Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • g97 12/22 p. 19-24
  • “Ang Parokyano ay Laging Tama”

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • “Ang Parokyano ay Laging Tama”
  • Gumising!—1997
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Maralitang Pinagmulan
  • Isang Malungkot na Buhay Noong Kabataan
  • Binago ng Pag-aasawa ang Aking Buhay
  • Mabibigat na Problema sa Kabila ng Kariwasaan
  • Ang Sagot sa Aking Mga Dasal
  • Pagkatanto sa Tunay na Kaligayahan
  • Tapat Hanggang sa Kaniyang Kamatayan
  • Pagpapanatili ng Espirituwal na mga Tunguhin
  • Salamat at Nakinig Ako
  • Mahirap Noon, Mayaman Ngayon
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova (Pag-aaral)—2018
  • Ang Paglapit sa Diyos ang Tumulong sa Akin na Magbata
    Gumising!—1993
  • Isang Hamon at Kagalakan na Palakihin ang Walong Anak sa mga Daan ni Jehova
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—2006
  • Nagkakaisa Na ang Aming Pamilya sa Wakas!
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—2006
Iba Pa
Gumising!—1997
g97 12/22 p. 19-24

“Ang Parokyano ay Laging Tama”

AYON SA PAGLALAHAD NI WEI TUNG CHIN

Laging sinasabi sa akin noon ng aking asawa na huwag kong papansinin “yaong mga relihiyosong taong iyon na tumitimbre sa mga bahay.” Kaya kapag nasa pinto namin ang mga Saksi ni Jehova, sinasabi kong hindi kami interesado. Pero sinabi rin niya sa akin na “ang parokyano ay laging tama,” kaya nang pumasok ang isang Saksi sa aming restawran na Red Dragon at gustong sabihin sa akin ang tungkol sa kaniyang relihiyon, naisip kong dapat akong makinig.

ANG aking asawa, si Tong Y., ang may-ari ng Red Dragon, isang restawrang Tsino sa St. Clair Avenue, sa Cleveland, Ohio. Doon, pagkakasal namin, itinuro niya sa akin ang kasabihang, “Ang parokyano ay laging tama.”

Si T.Y. ay pumunta sa Amerika upang mag-aral sa New York University. Pagkatapos ng gradwasyon noong 1927, siya’y nagtrabaho sa isang restawran sa lugar ng Times Square sa New York. Napansin niya ang mga taong kumakain sa counter ng parmasya, kung saan limitado lamang ang mga pasilidad sa pagluluto. Kaya nagkaideya siya na bentahan ang mga ito ng mainit na chow mein.

Di-nagtagal, ang maliit na restawrang binuksan niya sa Greenwich Village ay lumakas. Inilipat niya ang negosyo sa Cleveland, Ohio noong 1932, at binuksan niya ang Red Dragon, na may kapasidad na 200. Ganito ang ulat ng isang pahayagan sa Cleveland noong Setyembre 1932: “Sa pagpasok sa lugar ng Great Lakes matapos matugunan ang panlasa ng milyun-milyon sa buong bahagi ng silangan, dinala ni Tong Y. Chin sa Cleveland ang kaniyang unang sangay ng bagong negosyo ng chow mein sa gitnang kanluran na kaniyang pinaunlad sa loob ng limang taon tungo sa isang negosyo na kumikita ng isang milyong dolyar sa loob ng isang taon.”

Bago ko ipaliwanag kung paano kami nagkakilala ni T.Y., sasabihin ko muna kung paano ako lumaki sa Tsina, na may napakalaking nagawa sa paghubog sa aking buhay.

Maralitang Pinagmulan

Naaalaala ko pa noon kapag umaalis si Inay sa aming maliit na nayon sa kontinente ng Tsina upang maghanap ng makakain. Napakahirap ng aking mga magulang anupat kinailangang ipaampon ang ilan sa kanilang mga anak. Isang araw, nang ako’y mga dalawa o tatlong taon pa lamang, umuwi si Itay na may kakaibang ibinabadya sa kaniyang mga mata. Naisip ko, ‘Mukhang may masamang balita para sa akin.’

