“Ang Lumalayong Puwang sa Pagitan ng Klero at Lego”
“MAY lumalayong puwang sa pagitan ng klero at lego sa mga simbahang ebanghelikong Amerikano,” sabi ni Robert K. Johnston, isang propesor ng teolohiya at kultura. Sa Ministerial Formation, isang magasin ng World Council of Churches, binanggit niya ang ilan sa mga dahilan ng paglayong ito: Palibhasa’y gabundok ang igting sa pamilya, ibig ng mga pastor na ang iskedyul nila sa trabaho ay itulad sa “paghahalinhinan ng mga doktor kung dulo ng sanlinggo.” Kapag nag-obertaym ang pastor, umaasa siyang babayaran ang kaniyang pinagpaguran. Karagdagan pa, sabi ng propesor, “yamang tumitindi ang igting sa moralidad at legalidad,” binibigyang-babala ng mga seminaryo sa teolohiya ang kanilang mga estudyanteng nagtatapos na iwasan ang mga problema sa pamamagitan ng “pakikipagkaibigan lamang sa mga kabilang sa kanilang ‘grupo’ ng ibang klero” at pakitunguhan ang mga nasasakupan ng kanilang parokya bilang “mga kliyente.” Hindi nga kataka-taka kung gayon, na ang tingin tuloy ng marami sa mga nasasakupan ng parokya ay na ang kanilang mga pastor ay kabilang sa isang piling uri na hindi nakauunawa sa mga pangangailangan at mga suliranin ng mga karaniwang nagsisimba.
Anong uri kaya ng pastor ang makapaglalapit sa puwang? Natuklasan ng isang pag-aaral na umaanalisa kung bakit nabibigo ang mga pastor sa kanilang ministeryo na ang mga nasasakupan ng parokya ay hindi tumitingin sa akademikong kaalaman at propesyonal na kakayahan ng isang pastor bilang isang bagay na mahalaga. Ang mga miyembro ng simbahan ay hindi naghahanap ng isang ubod-dunong na tao, isang mahusay na mananalumpati, o isang magaling na administrador. Higit sa lahat, nais nila na ang kanilang pastor ay maging isang “tauhan ng Diyos” na nagsasagawa ng kaniyang ipinangangaral. Kung wala ang katangiang iyan, sabi ni Propesor Johnston, “gaano mang impormasyon ang maiparating o anumang kakayahan ang maipakita,” hindi ito makapagdurugtong sa puwang.
Ano ba ang sabi ng Bibliya na mga kahilingan para sa isang matanda sa kongregasyon? “Ang tagapangasiwa kung gayon ay dapat na di-mapupulaan, asawa ng isang asawang babae, katamtaman sa mga kinaugalian, matino sa pag-iisip, maayos, mapagpatuloy, kuwalipikado na magturo, hindi isang lasenggong basag-ulero, hindi isang mambubugbog, kundi makatuwiran, hindi palaaway, hindi isang mangingibig ng salapi, isang lalaking namumuno sa kaniyang sariling sambahayan sa isang mahusay na paraan, may mga anak na nagpapasakop nang buong pagkaseryoso . . . Isa pa, siya ay dapat ding may mainam na testimonyo mula sa mga tao sa labas, upang hindi siya mahulog sa pagdusta at sa silo ng Diyablo.”—1 Timoteo 3:2-4, 7.