Bigong Pakikibaka Laban sa Krimen
“ANG krimen ay masusugpo sa magdamag kung ang lahat ay kusang magsisikap,” isang dating hepe ng Metropolitan Police ang siniping nagsabi sa Liverpool Daily Post ng Inglatera. Oo, kung lahat ay susunod sa batas, mawawala ang krimen.
Gayunman, sa karamihan ng mga lugar ay dumarami ang krimen. Ang mga salitang binigkas libu-libong taon na ang nakalipas ay kumakapit sa ating panahon: “Nasira ang lupa sa paningin ng tunay na Diyos at napuno ng karahasan ang lupa.” (Genesis 6:11)—Tingnan ang kahon sa kabilang pahina.
Nagsisimula sa Maliliit na Bagay ang Krimen
Sa pamamagitan ng paglabag sa batas sa maliliit na bagay, ang isa ay maaaring makondisyon na lumabag dito sa mas malalaking bagay. Upang itimo ang bagay na ito sa kaniyang mga estudyante, isang guro ang nagpaliwanag: “Ang mga manloloob ng bangko ay nagsisimula sa pagnanakaw ng mga lapis sa paaralan.”
Nang maglaon, ano ang kadalasang nangyayari sa dako ng trabaho? Ang mga tao’y hindi pumapasok sa trabaho dahil sa sinasabing pagkakasakit at pagkatapos ay tumatanggap ng mga benepisyo na hindi naman nararapat sa kanila. Ang pandarayang ito ay higit na karaniwan kaysa sa maaaring isipin ng isa. Halimbawa, sa Alemanya, 6 na porsiyento ng mga araw na iniuulat ng mga manggagawa na sila’y maysakit ay pumapatak kung Miyerkules, 10 porsiyento kung Martes, at 16 na porsiyento kung Huwebes, subalit biglang taas na 31 porsiyento ang pumapatak kung Lunes, na nahihigitan ng 37 porsiyento kung Biyernes! Talaga bang mas nagkakasakit ang mga tao kung Lunes at Biyernes, o ito ay isa lamang anyo ng pagnanakaw?
Sino ang mga Kriminal?
Mangyari pa, ang krimen na ginagawa ng ordinaryong mga tao ay karaniwan nang may ibang epekto kaysa roon sa ginagawa ng mga taong nasa kapangyarihan. Noong mga unang taon ng 1970, ang Estados Unidos ay niyanig ng isang pulitikal na krimen na gayon na lamang katindi anupat ang pangalang naugnay dito ay naging bahagi pa nga ng wikang Ingles.
Ang “Watergate,” ayon sa Barnhart Dictionary of New English, ay isang “iskandalo, lalo na yaong nagsasangkot sa isang pagsisikap na ikubli ang nakapipinsalang impormasyon o ilegal na mga gawain.”a Saka idinagdag nito: “Ang suliranin sa Watergate ay nag-iwan ng matinding impluwensiya sa wika noong dekada ng 1970. Ang salita ay lumikha ng iba’t ibang imbentong salita at ang panlagom na anyong -gate, ay idinurugtong sa ibang salita upang magpahiwatig ng iskandalo o katiwalian.”
Mula noon ang anumang dami ng mga Watergate ay nagpakita na laganap ang krimen, kahit na doon sa mga dapat ay maging huwaran sa pagsunod sa batas. Sa Hapón ang katiwalian sa pulitika ay naging palasak anupat kailangang magpasa ng bagong mga batas noong unang mga taon ng 1990 upang labanan ito. Noong 1992 ang pangulo ng Brazil ay ibinagsak dahil sa mga paratang na katiwalian.
Hindi ba maliwanag na ang paggawa ng kamalian niyaong mga nasa posisyon ng kapangyarihan, pati na ng mga magulang, mga guro, at mga tagapagpatupad ng batas, ay nakaiimpluwensiya sa kriminal na gawain ng masa?