Di-nagtagal pagkaraan, inakay ako ni Inay, at binagtas namin ang makitid at maputik na pilapil sa gitna ng palayan, habang nag-iingat na huwag mahulog sa tubig sa magkabilang panig. Tumigil kami sa isang bahay at kinausap ni Inay ang isang nakangiting batang babae, pagkatapos ay sa isa pang bahay na kinaroroonan naman ng isang batang babae na mukhang mabalasik at hindi man lamang ngumingiti. Hindi ko natatandaang nakita ko na ang mga batang ito. Sila ang aking nakatatandang mga kapatid. Habang nagpapaalam sila sa akin, napagwari kong hindi na kami muling magkikita kailanman.

Habang kami’y naglalakad, matatag na nagsasalita si Inay, na sinasabi sa akin ang mga bagay tungkol sa kaniya, sa aking ama, at sa aking mga kapatid. Naguguni-guni ko pa ang mabait at malungkot na mga mata ni Inay. Nang sumapit kami sa aming destinasyon, parang may mali. Ang bahay ay mukhang hapis at malungkot. Ito ang aking bagong bahay. Ayaw ko sanang umidlip, pero pinilit ako ng nanay ko at ng mga umampon sa akin. Di-nagtagal ay nakatulog ako, at nang ako’y magising, wala na si Inay. Hindi ko na siya nakitang muli kailanman.

Isang Malungkot na Buhay Noong Kabataan

Bagaman ngayo’y may sapat nang pagkain, babahagya naman ang pagmamahal, kung kaya ang aking puso’y tigib ng luha. Umiiyak ako tuwing gigising ako sa umaga. Hinahanap-hanap ko si Inay at ang aking kuya, na kasama niya. Madalas na iniisip kong magpatiwakal. Nang ako’y lumaki na, gustung-gusto ko sanang makapag-aral, pero ginawa akong katulong sa bahay ng mga umampon sa akin.

Nang ako’y siyam na taon na, kami’y lumipat sa Shanghai na napakalayo. “Ngayon ay malaki ka na para makapamili at magluto,” sabi sa akin. Kaya ang mga tungkuling ito ay naparagdag sa aking pang-araw-araw na trabaho. Araw-araw ay binibigyan ako ng mga umampon sa akin ng sapat na pera upang bumili ng pagkain para sa maghapon. Habang patungo sa palengke, nadaraanan ko ang mga pulubi at ako’y naaawa sa kanila sapagkat sila’y gutom. Kaya nagagawan ko ng paraan na mabigyan sila ng kaunting barya at may natitira pa ring sapat na pambili ng pagkaing kailangan ko.

Gustung-gusto kong makapag-aral at matuto! “Ipalilista ka namin pagkalipas ng anim na buwan,” pangako ng mga umampon sa akin. Nang lumipas ang anim na buwan, sinabihan ako: “Anim na buwan mula ngayon.” Nang maglaon, napagtanto kong hindi na ako kailanman makapag-aaral. Nawasak ang aking puso. Kinamuhian ko ang lahat ng nasa bahay. Kadalasan, nagkukulong ako sa banyo at nagdarasal. Bagaman kami’y naniniwala sa maraming diyos, sa paano man ay alam kong may isang pangunahing Diyos, na mas makapangyarihan kaysa sa iba. Kaya sa kaniya ako nagdasal: “Bakit gayon na lamang ang kirot at kalungkutan?” Ito ang aking dasal sa loob ng maraming taon.

Binago ng Pag-aasawa ang Aking Buhay

Ang isinaayos na pag-aasawa ay uso noon sa Tsina. Isa sa mga kaibigan ni T.Y. sa unibersidad na umuwi sa Tsina ay sumulat sa kaniya: “Lampas ka na sa edad 30 at wala ka pang asawa.” Pagkatapos ay binanggit niya ang tungkol sa akin at idinagdag: “Siya’y 18 taóng gulang; maganda ang kaniyang mukha, gayundin ang kaniyang pagkatao. . . . Kung ako ikaw, pag-iisipan ko itong mabuti, Tong Y. Chin.” Inilakip ng kaniyang kaibigan ang isang larawan.

Sinulatan ni T.Y. ang mga umampon sa akin: “Nakita ko ang larawan ng inyong marangal na anak. Pakakasalan ko siya, kung, matapos na kami’y magkakilala at magkasama, sisibol ang pag-ibig sa aming mga puso.” Dumating si T.Y. sa Shanghai, at kami’y nagkakilala. Bagaman naisip kong siya’y napakatanda na para sa akin, ipinasiya kong pakasalan na rin siya upang makaalis na lamang sa aming bahay. Kaya ikinasal kami noong 1935 at karaka-rakang naglayag patungong Amerika. Kaya ako nakarating sa Cleveland.

