Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • g98 1/8 p. 3-4
  • Sobrang Dami ng Impormasyon

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Sobrang Dami ng Impormasyon
  • Gumising!—1998
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Ano ba ang Impormasyon?
  • Ano ang Dahilan ng Pagkabahala sa mga Impormasyon?
    Gumising!—1998
  • Kung Paano Mo Maaaring Harapin ang Panahon ng Impormasyon
    Gumising!—1998
  • Matalinong Paggamit ng Internet
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—2011
  • Regular Ka Bang Tumitingin sa Information Board?
    Ating Ministeryo sa Kaharian—2014
Iba Pa
Gumising!—1998
g98 1/8 p. 3-4

Sobrang Dami ng Impormasyon

NASAKSIHAN ng ika-20 siglo ang walang katulad na sobrang dami ng impormasyon. Ito man ay sa pamamagitan ng nakalimbag na mga materyal, ulat sa radyo o telebisyon, Internet, o iba pang paraan, ang daigdig ay punung-puno na ng impormasyon. Si David Shenk ay sumulat sa kaniyang aklat na Data Smog​—Surviving the Information Glut: “Ang sobrang dami ng impormasyon ay lumitaw bilang isang tunay na banta. . . . Nakakaharap natin ngayon ang problema ng nag-uumapaw na impormasyon.”

Isaalang-alang ang isang kilalang pahayagan bilang isa lamang halimbawa. Sinasabing ang karaniwang edisyon ng The New York Times mula Lunes hanggang Biyernes ay naglalaman ng higit na impormasyon kaysa sa mababasa ng isang karaniwang tao sa buong buhay niya noong ika-17 siglo sa Inglatera. Subalit bukod pa sa pang-araw-araw na pahayagan, ang mga magasin at mga aklat ng lahat ng uri tungkol sa napakaraming paksa ay nakadaragdag pa sa pagdagsa ng mga impormasyong ginagawa. Ang mga aklat ay inilalathala nang sampu-sampung libo taun-taon. At yamang ang siyentipikong impormasyon ay nadodoble tuwing anim na taon, hindi nga kataka-taka na sa buong daigdig, ang mga babasahin lamang tungkol sa teknolohiya ay may bilang na mahigit sa 100,000. At dahil sa Internet ay nakukuha ng mga gumagamit ng computer ang napakaraming aklatan ng impormasyon.

Kumusta naman ang mga magasin? Binaha ng mga babasahin tungkol sa negosyo, mga magasing pambabae, mga magasin para sa mga tin-edyer, mga magasin tungkol sa isport at libangan​—oo, mga magasin tungkol sa halos lahat ng paksa at interes ng tao​—ang daigdig, na pawang humihiling ng ating pansin. Kumusta naman ang bahagi ng tagapag-anunsiyo​—ang “tagapagbando ng mga walang kapararakang bagay,” gaya ng mainam na pagkakalarawan sa kaniya? Sa kaniyang aklat na Information Anxiety, ganito ang sabi ng awtor na si Richard S. Wurman: “Sinasalakay ng mga ahensiyang nag-aanunsiyo ang ating mga pandamdam sa pamamagitan ng sangkatutak na mga anunsiyo na kailangang tingnan, pakinggan, amuyin, at hipuin.” Iginigiit ng mga ito na kailangan mo ang pinakabagong produkto, ang pinakamabuting klase, upang “makipagsabayan sa iyong mga kapitbahay.”

Ang Australianong sikologo at mananaliksik sa lipunan na si Dr. Hugh MacKay ay nagsabi na ‘ang daigdig ay binabahaan ng impormasyon at ang mga tao’y inaanyayahang dumaan sa mabilis na linya ng information superhighway.’ Ang problema, gaya ng nakikita ni Dr. MacKay, ay na ang mabilis na pagdami ng programa sa radyo at telebisyon tungkol sa balita at kasalukuyang mga pangyayari, pati na ang kasalukuyang biglang pagdami ng mga computer-based information network, ay nagbunga ng isang daigdig kung saan ang marami ay tumutugon sa impormasyon ng media na talaga namang kadalasan ay bahagi lamang ng pag-uulat ng mga bagay-bagay at mga pangyayari, hindi ang buong istorya.

Ano ba ang Impormasyon?

Ang salitang ugat sa Latin na informare ay naghahatid ng kaisipan ng pagporma sa isang bagay, kung paanong pinoporma ng isang magpapalayok ang luwad. Kaya nga, ang ilang kahulugan ng “inform” ay nagbibigay ng kahulugan na “iporma ang isip” o “hubugin o turuan ang isipan.” Malinaw na matatandaan ng karamihan ng mga mambabasa ang panahon, hindi pa natatagalan, nang ang impormasyon ay isa lamang talaan ng mga pangyayari o pabatid na nagsasabi sa atin ng mga detalye na gaya ng kung sino, saan, ano, kailan, o paano. Walang pantanging wika o bokabularyo para sa impormasyon. Ang gagawin lamang natin ay magtanong mismo o maghanap.

Subalit ngayon ay mga taon na ng 1990, at ang daigdig ay binigyan ng napakaraming bagong salita na nauugnay sa impormasyon anupat ang mga ito lamang ay maaari nang makalito. Bagaman ang ilan sa mga salitang ito o mga kasabihan ay payak at nauunawaan, gaya ng “infomania,” “technophilia,” at “panahon ng impormasyon,” ang iba’y maaaring pagmulan ng tunay na mga problema. Ang daigdig ngayon ay natatangay ng infomania​—ang paniniwalang ang isang nagtataglay ng pinakamaraming impormasyon ay may bentaha sa iba na hindi gaanong nakakakuha nito at na ang impormasyon ay, hindi na isang paraan upang makamit ang isang layunin, kundi ito na mismo ang layunin.

Ang pagkahibang na ito ay pinasisigla ng napakaraming sistema ng komunikasyon, gaya ng fax machine, cellular phone, at ang personal na computer, na itinuturing ng ilan na sagisag at maskot ng panahon ng impormasyon. Totoo na ang kaalwanan, bilis, at lakas ng mga computer ay nagbukas ng daan upang makuha ang impormasyon na hindi gaya noon​—anupat si Nicholas Negroponte, ng Massachusetts Institute of Technology, ay nagsabi: “Ang computer ay hindi na isang gamit lamang. Ito’y isa nang paraan ng pamumuhay.” Bunga nito, ang impormasyon at ang mga teknolohiyang naghahatid nito ay lubhang pinahahalagahan, sa ilang kaso ay sinasamba pa nga, na may maraming tagasunod sa lahat ng bahagi ng lupa. Ang mga programa sa telebisyon tungkol sa balita at kasalukuyang mga pangyayari ay tinatanggap bilang pawang katotohanan, samantalang ang napakaraming kuntil-butil ay ipinalalabas sa mga talk show sa TV at walang tutol na tinatanggap ng kadalasa’y hindi-mapintasin at mapaniwalaing mga tao.

Palibhasa’y binago na ng panahon ng impormasyon ang paraan ng ating pamumuhay at pagtatrabaho anupat maraming tao ngayon ang dumaranas ng iba’t ibang anyo ng “pagkabahala sa mga impormasyon.” Ano nga ba ang pagkabahala sa mga impormasyon? Paano mo masasabi kung ikaw ay apektado? May magagawa ka ba rito?

[Picture Credit Line sa pahina 3]

Globo sa pahina 3, 5, at 10: Mountain High Maps® Copyright © 1997 Digital Wisdom, Inc.

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share