Hindi Sapat ang Mabubuting Intensiyon
Karamihan ng mga tao ay sasang-ayon na gustong alisin ng mga pamahalaan ang krimen. Subalit, isang retiradong opisyal ang nagsabi ng ganito tungkol sa kaniyang bansa: “Kakaunti ang nagawa ng pamahalaan upang kumilos nang mabilis at mahusay ang sistema ng hustisya. Walang sapat na mga hukom, kaya ang kakaunting mayroon tayo ay sobrang dami ang trabaho. Ang puwersa ng pulisya ay kulang ng mga tauhan at kulang ng kagamitan. Ang mga pulis kung minsan ay hindi nasusuwelduhan sa panahon, anupat lubhang nakatutukso para sa kanila na tumanggap ng mga suhol.”
Ang pahayagan sa Italya na La Civiltà Cattolica ay dumaraing dahil sa “kawalang-kakayahan ng Estado na lutasin ang organisadong krimen” at pagkatapos ay binanggit nito: “Ang pananagutan ng mga ahensiyang nagpapatupad ng batas at hukuman upang labanan ang krimen ay kinikilala, subalit maliwanag na wala itong epekto sa organisadong krimen; sa kabaligtaran, ang lakas at kapangyarihan nito ay tumitindi.”
Ang mabubuting intensiyon ng pamahalaan upang labanan ang krimen ay maliwanag na hindi sapat. Ganito ang angkop na sinabi ni Anita Gradin, komisyonado sa Europa para sa pandarayuhan at hudisyal na mga bagay: “Kailangan natin ang mas mahusay at mas mabisang mga paraan ng pagtutulungan sa pakikibaka laban sa pagpupuslit at ilegal na pagbebenta ng droga, sa pagpupuslit ng mga tao sa isang bansa at sa ilegal na pandarayuhan, organisadong krimen, pandaraya at katiwalian.”
Hanggang Saan ang Pananagutan ng mga Opisyal ng Batas?
Kinukuwestiyon ng ilan kung hanggang saan ang pananagutan ng mga awtoridad sa pakikibaka sa krimen. Ang dating inspektor heneral ng pulisya sa isang bansa ay nagsabi na ang lahat, kahit sa hayagan man lamang, “ay kumokondena sa katiwalian at sa mga krimen sa kabuhayan.” Gayunman, ang sabi niya, wala namang tunay na pagnanais ang lahat na alisin ang krimen at katiwalian. Maliwanag na minamalas ng parami nang paraming tao—pati na ng mga opisyal ng batas—ang panunuhol, pandaraya, at pagnanakaw bilang katanggap-tanggap na paraan upang umasenso.
Ang bagay na ang marami “na gumagawa ng krimen ay nakalulusot,” gaya ng pagkakasabi rito ng isang opisyal ng adwana, ay walang alinlangang isang dahilan sa pagdami ng krimen. Halimbawa, binabanggit ng lathalaing Ruso ang tungkol sa “walang kahirap-hirap na paglusot ng mga kriminal.” Ito, sabi pa ng lathalain, “ay waring nagpapalakas sa loob ng ordinaryong mga mamamayan na gawin ang pinakamalupit na mga krimen.” Ito ay gaya ng sinabi ng manunulat ng Bibliya mga 3,000 taon na ang nakalipas: “Sapagkat ang hatol laban sa masamang gawa ay hindi isinasagawa agad, kaya’t ang puso ng mga anak ng mga tao ay lubos na nagagalak sa paggawa ng kasamaan.”—Eclesiastes 8:11.
Hindi pagmamalabis na sabihing ang mga pamahalaan ay bigo sa pakikibaka laban sa krimen. Ang pahayagang Aleman na Rheinischer Merkur ay nagkokomento: “Ang takot ng publiko sa pagdami ng mararahas na krimen ay napakatindi at hindi maiibsan ng karaniwang awayan ng pulitikal na partido ni sa pamamagitan ng mga estadistika na nagsasabing ang kalagayan ay hindi naman gaanong masama na gaya ng inaakala.”
Sa halip na ang krimen ay hindi naman gaanong masama na gaya ng inaakala, waring ang kabaligtaran ang siyang mas totoo. Subalit, may pag-asa pa. Palapit na nang palapit ang isang daigdig na walang krimen, at maaaring patuloy kang mabuhay upang makita ito. Ipakikita sa iyo ng susunod na artikulo kung bakit namin sinasabi ito.