Mabibigat na Problema sa Kabila ng Kariwasaan

Una, may problema ako sa pakikipag-usap sa aking asawa. Ang alam niyang diyalektong Tsino ay Cantonese, at ang alam ko naman ay iba, Shanghaiese. Para na ring dalawang magkaibang wika ang aming sinasalita. Kinailangan ko ring matutuhan ang wikang Ingles at ang mga bagong kaugalian. At ang aking bagong trabaho? Dapat akong maging isang kahali-halina, magiliw na tagasalubong sa restawran, anupat palaging pinaluluguran ang mga suki. Oo, dapat kong tandaan, “Ang parokyano ay laging tama.”

Nagtatrabaho ako sa loob ng 16 o higit pang mahahaba at mahihirap na oras bawat araw kasama ng aking asawa, at madalas na ako’y nagdadalang-tao. Ang aming panganay na babae, si Gloria, ay ipinanganak noong 1936. Pagkaraan, nag-anak pa ako ng anim sa loob ng siyam na taon​—tatlong lalaki at tatlong babae, isa sa mga ito’y namatay noong isang taon pa lamang ang gulang.

Samantala, pinasimulan na ni T.Y. ang pangangasiwa sa maraming restawran at mga nightclub. Ang ilang artista’t mang-aawit na unang nagtrabaho sa mga ito, gaya ni Keye Luke, Jack Soo, at Kaye Ballard, ay naging mga sikat na tao. Gayundin, ang aming mga produkto mula sa Tsina ay malawakang ipinagbili at naging popular.

Noong kalagitnaan ng mga taóng 1930, nakilala si T.Y. bilang ang hari ng chow mein. Naging presidente rin siya ng Chinese Merchants Association at naging isang tagapanayam sa Tsina. Napasama ako sa napakaraming gawaing pangkawanggawa, panlipunan, pambayan, at pangkomunidad. Naging bahagi na ng aking buhay ang pagharap sa mga tao at pagsama sa mga parada. Ang aming mga larawan at pangalan ay laging nasa mga pahayagan sa Cleveland; lahat ng aming ginagawa at sinasabi ay waring nakaulat​—mula sa mga pakikipagsapalaran sa negosyo hanggang sa pagbabakasyon at kahit na nga ang sukat ng aking sapatos!

Noong 1941, nang bombahin ng hukbong panghimpapawid ng mga Hapones ang Pearl Harbor, ang Estados Unidos ay nakipagdigma sa Hapón. Palibhasa’y mga taga-Silangan kami, naging masama ang palagay nila sa amin. Bago pa man ang digmaan, tumatanggap kami ng mga liham na nagbabantang kami’y papatayin habang ipinatatayo namin ang aming malaking bahay sa isang respetadong pamayanan. Ngunit natapos din ito, at dito namin pinalaki ang aming mga anak.

Kaya, nagkaroon ako ng isang maganda at malaking tahanan, isang respetadong asawa at pamilya, oo, magagandang damit at alahas pa nga. Gayunman, mailap pa rin sa akin ang kaligayahan. Bakit? Una sa lahat, bihira kaming magkasama-sama bilang isang pamilya. Bagaman nagawa kong gumising tuwing umaga upang makita ang mga bata sa kanilang pagpasok sa paaralan, karaniwan nang kami’y nagtatrabaho pa rin hanggang sa matulog na sila. Isang katulong sa bahay ang nangangalaga ng kanilang pangangailangan sa araw-araw.

Kami’y mga Budista, ngunit walang naidulot na kaaliwan sa akin ang mga diyos ng aming relihiyon. Si T.Y., kasama ng aming panganay na anak na lalaki, ay umiikot sa buong bahay na sinisindihan ang mga kandila at inilalagay ang pagkain sa harap ng mga idolo, para kanin ng mga diyos. Pero hindi kailanman kinain ng mga ito ang pagkain, kaya pagkatapos ay ang mga bata mismo ang nagpapasasa sa pagkain dito.

