (Ezekiel 18:4; Roma 6:23) Dahil diyan, naging maliwanag sa akin na ako pala’y napakatagal nang binulag ng mga kabulaanan ng relihiyon. Sa ngayon ay pinag-aalinlanganan ko na rin pati ang iba pang turo ng simbahan.
Ayaw ko nang malinlang pang muli, kaya bumili ako ng isang diksyunaryo ng Bibliyang Katoliko at isang limang-tomong kasaysayan ng mga papa. Ang mga publikasyong ito ay may pahintulot, alalaong baga’y, inaprobahan ng awtoridad ng Romano Katoliko ang mga ito para ilimbag. Nabatid ko mula sa pagbabasa ng kasaysayan ng mga papa na ang ilan sa kanila ay kabilang sa pinakamasasamang kriminal sa daigdig! At sa pagtingin sa diksyunaryo ng Bibliya, napag-alaman ko na ang Trinidad, maapoy na impiyerno, purgatoryo, at napakarami pang ibang mga turo ng simbahan ay hindi ibinatay sa Bibliya.
Ngayo’y handa na akong makipag-aral ng Bibliya sa mga Saksi. Sa pasimula, nakikiupo lamang si Maria bilang paggalang, ngunit di-nagtagal ay tinanggap na rin niya ang kaniyang natutuhan. Pagkalipas ng apat na buwan, nagbitiw ako sa Simbahang Katoliko at pinasabihan ko ang pari na hindi na papasok ang aming mga anak sa mga klaseng panrelihiyon. Nang sumunod na Linggo ay binabalaan ng pari ang sakop ng kaniyang paroko tungkol sa mga Saksi ni Jehova. Nag-alok akong ipagtanggol ang aking mga paniniwala na ginagamit ang Bibliya, ngunit hindi pumayag ang pari sa gayong talakayan.
Pagkatapos noon ay naging mabilis ang aming pagsulong. Sa wakas, sinagisagan naming mag-asawa ang aming pag-aalay kay Jehova sa pamamagitan ng bautismo sa tubig noong Disyembre 13, 1970. Pagkalipas ng isang taon, kinailangang mabilanggo ako nang dalawang buwan dahil sa isyu ng pagiging neutral ng mga Kristiyano. (Isaias 2:4) Hindi madali ang iwanan ang aking asawa at walong anak, kahit sa maikling panahong iyon. Ang mga bata’y mula 4 na buwan hanggang 12 taon ang gulang. Bukod diyan, mayroon pa kaming inaalagaang mga hayop. Ngunit sa tulong ni Jehova, nakaraos pa rin sila kahit wala ako.
Patuloy na Pag-una Muna sa Kapakanan ng Kaharian
Hindi kailanman lumiliban sa pulong ng kongregasyon ang sinuman sa aming pamilya kung wala rin lamang sakit. At inayos namin ang aming mga trabaho nang sa gayon ay hindi namin kailanman malibanan ang alinmang malalaking kombensiyon. Di-nagtagal at ang mga laro ng mga bata sa aming attic ay nakasentro na sa pagsasadula ng kanilang mga nakikita sa aming mga pulong Kristiyano. Halimbawa, inaatasan nila ang bawat isa ng mga pahayag ng estudyante at pinapraktis ang mga presentasyon. Nakatutuwa naman, silang lahat ay tumugon sa aming espirituwal na instruksiyon. Hindi ko malilimot ang alaala nang kaming mag-asawa ay kapanayamin sa isang pansirkitong asamblea, kasama ng aming walong anak na nakahanay sa pagkakaupo—mula sa panganay hanggang sa bunso—na matamang nakikinig.