[Talababa]
a Ito ang ipinangalan sa suliranin sa Watergate sapagkat sa gusaling ito na may gayong pangalan nabunyag ang anomalya nang ito’y pasukin. Ang iskandalo sa wakas ay humantong sa pagbibitiw sa tungkulin ni Pangulong Richard Nixon ng Estados Unidos at sa pagkabilanggo ng ilan sa kaniyang mga punong tagapayo.
[Blurb sa pahina 6]
Minamalas ng maraming tao ang krimen bilang isang katanggap-tanggap na paraan upang umasenso
[Kahon sa pahina 5]
Isang Lupang Punô ng Karahasan
BRAZIL: “Bilang reaksiyon sa lumalaking daluyong ng karahasan, daan-daang libong tao ang pumuno sa mga lansangan sa bayan [ng Rio de Janeiro], na nagpapahayag ng takot at galit sa krimen na bumihag sa kanilang lunsod.”—International Herald Tribune.
TSINA: “Ang mga gangster ay nagbabalik sa Tsina at ang malalaking krimen ay tila hindi masawata. . . . Sinasabi ng mga dalubhasang Tsino na ang bilang ng mga gang at ‘mga lihim na samahan’ ay mabilis na dumarami anupat di na mabilang ito ng mga pulis.”—The New York Times.
ALEMANYA: “Ang agwat sa pagitan ng pagiging handang gumawa ng karahasan at ng kalagayan na nagtutulak sa isa na gawin ito ay lumiliit. Kaya hindi kataka-taka na ang karahasan ay naging pang-araw-araw na pangyayari.”—Rheinischer Merkur.
GRAN BRITANYA: “Ang antas ng karahasan ay tumaas at mas malamang na gamitin ng manlalabag ang karahasan bilang unang hakbang.”—The Independent.
IRELAND: “Ang mga sindikatong istilong-Mafia ay nag-ugat na sa mataong Dublin at sa mas mahihirap na karatig-pook nito sa kanluran. Ang mga gang ay lalong lubhang nasasandatahan.”—The Economist.
MEXICO: “Mabilis na dumami ang krimen sa napakaikling panahon anupat ito’y nakatatakot.”—The Wall Street Journal.
NIGERIA: “Ang yunit ng pamilya, mga simbahan, moske, paaralan at mga samahan ay nabigo sa kanilang tungkulin na hadlangan ang mga kabataan na masangkot sa krimen, ayon sa tagapagsalita ng pulisya, si G. Frank Odita.”—Daily Champion.
PILIPINAS: “Anim sa bawat sampung pamilya sa Pilipinas ang nagsasabing hindi sila ligtas sa kani-kanilang tahanan o sa mga lansangan.”—Asiaweek.
RUSSIA: “Binago ng mga gang na tulad-Mafia ang isang lunsod na noong mga panahong Sobyet ay isa sa pinakaligtas sa daigdig tungo sa isang tunay na lunsod ng krimen. . . . ‘Sa aking 17 taon sa pagpapatrol,’ ang sabi ng tenyente ng pulisya na si Gennadi Groshikov, ‘ngayon lamang ako nakakita ng ganitong karaming krimen sa Moscow, at ng ganitong kasamang bagay.’”—Time.
TIMOG APRIKA: “Ang di-mapigil at talagang di-masugpong karahasan ay nagbabanta sa bawat isa sa atin, at sa lahat ng ating ginagawa—at dapat na tayong kumilos.”—The Star.
TAIWAN: “Sa Taiwan . . . ang mabilis na pagdami ng panloloob, pagsalakay at pagpaslang ay unti-unting pumasok sa lipunan . . . Sa katunayan, ang krimen ay parami nang parami at sa ilang kaso ay nahihigitan pa yaong sa mga bansa sa Kanluran.”—The New York Times.
ESTADOS UNIDOS: “Ang E.U. ang pinakamarahas na bansa sa industriyalisadong daigdig. . . . Walang ibang industriyalisadong bansa ang katulad nito.”—Time.