Sa wakas, palibhasa’y pagod na ako at wala nang masulingan, ipinalagay kong mas makabubuti para sa aking pamilya na mawala na ako. Sagad na sagad na ako at tinangka kong kitlin ang aking buhay. Salamat na lamang, ako’y isinugod sa ospital, at ako’y gumaling.

Ang Sagot sa Aking Mga Dasal

Mga ilang panahon pagkaraan, noong 1950, isang babaing may maganda’t maputing buhok ang pumasok sa restawran kasama ang kaniyang asawa. Nang salubungin ko sila at paupuin, nakipag-usap siya sa akin tungkol sa Diyos. Hindi ako interesado. Nakadalaw na ang mga Saksi ni Jehova sa bahay at nakasubok nang kausapin ako, pero palagi ko silang pinaaalis agad. Gayunman, iba ang kalagayan sa restawran​—“Ang parokyano ay laging tama!”

Nagtanong ang babae, si Helen Winters, kung naniniwala ako sa Bibliya. “Aling Bibliya?” sagot ko. “Napakarami niyaon!” Tuwing babalik siya, sinasabi ko sa aking sarili, ‘Heto na naman ang buwisit na ito!’ Subalit siya’y mabait at matiyaga. At ang sinabi niya tungkol sa isang paraisong lupa na doo’y wala nang kirot o pagdurusa ay totoong nakaaakit pakinggan.​—2 Pedro 3:13; Apocalipsis 21:3, 4.

Sa isa sa kaniyang mga pagdalaw, nag-iwan siya ng isang imbitasyon para sa mga pulong sa Kingdom Hall at ipinaliwanag ang maigsing mensahe sa likod na naglalarawan sa mga pagpapala ng Kaharian ng Diyos. Naalaala kong tiningnan ko iyon pagkaraan at nag-isip, ‘Kung totoo nga sana ito!’ Inalok niya akong pag-aralan ang Bibliya sa aming tahanan, at sa wakas ay pumayag na rin ako.

Linggu-linggo ay nakapalibot kami sa mesa para mag-aral​—si Helen at ako kasama ng aking anim na anak, na noo’y edad 5 hanggang 14. Madalas akong maawa sa kaniya dahil paminsan-minsan ay waring nawawalan ng interes ang mga bata. Noong 1951 ay nagsimula na kaming dumalo sa mga pulong sa Kingdom Hall. Di-nagtagal, napagtanto kong ang aking natututuhan ay siyang sagot sa aking mga dasal. Kaya naipasiya kong kailangan ko na talagang mag-aral na makabasang mabuti ng Ingles, na isang napakahirap na hamon para sa akin.

Pagkatanto sa Tunay na Kaligayahan

Di-naglaon ay naging mabilis ang aking pagsulong sa kaalaman at ako’y nag-alay ng aking buhay sa Diyos na Jehova. Pagkatapos, noong Oktubre 13, 1951, sa isang malaking kombensiyon sa Washington, D.C., nabautismuhan ako kasama ang aking dalawang magkasunod na panganay na anak, sina Gloria at Tom. Sa kauna-unahang pagkakataon, nagkaroon ng kahulugan ang aking buhay. Ito na ang pasimula ng aking pinakamaliligayang taon.

Sa buong buhay ko ay pinaglingkuran ko na ang ibang tao, pero ngayon ay determinado akong paglingkuran una sa lahat ang ating Maylalang! Pinasimulan kong ibahagi ang mensahe ng Kaharian sa lahat ng gustong makarinig. Sinikap ko ring ikintal sa aking mga anak ang pangangailangang dumalo sa mga pulong Kristiyano at ang kahalagahan ng pakikipag-usap sa iba ng tungkol sa magagandang bagay na nasa Salita ng Diyos.

Pinasimulan ang Pag-aaral ng Kongregasyon sa Aklat sa aming tahanan noong 1953. Pagkalipas ng halos 45 taon, dito pa rin idinaraos ang pag-aaral. Ito’y naging isang kamangha-manghang tulong pang-espirituwal sa aming pamilya sa nakalipas na mga taon.