Ang pagpapalaki sa aming mga anak sa “disiplina at pangkaisipang-pagtutuwid ni Jehova” ang aming pangunahing pinagkakaabalahan. (Efeso 6:4) Ipinasiya naming alisin ang aming telebisyon, at madalas kaming nag-aanyaya ng masisigasig na kasamahang mga Kristiyano sa aming tahanan upang makinabang ang aming mga anak sa kanilang mga karanasan at kasiglahan. Kami’y nag-iingat upang maiwasan ang walang-pakundangang pagsasalita at pagiging kritiko sa iba. Kung may nagkasala, pinag-uusapan namin iyon at isinasaalang-alang ang nakapagpapagaan na mga pangyayari. Sinisikap naming matulungan ang aming mga anak na tumantiya ng kalagayan sa paraang makatuwiran at makatarungan. Iniingatan namin ang paghahambing sa ibang kabataan. At batid namin ang kahalagahan ng di-pagpapalayaw o di-pagtatanggol sa mga anak mula sa pinsalang bunga ng kanilang paggawi.—Kawikaan 29:21.
Gayunman, hindi nangangahulugang walang naging problema ang pagpapalaki sa aming mga anak. Halimbawa, minsan, inulukan sila ng mga kaeskuwela na mangupit ng kendi sa tindahan. Nang malaman namin ang nangyari, pinabalik namin sa tindahan ang aming mga anak upang bayaran iyon at humingi ng tawad. Kahiya-hiya iyon para sa kanila, subalit natuto sila ng leksiyon hinggil sa katapatan.
Sa halip na pilitin lamang ang aming mga anak na samahan kami sa gawaing pangangaral, nagpakita kami ng halimbawa sa pamamagitan ng pagbibigay ng priyoridad sa gawaing iyon. Nakita ng mga bata na inuuna namin ang mga pulong at ministeryo sa larangan kaysa sa trabahong kailangang gawin sa bukid. Ang aming pagsisikap na palakihin ang aming walong anak sa daan ni Jehova ay tunay na pinagpala.
Ang aming panganay na lalaki, si Josef, ay isang Kristiyanong matanda at ilang taóng nakapaglingkod sa tanggapang pansangay ng mga Saksi ni Jehova sa Switzerland kasama ng kaniyang asawa. Si Thomas ay isang matanda, at silang mag-asawa ay mga payunir, gaya ng tawag sa mga pambuong-panahong ministro. Si Daniel, na umiwan sa kaniyang propesyon bilang isang tsampiyong siklista, ay isang matanda, at silang mag-asawa ay payunir sa ibang kongregasyon. Si Benno at ang kaniyang asawa ay mga aktibong ministro sa sentral Switzerland. Ang aming panlimang anak, si Christian, ay naglilingkod bilang matanda sa kongregasyong dinadaluhan namin. Siya’y may asawa na at may dalawang anak. Si Franz ay isang payunir at matanda sa isang kongregasyon sa Bern, at si Urs, na dati’y naglilingkod sa tanggapang pansangay sa Switzerland, ay nag-asawa na at naglilingkod bilang isang payunir. Ang aming kaisa-isang anak na babae, si Rachel, at ang kaniyang asawa ay ilang taon na ring mga payunir.
Bilang pagsunod sa halimbawa ng aming mga anak, ako rin ay nagpayunir, matapos na magretiro sa sekular na trabaho noong Hunyo 1990. Sa pagbabalik-tanaw sa naging buhay ko at ng aking pamilya, tiyak na masasabi kong inayos ni Jehova ang aming daan at pinagpala kami “hanggang sa wala nang kakulangan.”—Malakias 3:10.
Ang paboritong teksto sa Bibliya ng aking mahal na asawa ay: “Ihagis mo ang iyong pasanin kay Jehova mismo, at siya mismo ang susustine sa iyo. Hindi niya kailanman hahayaang humapay-hapay ang isa na matuwid.” (Awit 55:22) At ang sa akin naman ay: “Magkaroon ng katangi-tanging kaluguran kay Jehova, at ibibigay niya sa iyo ang mga kahilingan ng iyong puso.” (Awit 37:4) Kapuwa namin naranasan ang katotohanan ng magagandang pananalitang ito. Ang aming tunguhin ay purihin ang aming Diyos, si Jehova, magpakailanman, kasama ng aming mga anak at ng kani-kanilang pamilya.—Gaya ng inilahad ni Josef Heggli.