Ang pananatiling aktibo sa espirituwal at pagmamantini pa rin ng aming negosyo ng restawran ay isang tunay na hamon. Gayunman, marami pa rin akong pinagdarausan ng pag-aaral sa Bibliya. Ilan sa mga ito ay tumanggap ng katotohanan sa Bibliya at pagkaraan ay naging mga payunir, gaya ng tawag sa mga pambuong-panahong ministro. Noong mga taon ng 1950, ang aming apat na nakababatang anak ay nag-alay ng kanilang buhay kay Jehova at nabautismuhan. Si T.Y. ay hindi interesado sa Bibliya, pero ipinagmamaneho niya kami papunta at pauwi sa mga pulong. Ipinasiya naming huwag siyang pangaralan kundi pag-usapan lamang namin ang tungkol sa isa o dalawang punto na aming nagustuhan sa pulong habang pauwi sa bahay.

Noon, si T.Y. ay palaging nagbibiyahe sa mga lunsod sa buong Estados Unidos dahil sa negosyo. Tinawagan ko sa telepono ang punong-tanggapan ng Watch Tower Society sa Brooklyn, New York, at ipinaliwanag ang aming kalagayan. Si Grant Suiter, noo’y kalihim at tagaingat-yaman ng Samahan, ay nag-anyaya sa amin na pasyalan ang mga pasilidad kapag kami’y nasa New York. Gayon na lamang ang paghanga ni T.Y., lalo na sa kalinisan ng kusina, na noo’y nakahanda na para sa pagpapakain sa humigit-kumulang na 500.

Nang kami’y dumalaw ay nakilala namin si Russell Kurzen, na nang maglaon ay nagpadala kay T.Y. ng isang Bibliya, na kaniyang binasa gabi-gabi hanggang sa matapos niya ito. Nang maglaon, sa internasyonal na kombensiyon ng mga Saksi ni Jehova sa New York noong 1958, nabautismuhan ang aking asawa! Nagulat kami nang ang aming panganay na anak, na naglilingkod noon bilang isang miyembro ng pamilya sa punong-tanggapan, ay magkaroon ng isang maigsing bahagi sa programa.

Tapat Hanggang sa Kaniyang Kamatayan

Kami ni T.Y. ay palaging nakikibahagi sa ministeryo sa bahay-bahay. Nang lumabo ang kaniyang paningin, regular kaming nakibahagi sa pagpapatotoo sa lansangan. Ang The Cleveland Press ay may ulo ng balita na, “Pangungumberte sa Red Dragon” kasama ang isang larawan namin na nag-aalok ng mga magasing Bantayan at Gumising! sa isang nagdaraan. Ikinuwento rito kung paano kami naging mga Saksi. Siyanga pala, pinalitan ng pangalan ang Red Dragon, na naging Chin’s Restaurant.

Sa nakalipas na mga taon, kaming mag-asawa ay nagkaroon na rin ng maraming panauhin sa aming restawran na mga Kristiyanong kapatid mula sa buong mundo. Tandang-tanda ko pa ang payo ni Brother Fred Franz, na naglingkod bilang presidente ng Watch Tower Bible and Tract Society. Nang siya’y dumalaw, pinayuhan niya kami: “Maging matapat kayo, at manatiling malapit sa organisasyon ni Jehova.”

Ilang ulit na inaatake sa puso si T.Y. noong pasimula ng dekada ng 1970 at namatay siya noong Agosto 20, 1975. Inilathala sa isang lokal na pahayagan ang isang mahabang patalastas ng kaniyang pagkamatay na kasama ang isang larawan niya sa ministeryo habang nag-aalok ng Ang Bantayan. Ang aming huling mga taon ng pagsasama ay naging napakabuti. Pagkatapos ng mahigit na 60 taon ng pag-iral, ang Chin’s Restaurant ay lubusan nang nagsara noong Abril 1995. Para sa ilan, ito’y waring pagtatapos ng isang kapanahunan.

Pagpapanatili ng Espirituwal na mga Tunguhin

Noon ay gusto sana namin na ang aming tatlong anak na lalaki na ang humawak ng negosyo ng pamilya. Gayunman, ang hangaring iyan ay nagbago; nais namin na sila’y sumunod sa mga yapak ni Jesus at maging mga pambuong-panahong ministro. Isa-isa naming tinanong ang aming mga anak kung gusto nilang magpayunir sa Hong Kong at tumulong sa ibang Tsino na matutuhan ang aming natutuhan. Inalok namin sila ng pinansiyal na tulong para sa tunguhing iyon. Bagaman wala sa kanila ang natutong magsalita nang matatas sa wikang Tsino, pinili nina Winifred, Victoria, at Richard na lumipat sa Hong Kong.

Ang aming anak na babaing si Winifred ay naging payunir doon nang mahigit na 34 taon! Napangasawa ni Victoria si Marcus Gum, at nang dakong huli ay nagbalik sila sa Estados Unidos. Nakapagpalaki sila ng tatlong anak​—sina Stephanie at Seraiah, na nasa pambuong-panahong ministeryo sa Cleveland, at si Symeon, na naglilingkod sa Watchtower Farms, Wallkill, New York, kasama ang kaniyang asawa, si Morfydd. Sa ngayon ay malapit lamang ang tinitirhan nina Victoria at Marcus, kaya naman tumutulong sila sa pangangalaga sa akin. Siya ang punong tagapangasiwa ng Coventry Congregation sa Cleveland.

Ang aming panganay na anak, si Gloria, ay nakasilyang de-gulong dahil sa siya’y nagkasakit ng polio noong 1955. Siya at ang kaniyang asawa, si Ben, ay nakatira sa Escondido, California, kung saan siya’y patuloy na naglilingkod nang palagian sa gawaing pangangaral. Si Tom ay mahigit na 22 taon nang pambuong-panahong ministro. Siya at ang kaniyang asawa, si Esther, ay kasalukuyang nagtatrabaho sa Watchtower Educational Center, Patterson, New York. Si Richard at ang kaniyang asawa, si Amy, ay umuwi mula sa Hong Kong upang tumulong sa pag-aalaga kay T.Y. bago siya namatay. Ngayon ay naglilingkod na rin sila sa Patterson. Ang aming bunso, si Walden, ay nakagugol na ng mahigit na 30 taon sa pambuong-panahong ministeryo. Sa nakalipas na 22 taon, siya at ang kaniyang asawa, si Mary Lou, ay naglingkod sa mga kongregasyon sa Estados Unidos sa sirkito at sa distritong gawain.

Hindi naman ibig sabihin nito na ang aming mga anak ay hindi na nagbigay sa amin ng anumang problema. Bilang tin-edyer, isa sa kanila ang naglayas at wala kaming narinig tungkol sa kaniya sa loob ng tatlong buwan. Sa isang pagkakataon ang isa naman ay mas nahilig sa isport kaysa sa espirituwal na mga bagay, anupat hindi sumisipot sa aming lingguhang pampamilyang pag-aaral sa Bibliya dahil may laro sila. Tumanggap pa nga siya ng mga alok para sa atletiks iskolarsip. Nang ipasiya niyang pumasok sa pambuong-panahong ministeryo sa halip na tanggapin ang isa sa mga iskolarsip na ito ng unibersidad, para bang naalisan ako ng sanlibong-librang pabigat sa aking mga balikat!

Salamat at Nakinig Ako

Bagaman literal na nakakalat ang aking mga anak sa buong daigdig, napasisigla nito ang aking puso sa pagkaalam na sila’y tapat na naglilingkod kay Jehova. Ako’y 81 na ngayon, at bumagal na ang kilos ko dahil sa arthritis at iba pang karamdaman, ngunit ang sigasig ko kay Jehova ay hindi man lamang nabawasan. Sinisikap kong pangalagaan ang aking sarili upang ni isa man sa aking mga anak ay hindi kailanganing umalis sa pambuong-panahong ministeryo upang alagaan ako.

Nasasabik akong tanawin ang kinabukasan na doo’y ganap nang matutupad ang mga layunin ng Diyos at makikita ko nang muli ang namatay kong mga mahal sa buhay, kasali na ang aking asawa, ang aking tunay na mga magulang, at si Helen Winters, na siyang nagturo sa amin. (Juan 5:28, 29; Gawa 24:15) Talagang tuwang-tuwa ako at ako’y nakinig sa kaibig-ibig na babaing iyon na may maputing buhok noong nakalipas na 46 na taon! Oo, tama nga ang parokyanong iyon!

[Larawan sa pahina 23]

Ang aming pamilya noong 1961. Mula kaliwa pakanan: Victoria, Wei, Richard, Walden, Tom, T.Y., Winifred, at Gloria sa harapan

[Larawan sa pahina 24]

Si Wei Chin sa ngayon

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share